Click here to load reader

Mga Alamat

Embed Size (px)

Citation preview

Alamat ng Bulkang TaalNoong unang panahon, ang bayan ng Tagaytay ay pinamumunuan ng isang matanda ngunit makapanyarihang lalaki. Siya ay nagngangalang Lakan Taal. Iginagalang ng mga taombayan si Lakan Taal sapagkat siya ay matalino at makatarungan sa kanyang pamamahala. Halata nga na isang magaling na pinuno ang matanda sapagkat ang kanilang bayan ay maunlad at maasenso. Maayos ang pamamalakad sa bayan at walang balita ng mga kaguluhan dahil sa malaking respeto nila kay Lakan Taal. Maganda rin ang komersyo ng lugar. Maganda at masagana ang kanilang mga ani kung kaya't nakakapamunga sila ng mga kape, abukado at iba pang mga bungang kahoy. Isang araw, dali-daling pinulong ng matanda ang kanyang mga tapat ng taga-sunod. Dinala ni Lakan Taal ang mga alagad sa isang liblib na parte ng kakahuyan. Pinag-sabihan ng matanda ang mga ito na pinagbabawalan na niya ang sinoman na magpunta sa tuktok ng bundok na kanyang itinuro. Sa malayo mapapansin na ang bundok ay luntian at sagana sa mga punong-kahoy. Dahil sa malaki ang paggalang nila sa pinuno ay sumang-ayon ang mga alagad at ipinangakong ipagbibigay-alam sa taong bayan ang utos ng matanda. Pinagsabihan nga ng mga ito ang taombayan at mahigpit namang sinunod ang utos ng pinuno. Walang sinoman ang nangahas na suwayin ang utos ni Lakan Taal. Masaya at kuntento ang mga taong bayan sa pamamalakad ni Lakan Taal ng bigla na lamang nawala ang matanda. Ni wala man lang itong pinagbilinan kung saan siya pupunta. Hinanap ng lahat ang kanilang pinuno ngunit hindi nila ito makita. Nagpunta ang mga alagad hanggang sa kasuluk-sulukang parte ng bayan at maging sa mga kakahuyan ngunit wala si Lakan Taal dun. Walang nakakita o makapagsabi kung nasaan ang matanda. Ilang taon na ang nakalipas simula nang maglaho ang matanda ngunit hindi pa rin ito natatagpuan o bumabalik sa bayan. Kahit masagana ang pamumuhay nila ay hinahanap-hanap pa rin nila ang mabait na pinuno. Isang araw, may nagmungkahi na akyatin nila ang bundok na pinagbawalan ng matanda na puntahan. Baka naman dun daw nagtatago ang matanda. Sumang-ayon ang taong bayan na sabik malaman kung anong meron sa nasabing bundok. At pumanhik nga ang mga ito sa nasabing bundok; sa itaas nakita nila na may malaki itong butas. Sumilip sila sa loob at nakita na puno ito ng mga makikinang na mga bato, mga perlas, diamante at iba pa. Nagtulakan at nag-away- away ang mga ito sa pakikipag-unahang makakuha ng mga yaman. Dumadagundong na boses ni Lakan Taal ang pumigil sa mga ito at nagsabing kaya hindi sila pinapapanhik sa nasabing lugar dahil sa alam niyang ganito lamang ang kahihinatnan ng lahat. Dahil sa galit ni Lakan Taal, hiniling nito sa Bathala na magkaroon ng malakas na kidlat at kulog at unos. Hindi pa natatapos ang matanda na nagsasalita nang dumilim ang paligid at nangyari ang sinabi nito. Lumindol din ng malakas at ang bundok ay nagbuga ng apoy na siyang ikinasawi ng mga taong sumuway sa utos ng matanda. Ang bundok ay pinalibutan ng tubig at maging ang butas sa tuktok ng bundok ay nagkaroon ng lawa upang walang sinoman ang makakuha ng mga kayamanan. Simula noon ay tinawag ang bundok na Taal mula sa matandang pinuno.

Ang Alamat ng Isandaang mga PuloNoong unang panahon, ang Alaminos ay kilala bilang isang maasensong bayan. Sagana ang bayan sa mga likas na yamang dagat. Ang mga mangingisda ay tuwang-tuwa sa dami ng kanilang nahuhuli sa araw-araw. Maski ilang oras pa lamang sila pumapalaot ay tiyak silang babalik sa pampang na puno ng huli ng ibat-ibang klase ng isda. Isang diwata ang nakatira sa karagatan ng Alaminos. Ayon sa mga matatanda may isang perlas ang diwata na siyang nagbibigay ng magandang huli sa mga mangingisda. Inatasan ng diwata ang kanyang nag-iisang anak na si Liglioa na maging tagabantay sa nasabing perlas. Di tulad ng kanyang ina, si Liglioa ay may dugong mortal kung kayat siya ay nakatira sa isang kubo malapit sa pampang at nakikihalubilo sa taombayan. Mahal na mahal ng mga taombayan si Liglioa hindi lamang dahil sa siya ang bantay ng perlas kundi pati na rin dahil mabait at matulungin ang dalaga. Nalaman ng kabilang bayan ang dahilan ng likas na yamang dagat ng Alaminos. Naiingit sila at sa pamumuno ni Datu Masubeg ay nagpasya silang dakpin si Liglioa at itago sa kanilang bayan. Nakakasiguro silang ibibigay ng diwata ang perlas kapag nakita nitong hawak nila ang kanyang anak. Sa ganoon, ang bayan din naman nila ang magkararanas ng masaganang huli. Ngunit bago pa man makalapit ng pampang ang mga taga-ibayo ay tinipon na ni Datu Mabiskeg ang mga mahuhusay na mandirigma ng Alaminos upang ipagtanggol si Liglioa. Nagkaroon nga ng digmaan sa karagatan ng Alaminos. Maraming mga mandirigma ang namatay mula sa parehas na kampo. Nagmakaawa si Liglioa sa kanyang diwatang ina na gumawa ng paraan upang matigil na madugong digmaan. Hiniling niya sa kanyang ina na gumawa na lamang ng isa pang perlas para sa kabilang bayan upang hindi na nila asamin ang perlas ng Alaminos. Ngunit umiling ang diwata. Hindi na raw ito makakagawa ng isa pang perlas. Paliwanag ng kanyang ina na ang tunay na perlas na nagbibigay ng masaganang huli sa taombayan ng Alaminos ay walang iba kundi ang nag-iisa nitong anak- si Liglioa. Nang marinig ni Liglioa ang sinabi ng ina ay napa-isip ito ng mabisang paraan upang matigil na ang awayan. Nagsalita ang dalaga at hiniling nito sa kanyang ina na siya ay pumalaot na lamang at magtago sa ilalim ng dagat upang sa ganoon ay walang sinoman ang makakakuha ng perlas. Pumayag ang diwata sa nais ng dalaga. Mas magiging ligtas para sa lahat ang naisip na paraan ng dalaga. Samantala ang mga patay na mandirigma na palutang-lutang sa karagatan ay unti-unting naging mga pulo. Halos isandaan ang mga nasawi sa nasabing digmaan para sa perlas na nagdudulot ng masaganang huli. Ito ngayon ang naging tanyag na isandaang mga pulo ng Alaminos.

Ang Alamat ng mga BituinNoong unang panahon, walang makikitang buwan o mga bituin sa kalangitan upang magbigay ng liwanag sa gabi. Si Haring Buwan ay naninirahan pa noon sa lupa. Kilala siya bilang isang mahigpit at di pala-ngiting hari. Wala pang asawa ang hari sapagkat ito ay mapili. Marami nang mga hari ang ninais na ipakasal ang kanilang mga anak na dalaga kay Haring Buwan wala ni isa dito ang nagustuhan niya. Sa di kalayuan sa kaharian ni Haring Buwan ay may isang mag-asawa na may magandang anak na dalaga na nagngangalang Aurora. Ang dalaga ay hindi lamang maganda, ito rin ay mabait at matulungin. Napag-alaman ni Haring Buwan ang tungkol sa magandang dalaga kayat dali-dali itong pinuntahan ang bahay ng mag-anak. Nabighani ang hari sa dalaga at iniutos nito na mag-pakasal sila ng dalaga. Tumangi ang dalaga sapagkat meron na itong kasintahan. Ngunit walang silbi ang pagtanggi nito sapagkat iniutos ng hari na kapag hindi papakasal ang dalaga sa kanya ay ipapakulong niya ang mga magulang nito. Walang nagawa ang dalaga kundi magpakasal sa hari. Binigyan ni Haring Buwan si Aurora ng isang magandang pulseras na gawa sa mga kumikinang na bato bilang regalo sa kanilang pag-iisang dibdib. Ang mga bato ay parang mga munting araw na kumikinang maski sa kalayuan. Dinala na nga ni Haring Buwan si Aurora sa kanyang kaharian. Ngunit hindi naging masaya si Aurora sa kaharian kayat madalas itong lumalabas upang mamasyal. Napansin ito ni Haring Buwan at naisip nito na baka nakikipagtagpo ang kanyang asawa sa dati nitong kasintahan. Pinagbawalan ni Haring Buwan si Aurora na lumabas ng palasyo. Nalungkot si Aurora. Ayaw nitong maglagi sa palasyo ng buong araw kasama ang bugnutin at palasigaw na asawa niya kung kayat tumatakas ito sa tuwing natutulog ang asawa ng hapon. Ngunit isang hapon nagising ang hari bago makauwi si Aurora at nalaman nito ang ginawang paglabas ng asawa. Inantay nitong dumating si Aurora at pinagalitan. Napagbuhatan ni Haring Araw si Aurora nang sabihin nitong hindi niya mahal ang asawa kung hindi lamang niya ito tinakot na ipakukulong ang mga magulang ay hindi ito magpapakasal sa kanya.Tumakbo palayo si Aurora. Iiwanan na daw niya ang masungit na asawa. Hinabol siya ni Haring Buwan na humihingi ng tawad sa kanya. Nahawakan ng hari ang kamay ng asawa ngunit nagpumiglas ito at patuloy na tumakbo. Dahil dito, naputol ang pulseras na ibinigay ng hari sa asawa. Umiyak si Haring Buwan at napagtanto nito na mali ang kanyang nagawa sa asawa. Pinulot ni Haring Buwan ang mga makikinang na bato at itinago baka sakaling bumalik pa ang asawa ay muli niya itong ipapagawang pulseras para sa kanya. Ngunit hindi na bumalik si Aurora sa kaharian. Nagpakalayo ito kasama ang mga magulang upang hindi na mahanap pa ng hari. Dahil sa lungkot, napagpasyahan ni Haring Buwan na sa langit na lamang maglagi. Kinuha nito ang mga makikinang na mga bato mula sa naputol na pulseras ng asawa at isinaboy ito sa kalawakan. Ang mga ito ay naging mga bituin. Sa gabi, si Haring Buwan ay lumalabas kasama ng mga makikinang na bato nagbabaka sakaling makita ni Aurora ang mga ito at mapag-isipang bumalik sa piling niya.

Alamat ng UwakMaraming maraming taon na ang nakalipas, may isang mag-asawa ang biniyayaan ng dalawang anak na babae. Masaya ang buhay ng mag-anak kahit simple lang ang pamumuhay. Ngunit maagang namatay ang asawang babae kayat ang lalaki lamang ang naiwan upang magpalaki sa dalawang bata. Habang lumalaki ang mga bata mapapansin ang kaibahan nila sa isat isa hindi lamang sa anyo kundi pati na rin sa pag-uugali. Ang panganay na si Ria ay kayumanggi at maganda. Higit sa lahat, ito ay mabait at matulungin sa kapwa. Siya ang gumagawa ng mga gawaing bahay at madalas tumutulong sa kanilang ama upang manghuli ng isda. Samantala ang bunso na si Uwa ay kabaliktaran ni Ria. Si Uwa ay maputi at may mahaba at mala-mais na buhok. Tiyak na higit itong maganda kaysa sa kanyang nakatatandang kapatid. Wala itong ginawa buong maghapon kundi mag-suklay at tumingin sa salamin habang humahanga sa sariling kagandahan. Hindi ito tumutulong sa gawaing bahay at lalo na sa pangingisda ng ama. Isang katangiang namana ni Uwa sa kanilang namayapang ina ay ang husay sa pagkanta. Napakaganda ng boses nito. Lahat ng makakarinig dito ay nakakasiguro na isang diyosa ng kumakanta. Si Uwa lang ang may katangian sa pagkanta ngunit hindi naiinggit ang kapatid. Masaya si Ria para kay Uwa at sa mga paghangang tinatamo nito. Hindi naglaon namatay din ang kanilang ama. Kinailangan nilang maghanap-buhay upang may makain. Ngunit ang panganay na si Ria lamang ang nangingisda samantalang si Uwa ay naiwan sa bahay lamang. Wala ring ginagawa sa bahay ang bunso. Hindi man lang ito malinisan ang bahay o makapagluto ng makakain ng kapatid sa pag-uwi. Madalas nakiki-usap si Ria na sana tumulong din ang kapatid sa kanya dahil sa nahihirapan na itong mangisda. Hindi naman kasi gawain ng isang batang babae ang mangisda ngunit dahil sa kinakailangan ay ginagawa niya ito. Ang naisip na paraan ni Ria ay kumanta ang kapatid kapalit ng makakain. Ngunit nagalit si Uwa. Hindi raw para lamang sa kung sino ang kanyang boses at lalo nang hindi daw siya ang may reponsibilidad na maghanap-buhay. Ang panganay daw ang dapat na gumawa nito. Walang nagawa ang panganay na si Ria; hindi niya mapilit ang kapatid na tumulong sa kanya. Isang araw, may isang matandang babae ang humingi ng pagkain sa bahay ng magkapatid. Agad na pinatuloy ni Ria at binigyan ng pagkain ang matanda. Nakita ni Uwa ang matanda, pinagalitan niya ang kapatid sa pagbibigay ng pagkain sa gayong kapos sila nito. Pati ang matanda ay pinagalitan at pinagtabuyan sa bahay ni Uwa. Ipinamalas ng matanda ang tunay nitong anyo; ito pala ay isang diwata. Nagulat ang dalawa. Humingi ng paumanhin ang nakababatang kapatid. Ngunit huli na para sa diwata ang hinihinging paumanhin. Nakita na nito ang tunay na ugali ni Uwa. Si Ria, bilang gantimpala sa kabaitan, ay binigyan ng diwata ng magandang buhay at pinagpatuloy naman nito ang pagiging matulungin sa kapwa. Samantala, pinarusahan ng diwata si Uwa. Ginawa niya itong isang maitim na ibon na may pagkapangit-pangit na boses. Ang ibon na iyon ay ang tinawag ngayon na uwak.

Alamat ng PalakaNoong unang panahon, may isang bayan na biniyayaan sa likas na yaman. Sa bayang ito, ang mga pananim ay matataba at hitik sa bunga. Ang kanilang mga gubat ay puno ng mga mababangis na hayop at ibat ibang klase ng punong kahoy. Ang mga alagang hayop ay matataba at malulusog. Maging ang kanilang mga ilog at batis ay hitik sa mga isda na puwedeng makain. Napakaganda ng lugar at masasabi ng sinumang makakita sa bayang ito na sadya ngang pinagpala ang lugar. Subalit kung gaano kaganda ang lugar ay ganoon naman kapangit ang ugali ng mga naninirahan sa bayang iyon. Ang mga taong bayan ay sakim at mapagmataas. Madalas nagkakaroon ng mga away sa pagitan ng mga magkakapitbahay sapagkat ayaw nilang magbigayan. Sa halip na tumulong sa kanilang kapwa ay pulos ang pansariling kapakanan ang iniisip nila. Maging ang mga nagagawing bisita sa kanilang bayan ay hindi ligtas sa kanilang pagmamalabis. Hindi nila tinatanggap ng malugod ang kanilang mga bisita sa halip ay pinalalayas nila ang mga ito lalo na ang mga sa tingin nila ay walang pakinabang sa kanila. Sa isip nila, ang mga taong dumadayo sa kanilang lugar ay nais lamang na nakawin ang kanilang mga likas na yaman kayat pinagtatabuyan nila ang lahat. Isang araw, may dalawang bata ang naligaw sa bayan. Mukhang pagod na pagod ang mga bata at tipong malayo pa ang pinanggalingan. Naghanap ang mga bata ng masisilungan. Nagawi sila sa may batis. Nang makita ng mga bata na malinis ang tubig ay iniunat nila ang kanilang mga kamay upang makainom. Ngunit bago pa man din umabot ang kanilang mga kamay sa tubig ay may narinig silang mga boses na sumisigaw. Lumingon ang mga bata at nakita ang mga taong bayan na nanlilisik ang mga mata sa galit. Pilit na pinalalayas ng mga ito ang dalawa. Nakiusap ang mga bata na kung puwedeng maka-inom ng tubig dahil sa nanunuyo na ang kanilang mga lalamunan sa uhaw. Ngunit nagmatigas ang mga taong bayan. Hindi nila pinainom ang mga bata. higit pa roon, tumalon sila sa batis at hinalo sa pamamagitan ng kanilang mga paa ang tubig nang sa gayon ay naging putikan ito at tiyak na hindi makakainom ang dalawang bata. Sa ginawa ng mga ito ay biglang nagliwanag ang paligid at nag-iba ang anyo ng dalawang bata. Sila pala ay tunay na mga diwata na nagpanggap lamang na mga bata. Nagalit ang mga diwata sa kasakimang pinakita ng mga taong bayan. Pinarusahan ng mga diwata ang mga ito na manatili sa putikang iyon at doon manirahan. Ang kanilang bayan ay maglalaho dahil sa hindi sila karapatdapat sa kayamanang kanilang tinamasa. Hindi pa man natatapos sa pagsasalita ang mga diwata ay nagbago na ang anyo ng mga tao. Bigla silang lumiit at nagkaroon ng mga mahahabang binti. Lumaki din ang kanilang mga mata at humaba ang mga dila. Simula noon ay sa putikan na nga naninirahan ang mga ito. Binabantayan ang sa akala nila ay ang dating mayaman nilang bayan. Sa ngayon tinawag silang mga palaka at napakaingay na nagmamando sa lahat na lumayas.

Alamat ng PagongNoong unang panahon ang talukab ng pagong ay makinis at walang mga lamat tulad ng sa ngayon. Palaging ipinagmamalaki ni pagong ang kanyang talukab. Araw-araw niya itong nililinis at pinapakintab. Ipinagmamayabang niya sa lahat na sa sobrang kinis at kintab nito ay maaring kang magsalamin dito. Hindi lamang kilala si pagong dahil sa kanyang makinis at makintab na talukab. Kilala din siya na isa sa mga madadaldal na hayop sa gubat. Hindi nauubusan ng kuwento si pagong. Minsan nang nag-kausap sila ng kaibigan niyang si palaka ay hindi man lamang nakaimik ang madaldal ding si palaka dahil sa dami ng kuwento ni pagong. Halos buong maghapon na nagkuwento si pagong tungkol sa ibat ibang bagay na nakikita nito sa kagubatan. Isang araw habang nakikipag-kwentuhan si pagong sa mga kaibigang bibe ay may mga galang tagak ang huminto upang uminom sa may batis. Napagod sila sa kanilang biyahe galing sa ibang lugar kung kayat minabuti nilang huminto panandalian upang makapagpahinga. Ang mga tagak ay maingay na nag-uusap tungkol sa kanilang mga nasaksihan sa kabilang ibayo kung saan sila nanggaling. Masaya silang nagtatawanan habang inaalala ang kagandahan ng bayan na kanilang binisita. Narinig ng pagong ang kanilang pinag-uusapan at sa unang pagkakataon ay ito ay napatigil sa pagsasalita. Nakanganga ito habang nakikinig sa mga tagak. Samantalang nagtataka naman ang mga kaibigang bibe kung napano ang madaldal na pagong. Habang nag-uusap pa rin ang mga tagak ay dali-daling sumabat si pagong. Gusto rin daw nitong sumama at makita ang mga sinasabi nilang mga lugar. Tiyak na maganda raw ito at marami pang masasarap na pagkain. Gusto niyang sumama upang sa ganoon ay maikukuwento rin niya sa mga kaibigan kung ano mga makikita niya roon. Naisip niya na meron na naman siyang bagong maikukuwento sa mga kaibigan lalo na at hindi pa rin nakakapunta ang mga iyon sa ibang lugar maliban sa kanilang tinitirahang gubat. Nagtinginan ang mga tagak. Gusto man daw nila siyang isama ay hindi naman nila alam kung paano. Hindi naman siya nakakalipad tulad nila. Nag-isip ang mga tagak at si pagong kung paano nila maisasama ang hayop sa kanilang gala. Nawawalan na nang pag-asa ang pagong ng biglang may naisip ang isa sa mga tagak. Pinag-usapan nila ito at maya-maya ay ipinaalam kay pagong ang plano. Maaari daw nila itong isama kung ito ay kakagat sa isang piraso ng kahoy na kagat-kagat naman ng dalawang tagak sa magkabilang dulo nang sa gayon mabubuhat nila si pagong. Ngunit kinakailangan ni pagong na manahimik at hindi magsalita ng matagal sapagkat malayo ang kanilang lalakbayin at baka ito ay mahulog. Pumayag ang pagong. Kaya daw nitong hindi magsalita ng matagal kayat maya-maya ay lumuwas na nga ang mga tagak kasama siya. Mahigpit ang kagat ni pagong sa kahoy nang sila ay nag-umpisang lumipad ngunit hindi pa sila nakakalayo ay nayamot na siya dahil sa katahimikang naririnig. Binukas niya ang kanyang bibig at uumpisahan na sanang kuwentuhan ang dalawang tagak na may hawak sa kanya nang bigla siyang bumulusok pababa. Walang nagawa ang dalawang tagak kundi tignan ang pagong ng mabilis na nahulog pababa.Nahulog si pagong at pagbasak sa lupa ay tumama ang kanyang talukab sa isang malaking bato. Buti na lamang at ang matigas ang talukab at hindi ang kanyang ulo ang tumama sa bato. Sa taas at lakas ng pagbagsak niya ay nagkalamatlamat ang kanyang talukab. Simula noon ay binawasan na ni pagong ang pagiging madaldal at ang kanyang makinang at makinis na talukab ay nagka-lamat-lamat na.

Ang Alamat ng LansonesNoong unang panahon, sa isang bayan sa Laguna matatagpuan ang napakaraming mga puno na may mga bilog-bilog na bunga. Mukhang masarap ang prutas ngunit wala sino man ang mangahas na kumain nito sapagkat ang mga bunga ay lason. Ni lumapit sa nasabing puno ay ayaw gawin ng mga taong bayan. Napatunayan nilang lason ang mga bunga nang isang araw ay may napadpad na manlalakbay sa kanilang bayan. Dahil sa pagod, naupo ang matanda sa ilalim ng nasabing puno upang makapagpahinga. Nang makita ng manlalakbay ang mga nakasabit na bunga ay bigla niyang naalala ang kanyang gutom at pumitas ng mga ito. May isa sa mga taong bayan ang nakakita nang isubo ng matanda ang bunga. Tinangka niya itong pigilan ngunit huli na ng naabutan niya ang matanda. Nakain na nito ang lasong bunga at unti-unti na itong nangingisay at bumubula ang bibig. Dahil sa pangyayaring ito, mas lalong natakot ang mga taong bayan na lumapit sa puno. Sumapit ang isang matinding tagtuyot sa lugar. Namatay ang mga pananim at ang tanging natira ay ang mga lasong puno na hitik na hitik sa bunga. Taimtim na nag-dasal ang mga taong bayan na matapos na sana ang tagtuyot upang sila ay muling makapagtanim at makapag-ani ng makakain sapagkat malapit ng maubos ang naka-imbak nilang pagkain. Isang araw sa kainitan ng tanghali, isang mahiwagang babae ang dumating at kumatok sa mga pintuan ng mga taong bayan. Nanlilimos ang magandang babae ng makakain. Ngunit walang maibigay ang mga tao sapagkat salat din sila sa pagkain. Isang bata ang lumapit sa magandang babae at nagbigay ng kapiranggot na makakain. Pagpasensyahan na daw niya ito dahil iyon na lamang ang natitira niyang pagkain. Napangiti ang babae at kinuha ang pagkaing inabot ng bata. Pinanood ng bata ang babae habang ito ay kumakain. Pagkatapos kumain, tinanong ng babae ang bata kung bakit nila nasabing salat sila sa pagkain samantalang marami namang bunga ang kanilang mga punongkahoy. Ikinuwento ng bata sa babae na lason ang mga bungang ito. Napangiti ang babae at umiling ito. Pumitas siya ng bunga at pinisil ito hanggang sa lumabas ang laman. Bago pa man napigilan ng bata ang babae ay naisubo na nito ang puting laman ng bunga. Nagtaka ang bata sapagkat walang nangyari sa babae; sa halip nakangiti nitong ibinigay ang prutas sa bata na siya namang tinikman din ang bunga. Masarap at manamis-namis ang prutas. Sa tuwa ng bata ay napasigaw ito at tinawag ang mga kapitbahay upang matikman din nila ang prutas. Nagsilabasan ang mga taong bayan. Noong una ayaw nilang paniwalaan ang bata ngunit di naglaon ay tinikman din nila ito at napag-alaman ngang matamis ang bunga. Hinanap nila ang magandang babae upang pasalamatan ngunit wala na ito. Naniniwala silang tinanggal ng mahiwagang babae ang lason sa mga bunga. Simula ang dating "lason" ay naging "lansones".

Ang Alamat ng PanikiNoong unang panahon, noong bata pa ang mundo ay nagkaroon ng malaking hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga mababangis na hayop at ng mga ibon. Pinagtatalunan nila kung sino ang mas may karapatang manirahan sa malago at mayamang kagubatan. Parehas na ayaw magbigayan ang dalawang pangkat at pinipilit na sila ang mas nararapat kaysa sa isa. Dahil dito nag-away-away ang mga mababangis na hayop at mga ibon. Naglabanan sila upang makita kung sino ang tatagal at mananaig. Patuloy ang labanan buong araw. Tumitigil lamang ito sa gabi upang makapagpahinga ang mga hayop upang sa susunod na araw ang may lakas sila upang ipatuloy ang pakikipaglaban. Ngunit may isang hayop ang hindi niya malaman kung saan siya papanig. Ito ay si Paniki. Palibhasa hindi niya kasi malaman kung mahahanay ba siya na isang mabangis na hayop o di kayay ibon. Ayaw niyang kumampi sa matatalo kung kayat ang ginawa niya ay nagmasidmasid muna ito sa di kalayuan at pinanood ang nagaganap na labanan. Nang sumapit ang hapon at nakita niya na lumalamang ang mga ibon laban sa mga mababangis na hayop ay dalidali itong lumapit sa kampo ng mga ibon at nakihalubilo. Nakita ng mga ibon si Paniki at tinanong siya kung bakit siya asa kanilang kampo samantalang isa naman daw siyang mabangis na hayop. Mabilis na pinabulaan ni Paniki na siya as isang mabangis na hayop; siya raw ay isang ibon. Hindi nga bat meron din daw siyang mga pakpak tulad nila. Nakumbinsi niya ang mga ibon at siya ay isinama sa kanilang pagdiriwang. Kinabukasan ay ganoon ulit ang ginawa ni Paniki. Nanatili siya sa isang mataas na puno at nagmasid-masid ulit muna ito at inantay kung sino ang mukhang nananalo. Dahil lumamang naman sa pagkakataong iyon ang mga mababangis na hayop, sa kanila lumapit si Paniki. Masayang nakihalubilo si Paniki sa mga mababangis na hayop. Ngunit tulad din ng mga ibon, tinanong nila kung bakit siya nasa kanilang kampo samantalang isa siya sa mga kaaway. Pinabulaanang muli ito ni Paniki. Isa daw siyang mabangis na hayop dahil tulad nila meron din siyang matatalim na mga pangil. Ang mga ibon ay wala nga namang mga pangil tulad nila kaya isinama din nila ito sa pagdiriwang. Araw-araw ay ganoon nga ang ginawa ng tusong si Paniki. Natutuwa siya sa husay ng kanyang naisip. Hayaan na lang daw na mapagod ang mga mababangis na hayop at ibon sa pakikipaglaban basta sa kampo ng panalo siya sasama; hagikgik nito. Nanonood nga muna ito at saka lang bumaba sa nananalong grupo. Isang araw, napagod na ang mga diwata sa away ng mga mababangis na hayop at mga ibon. Ipinatawag nila ang mga ito at pinagkasundo. Nagtalaga sila ng mga dibisyon kung saan maninirahan ang bawat hayop. Sa wakas ay natapos din ang matagal na labanan. Nagsisipaguwian na ang mga mababangis na hayop at ibon sa kanikanilang itinalagang mga lugar nang makita nila si Paniki. Dahil sa nakita nila at nalaman ang ginawa nitong pagpapalit-palit ng panig sa nananalong kampo, wala sa mga ito ang may gustong kasama siya sa kanilang pangkat. Pinagtabuyan ng mga mababangis na hayop at ng mga ibon ang kawawang si Paniki. Simula noon ay hindi na nga nakikihalubilo si Paniki sa kahit anong hayop. Dahil sa hiya, tuwing gabi na lamang ito mag-isang lumilipad upang humanap ng kanyang makakain.

Alamat ng AhasBago pa man gumagapang ang mga ahas ay dati na silang may mga paa. Tulad ng iba pang mga hayop, ang mga ahas ay may apat na paa na kanilang ginagamit upang makalakad. Sa gubat, tinuruan ng isang guro ang mga magkakaibigang kobra, sawa at dahong palay ng pagtatanggol sa sarili. Ang mga ito ay tinuruan ng guro sapagkat napansin nito na ang mga ahas ay maliliit at palagi silang kinakawawa ng mga mas malalaking hayop. Matapos ang kanilang pagaaral, natuto nga ang mga ahas ng kakayahang ipagtanggol ang sarili. Mahigpit na ipinagbilin ng guro sa mga ito na wag gamitin ang natutunang kakayahan sa paghahambog lamang. Ito ay gagamitin lang nila kung kinakailangan at sa mabuting layunin lamang. Ngunit dahil sa bagong natutunan, naging mataas ang tingin ng mga ito sa sarili. Saan man sila magpunta ay pinagyayabang nila na itinuro sa kanila ng guro ang kakayahan na ipagtanggol ang sarili maski mas malaki pa ang kalaban. Isang araw, ang mga ahas ay nagkatuwaan at nagpustahan kung sino sa kanila ang pinakamagaling. Nagpatagisang gilas silang tatlo. Dahil dito, ang lahat ng mga hayop sa gubat ay nagkagulo. Sumakit ang katawan ni Leon ng pilipitin ni kobra. Iika-ika si elepante matapos sipa-sipain ni sawa ang kanyang mga binti. Si matsing naman ay napagod at hinihingal sa katatakbo upang maiwasan ang mga suntok ni dahong palay. Narinig ng guro ang ginawa ng mga tinuruan niyang ahas. Napa-iling ito at nag-isip kung paano niya tuturuan ng leksiyon ang mga hambog at malilikot na hayop. Matapos mag-isip ay hinanap niya ang mga ahas. Nang makita ng guro ang mga ahas, ito ay nagdasal. Napatulog niya ang mga ito. Itinali niya at inipit ang mga paa ng malilikot na ahas at pinutol ang mga ito. Nagising ang tatlo at nakita ang putol nilang mga paa. Nasa tabi nila ang kanilang guro. Pinaunawa ng guro na kaya niya pinutol ang mga paa nito ay dahil sa naging hambog ang mga ito dahil sa panibagong natutunan. Pinagsabihan niya ang mga ahas na simula noon ay wala na silang paa at gagapang na lamang sila para makalakad. Hindi na rin nila magagamit ang kakayahan sa pagtatanggol dahil hindi sila karapat-dapat para dito. Simula noon ay gumagapang na lang ang mga ahas. Dahil hindi na rin nila magamit ang kakayanan ng pagtatanggol at sa hiyang dinulot ng pagkakaputol ng paa, sila ngayon ay naging mailap sa ibang mga hayop. Nagtatago sila at nag-aantay ng tamang pagkakataon upang umatake sa kanilang biktima.

Paano Humaba ang Leeg ng GansaAng mga gansa ay may hawig sa ng mga pato ngunit sila ay may mahahabang mga leeg. Subalit noon ang mga gansa ay kahawig na kahawig ng mga pato. Ang kanilang mga leeg ay maliliit din. Ito ang kuwento kung paano nakuha ng gansa ang kaniyang mahabang leeg. May isang gansa ang bagong kasal. Ang dalawang mag-asawa ay nagpasya na itayo ang kanilang pugad sa malapit sa ilog upang sa gayon, paglabas ng kanilang mga bibe ay maturuan agad ang mga ito na lumangoy. Masayang-masaya sa napiling lugar ang mag-asawa. Tago ito upang hindi agad mahanap ng mga maaaring kumain ng kanilang itlog. Isa pa, mababait ang kanilang mga kapit-bahay. Agad na nakahanap ang lalaking gansa ng kaibigan. Ito ay ang isa pang lalaking gansa, isang pato at isang maingay na palaka. Tuwing gabi sila ay nagsasamasama upang mag-usap usap tungkol sa nangyayari sa paligid hanggang sa mag-sawa ang lahat at wala nang maikwento. Minsan, nang magkita ang magbabarkada, masayang ikunuwento ng lalaking gansa na nangitlog na nga ang kanyang asawa at ano mang araw malapit na rin siyang maging tatay. Binati nila ang kaibigan at sinabi sa kanya na mababawasan na kung gayon ang kanyang paglabas-labas sa gabi. Siyempre, ani nila, kinakailangan niyang tulunganng bantayan ang kanilang mga itlog. Ngayon lang naisip ng lalaking gansa na kinakailangan nga rin naman niyang bantayan ang mga itlog. Umuwi siya na iyon pa rin ang nasa isipan. Isang gabi, nakita ng lalaking gansa ang kanyang asawa na pagod at inaantok na. Buong maghapon itong nakaupo at nakalimlim sa mga itlog upang masigurong naiinitan ang mga ito ng pantay-pantay. Naawa ng lalaki at sinabi sa asawa na pwede na itong mag-pahinga ngayong gabi. Siya daw muna ang bahalang mag-babantay at maglilimlim sa mga itlog. Natutuwang pumayag ang babae. Dali-daling tumayo ang babae mula sa pugad. Maganda daw ang naisip ng asawa at namamanhid na ang kanyang puwetan. Naupo na nga ang lalaking gansa at nang unang oras ay masaya pang naglilimlim sa kanilang pugad. Ngunit bigla siyang may narinig mga boses na kilalang-kilala niya. Iyon nga ang boses ng kanyang mga kaibigan na malakas na nagkukuwentuhan at nagtatawanan. Biglang naiingit ang lalaking gansa. Naisip niya na sana ay kasama siya dun na nakikipagkuwentuhan. Ninais nitong makisalamuha o kahit man lang ay marinig ang mga pinagkukuwentuhan ng mga kaibigan. Muntik na itong napatayo mula sa pugad ngunit naalala niya ang mga itlog. Kung kayat iniunat na lamang nito ang kanyang munting leeg upang makita ang barkada. Dahil sa mataas ang talahib kung saan natago ang pugad, hindi pa rin niya nagawang makita ang mga maiingay na nagkukuwentuhan. Hindi pa rin sumuko ang lalaking gansa. Iniunat niya ng iniunat ang kanyang munting leeg hanggang sa nakita niya ang ulo ng mga kaibigan. Subalit tapos ng mag-usap ang mga ito at papauwi na sa kanilang mga bahay. Pilit niyang binaba ang kanyang ulo subalit napansin nitong hindi na maibalik sa dati ang anyo ng kanyang leeg. Kinaumagahan ng bumalik ang babaeng gansa upang humalili sa asawa, nakita niya ang munting leeg ng asawa na humaba sa kaka-unat nito upang makinig sa usapan ng kanyang mga kaibigan. Simula noon ay naging mahaba na ang leeg ng mga gansa.

Alamat ng MatsingNoong unang panahon, may isang mag-asawang magsasaka. Sila ay biniyayaan ng isang dosenang anak na lalaki. Ang mag-asawa ay hindi mayaman ngunit sila ay mapagmahal sa kanilang mga anak. Natutuwa noon ang asawang lalaki, ipinagmamalaki niya sa kanyang mga kaibigang mag-sasaka na meron na siyang katuwang sa pagsasaka sapagkat pulos lalaki ang kanyang naging mga anak. Ngunit ang mga anak na lalaki ay ubod ng tamad at malilikot. Wala silang ibang ginawa kundi mag-laro buong maghapon. Madalas, ang mga bata ay wala sa bahay buong araw. Mahahanap mo sila sa kakahoyan nagtatakbuhan. Libangan nila ang umakyat sa mga puno, mag baging-baging at maghahabulan. Magkukulitan ang mga ito hanggang sa abutin ng gabi at hanapin na ng kanilang mga magulang. Kung hindi man sila mapunta sa kakahoyan, sila ay nasa kanilang bakuran at mamimitas ng mga tanim na prutas ng kanilang ina. Paborito nila ang tanim na saging na namumunga ng madami. Nagugulo naman ang buong kabahayan kapag sila ay nasa loob ng bahay. Nawawala ang mga gamit ng kanilang ina sa pagluluto sapagkat kanila itong itinatago. Ang mga upuan at mga kagamitan ay nasisira dahil sa pagtatalon-talon ng mga ito dito. O di kaya ay pinag-papasapasahan nila ang mga ito na parang bola. Ngunit mapasensya ang mag-asawa sa kanilang mga malilikot na mga anak. Naisip nila na tatanda rin ang mga ito at mawawala din ang pagkapilyo ng mga bata. Magkakaroon din sila ng katuwang sa gawaing bukid at bahay. Nagkamali ang mag-asawa sapagkat habang naglalaon ay lalong gumulo ang mga bata. Madalas na kundi sira ang mga gamit sa bahay ay hindi mahanap ang mga ito dahil sa kalalaro ng mga bata. Ang kanilang mga pananim ay kadalasan ding ubos ang prutas at ang mga punong-kahoy ay putol-putol ang mga sanga. Isang gabi, pag-uwi ng mag-asawa galing sa bukid, dinatnan ng mga ito ang gulo-gulong bahay. Sira-sira ang kanilang kagamitan at higit sa lahat ay wala pang nakahandang pagkain para sa pagod na mag-asawa. Wala ring batang andun sa bahay. Tinawag ng ama ang kanyang mga anak ngunit wala ni isa ang sumagot o nagpakita. Lumabas siya sa bakuran at nakita ang putol-putol na mga puno. Ngunit ala pa ding mga anak ang nakita. Nagpunta sa kakahoyan ang mag-asawa, sigurado silang andun ang mga bata. Sa kakahoyan nga nakita ng mag-asawa ang mga bata na nag-lalambitin at nag-babaging sa mga sanga-sanga. Meron ding mga bata na nag-aaway at walang pakialam na tinatawag na sila ng magulang. Umabot sa sukdulan ang pasensya ng mag-asawa ng makita ang mga tamad na anak na walang ginawa kundi maglaro. Pinulot ng mag-asawa ang sanga na nahulog mula sa puno at ng tangkang papaluin na ang mga bata, ang mga ito ay nagsipag-takbo ng mabilis. Hindi mahabol ng mag-asawa ang kanilang mga anak kung kayat itinapon nalang nila ang mga sangang nahulog mula sa puno. Ang mga sanga ay dumikit sa puwet ng mga bata. Hindi na ito matanggal sa puwetan ng mga bata at naging buntot ang mga ito. Ang mga bata ay tinubuan din ng mahahabang mga balahibo. Simula noon ay hindi na umuwi ang mga bata. Sa mga puno na lang sila tumira, naglalambitin at masayang naglalaro. Sila ang mga unang matsing.

Alamat ng GagambaNoong unang panahon, may isang mag-asawa na biniyayaan ng isang magandang anak na babae. Ang kanilang anak ay tinawag nilang Amba. Ang mag-asawa ay may hanapbuhay na paghahabi ng mga tela. Parehas na galing sa angkan ng mga mahuhusay humabi ang magasawa. Kayat tama lamang na ito rin ay kanyang ipapamana sa nag-iisang anak. Habang maliit pa ang bata ay itinuro na ng mag-asawa kung paano ang humabi. At habang lumalaki na nga ang bata ay unti-unti itong naging bihasa sa paghahabi ng mga tela. Maging ang mga mahihirap na disenyo ay kaya ng gawin ng bata sa murang edad. Nahigitan na nito ang kakayanan ng kanyang ama at ina. Dahil sa kanyang natatanging kakayanan, naging tanyag ang bata sa ibat ibang lupalop. Marami ang dumarayo hindi lamang para bumili ng mga disenyo kundi upang makita rin ang paggawa ng bata. Naging mayaman din ang mag-anak dahil sa mga bentang tela na ginagawa ng bata. Ngunit ang bata ay naging mayabang. Dahil sa alam nito na magaling siya sa kanyang kakayanang paghahabi hinamon nito ang sino man na magkipagtagisan sa kanya. Maraming mga mahuhusay na maghahabi ang tumaggap sa hamon ng batang si Amba. Gusto rin nilang patunayan kung siya nga ay magaling tulad ng napabalita. Nagtagisan ng galing ang mga maghahabi. Napakahusay nga ang bata. Lahat ng magagaling na maghahabi ay napakahanga sa kakayanan ni Amba. Nilaos sila ng bata at dahil dito, mas lalong yumabang ang bata. Ani niya, wala nang makakatalo sa kanyang kakayanan. Maging ang mga diyosa ay kanyang hinamak na wala na ngang makahihigit pa sa galing niya. Narinig ng mga diyosa ang kayabangan ng bata. Hindi na sila nasisiyahan sa nagiging asal ng bata. Isang araw, isang matanda ang nagpunta sa bahay ng bata at hinamon niya ito. Natawa ang bata ngunit pumayag din ito. Mukha namang pangkaraniwan lang ang matanda at baka nga hindi pa nito alam kung paano humabi. Sigurado na siyang walang panalo sa kanya ang matanda. Nag-umpisa ang paligsahan. Maraming tao ang dumalo upang manood kung mananalo ang matanda sa batang si Amba. Naging napakaganda ng telang hinabi ng matanda. Maging si Amba ay natulala sa mahirap na disenyong nagawa ng matanda. Ang pasya nang pagkapanalo ay sa tela ng matanda. Nagngingit-ngit ang bata. Paano daw siya natalo ng isang matanda na mahina na ang mata at uugod-ugod pa. Pinagalitan niya ang matanda at tinulak-tulak ito. Igigiit nito na ang matanda ay nandaya at baka ipinalit lamang ang isang nagawa nang tela sa ginagawa nito. Baka nga si Amba pa gumawa ng tela aniya. Tangka na niyang pagbubuhatan ng kamay ang matanda nang biglang lumiwag ang damit ng matanda at nagbago ang kanyang anyo. Iyon pala ay isang diyosa na nagpapanggap lamang. Hindi na maganda ang asal ng bata ayon sa diyosa. Naging masyadong mayabang ang bata at nararapat daw itong parusahan. Nagbago ang anyo ng bata. Lumiit ito at nagkaroon ng mga mahahabang paa. Umiiyak ang kanyang mga magulang ngunit alam nilang wala na silang magawa para sa bata. Simula noon ang batang si Amba ay naging unang gagamba. Sa ngayon, makikita pa rin ang kahusayan ng mga gagamba sa paghahabi ng kanilang mga bahay.

Alamat ng Munting LoroIto ay kuwento ng dalawang magkasintahan na pilit pinaglalayo ng kani-kanilang mga magkaaway na angkan. Noong bata pa ang mundo, sa isang bayan ay may isang dalawang makangayarihang angkan ang nag-aaway kung sino ang mas karapat-dapat na mamuno sa taong bayan. Parehas na makapangarihan ang bawat pamilya kung kayat hindi sila magkasundo. Ito ay ang angkan nila Datu Dinaganda at Datu Manoo. Ang angkan ng mga Dinaganda ay may nag-iisang anak na dalaga na nagngangalang Marikit. Ang dalaga ay maganda at mabait. Mahal siya ng kanilang nasasakupan sapagkat siya ay matulungin at masayahin. Marami ring mga kalalakihan ang nanliligaw kay Marikit. Samantalang sa angkan naman ng mga Manoo, pinagmamalaki nila ang kanilang panganay na anak na si Maksil. Ang binata ay makisig at matapang. Siya ay isang tunay na mandirigma. Dahil sa mga katangiang ito, maraming babae at maging mga lalaki ang humahanga kay Maksil. Isang araw nang nangangaso ang magiting na binata ay nakita niya sa may talon ang magandang dalaga. Nagustuhan ni Maksil si Marikit kayat nilapitan niya ito at nagpakilala. Matapos noon ay hindi na nilubayan ng lalaki ang babae. Hindi naglaon naging magkasintahan ang dalawa. Ngunit dahil nga sa mortal na magkaaway ang kani-kanilang angkan, sila ay palihim na nagkikita sa kung saan una silang nagkakilala. Isang araw, pinasundan ni Datu Dinaganda si Marikit sa isang alipin. Nakita ng alipin na ang dalaga ay nakikipagtagpo sa anak ng mortal nilang kaaway. Isinumbong ng alipin si Marikit sa kanyang ama. Nagalit si Datu Dinaganda at pinagbawalan ang dalaga na makipagkita sa kasintahan. Ngunit hindi papipigil ang dalaga sa kanyang nararamdaman para sa binata. Nag-isip ito ng plano upang makatakas sa palasyo at makipagkita sa iniirog upang yayain itong lumayo sa kanilang nag-aaway na angkan. Isang tapat na alipin ni Marikit ang lihim na nagbigay ng mensahe kay Maksil upang makipagkita sa dalaga sa dati nilang tagpuan. Pumayag ang binata. Nang gabing magkita ang magkasintahan, sila ay nagsumpaan na walang sino man ang makapaghihiwalay sa kanila. Subalit lingid sa kanilang kaalaman ay sinundan silang parehas ng kanilang mga angkan. Pilit silang pinaglalayo sa isat isa ngunit nagpumiglas ang dalawa. Inilabas ni Maksil ang kanyang sandata at naghamon sa sino man ang lalapit. Nang nakatakbo at nakapagtago ang dalawa mula sa mga humabol sa kanila. Inulit nila ang sumpaan na wala nang makapaghihiwalay sa kanila.Napag-isipan nila na ang tanging paraan upang hindi sila mapaglalayo ay kung parehas na silang walang buhay. Sa gayon wala nang magagawa ang kani-kanilang angkan. Sa oras ding iyon ay kinitil ng magkasintahan ang kanilang buhay habang magkahawak pa rin sa isat isa. Narinig ng mga diyosa ang sumpaan ng dalawa. Humanga ang mga ito sa kanilang pagmamahalan at nanghinayang na hindi nabigyan ng pagkakataon ang dalawa na magsama. Dahil dito, ginawa nilang munting mga loro ang magsing-irog. Tulad ng sumpaan ng dalawa, ang mga munting loro (lovebirds) ay hindi puwedeng paghiwalayin kung hindi mamamatay ang mga ito dahil sa lungkot na mawala ang kasintahan.

Ang Alamat ng SagingNoong unang panahon sa isang nayon ay may magkasintahan. Sila ay si Juana at si Aging.Sila`y labis na nagmamahalan sa bawa`t isa. Ngunit tutol ang mga magulang ni Juana sa kanilang pag-iibigan. Gayun pa man di ito alintana ni Juana. Patuloy pa rin siyang nakikipagkita kay Aging. Isang araw, naabutan sila ng ama ni Juana. Bigla itong nagsiklab sa galit at hinabol ng taga si Aging. Naabutan ang braso ni Aging at ito`y naputol. Tumakas si Aging at naiwang umiiyak si Juana. Pinulot niya ang putol na braso ni Aging at ito`y ibinaon sa kanilang bakuran. Kinabukasan, gulat na gulat ang ama ni Juana sa isang halaman na tumubong bigla sa kanilang bakuran. Ito`y kulay luntian , may mahahaba at malalapad na dahon. May bunga itong kulay dilaw na animo`y isang kamay na may mga daliri ng tao. Tinawag niya si Juana at tinanong kung anong uri ng halaman ang tumubo sa kanilang bakuran. Pagkakita sa halaman, naalaala niya ang braso ni Aging na ibinaon niya doon mismo sa kinatatayuan ng puno. Nasambit niya ang pangalan ni Aging. "Ang punong iyan ay si Aging!" wika ni Juana. Magmula noon ang halamang iyon ay tinawag na "Aging" at sa katagalan ito`y naging saging.