21
1 sa 21 Rebyu sa Progreso ng at Salin-suri ng Piling Dokumento sa Usapang Pangkapayapaan ng Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP): Tungo sa Tagumpay ng Usapang Pangkapayapaang Nakabatay sa Pagkakaisa Para sa Pambansang Kaunlaran ni John Kelvin R. Briones (sanaysay na nagwagi ng Ikatlong Gantimpala sa Gawad Komisyon sa Wikang Filipino/KWF sa Sanaysay 2014 na may temang Wikang Filipino: Wika ng Kapayapaan) ~~~ “Lupa nating hati-hati/Pag-isahin nating muli.” mula sa awiting “Kapayapaan” ng Tropical Depression ~~~ Popular na awitin sa buong Pilipinas ang tunog-reggae na “Kapayapaan,” senyales ng matinding uhaw ng sambayanang Pilipino sa pagkamit ng tunay na kapayapaan sa bansang deka-dekada nang pinagod at pinaluha ng mga digmaang walang katapusan isang trahedyang dinanas at dinaranas pa rin ngayon ng maraming bansa gaya ng pinatutunayan sa ulat Global Peace Index 2014 ng Institute for Economics and Peace, isang respetadong global na think tank sa mga usaping pang-ekonomya at pangkapayapaan. Ayon sa ulat na ito, pang-29 ang Pilipinas sa pinakamagugulong (o di mapayapang) bansa sa buong mundo, at South Sudan naman ang pinakamagulong bansa. Humigit-kumulang 100 bansa ang nakakuha ng mababang marka sa nasabing

Rebyu sa Progreso ng at Salin-suri ng Piling Dokumento sa ... · PDF fileGobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at NDFP mula sa “The ... ng GRP sa panahon ng administrasyong Estrada

  • Upload
    lydieu

  • View
    424

  • Download
    37

Embed Size (px)

Citation preview

Page 1: Rebyu sa Progreso ng at Salin-suri ng Piling Dokumento sa ... · PDF fileGobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at NDFP mula sa “The ... ng GRP sa panahon ng administrasyong Estrada

1 sa 21

Rebyu sa Progreso ng at Salin-suri ng Piling Dokumento sa Usapang

Pangkapayapaan ng Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at National

Democratic Front of the Philippines (NDFP): Tungo sa Tagumpay ng Usapang

Pangkapayapaang Nakabatay sa Pagkakaisa Para sa Pambansang Kaunlaran

ni John Kelvin R. Briones

(sanaysay na nagwagi ng Ikatlong Gantimpala sa

Gawad Komisyon sa Wikang Filipino/KWF sa Sanaysay 2014 na may temang

Wikang Filipino: Wika ng Kapayapaan)

~~~

“Lupa nating hati-hati/Pag-isahin nating muli.”

– mula sa awiting “Kapayapaan” ng Tropical Depression

~~~

Popular na awitin sa buong Pilipinas ang tunog-reggae na “Kapayapaan,” senyales

ng matinding uhaw ng sambayanang Pilipino sa pagkamit ng tunay na kapayapaan sa

bansang deka-dekada nang pinagod at pinaluha ng mga digmaang walang katapusan –

isang trahedyang dinanas at dinaranas pa rin ngayon ng maraming bansa gaya ng

pinatutunayan sa ulat Global Peace Index 2014 ng Institute for Economics and Peace,

isang respetadong global na think tank sa mga usaping pang-ekonomya at

pangkapayapaan. Ayon sa ulat na ito, pang-29 ang Pilipinas sa pinakamagugulong (o

di mapayapang) bansa sa buong mundo, at South Sudan naman ang pinakamagulong

bansa. Humigit-kumulang 100 bansa ang nakakuha ng mababang marka sa nasabing

Page 2: Rebyu sa Progreso ng at Salin-suri ng Piling Dokumento sa ... · PDF fileGobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at NDFP mula sa “The ... ng GRP sa panahon ng administrasyong Estrada

2 sa 21

sukatan ng kapayapaan na sumasaklaw sa iba’t ibang aspekto tulad ng pag-iral ng

domestiko at internasyonal na digmaan; seguridad at kaligtasang panlipunan; at

militarisasyon. Samantala, Europa ang itinuturing na pinakamapayapang kontinente (na

coincidentally ay siya ring pinakamaunlad sa antas ng kita, kalusugan, edukasyon at iba

pang salik na sosyo-ekonomiko). Samakatwid, binibigyang-diin ng ulat na kabi-kabilang

umiiral ang digmaan at kapayapaan sa daigdig.

Ang pagiging global ng trahedya ng digmaan – na pinagkagastahan ng mga bansa

tinatayang $9.8 trilyon noong 2014, ayon sa Global Peace Index Report 2014 – at sa

pag-asang dulot ng kapayapaan ay napakasalimuot kaya’t nangangailangan ng

matamang pagsusuri at paglalagay sa akmang konteksto. Sa pananaw ng mga

gobyernong totalitaryan, ito ang kawalan ng oposisyon sa kanilang paghahari. Sa

pananaw naman ng mga non-government organizations (NGO), walang kapayapaan

kung walang katarungan; may rebelyon sapagkat hindi lahat ay nakikinabang, at sa

halip ay napagsasamantalahan o kaya’y inaapi ng/sa status quo. Alinsunod naman sa

pananaw ng mga rebelde ang kapayapaan ay sinonimo ng pagkawasak ng poder-

imprastraktura ng kinamumuhiang reaksyunaryong gobyerno na hindi nakatutupad sa

nakatalang kasunduang panlipunan (karaniwang nasa Konstitusyon ng alinmang

bansa). Bahagi ng poder-imprastrakturang ito ang monopolyo ng maliit na porsyentong

elite sa resorses ng bansa. Samakatwid, malinaw na may dimensyong ekonomiko ang

pag-iral ng digmaan, at ang paghahangad na makamtan ang kapayapaan sa

pamamagitan ng rebolusyon at/o negosasyon. Alinsunod sa mga teorista sa agham

pampolitika, ang mga isyu ng politikal na ekonomya ay mahalaga sa “porma at paggana

Page 3: Rebyu sa Progreso ng at Salin-suri ng Piling Dokumento sa ... · PDF fileGobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at NDFP mula sa “The ... ng GRP sa panahon ng administrasyong Estrada

3 sa 21

ng mga prosesong pangkapayapaan” na pawang sumasaklaw sa mga usaping gaya ng

kontrol sa likas na yaman, kahirapan at iba pang isyung pangkaunlaran (Selby, 2011).

Bilang kontribusyon sa pagpapalawak ng diskursong Filipino hinggil sa mga

usapang pangkapayapaan, babaybayin ng papel na ito ang progreso ng usapang

pangkapayapaan sa pagitan ng Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at ng

National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na kumakatawan sa Communist

Party of the Philippines (CPP1) at New People’s Army (NPA). Sa praktikal na antas,

ilalahad din sa sanaysay na ito ang salin-suri ng dokumentong “NDFP 10-Point

Proposal for a Concise Agreement for an Immediate Just Peace” (2011), tungo sa

ikapagtatagumpay ng usapang pangkapayapaang nakabatay sa pagkakaisa para sa

pambansang kaunlaran.

Ilang Tala Hinggil sa Mga Kontemporaryong Rebeldeng Grupo: Anim na Blokeng

Di Matinag-tinag

Sa buong daigdig, anim na aktibong makakaliwang rebeldeng grupo na lamang ang

natitira: ang Sendero Luminoso (Landas na Kumikinang) sa Peru, Fuerzas Armadas

Revolucionarias de Colombia-Ejercito del Pueblo/FARC-EP (Armadong Pwersang

Rebolusyonaryo ng Colombia-Hukbo ng Bayan) sa Colombia, Communist Party of

India-Maoist/CPI-M (Partido Komunista ng India-Marxista-Leninista-Maoista) o kilusang

Naxalite sa India, Unified Communist Party of Nepal-Maoist/UCPN-M (Pinag-isang

Partido Komunista ng Nepal-Maoista) sa Nepal, Kurdistan Workers’ Party/PKK (Partido

1 Ginamit sa sanaysay na ito ang Ingles na CPP sa halip na Filipinong PKP sapagkat ang isa pang partido komunista

sa Pilipinas na itinayo noong 1930 ay higit na kilala bilang PKP, bagamat ang CPP na itinatag naman noong 1968 ay ginagamit din ang pangalang PKP sa mga dokumento nito sa Filipino. Sa mga dokumento ng CPP na masisipat online, ang 1968 ay itinuturing na taon ng “muling pagtatatag” ng kanilang partido na ang bulto ng mga unang kasapi ay galing sa PKP na itinatag noong 1930.

Page 4: Rebyu sa Progreso ng at Salin-suri ng Piling Dokumento sa ... · PDF fileGobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at NDFP mula sa “The ... ng GRP sa panahon ng administrasyong Estrada

4 sa 21

ng Mga Manggagawa sa Kurdistan) sa Kurdistan o bahagi ng Turkiya, at Communist

Party Philippines-New People’s Army-National Democratic Front of the

Philippines/CPP-NPA-NDFP (Partido Komunista ng Pilipinas-Bagong Hukbong Bayan-

Pambansa-Demokratikong Prente ng Pilipinas). Ang anim na pangkat na ito ay

naghahangad na wasakin ang mga umiiral na reaksyunaryong gobyerno sa kani-

kanilang bayan upang makapagtayo ng mga sosyalista, komunista, o malasosyalistang2

gobyernong sekular, kaiba sa mga teroristang grupo (ayon sa malawak na konsensus

ng maraming bansa), gaya ng Jemaah Islamiyah, Al Qaeda at Islamic State in Iraq and

Syria (ISIS)3 na walang malinaw na alternatibong nais ipalit sa umiiral na sistemang

sosyo-ekonomiko. Sa anim na aktibong makakaliwang kilusang rebeldeng nabanggit,

iba’t iba rin ang antas ng pag-iral (o kawalan) ng usapang pangkapayapaan.

Sisinghap-singhap na ang kilusang Sendero Luminoso sa Peru dahil ang mga

pinuno nito’y nakabilanggo (Switzer, 2007), at walang nagaganap na usapang

pangkapayapaan sa kasalukuyan dahil itinuturing na terorista ng gobyernong Peruviano

ang nasabing grupo kahit na may mga indikasyon na handang makipagnegosasyon ang

mga natitira pa nitong pinuno (BBC News Online, 2014). Samantala, ang usapang

pangkapayapaan naman sa pagitan ng FARC-EP at ng gobyerno ng Colombia ay nasa

huling bahagi na. Ang bansang Cuba na pinamumunuan ng Partido Comunista de Cuba

(PCC) mula pa noong dekada 60, ang nagbroker ng nasabing usapang

pangkapayapaan. Tatlong mahalagang usapin na ang natalakay at napagkasunduan ng

2 Malasosyalista lamang ang PKK sapagkat wala na itong tahas na pagyakap sa ideolohiyang sosyalismo bagamat

ang baseng masa o mass base nito ay mga manggagawang karaniwan ding baseng masa ng mga tipikal na sosyalista at komunistang kilusang rebelde sa maraming panig ng mundo, at Marxista-Leninista rin ang orihinal nitong oryentasyon hanggang noong madakip ang lider nito noong 1999 (Ocalan, 2007). 3 Ang tatlong grupong ito’y nagtatangkang bumuo ng mga estado o kaya’y supra-estadong Islamiko sa

pamamagitan ng paggamit ng mga pamamaraang itinuturing na teroristiko ng mga gobyerno ng mga bansang Kanluranin sa Hilagang Amerika at sa Europa, at maging sa malaking bahagi ng Third World.

Page 5: Rebyu sa Progreso ng at Salin-suri ng Piling Dokumento sa ... · PDF fileGobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at NDFP mula sa “The ... ng GRP sa panahon ng administrasyong Estrada

5 sa 21

FARC-EP at ng gobyerno ng Colombia, batay sa mga communique na nakapaskel sa

opisyal na website ng FARCP-EP Peace Delegation (2013 at 2014): una, hinggil sa

paglaban sa trafficking ng droga; ikalawa, tungkol sa pagpapatupad ng reporma sa lupa

(redistribusyon ng lupa sa mga magsasaka na baseng masa ng mga rebelde); at ikatlo,

tungkol sa pagbubuo ng truth commission na mag-iimbestiga sa mga paglabag sa

karapatang pantao ng mga aktor sa gera-sibil na kumitil na ng 250,000 Colombiano

mula 1964 (Watts at Brodzinsky, 2014). Muntik nang malagay sa balag ng alanganin

ang usapang pangkapayapaan sa Colombia dahil bago ang eleksyon, liyamado sa

eleksyong presidensyal noong Hunyo 2014 ang ultrakonserbatibong kandidato na

nangakong ibabasura ang pakikipag-usap sa FARC-EP na itinuturing niyang teroristang

grupo4. Samantala, wala pang pormal na usapan sa pagitan ng CPI-M at ng gobyerno

ng India (Banerjee, 2014). Katunayan, tila walang tsansa ang anumang pagtatangkang

diyalogo sa pagitan ng dalawang entidad na ito dahil sa marahas na kampanyang anti-

insurhensya ng India at sa marahas ding pamamaraan ng mga rebelde na hindi

nangingiming targetin ang mga publikong imprastraktura gaya ng tren na

pinaniniwalaang ginagamit ng pulisya at militar ng India, bagay na karaniwang

nagreresulta rin sa mga kaswalting sibilyan. Gayunman, lumalawak naman ang suporta

para sa mga Naxalite sanhi ng malawakang diskriminasyon laban sa at dislokasyon ng

mga Adivasi na nakatira sa mga kagubatang balak gawing minahan ng gobyerno at ng

mga dambuhalang korporasyong Indian at dayuhan, bagay na tinatalakay na maging ng

mga mainstream na pelikulang Bollywood gaya ng “Chakravyuh5” (2012).

4 Idineklarang nagwagi sa eleksyon noong Huntyo 15, 2014 ang kandidato na nagsimula ng usapang

pangkapayapaan at ngayo’y nasa ikalawa na niyang termino. 5 Ipinakete ng pelikulang ito ang pagtalakay sa pakikibaka ng mga Naxalite sa tipikal na Bollywood film na lunod sa

usaping romantiko/romantisista at musika. Gayunman, matagumpay ang nasabing pelikula sa makatotohanan at

Page 6: Rebyu sa Progreso ng at Salin-suri ng Piling Dokumento sa ... · PDF fileGobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at NDFP mula sa “The ... ng GRP sa panahon ng administrasyong Estrada

6 sa 21

Sa Nepal naman, may truce sa pagitan ng gobyerno at ng UCPN-M dahil kasama sa

malawak na kilusang anti-monarkiya ang mga komunista, at mula noong 2008 ay

bahagi na ng gobyerno ang mga kasapi ng UCPN-M. Anu’t anuman, tila hindi pa ganap

na tapos ang gera-sibil doon sapagkat may paksyon sa loob ng UCPN-M na hindi pa

ganap na kumbinsido sa kakayahan ng kanilang hanay na pangibabawan ang umiiral

na gobyernong koalisyon. Katunayan, hindi pa nadidisbando ang lahat ng kasapi ng

hukbong sandatahan ng UCPN-M, at tila naghihintay ang marami sa kanila ng

kautusang muling isulong ang armadong rebolusyon, sakaling lumihis ng landas ang

gobyernong koalisyon na inaasahang magpapatupad ng malawakang repormang

panlipunan upang maiahon sa kahirapan ang mga mamamayan ng Nepal. Noong 2012,

pumaksyon mula sa UCPN-M ang isang bloke na naniniwalang rebolusyon pa rin at di

parlamentaryong pakikibaka ang mapagpasya sa pagkamit ng tagumpay. Itinayo nila

ang Communist Party of Nepal-Maoist (CPN-M). Samantala, nakabilanggo rin ang

pinuno ng PKK na si Abdullah Ocalan, ngunit may usapang pangkapayapaan sa

pagitan ng kanyang liderato at ng liderato ng gobyerno ng Turkiya (Letsch, 2013).

Kapansin-pansin ng lahat ng usapang pangkapayapaan ng mga ito’y isinasagawa

gamit ang kani-kanilang wika (na pawang di Ingles), di gaya sa Pilipinas na English ang

default language ng dalawang pangkat. Lahat ng mga dokumentong napirmahan ng

Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at NDFP mula sa “The Hague Joint

Declaration” (1992) hanggang “Comprehensive Agreement on Respect for Human

Rights and International Humanitarian Law Between the Government of the Republic of

humanistikong paglalarawan sa puno’t dulo ng rebelyong komunista sa India na mahigit apat na dekada na ring naglalagablab dahil sa kabiguan ng gobyernong sentral na paunlarin ang buhay ng mayorya ng mga mamamayan.

Page 7: Rebyu sa Progreso ng at Salin-suri ng Piling Dokumento sa ... · PDF fileGobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at NDFP mula sa “The ... ng GRP sa panahon ng administrasyong Estrada

7 sa 21

the Philippines and the National Democratic Front of the Philippines6” o “CARHRIHL”

(1998), Ingles ang orihinal na wika ng mga dokumento at ng mga negosasyon. Maging

ang mga press release at ang mga website ng dalawang panig ay nasa Ingles. Sa

unang sipat, tila etse-pwera ang mga ordinaryong mamamayan sa diskurso ng

kapayapaan, kung paanong etse-pwera rin ang mga ordinaryong mamamayan sa

diskurso ng pagpaplanong pangkaunlaran7 sa bansa. Katunayan, sa aklat na “Costly

Wars, Elusive Peace: Collected Articles on the Peace Processes in the Philippines,

1990-2007” (2013) ni Miriam Coronel Ferrer, mahihinuhang ang mga usapang

pangkapayapaan sa bansa ay kontrolado ng elite at ng paggitnang uri sa bansa, batay

na rin sa komposisyon ng mga panel ng gobyerno at ng mga rebelde, at ng mga NGO

at iba pang pormasyong nagtaguyod at nagtataguyod sa mga negosasyon. Kung

makalahok man ang masa sa mga negosasyon, karaniwang sa mga konsultatibong

forum lamang, sa halip na sa mga aktwal na negosasyong pinangingibabawan ng mga

uring may mataas na edukasyon at karaniwang Ingles ang default na wika ng

komunikasyon. Sa ganitong diwa, mahalagang sipatin ang mga pagsisikhay ng

magkabilang panig sa Filipinisasyon ng usapang pangkapayapaan.

6 Sa aktwal, ito na ang pinakamakabuluhang kasunduan na pinirmahan ng GRP at ng NDFP sa isyu ng paggalang sa

karapatang pantao ng mga kombatant sa magkabilang panig. Sa konteksto ng NDFP, itinuring nila ang paglagda rito ng GRP sa panahon ng administrasyong Estrada bilang isang pagkilala sa estadong belligerent ng NDFP. Sa konteksto naman ng gobyerno, diumano’y pagpapatunay ito ng kanilang komitment sa internasyunal na mga kasunduan sa karapatang pantao. Anu’t anuman, ang dalawang panig ay regular na nagbabatuhan ng putik hinggil sa mga paglabag sa kasunduang ito. Mas masininsin ang dokumentasyon ng NDFP kaya’t sa ngayon, mas maraming nakatalang paglabag ang panig ng GRP. Sa kasamaang-palad, hindi pa napagagana ang mekanismo ng pagsasakdal at pagbibigay-diin sa pananagutan ng mga nasa likod ng mga paglabag sa kasunduan, sapagkat hindi pa rin muling umuusad ang usapang pangkapayapaan bunsod ng mga prekondisyong inihahapag ng magkabilang panig. 7 Katunayan, mula noong panahon ng Komonwelt, hanggang sa panahon ng makawikang Filipinong administrasyon

ni Noynoy Aquino (batay lamang sa paggamit niya nito, at hindi sa pangkalahatang polisiya ng kanyang gobyerno na mapatutunayang taliwas sa personal na adbokasi ng pangulo), Ingles ang wika ng pagpaplanong ekonomiko sa bansa. Halimbawa, ang “Philippine Development Plan 2011-2016” ng kasalukuyang administrasyon ay nasa Ingles at ni walang salin o buod man lamang sa wikang Filipino.

Page 8: Rebyu sa Progreso ng at Salin-suri ng Piling Dokumento sa ... · PDF fileGobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at NDFP mula sa “The ... ng GRP sa panahon ng administrasyong Estrada

8 sa 21

Mga Pagsisikhay sa Filipinisasyon ng Usapang Pangkapayapaan

Sa pangkalahatan, minimal ang pagtatangka ng dalawang panig hinggil sa

Filipinisasyon ng usapang pangkapayapaan. Sa panig ng mga rebelde, inilathala ng

NDFP ang salin sa Filipino ng orihinal na Ingles na teksto ng CARHRIHL noong 2005.

Ayon sa isang liham sa madla (29 Agosto 2008) ni Fidel V. Agcaoili, tagapangulo ng

NDFP Human Rights Monitoring Committee, nirebisa at muling inilimbag ang salin ng

nasabing dokumento noong 2008, batay sa “mga puna at feedback na tinanggap mula

sa mga indibidwal at mga samahan,” na may pasubaling tumatanggap pa rin sila ng

puna para sa panibagong rebisyon, kung kinakailangan. Noong 2006 naman ay

inilathala ng NDFP ang ikalawang edisyon ng 105-pahinang “Praymer Hinggil sa

CARHRIHL” sa Filipino at Ingles. Naglalaman ito ng mga makabuluhang tanong-sagot

hinggil sa pinakakomprehensibong kasunduang nilagdaan ng GRP at ng NDFP. Ang

nasabing praymer ay inilathala na rin ng NDFP sa Bisaya, Ilocano, at Hiligaynon. Bukod

dito, naglabas na rin ang NDFP ng isang-pahinang pamphlet na nagbubuod sa mga

mahahalagang probisyon ng nasabing dokumento sa Ingles at sa Filipino. Bukod sa

mga printed na mga materyal na nabanggit, inilathala na rin ng NDFP sa pamamagitan

ng padepaonline.com (website na minamantine ng Pambansang Kawanihan sa

Edukasyon ng CPP) ang mga sumusunod na dokumento: “Mga Panayam at Pahayag

Hinggil sa Usapang Pangkapayapaan sa Pagitan ng GPH at NDFP” ni Jose Maria

Sison; “Talumpati ni Senador Benigno Aquino III sa Forum sa Kapayapaan at

Seguridad” at artikulong “Hinggil sa CARHRIHL.”

Sa perspektiba ng NDFP, batay sa mga publikasyon nito, ang Filipinisasyon ng

kanilang ideolohiya at politika sa pamamagitan ng pagsasalin ng iba’t ibang

Page 9: Rebyu sa Progreso ng at Salin-suri ng Piling Dokumento sa ... · PDF fileGobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at NDFP mula sa “The ... ng GRP sa panahon ng administrasyong Estrada

9 sa 21

makabuluhang dokumento ay katumbas ng pagbibigay-lakas o empowerment sa mga

ordinaryong mamamayan na pinapangarap nitong imulat, organisahin, at pakilusin para

sa isang radikal na adyendang sosyo-ekonomiko na magpapalaya sa sambayanan

mula sa tinagurian nitong “tatlong salot na imperyalismo, burukrata-kapitalismo, at

pyudalismo” (Sison, 2013). Para sa NDFP at mga kagaya nitong rebeldeng grupo, ang

pagpapalaganap ng kanilang programa ay magiging mabisa lamang sa wika ng mga

ordinaryong mamamayan. Samakatwid, imperatibo sa konteksto ng mga rebelde ang

magsalin nang magsalin ng mga teksto na magiging kapaki-pakinabang sa paglilinaw

ng kanilang paninindigan at plataporma hinggil sa iba’t ibang suliraning panlipunan, lalo

na yaong may kinalaman sa kabuhayan ng sambayanan. Sa ganitong sitwasyon,

malinaw ang kabuluhan ng winika ng mga teoristang gaya nina Paoli at Da Silva sa

mga kilusang panlipunan na “...nagmomobilisa para sa kapayapaan, sa layuning

ilangkap sa publikong arena ang mga grupong dating nasa laylayan lamang ng lipunan,

at labanan ang mga diskursong nagpailalim sa kanila sa isang makapal na sapot ng

diskriminasyon at eksklusyon” (Mouly, 2011). Sa konteksto nito, lohikal na magsikhay

ang NDFP na itaguyod ang Filipinisasyon ng mga dokumento ng usapang

pangkapayapaan para lalong bigyang-diin ang representasyon nito ng “mga tinig mula

sa ibaba” – alinsunod sa pariralang nilikha ni Gimenez Maceda8 (1996) – na hindi Ingles

o anupamang wikang dayuhan ang sinasalita.

Samantala, wala ni isa mang dokumento ng usapang pangkapayapaan ang

isinalin ng GRP. Ang mga publikasyon ng Office of the Presidential Adviser on the

Peace Process (OPAPP) na siyang nangungunang ahensya ng gobyerno sa lahat ng

8 Ang kanyang nalathalang disertasyon ay isang detalyadong dokumentasyon at historisasyon ng mas naunang

kilusang komunistang itinatag noong 1930, sa pamamagitan ng mga awit ng Partido Socialista ng Pilipinas (PSP) at Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) na naisalba niya mula sa muntik nang kolektibong pagkalimot.

Page 10: Rebyu sa Progreso ng at Salin-suri ng Piling Dokumento sa ... · PDF fileGobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at NDFP mula sa “The ... ng GRP sa panahon ng administrasyong Estrada

10 sa 21

usapang pangkapayapaan, ay pawang nasa Ingles, pati ang buong website nito. Sa

kabutihang-palad, may pagtatangka ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na

itaguyod ang wikang Filipino bilang wika ng pagkakaisa at kapayapaan sa buong

kapuluan. Nooog Pebrero 13-15, isinagawa ng KWF ang aktibidad na may temang

“Wika ng Kapayapaan: Pambansang Summit at Palihan” na ginanap sa Malaybalay,

Bukidnon at nagbuklod sa mga “kinatawan ng mga pangkat etniko” sa buong bansa

(Añonuevo, 2014). Sa nasabing summit, pinagtibay ng mga delegado ang isang

resolusyon na nagrerekomenda kay Pangulong Benigno S. Aquino III na gamitin “...ang

wikang Filipino sa mga kasunduang pangkapayapaan at iba pang kaugnay na batas.”

Ayon sa nasabing resolusyon, “...ang kaganapan ng kapayapaan ay matatamo lamang

sa paggamit ng wikang pambansang Filipino—katuwang ang mga katutubong wika sa

buong Filipinas9 — na magbibigay ng nagkakaisang lakas, talino, at ambag ng lahat ng

mamamayang Filipino, anuman ang lipi, paniniwala, at uring pinagmulan.” Sa nasabing

summit, nanawagan din ang mga delegado “...na dibdibang harapin ng pamahalaan,

lalo na ng mga kinauukulang ahensiya o sangay nito, na ang mga balangkas ng

Kasunduang Pangkapayapaan at ang mga batas na ipinaiiral sa bansa ay dapat isulat

sa wikang Filipino nang may katumbas na teksto sa mga katutubong wika ng mga

pangkat etniko, at kaugnay nito, isangkot ang Komisyon sa Wikang Filipino sa

mabilisang pagsasalin sa wikang Filipino ng mga batas na kasalukuyang pinaiiral para

sa Kasunduang Pangkapayapaan at para sa kapakanan at karapatan ng mga pangkat

etniko.” Lagpas pa sa ganitong panawagan, ang mga delegado, sa pamamagitan ng

naturang resolusyon ay nagpanukala rin ng pagsasagawa ng mga malawakang

konsultasyon sa mga pangkat etniko ng bansa “sa pamamagitan ng wikang

9 Pinanatili ang orihinal na baybay nito sa pinagkunang blog ng direktor-heneral ng KWF.

Page 11: Rebyu sa Progreso ng at Salin-suri ng Piling Dokumento sa ... · PDF fileGobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at NDFP mula sa “The ... ng GRP sa panahon ng administrasyong Estrada

11 sa 21

mauunawaan ng lahat, bago magsagawa ng mga proyektong pangkaunlaran sa mga

lupain at tubigan, gaya ng impraestruktura at pagmimina, na makaaapekto sa kanilang

kultura at pag-iral; at kaugnay nito ay gamitin ang Filipino sa antas ng barangay.”

Walang dudang isang panandang bato sa kasaysayan ng bansa ang ganitong

pagsisikhay ng KWF na pagkaisahin10 ang iba’t ibang pangkat-etniko sa ilalim ng

bandila ng wikang Filipino bilang pangunahing wika ng mga konsultasyon at

negosasyong pangkapayapaan sa buong bansa. Kung tutuusin, maituturing ito na isang

pagsalubong sa mga paralel na pagsisikhay ng NDFP na magsalin ng mga teksto ng

usapang pangkapayapaan sa Filipino at sa iba pang wika ng Pilipinas. Ang ganitong

salubungan ay maaaring magluwal ng mas malawak na baseng masa ng mga usapang

pangkapayapaan, sapagkat ang parehong panig ay makapagsasalita na bilang mga

tunay na kinatawan ng “mga tinig na mula sa ibaba.” Susi sa pagpapatupad ng ganitong

ambisyosong proyekto ang binabanggit ng resolusyon na paggamit ng wikang Filipino

sa mga konsultasyong kaugnay ng mga proyektong pangkaunlaran na makaapekto sa

mga komunidad na pinangyayarihan din ng digmaan sa pagitan ng gobyerno ng bansa

at ng mga rebeldeng grupo gaya ng CPP-NPA na kinakatawan ng NDFP sa mga

negosasyong pangkapayapaan. Ang mga ganito mismong konsultasyon ang hinihingi at

hangad isagawa ng mga pangkat na simpatetiko sa mga baseng masa ng mga rebelde

na pinakaapektado ng mga proyektong pangkaunlaran ng gobyernong sentral. Kung

maisasakatuparan ang Filipinisasyon ng mga konsultasyon sa mga proyektong

10

Nagaganap ito sa panahong may mga mangilan-ngilang tinig pa ring maririnig na kumokondena sa wikang Filipino bilang diumano’y “Tagalog lamang din” o yaong mga nagsasabing “Ingles ang mainam na lingua franca dahil comparative advantage natin iyon” o kaya’y ang claim na “hindi gumagamit ng wikang pambansa ang mga lumad.” Samakatwid, napakahalaga ng ginawang pagsisikhay ng KWF na tipunin ang mga kinatawan ng iba’t ibang pangkat etniko mula sa Luzon, Visayas, at Mindanao upang ipakita na ang wikang Filipino ay functional o gumagana nang lingua franca ng mga Pilipino, taliwas sa mga walang batayang patutsada ng mga nabubulagang maka-Ingles at/o rehiyonalista.

Page 12: Rebyu sa Progreso ng at Salin-suri ng Piling Dokumento sa ... · PDF fileGobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at NDFP mula sa “The ... ng GRP sa panahon ng administrasyong Estrada

12 sa 21

pangkaunlaran, tiyak na ang Filipino rin ang wikang magiging tulay para sa pagbubuo

ng konsensus sa mga usaping pangkapayapaan sa mga pamayanan.

Sa implementasyon ng ganitong proseso, mahalaga ang papel na gagampanan ng

mga NGO, ng midya at ng akademya. Ang tatlong blokeng ito’y may sapat at aktwal na

karanasan sa paggamit ng wikang Filipino at ng iba pang wika ng mga mamamayan.

Sila ang mga tinig na maaaring magsilbing tagapagtaguyod ng mga panawagan ng mga

komunidad na marginalized. Dahil may mas mataas na edukasyon, ang mga nasa

NGO, midya, at akademya ay mabisang kaalyado ng mga komunidad sa pagsusulong

ng panawagang Filipinisasyon ng mga negosasyon at konsultasyong pangkapayapaan.

Ang mga NGO ang mangangalampag at magpapasimuno sa mga konsultasyon at

impormal na negosasyon. Ikokober naman ito ng midyang bihasa sa mga wikang

sariling atin. Samantala, ang akademya naman ang magpapadala ng mga eksperto sa

larangan na babad sa realidad na kinikilusan ng mga tinig mula sa ibaba. Bilang mga

kaalyado ng mga ordinaryong mamamayan sa komunidad, ang tatlong blokeng ito ang

magtitiyak na ang gobyernong sentral ay makikinig at makikilahok sa mga konsultasyon

at negosasyon sa mga komunidad.

Tungo sa Tuwid na Landas ng Kapayapaan: Elaborasyon at Pagpapalaganap ng

Filipinisadong Kasunduan sa Mga Usaping Sosyo-Ekonomiko

Isa sa mga dokumento na maaaring maging sentro ng talakayan, konsultasyon

at negosasyon ang “NDFP 10-Point Proposal for a Concise Agreement for an

Immediate Just Peace” (2011). Bagamat hindi gaanong napagtuunang-pansin ng

madla, napakamakabuluhan ng paglilimbag ng nasabing dokumento. Ito ang isa sa

Page 13: Rebyu sa Progreso ng at Salin-suri ng Piling Dokumento sa ... · PDF fileGobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at NDFP mula sa “The ... ng GRP sa panahon ng administrasyong Estrada

13 sa 21

pinakamabisang pagtatangka ng NDFP na ipakita ang kahandaan nitong pabilisin ang

daloy ng usapang pangkapayapaan na nabalaho sa usapin ng pagpapatupad ng mga

repormang sosyo-ekonomiko na nakatuon sa pagresolba sa ugat ng digmaan (Sison,

2005 sa post-scriptum ng nasabing dokumento). Upang lalong maging malinaw ang

ganitong pagtataya, mahalagang sipatin ang nilalaman ng nasabing napakaikli ngunit

napakalamang dokumento11. Kung pakasusuriin, ang mga nilalaman ng proposal ng

NDFP ay mga patakarang alingawngaw rin ng mga probisyon sa Konstitusyong 1987

hinggil sa karapatang pantao, karapatan ng mga manggagawa, katarungang

panlipunan, ekonomyang nagsasarili at nasyonalista, edukasyong makabayan at

makamasa, mabuting pamamahala at iba pa. Para mapatunayan ito, inilagay ng may-

akda sa panaklong ang probisyon sa Konstitusyong 1987 na maaaring maging batayan

sa pagtanggap ng mga partikular na proposal ng NDFP:

Ang 10-Puntong Proposal ng NDFP Hinggil sa Isang Maikling Kasunduan Para sa

Agarang Makatarungang Kapayapaan

1. Pag-isahin ang mamamayang Pilipino sa pamamagitan ng malawak na alyansa ng

mga makabayan at progresibong pwersa at isang malinis at tapat na gobyernong

koalisyon para sa tunay na pambansang kasarinlan at demokrasya laban sa anumang

11

Ingles ang orihinal, at ang salin sa sanaysay na ito ay sariling salin ng akda. Wala pang opisyal na salin na inilalabas ang NDFP. Ang nasabing dokumento ay resulta ng analisis ng NDFP hinggil sa isolasyon ng rehimeng Macapagal-Arroyo noong 2011 bunsod ng mga kontrobersyang kaugnay ng korapsyon at pandaraya sa eleksyon na nagbunsod ng mga dambuhalang kilos-protesta na nananawagan ng pagbibitiw o pagpapatalsik sa pwesto ng noo’y presidenteng si Gng. Gloria Macapagal-Arroyo. Ni hindi tinugon ng rehimeng Macapagal-Arroyo ang paulit-ulit na hiling ng NDFP na pag-usapan ang nasabing dokumento upang muling sumulong ang usapang pangkapayapaan. Sa kasalukuyan, sa ilalim ng ikalawang administrasyong Aquino ay patuloy na nananawagan ang NDFP na pasimulang muli ang usapang pangkapayapaan sa pamamagitan ng pagtalakay sa nasabing dokumento. Sa kasamaang-palad, hindi pa rin nagpapasya ang gobyerno ng Pilipinas hinggil sa pagtalakay nito. Sa aktwal ay “mahimbing na natutulog” ang negosasyon sa pagitan ng NDFP at ng GRP, bagamat pana-panahong may balita hinggil sa overture o minsan nama’y pagpapatutsadahan ng magkabilang panig.

Page 14: Rebyu sa Progreso ng at Salin-suri ng Piling Dokumento sa ... · PDF fileGobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at NDFP mula sa “The ... ng GRP sa panahon ng administrasyong Estrada

14 sa 21

dayuhang dominasyon o pagkontrol at laban sa pagpapaalipin. (Artikulo II, Seksyon 1,

5, at 9)

2. Palakasin ang uring manggagawa at magsasaka sa pamamagitan ng pagrespeto sa

kanilang demokratikong karapatan at pagtatakda ng makabuluhang representasyon sa

mga organo ng gobyernong koalisyon at pagtulong sa mga organisasyon, programa at

proyekto ng uring anakpawis. (Artikulo XIII)

3. Pangalagaan ang ekonomikong soberenya, magsagawa ng nasyonalistang

industriyalisasyon at reporma sa lupa at tuligsain ang imperyalistang pandaramdong at

korapsyong burukratiko at militar, upang mapaunlad ang pambansang ekonomya.

(Artikulo II, Seksyon 19; Artikulo XIII; Artikulo XIV, Seksyon 11)

4. Kanselahin ang dayuhang utang at paliitin ang pondo para sa militar at iba ang

armadong organisasyon ng GRP upang makapaglaan ng sapat na resorses at salaping-

impok para sa kaunlarang ekonomiko, pagpapabuti sa pamamaraan ng paghahanap-

buhay, pagbura sa kahirapan, pagpapatupad ng pagkakapantay-pantay sa kasarian,

pagtataguyod sa karapatan ng mga kabataan at malusog na kapaligiran. (Artikulo XIII)

5. Itaguyod at suportahan ang makabayan, siyentipiko at makamasang kultura sa

pamamagitan ng sistemang pang-edukasyon, mass media at organisasyong masa,

pahalagahan ang pamanang kultural ng bansang Pilipinas at lahat ng etno-

linggwistikong komunidad sa bansa. (Artikulo XIV)

6. Kilalanin ang karapatan sa determinayon sa pagsasarili at awtonomiya ng mga

pambansang minorya, tiyakin ang proposyonal na representasyon sa gobyernong

koalisyon at mga institusyon at magtakda ng positibong aksyon upang baliktarin ang

Page 15: Rebyu sa Progreso ng at Salin-suri ng Piling Dokumento sa ... · PDF fileGobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at NDFP mula sa “The ... ng GRP sa panahon ng administrasyong Estrada

15 sa 21

matagal nang umiiral na diskriminasyon at inhustisya. (Artikulo II, Seksyon 10; Artikulo

XIII)

7. Imbestigahan at litisin ang mga opisyal ng gobyerno na sangkot sa pagtataksil sa

bayan, korapsyon at paglabag sa karapatang pantao. (Artikulo XI)

8. Bumuo ng ganap na malayang patakarang panlabas para sa pandaigdigang

kapayapaan at ekonomikong pag-unlad, tuligsain ang mga imperyalistang hakbang at

pandayuhang agresyon at pakikialam, at hadlangang ang pananatili sa bansa ng mga

dayuhang tropa at armas na pamuksa sa madla. (Artikulo II, Seksyon 7 at 8)

9. Magmantini ng normal na pakikipagkalakalan at diplomatikong relasyon sa lahat ng

mga bansa at linangin ang pinakamalapit na relasyon sa iba pang bansang ASEAN,

China, South at North Korea, Japan, at Russia, na nagbibigay diin sa patas na

pagpapalitan ng mga produkto, pagbili ng mga produkto para industriyalisasyon at

paggarantiya sa suplay ng enerhiya. (Artikulo II, Seksyon 7)

10. Magbigay-daan sa kasunduan sa pagitan ng magkalabang pwersa ng GRP at

NDFP para sa pakikipag-alyansa at iba pang mga konstruktibong layunin gaya ng

nabanggit sa itaas. (Artikulo II, Seksyon 2)

Kongklusyon: Kapayapaan, Katarungang Panlipunan, Liberasyon at Edukasyon

Bakit kailangang puspusang gamitin ang wikang pambansa sa elaborasyon ng

mga ganitong programang ekonomiko na makalulutas sa mga ugat ng digmaan? Ang

sagot ay nasa kalikasan ng politika ng wika sa bansa. Marami nang sanaysay at pag-

aaral gaya ng kay Agcaoili (2007) at San Juan (2009) ang nagbigay-diin sa dalawang

blokeng pangwika na sumasalamin din sa mga blokeng sosyo-politikal at ekonomiko sa

Page 16: Rebyu sa Progreso ng at Salin-suri ng Piling Dokumento sa ... · PDF fileGobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at NDFP mula sa “The ... ng GRP sa panahon ng administrasyong Estrada

16 sa 21

bansa. Ang kawalan ng akses ng mga ordinaryong mamamayan sa sapat na

edukasyong makapagbibigay sa kanila ng kakayahan at kasanayang makabahagi sa

resorses ng bansa ay hinahadlangan ng patuloy na pangingibabaw at “salamangka ng

Ingles” na sumusuhay sa status quo na “nagtitiyak ng benepisyo” para sa mga

naghaharing uri na gumagamit at nagpapanatili ng wikang iyon (Agcaoli, 2006) na

nagluluwal na isang huwad na demokrasya. Ang pag-iral ng ganitong “demokrasyang

piramidikal” mula noong 1900s hanggang sa kasalukuyan na pinatutunayan ng

paghahari ng iilang dinastiya sa politika na nabigo sa pagpapabuti ng buhay ng mga

mamamayan at sa halip ay nagmistulang mga entidad na “walang silbi, inutil at hadlang

sa pagbabago” bunsod na rin ng kanilang “edukasyong kanluranin sa wika, kultura at

sensibilidad na malayung-malayo sa katutubong wika, kultura at sensibilidad ng

sambayanang naghihikahos” (San Juan, 2012). Kung gayon, ang pagtalakay at

masinsinang konsultasyon hinggil sa mga patakarang sosyo-ekonomiko – na

naglalayong basagin ang paghahari ng iilan sa lipunan upang mapakinabangan ng

madla ang yaman ng bansa – at inihahapag sa mga kasunduang kapayapaan ng mga

grupong gaya ng NDFP, ay mahalagang sangkap sa pagpapataas ng lebel ng

kamalayan ng mga mamamayan tungo sa hinahangad na mga repormang makalulutas

sa kahirapan at malawak na agwat ng mayayaman at mahihirap sa bansa.

Anu’t anuman, lohikal ang pagpapataw ng hegemonya ng Ingles, alinsunod sa

perspektiba ng mga nagbabalangkas ng patakarang pangwika ng bansa, dahil malaki

pa rin ang pangangailangan ng mga dayuhan sa mga manggagawa at propesyunal na

skilled at marunong mag-Ingles, gaya rin ng pinatunayan sa mga naunang pag-aaral

nina Campoamor (2007) at Abad (2007). Dikta ng global job market ang K to 12 at ang

Page 17: Rebyu sa Progreso ng at Salin-suri ng Piling Dokumento sa ... · PDF fileGobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at NDFP mula sa “The ... ng GRP sa panahon ng administrasyong Estrada

17 sa 21

patakarang pangwika nito, kaya kasabay ng panawagang Filipinisasyon ng mga

konsultasyon sa mga komunidad “sa ibaba” at mga negosasyong “mula sa itaas” para

sa mabilis na diseminasyon nito sa sambayanan, lohikal na panawagan din ang pag-

apuhap sa isang patakarang pangwika at sistemang pang-edukasyong progresibo,

makamasa at mapagpalaya sa mga tanikalang ekonomikong ipinapataw ng mga

mauunlad na bansa sa inang bayan. Kailangang tahakin ng mga Pilipino ang isang

bagong landas tungo sa isang mapagpalayang patakarang pangwika na lumalabas sa

kahong nilikha para sa pangangailangan ng elite at ng mga dayuhan. Sa ganitong diwa,

kailangang tutulan ng madla ang pagbura sa Filipino sa mataas na antas ng edukasyon,

bagay na nilalaman ng Commission on Higher Education Memorandum Order (CMO)

No. 20, Series of 2013 na nagpaliit sa bilang ng mga asignatura sa bagong General

Education Curriculum (GEC) at tuluyang nagtanggal ng espasyo para sa wikang

pambansa sa kolehiyo at unibersidad. Kailangan ng mga Pilipino na gamitin at

paghusayin ang saklaw ng intelektwalisasyon ng wikang pambansa upang maging

episyente ang pagsusulong nito bilang wika ng kapayapaan, bilang wika ng mga

komunidad, bilang wika ng pagkakaisa, bilang wika ng pambansang diskurso sa mga

repormang sosyo-ekonomiko gaya ng hangad ng KWF at ng NDFP.

Kailangan ng mga Pilipino na pag-aralan ang kanilang lipunan at iakma sa mga

realidad ng kanilang bansa at ng pangangailangan ng kanilang bansa ang sistemang

ekonomiko, sistemang pang-edukasyon, at ang patakarang pangwika. Isang

patakarang pangwika na magbubuklod sa mga Pilipino, isang patakarang pangwikang

magpapaliit ng komunikatibong gap sa pagitan ng Ingleserong mayaman at di

Ingleserong mahirap, isang patakarang pangwikang magbibigay-pagkakataon sa bawat

Page 18: Rebyu sa Progreso ng at Salin-suri ng Piling Dokumento sa ... · PDF fileGobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at NDFP mula sa “The ... ng GRP sa panahon ng administrasyong Estrada

18 sa 21

mamamayan na maging “subject” na may kakayahang suriin at baguhin ang kanyang

lipunang ginagalawan sa halip na mga simpleng “object” na inaaksyunan ng iba pang

“subject” sa lipunan, batay sa mga kaisipan ni Paulo Freire. Ang hegemonya ng mga

dayuhan at elite sa ekonomya ng bansa ay mawawasak lamang kung ang ating

sistemang pang-edukasyon ay huhubog ng mga mamamayang nagmamalasakit sa

kanilang bansa at handang gamitin ang kanilang mga kasanayan para sa pag-unlad ng

bayan at hindi ng mga dayuhan. Mga mamamayang aral sa sariling wika at marunong

tumuklas ng solusyon sa mga problema ng bayan ang hangad nating hubugin sa ating

sistemang pang-edukasyon. Sinasalamin ito ng panawagan ni Jose (2005) sa panahon

ng globalisasyon tungo sa pagpapatibay ng “kapangyarihang lumikha at mamatnugot

nang puspusan sa ating kapalaran sa pamamagitan ng paradaym na Filipino – ang

sama-sama nating talino, lakas at determinasyon pambansa – batay sa master na

salaysaying makasaysayan at pagmamahal sa pambansang komunidad. Kapag nabuo

ang ganitong kaapasyahan at disiplina, at sama-sama tayong nagsikilos, meron pa

kayang layunin at gawain na di magagawa ang ating bayan para abutin ang bagong

kaluwalhatian?” Sa madaling sabi, ang ekonomikong liberasyon ay magsisimula sa

pagpapalaya ng sistemang pang-edukasyon na magiging posible lamang sa paglinang

ng isang makabayang patakarang pangwika, ng paglinang natin ng sariling padrong

pang-edukasyon para sa at mula sa mga mamamayan. Samakatwid, ang daan tungong

kapayapaan ay daan tungo sa kaunlaran na mararating lamang sa progresibong

Filipinisasyon ng diskursong pambansa at makabansa sa bawat sulok ng Pilipinas mula

Batanes hanggang Jolo.

Page 19: Rebyu sa Progreso ng at Salin-suri ng Piling Dokumento sa ... · PDF fileGobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at NDFP mula sa “The ... ng GRP sa panahon ng administrasyong Estrada

19 sa 21

Mga Sanggunian:

Agcaoili, Aurelio. “Linggwistik na Demokrasya, Mapagpalayang Wikang Pambansa,

Panlipunang Katarungan at Dibersidad ng Wika at Kultura,” sa Ani ng Wika 2006.

Maynila: Komisyon sa Wikang Filipino. (p.41-52)

Arnett, George. “Global peace index 2014: every country ranked.” 18 June 2014.

http://www.theguardian.com/news/datablog/2014/jun/18/global-peace-index-2014-

every-country-ranked

Añonuevo, Roberto. “Filipino ang Wika ng Kapayapaan.” 20 February 2014.

http://alimbukad.com/2014/02/20/filipino-ang-wika-ng-kapayapaan/

Banerjee, Ankita. “Maoist Truce Offer: Disrupting Political Discourse.” 10 April 2014.

http://www.security-risks.com/security-trends-south-asia/naxalism/maoist-truce-offer-

disrupting-political-discourse-2607.html

BBC News Online. “Peru Shining Path arrests: 24 seized.” 10 April 2014.

http://www.bbc.com/news/world-latin-america-26969355

Coronel Ferrer, Miriam. “Costly Wars, Elusive Peace: Collected Articles on the Peace

Processes in the Philippines, 1990-2007.” University of the Philippines Press: Quezon

City. 2013. (p.190-241)

FARC-EP Peace Delegation Online. “Communiques.” 2013 and 2014. http://farc-

epeace.org/index.php/communiques.html

Freire, Paulo. Pedagogy of the Oppressed. 2002. New York: Continuum.

Gimenez-Maceda, Teresita. Mga Tinig Mula sa Ibaba: Kasaysayan ng Partido

Komunista ng Pilipinas at Partido Sosialista ng Pilipinas sa Awit, 1930-1955. 2006.

Quezon City: University of the Philippines Press.

Page 20: Rebyu sa Progreso ng at Salin-suri ng Piling Dokumento sa ... · PDF fileGobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at NDFP mula sa “The ... ng GRP sa panahon ng administrasyong Estrada

20 sa 21

Jones, Sarah. “Global peace index charts 'staggering' $9.8tn cost of war.” 18 June

2014. http://www.theguardian.com/global-development/2014/jun/18/global-peace-index-

2014-cost-of-war

Jose, Vivencio. “Wika at Globalisasyon: Kalakaran, Pagtanggi, at Pag-aangkin” sa

Filipino at Pagpaplanong Pangwika: Ikalawang Sourcebook ng SANGFIL. Pamela

Constantino (ed). 2005. Quezon City: SANGFIL, NCCA at UP-SWF.

Letsch, Constanze. “Kurdish leader Abdullah Ocalan declares ceasefire with Turkey” 21

March 2013. http://www.theguardian.com/world/2013/mar/21/pkk-leader-ocalan-

declares-ceasefire

NDFP Human Rights Monitoring Committee. “NDFP 10-Point Proposal for a Concise

Agreement for an Immediate Just Peace.” Quezon City. April 2011.

____________________________________. “Praymer Hinggil sa CARHRIHL.”

Quezon City. 2006.

Mouly, Cecile. “Peace Constituencies in Peacebuilding The Mesas de Concertacion in

Guatemala” in Whose Peace?: Critical Perspectives on the Political Economy of

Peacebuilding.” Pugh, Michael et al. (eds). Palgrave Macmillan. 2011. (p.311).

National Democratic Front of the Philippines. “The GRP-NDFP Peace Negotiations:

Major Written Agreements & Outstanding Issues.” Quezon City. 2006.

Ocalan, Abdullah. “Prison Writings: The Roots of Civilisation.” Pluto Press. 2007. (p.

243-277)

Poli, Maria Celia and Vera da Silva Telles. “Social Rights: Conflicts and Negotiations in

Contemporary Brazil,” in Culture of Politics/Politics of Culture: Re-visioning Latin

Page 21: Rebyu sa Progreso ng at Salin-suri ng Piling Dokumento sa ... · PDF fileGobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at NDFP mula sa “The ... ng GRP sa panahon ng administrasyong Estrada

21 sa 21

American Social Movements. Sonia E. Alvarez et al. (eds). 1998. Westview: Boulder,

Co. (p. 64-92)

Selby, Jan. “The Political Economy of Peace Processes” in Whose Peace?: Critical

Perspectives on the Political Economy of Peacebuilding.” Pugh, Michael et al. (eds).

Palgrave Macmillan. 2011. (p.13).

San Juan, David Michael. “Pedagohiyang Mapagpalaya at Makabansa sa Wikang

Filipino: Pagpapatatag ng Kaakuhang Pilipino Tungo sa Bansang Ating Pinapangarap,”

sa Souvenir Program ng Araw ng Gawad 2012. Komisyon sa Wikang Filipino.

Sison, Jose Maria. “Foreword” ng Salita ng Sandata: Bonifacio’s Legacies To The

People’s Struggles. 2013. Quezon City: IBON Books. i-vi

Switzer, Jr. Russell W. “Sendero Luminoso and Peruvian Counterinsurgency.”

Unpublished Masteral Thesis. University of the State of New York. 2007.

Watts, Jonathan at Sibylla Brodzinsky. “Colombia closes in on a peace deal that could

end world's longest civil war.” 16 March 2014.

http://www.theguardian.com/world/2014/mar/16/colombia-brink-ending-civil-war-farc