Upload
jaylordparacueles
View
232
Download
4
Embed Size (px)
Citation preview
Pag-aasawa nang maaga
Ayon sa kasabihan ng mga matatanda “ang pag-aasawa ay hindi katulad
ng mainit na kanin na kapag isinubo mo at napaso ka ay puwede mong
iluwa.” Ito ay isa sa mga napakahalagang yugto sa buhay ng isang lalake
at babae na dapat ay pinag-iisipang mabuti at pinaghahandaan bago
pasukin. Maraming tao ang nagtatagumpay sa buhay may asawa at
marami din naman ang nabibigo at may wasak na tahanan. Kapag
pumasok ka sa buhay may asawa maraming bagay ang mababago sa’yo,
maraming bagay ang dapat mo ng talikuran, kalimutan, at iwanan.
Sa kabila ng katotohanang ito, marami pa rin ang nag-aasawa ng wala sa
panahon, ang akala ng ilan, pag-aasawa ang sagot sa kanilang mga
problema, akala nila ganoon lamang kadali ang buhay na ito. Marahil,
masasabi lamang natin na nagging matagumpay ang buhay may asawa
kapag ikaw ay nakatagpo ng taong makakasama mo sa hirap at ginhawa,
sa lungkot at saya, taong magiging tapat sa’yo sa lahat ng bagay,
magmamahal sa’yo habang buhay. Kapag pumasok ang isang tao sa pag-
aasawa dapat ay handa na s’yang talikuran ang nakaraan, ang buhay ng
pagiging binata’t dalaga, handang tanggapin at harapin ang mga bagay na
posibleng mangyari, at handa sa mga pagsubok na darating sa pagpasok
sa panibagong yugto ng buhay.
Taglay niya ang kahandaang tumayo upang maging mabuting magulang at
gabay sa paghubog sa pagiging buo at ganap na tao ng magiging mga
anak nila. Kung ihahambing sa libro, kapag pumasok ka sa buhay may
asawa, tapos na ang unang yugto at pumapasok na ka na sa ikalawang
yugto ng iyong buhay. Nararapat lamang na handa ka ng ibigay ang iyong
buong panahon at buhay sa iyong pinili na makasama habang buhay.
Ang mga nabanggit ay ilan lamang sa mga kinakailangan upang
magkaroon ng matagumpay na buhay may asawa, kaugnay nito ay
naglatag naman ng batas ang ating gobyerno tungkol sa tamang edad o
tamang panahon sa pag-aasawa. May mga batas tayong umiral at umiiral
upang saklawan ang yugtong ito ng buhay, bagaman may ilan na
nagpasiyang huwag itong pasukin. Ayon sa Republic Act No. 386, ay
ganito ang isinasaad:
Any male of the age of sixteen years or upwards, and any female of the
age of fourteen years or upwards, not under any of the impediments
mentioned in articles 80 to 84, may contract marriage.[1]
Malinaw na itinatadhana ng batas na ito ang tamang panahon kung saan
ang isang lalake at babae ay maaari ng mag-asawa o magpakasal, ito ay
sa edad na labing-apat ng isang babae at sa edad na labing-anim ng isang
lalake.
Subalit natapos ang pag-iral ng batas na ito sapagkat ayon sa Executive
Order No. 209, ito naman ang nakasaad:
Any male or female of the age of eighteen years or upwards, not under any
of the impediments mentioned in articles 37 to 38, may contract marriage.
[2]
Sa pagbabago ng batas, nagbago rin ang edad ng isang lalake at babae
upang mag-asawa at magpakasal. Idagdag pa dito ay nangangailangan
sila ng pahintulot ng kanilang mga magulang upang magkaroon ng ligal na
kapasidad upang magpakasal bagaman sila ay nasa wastong edad na
ayon sa batas. Sa kabila ng itinatadhana ng ating batas sa kasalukuyan at
ito ay nalalaman ng nakararami sa atin, Bakit pa rin marami ang nag-
aasawa ng wala sa tamang panahon o nag-aasawa ng maaga? Ano ang
mga kadahilanan at hindi maiwasan ang maagang pag-aasawa ng mga
kabataan? Hindi lingid sa kaalaman ng lahat ang mga kabataang
nabubuntis o nag-aasawa sa murang edad pa lamang. Ayon nga ginawang
nasa ating bansa ang “highest teenage pregnancy in Asia.”[3] Sa
katotohanan kung pagbabatayan natin ang kasalukuyang batas na umiiral,
ito ay mahigit na dalawang dekada ng kinakaharap ng ating bansa.
Ang artikulong ito ay ginawa upang alamin ang mga salik at paliwanag
kung bakit may mga kabataan na sumusuong sa maagang pag-aasawa sa
kabila na hindi maganda ang maaaring ang idulot nito sa kanilangbuhay.
Pinuntahan namin ang isang lugar sa Masantol, Pampanga, kung saan
diumano ay may isang komunidad na mayroong mataas na porsiyento ng
maagang pag-aasawa. Upang kapanayamin ang mga kabataan, magulang,
katandaan, opisyales ng barangay, at guro. Kaugnay nito ay alamin din ang
oryentasyon na humuhubog sa mga kabataan ng Sapang Kawayan sa
kanilang pag-aasawa ng maaga.
.
Kultura at Oryentasyon
Ang pag-aasawa sa komunidad na ito ay maitutulad natin sa piso. Sa
harapan ay makikita natin ang mukha ni Dr. Jose Rizal na nakatagilid at sa
likuran naman nito ay ang logo ng Bangko Sentral ng Pilipinas, ito ang
bumubuo sa piso. Gaya ng komunidad na ito mayroong dalawang mukha
ang pag-aasawa ngunit nagmumula ito sa iisang oryentasyon. Sa
dokumentaryong ginawa ni Kara David para sa programa ng iWitness na
sumahimpapawid noong Marso 21, 2011, tampok ang komunidad na ito,
ayon sa kaniya “isa (1) sa bawat apat (4) na dalagita sa edad na labing
tatlo (13) hanggang labing pito (17) ay buntis o may anak na.”[9]
Sa pahayag niyang ito ay masasabi nating dalawampu’t limang porsiyento
(25%) ay nabubuntis o nag-aasawa ng maaga. Bagaman di binanggit ni
Kara David sa kaniyang dokumentaryo kung saang bahagi ng pamayanang
ito malaki ang bilang ng nag-aasawa ng maaga ay nakakuha naman kami
ng sagot sa ilang mga guro sa lugar na ito. Ayon kina Ma’am Jen[10],
Melissa[11], at Marcia[12], ang malaking bilang ng nag-aasawa ng
maaga ay nasa lugar na dating sakop ng Hagonoy.* Ang malaking bilang
naman na nag-aasawa sa wastong edad ayon sa batasay nasa lugar na
sakop ng Masantol.* Muli ayon kay Kara David, sa kaniyang dokumentaryo
ay mayroong“isandaan at limampung (150) dalagita, talumpu’t walo (38) ay
buntis o may anak na bago mag labingwalo (18).[13] Ipinapakita ng mga
datos na dalawampu’t limang (25%) porsiyente ay nag-aasawa ng maaga
at pitumpu’t limang (75%) porsiyento ay nag-aasawa sa tamang edad.
Malinaw nating makikita na sa pamayanang ito na may dalawang kultura o
kaugalian ang bawat pamilya sa pagdating sa usapin ng pag-aasawa, ito
ang pag-aasawa ng maaga at pag-aasawa na nasa wastong edad. Ano ba
ang kultura o culture sa Ingles? Ayon sa Diksiyunaryo ito ang kahulugan:
Culture is a particular society or civilization, especially considered in
relation to its beliefs, way of life, or arts.[14]
Ang pakahulugang ito ng diksiyunaryo ay maliwanag na nagbibigay sa atin
ng kaunawaan sa salitang kultura. Ito ay isang isang particular na
sibilisasyong umiiral na may kaugnayan sa paniniwala at paraan ng
pamumuhay. At isa sa bahagi ng buhay ang pag-aasawa, sa yugtong ito
mayroong magkaibang kaugalian ang mga lugar na dating sakop ng
Hagonoy at ang sakop ng Masantol, ang pag-aasawa ng menor de edad o
pag-aasawa ng maga at pag-aasawa na nasa wastong edad ayon sa
batas. Dalawang kultura sa iisang pamayanan. Ano naman ang
oryentasyon o orientation sa Ingles? Muli, ayon sa Diksiyunaryo ito ang
kahulugan:
Orientation is someones basic beliefs or preferences.[15]
Karaniwang paniniwala at pangunahing pinipili, ito ang oryentasyon. Ayon
sa impormasyon na nakalap ng aming pangkat mula sa aming
pakikipanayam sa mga opisyales ng barangay, mga guro at mga
magulang, ayon sa kanila “kapag nabuntis ng lalake ang kaniyang
karelasyon o syota ay dapat na niya itong pakisamahan bilang asawa.” Sa
kanilang komunidad walang kabataang lalake na tinatakbuhan o
tinatakasan ang kanilang responsibilidad at pananaguatan kapag nabuntis
niya ang kaniyang karelasyon, at kung mayroon man napakaliit lamang ng
porsiyento. Kapag nagkaroon na ng anak ang dalawang menor de edad,
napipilitan na silang magmatyur dahil ginusto at pinili nila iyon. Karagdagan
pa, ayon kay mang Narciso Figueroa[16],“halimbawa magkilala tayong
dalawa nabuntis na anak mo ang anak ko, mahihiya ka sa akin na hindi
panagutan ng anak mo ang anak ko, dahil dito nga ay walang
tinatakbuhan.” Ang pahayag na ito ni mang Narciso ay kinatigan naman ni
Kagawad Temi, na kapag nga nabuntis ang babae nagkakasundo na ang
mga magulang ng lalake at babae na sila ay pagsamahin na. Ito ang
oryentasyon sa kanilang komunidad, kapag nabuntis ang babae kahit pa
nga sila ay menor de edad pagsasamahin na sila bilang mag-asawa ng
kanilang mga magulang. Mga pamilyang may dalawang kultura, isang
komunidad na may isang oryentasyon pagdating sa pag-aaasawa. Kung ito
ang kanilang kultura at oryentasyon, apektado ba nito ang edukasyon at
libangan ng mga kabataan ng Sapang Kawayan?
Edukasyon at Libangan
Maraming mga suliranin o kasalatang pampamayanan ang itinuturo ng
dokumentaryo ni Kara David, sa lumalaking bilang ng mga kabataan sa
Sapang Kawayan ang nasasadlak sa maagang pag-aasawa. Una ang
kawalan ng mataas na paaralan. Kinakailangan pang dumayo ng mga nais
magpatuloy ng pag-aaral sa ibang barangay bago naitayo ang mataas na
paaralan noong 2008. Ikalawa, ang kawalan ng isang kura paroko sa
simbahan. Hindi rin palagian na nakapagdadaos ng misa maliban kung
may ikakasal at bibinyagan. Ikatlo, at higit sa lahat, ang pangungunsinti ng
mga magulang dahil ito rin ang kanilang nakagisnan mula sa kanilang mga
magulang. Bagaman hindi malinaw sa dokumentaryo kung ilan salinlahi na
mula nang makagawian ang ganitong tagpo, marahil mula’t sapol sa
pamayanan ay ganito na ang nakagawian.[17]
Sa mga suliraning nabanggit, isa sa sinabi ng sumulat ng blog ay ang
eduksayon, bago naitayo ang gusali para sa mataas na paaralan. Ano ba
ang edukasyon, ito ba ay ang pagtatapos lamang ng akademikong
asignatura sa isang paaralan? Ang edukasyon sa pinakamalaking
kahulugan ay ang anumang pagkilos o karanasan na may isang
mapaghugis na epekto sa mga karakter isip, o pisikal na kakayahan ng
isang indibiduwal.[18] Ang edukasyon ay sadyang mahalaga sa lahat,
noon hangggang ngayon. Ang edukasyon ang pinakamatibay na
pundasyon ng isang tao. Ito rin ang tanging bagay na maaari nating dalhin
saan man tayo pumunta. At walang sinumang maaaring makaagaw nito sa
atin hanggang sa ating kamatayan.[19]
Sa Sapang Kawayan ang karamihan ng mga residente ay elementarya
lang ang tinapos o kaya naman ay di pa nakapagtapos ng elementarya,
mangilan-ngilan lamang ang nakapagtapos sa mataas na paaralan at
mabibilang sa daliri ang nakatapos ng kolehiyo. Kaya ang malaking
porsiyento ng mga kabataan dito pagkatapos ng elementarya ay pag-
aasawa na ang hinaharap. Subalit ng maitayo ang mataas na paaralan
noon ngang 2008, marami sa mga kabataan ang nagkaroon ng pag-asa na
makapagpapatuloy sila ng pag-aaral sa mataas na paaralan.
Nakapagbibigay sigla ang pahayag ni Ma’am Ana, na may mga
nagsipagtapos sa mataas na paaralan noong 2012 na ang edad ay
dalawampung (20) taon hanggang dalawampu’t anim (26) na taon.
Ayon sa mga guro ay bumaba ang bilang ng mga nagsisipag-asawa ng
maaga sa kanilang komunidad. Taliwas naman ito sa naging pahayag nina
Janine Puno at Maan Unlayao na mga kabataang nagsipag-asawa (si
Janine ay hiwalay na) mga kabataang kinapanayam ni Kara David sa
kaniyang dokumentaryo. Ayon sa kanila “tumaas pa nga ang bilang ng mga
nagsisipag-asawa ng maaga, dahil nga nandoon lang din naman sila sa
kanilang lugar. Hindi kagaya dati na ang mga nais makapagpatuloy ng pag-
aaral sa mataas na paaralan ay lumilipat pa ng ibang barangay o karatig
bayan at lingguhan na lang kung umuwi.” Ayon naman kina Ma’am
Melissa, Marcela, at Ana, kaya parang tumaas pa ang bilang ng mga
nagsisipag-asawa ng maaga dahil hindi katulad ng dati na hindi mo agad
malalaman dahil nga pagkatapos ng elementarya tumitigil na ang
karamihan. Hindi katulad ngayon na malalaman mo agad, kasi kapag hindi
na pumasok sa klase magtatanong ka na kung bakit hindi na pumapasok,
malalaman mo na lang nag-asawa na pala.
Nabawasan nga ba o nadagdagan ang bilang ng mga nagsisipag-asawa
ng maaga ng magkaroon ng mataas na paaralan sa kanilang komunidad?
Ayon kay G. Eduardo Yabut, punong guro ng mataas na paaralan, di man
nalunasan ng pagkakaroon ng mataas na paaralan ang isyu ng maagang
pag-aasawa, sa isang banda pinatagal nito, di gaya ng dati ay nag-aasawa
na ang kabataan pagkatapos ng elementarya. Bagaman may ilang kaso pa
rin na habang kasalukuyang nag-aaral ay nabubuntis o nag-aasawa na, na
nagiging dahilan ng kanilang pagtigil sa pag-aaral. Ang halimbawa nga nito
ay sina Janine at Maan, mga kabataang maagang hinarap ang
responsibilidad ng pagiging ina, bagaman si Janine ay nagpatuloy sa pag-
aaral at magtatapos ngayong Marso 2013.
Isa pa sa maaring sanhi nito ay pagsasama sa isang lugar ng mababa at
mataas na paaralan. Maaring sa kasalukuyan ay naging malaking bagay
para sa mga residente dito at sa mga gurong dito na nakatira ang
pagkakaroon ng mataas na paaralan. Subalit hindi nila nakikita ang
malakiat pangmatagalang epekto nito sa buhay ng mga mag-aaral sa
mababang paaralan. Dahil sa kanilang bulnerabiliti ay maaari silang
direktang mapinsala lalo na sa bahagi ng moralidad. Dahil nga tanggap at
normal na bahgi na ng kanilang pamayanan ang pag-aasawa ng maaga at
ito ay nagsisimula sa mga mag-aaral na nasa mataas na paaralan. May
mga gawi at kaugalian ang mga kabataan na maaring maging banta para
sa mga batang mag-aaral. Gaya ng naging kuwento ni Ma’am Jen, isang
guro sa ika-apat na baitang, ayon sa kaniya, mayroon siyang isang mag-
aaral na babae na edad siyam (9) na taon na mayroon ng karelasyon at
ang nakakagulat dito ay “nakikipaghalikan na sa kaniyang karelasyon sa
publiko.” Ayon pa sa kaniya “ngayong nasa ika-apat na baitang pa lang
ganun na yung ginagawa, ano pa kaya paglipas ng panahon, ano pa ang
gagawin niyon.” Ipinagbigay-alam niya sa magulang ng bata ang bagay na
ito, balewala lang din, ni hindi binigyang pansin. Nakakaapekto sa mga
mag-aaral sa mababang paaralan ang kanilang nakikita sa mga mag-aaral
sa mataas na paaralan. Idagdag pa dito ang nakagawian sa buhay ng mga
kabataan pagkatapos ng maghapong klase balik sa komunidad, sa
kanilang libangan. Ano kanilang ang libangan?
Ang libangan ay kung ano ang gustong-gustong gawin ng tao.
[20] Limitado ang libangan ng mga kabataan sa Sapang Kawayan, dahil
nga ito ay isang lugar na napaliligiran ng tubig. Nakausap ng aming
pangkat sina Welcon Cervantes at Maila Figueroa, mga mag-aaral na nasa
ikatlong taon sa mataas na paaralan. Nagtanong ang aming pangkat sa
kanila, ano ang karaniwan nilang libangan at ng mga kabataan dito sa
Sapang Kawayan? Basketball ang sagot ni Welcon, badminton,
pagbibisikleta, paglalaro ng kompyuter, at pagdyuti sagot naman ni Maila.
Napukaw ang aming pansin ng isang sagot ni Maila, ang salitang pagdyuti.
Kaya’t tinanong namin siya, Ano yung pagdyuti, o dyuti, tanong namin?
Ayon kay Maila, “ito ang karaniwang ginagawa ng mga kabataan pagsapit
ng gabi. Nagkikita at nag-uusap ang mga magkakabarkada,
nagpapakilalahan, nagliligawan o nag-uusap ang mga magsyota sa dilim”.
Pagliligawan, bahagi ng libangan ng mga kabataan sa komunidad na ito.
Sa pahayag na ito ni Maila, mapapansin na hindi na pupuwede dito ang
makalumang paraan ng panliligaw ng mga kalalakihan upang magkakilala
silang lubos ng babaeng kanilang napupusuan.
Ayon sa mga guro, mga opisyales ng barangay, at mga magulang ay hindi
lingid sa kanilang kaalaman ang ginagawang ito ng mga kabataan. Ayon
din sa kanila karaniwan na itong gawi at libangan ng mga kabataan sa
kanilang lugar. Sa panig ng mga opisyales ng barangay, wala daw silang
magawa kahit maglagay pa ng karpyu ay tinatakbuhan lang naman sila. Sa
mga magulang naman kapag binawalan nila ay tatakas lang at
magrerebelde pa kaya hinahayaan na lang nila. Dahil dito, nagtanong ang
kami sa mga guro na sina Ma’am Ana, Jen, at Marcela, kung irereyt po
ninyo mula isa (1) hanggang sampu (10), sampu (10) ang pinakamataas,
ilan po ang mga magulang na hinahayaan ang ganitong gawi o libangan ng
kanilang mga anak? Walo ang sagot nina Ma’am Analen at Jen, pito
naman ang sagot ni Ma’am Marcia. Napakataas na porsiyento, pagka’t
lumalabas na pitumpung porsiyento (70%) hanggang walumpung
porsiyente (80%) ng mga magulang ay hinahayaan ang kanilang mga anak
sa ganitong kaugalian.
Muli ay tinanong ng namin si Maila, bilang kabataan, yun bang pag
dyudyuti o pagliligawan ay bahagi ng inyong libangan. Ang sagot niya
ay“Oo! kasi nga wala namang gaanong mapaglibangan at magawa dito sa
amin.” Ang tanong na ito ay hindi rin naiwasan ng aming pangkat na
maitanong sa mga guro at isinama na rin namin si Ma’am Melissa, isang
guro sa kinder, pamilyar po kayo sa salitang “dyuti?” Oo! Ang kanilang
naging sagot. Kasunod nito ay, sa inyong pananaw bilang mga guro,
masasabi nyo ba na ito (dyuti) ay bahagi ng kanilang libangan? Iisa halos
ang kanilang naging sagot, “Oo! Dahil nga sa walang gaano o ibang
mapaglilibangan ang mga kabataan dito kaya doon nababaling ang
kanilang atensyon, di gaya sa ibang lugar sumakay ka lang ng traysikel o
dyip ay may mapupuntahan ka na. Dito saan ka pupunta? Eh!
Napapaligiran kami ng tubig.”
Sa pagliligawan ng mga kabataan, dalawa ang kanilang pamamaraan, una
ay personal yung magpapaalam sa magulang ng babae, at ikalawa ay sa
pamamagitan ng teks, kapag hindi pumayag ang magulang. Kung papayag
ang magulang, gaano naman ang edad na ito ay papayagan ng magulang
na maligawan, ayon kay Maila, ay labing-apat (14). Tinanong siya ng isa sa
aming pangkat, halimbawa nagustuhan kita, sa edad mong labing-apat (14)
maaari na ba kitang ligawan? “Oo naman!” Sagot niya. Sa palagay mo
gaano ang porsiyento ng mga magulang na papayag ligawan ang kanilang
anak na babae sa edad na labing-apat (14)? Irereyt mo siya mula isa (1)
hanggang sampu (10), “tatlo (3)” sagot niya, Ang kaniyang sagot ay halos
tumutugma sa dalawampu’t limang porsiyento (25%) na nag-aasawa ng
maaga. Sa ganitong kagawian at kalakaran sa buhay ng mga kabatan, may
papel ba ang gobyerno at lokal na pamahalaan sa isang komunidad na tila
kay layo sa sibilisasyon?
Geograpikal na Lokasyon at Programa ng Gobyerno
Matapos na sumahimpapawid ang dokumentaryo[21] ni Kara David para
sa iWitness nabigayan ng pansin ang komunidad na tila nawala sa pansin
ng marami sa mga liderato natin sa pamahalaan at maging ng lokal na
pamahalaan. Dahil sa pagkakatampok ng kanilang komunidad sa
programang nabanggit. Napansin hindi lamang ang kanilang komunidad
kundi ang buong bayan ng Masantol. Nakarating sa buong bayan ng
Masantol partikular sa kanilang komunidad ang programa ng isang
ahensiya ng ating gobyerno, ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4
P’s ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Kumusta na ang programang ito ng ating gobyerno? Tanong ng namin kay
Ma’am Marcia, partikular yung Family Development Session (FDS) na
bahagi ng programang 4 P’s? Nag-isip siya, “isang beses palang yata na
nagkakaroon nito,” sagot na waring walang katiyakan. Ayon pa nga sa
kaniya ay “napakahirap makuha ang pakikiisa ng mga magulang kapag
ganito ang paksang pag-uusapan, pero kapag may biyaya o rasyon kahit
hindi ka na magpatawag siguradong magsisidating sila,” hindi lang sa po
sa inyong nangyayari iyan, sagot naman ng aming pangkat.
Ito marahil ang epekto ng maagang pag-aasawa, may mga bagay pa sana
na nais silang gawin sa buhay subalit dahil sa pagharap sa responsibilidad
ng pagpapamilya o ng pagiging magulang ay hindi na nila nagawa. Mga
indibiduwal na naging magulang dahil nagka-anak lamang. Ngunit kulang
ang kaalaman sa tunay na kahulugan ng pagiging magulang. Ayon pa nga
kay Ma’am Jen, “may mga ina na tila walang pakialam sa kanilang mga
anak, may mga ilan pa nga na ang katuwiran ay naipanganak na kita at
nabigyan ng buhay, bahala ka na sa buhay mo!” Tila ba buhay sa
kagubatan “survival of the fittest” wika nga sa Ingles, sa gitna ng isang isla.
Iyan ang isa sa mukha ng pamilya ng makabagong henerasyon sa Sapang
Kawayan. Kung ganito, anong gawi o kaugalian ang mahuhubog sa mga
kabataang sumibol sa henerasyong ito? May ginagawa ba ang
pamahalaang lokal?
Tinanong ng namin ang mga opisyales ng barangay. Anu-ano ang mga
programa ng gobyerno at lokal na pamahalaan ang palagiang nakakarating
sa inyong komunidad ng palagian? “Wala!” Sagot nila, “kung hindi pa nga
kami siguro naipalabas sa telebisyon baka hindi pa nakarating dito sa amin
yung 4 P’s. Katulad niyan kung hindi pa maghahalalan hindi pa siguro
magagawa ang aming daan. Kadalasan, naalala lang kami ng mga pulitiko
kapag maghahalalan o kaya kapag may kalamidad.” Sa kabuuan ay
napakaliit lamang ng porsiyento ng mga programa ng ating gobyerno
maging ng lokal na pamahalaan ang nakakarating sa kanila. Sa kanilang
komunidad na pana-panahon lamang ang pagdating ng mga programa ng
ating pamahalaan, tila kayhirap nilang maramdaman ang pag-unlad ng
ating ekonomiya na ipinagmamalaki ng mga lider natin sa pamamagitan ng
midya. Ang midya at kultural na merkado sa komunidad na waring napag-
iwanan ng sibilisasyon, ang implikasyon nito sa mga kabataan.
Analisis
Bilang pag-aanalisa, ang oryentasyon na humuhubog sa mga kabataan ng
Sapang Kawayan, Masantol, Pampanga sa maagang pag-aasawa ng mga
kabataan ay ang nakaugaliang pananaw ng mga mamamayan dito, Kapag
nabuntis ang babae, dapat na itong pakisamahan ng nakabuntis sa kaniya.
Malaking sanhi din ang kanilang lokasyon kung bakit sila nakulong sa
pananaw na ang kasunod na hakbangin pagkatapos mag-aral sa mababa
at mataas na paaralan ay pag-aasawa. Bihira na silang lumabas sa
kanilang komunidad at wala silang masyadong kaalaman sa ibang uri pa
ng pamamaraan sa buhay.
Gayundin ang pagiging tanggap sa kanilang komunidad sa sitwasyong
kinasadlakan ng dalawampu’t limang (25%) porsiyento ng mga kabataan
dito, ang pag-aasawa ng maaga. Ito ang nagbibigay lakas ng loob sa mga
kabataan upang hindi magdalawang isip sa panibagong yugto ng buhay na
kanilang susuungin. Wala silang matanggap na pagpula sa mga kapamilya,
kaibigan at sa buong komunidad dahil nga sa ito ay isang karaniwan ng
pangyayari sa kanila.
Magkagayunman ang isa sa napansin namin sa kanilang komunidad ay
napakaliit ng porsiyento ang nagkakahiwalay at nawawasak na pamilya sa
pisikal. Kahit pa nga sabihing mga menor de edad pa sila nagsipag-asawa.
Maaring hindi maiuugnay ang kanilang maagang pag-aasawa upang
magkaroon ng kahandaan dahil sa kanilang simpleng pamumuhay. Ang isa
pa sa kanilang pag-aasawa ay maiuugnay, una, sa salik na hindi
nagugutom ang kanilang pamilya, pangalawa, ay halos magkakamag-anak
o magkakaibigan ang mga nasa komunidad. Sabalit ang sitwasyong ito ay
maaaring magbago.
Sa kalaunan kung hindi mabibigyan ng kaukulang pansin ng mga
kinauukulan ang dalawampu’t limang (25%) porsiyento ng kabataan na
nag-aasawa ng maaga. Ang datos na ito ay maaaring lumaki pa dahil sa
isang oryentasyon ng komunidad. Magpapalaki ito ng kanilang populasyon
at magpapaliit naman ng kanilang pinagkukunan para sa pang-araw-araw
na ikabubuhay.
Sa ngayon ay kapansin pansin na ang epekto sa kanilang komunidad ang
epekto ng maagang pag-aasawa. May mga magulang na dapat sana’y
maging gabay at bukal ng pagmamahal na nagiging maramot sa
pagkakaloob nito sa kanilang mga anak. Dahil na rin marahil sa
paghahanap nila at pagnanais na mapunan ang kakulangan sa kanilang
sariling pagkatao na inagaw ng maagang pag-aasawa at pagharap sa
responsibilidad na kaakibat nito. Bunga nito, ay hinahanap ng kanilang
mga anak ang kalinga, pagtanggap, at importansiya sa mga kaibigan at
kakilala na inisip nilang bubuo sa kanilang pagkatao. Subalit, sa huli ay
nasadlak rin sila sa sitwasyon na pilit sana nilang tinatakasan. Sa
paghahanap nila ng lunas ay nakakatagpo nila ang isang indibiduwal na
nagnanais ding mapunan ang kakulangan sa kanilang pagkatao. Ito ay
nauuwi sa pagsasama ng dalawang indibiduwal na parehong may puwang
sa kanilang pagkatao. Mula sa mga ito ay sisibol ang panibagong buhay na
sa katagalan ay maghahanap din ng pupuno sa kaniyang pagkatao…
hanggang kalian?
Sa situwasyong ito malaki ang maiaambag ng istruktura ng edukasyon sa
komunidad na ito kung mauunawaan nilang lubos ang tunay na kahulugan
ng edukasyon. Ito ay pagkatuto hindi lamang sa mga asignaturang pang-
akademiko kundi maging sa anumang pagkilos o karanasan na may isang
mapaghugis na epekto sa mga karakter isip, at pisikal na kakayahan ng
isang indibiduwal. Sa teknikal na kahulugan, ang edukasyon ay ang
proseso kung saan ang lipunan o komunidad ay kusang nagpapadala ng
kaniyang naipon na kaalaman, kasanayan at ang mga halaga nito mula sa
isang henerasyon patungo sa iba.
Ang kasalukuyang istruktura ng edukasyon na magkasama sa isang lugar
ang mababang paaralan at mataas na paaralan ay maaring magdulot ng
pakinabang at pinsala sa susunod na henerasyon. Kung hindi mabibigyan
ng kaukulang pansin, ang isang kaso na nabanggit sa artikulong ito ay
maaring madagdagan pa. Paglabas nila sa apat na sulok ng silid-aralan ay
lantad ang mga menor de edad at mga kabataan sa malawak na
pangyayari sa kanilang komunidad. Isang dako na mapanganib para sa
isang murang isipan sapagkat ang anumang nagiging kalakaran ng buhay
dito ay matutularan ng mga nila. Mga kaugaliang hindi lamang nila nakikita
sa komunidad kundi maging sa bakuran ng paaralan.
Ang mataas na paaralan ay nagbukas ng pintuan ng pag-asa sa mga
kabataan tungo sa katuparan ng kanilang mga pangarap. Pintuan para sa
mga kabataang tumatanaw sa hinaharap na ang mahabang panahon ng
paghihintay at pagkakalayo sa sariling pamilya upang ito ay tuparin ay
maikli na lang. Kung dati ay walong (8) taon o higit pa na sila ay
mawawalay sa kanilang pamilya, ngayon ay apat (4) na taon lang. Ang
apat (4) na taong ito ay kanilang ilalaan na lamang para sa ganap na
katuparan ng karera sa buhay na nais nilang makamatan. Subalit may
banta…
Banta ng lokasyon na kanilang kinalalagyan hindi lamang ng komunidad
kundi maging ng tahanan na kanilang kinabibilangan. Mga tahanang may
haligi nga ay walang tatag, may ilaw ngunit walang liwanag! Sila na naging
malapit lang ang pagtanaw, pagtanaw na patungo lang din naman sila sa
pag-aasawa, bakit pa sila magpupursige sa pag-aaral. Mga gabay na
walang tibay, pagka’t ang nakikita lamang ay ang katotohanang ang anak
na pinala ay aalis at haharapin ang panibagong yugto ng buhay, ang buhay
may asawa. Ngunit kapos sila sa hangaring ihanda ang susunod na tatayo
sa kanilang kinalalagyan ngayon, upang di na danasin pa ng susunod sa
kanila ang kanilang kinasdalakan sanhi ng kapusukan at pagiging mausisa.
Sa komunidad na may malaking isyung kinakaharap, may mga lider na
pinili’t pinagtiwaan. Sa pag-asang sila ang magbibigay at tutugon sa
kanilang pangangailangan na makapaghanda ng isang matatag at may
kahusayang mamamayan. Humubog sa makabagong henerasyon tungo sa
pag-aangat ng kanilang komunidad, na wari bang nawala na sa
kasaysayan. Masakit mang sabihin! Ngunit sa aming paghahanap ng mga
tala para sa kanilang komunidad ay wala kaming nakuha. Maliban sa
aming nakuha sa pamamagitan ng pakikipanayam sa ilang mga residente
dito.
Tila kay hirap isipin ang kahihinatnan ng mga kabataan at ng mga
papasibol na henerasyon. Wala ng natatamong lingap sa tahanang pisikal
nilang kubluhan, wala pa ring lingap na natatanggap sa kinauukulan, upang
linangin ang kanilang kahusayan. Maliban sa panaka-nakang tulong sa
panahon ng kalamidad at sa limos na natamo mula sa gobyerno, dahil sa
pagkakatampok ng kanilang komunidad sa isang programa sa telebisyon.
Isang komunidad na naaalaala at nakikilala lamang pagkatapos ng tatlong
(3) taon. Nanghahawakan sa “pag-asa laban sa kapwa pag-asa” na isang
araw ay darating at maluluklok ang tunay na lider na mag-aangat sa
minamahal nilang komunidad. Magniningning din ang Sapang Kawayan!
Hindi dahil sa isyu ng mataas na porsiyento ng mga kabataang maagang
binitiwan ang kamusmusan at piniling bitbitin ang pagka magulang. Kundi
dahil sa mga kabataang isinulong ang kanilang kahusayan pagka’t sila ang
bagong henerasyon na magpapala’t kakalinga sa henerasyong
susmusunod sa kanila. Kay gandang pangarapin! Ngunit bagong
henerasyong ito ay lantad sa maling paggamit ng midya at kultural na
merkado.
Ang midya at kultural na merkado ay malaking banta dahil sa pinsalang
dala nito kapag ito ay hindi ginamit ng tama. Mayaman ito sa maraming uri
ng impormasyon ngunit ang karamihan ay basura. Ikaw, gusto ma ban g
basura sa loob ng iyong tahanan? Tiyak ang sagot mo ay hindi. Lahat tayo
ay ayaw ng basura sa loob ng ating tahanan, kaya ito ay itinatapon natin sa
labas. Ang dala ng midya kultural na merkado ay hindi literal na basura, ito
ay basura ng kaisipan! Ang midya at kultural na merkado ay hindi masama
per se. Sapagkat malaki ang pakinabang na kaloob nito sa atin, kung ito ay
gagamitin natin ng tama.
Marami ang ginagamit ito sa maling pamamaraan, tulad ng paggawa ng
malalaswang panoorin at babasahin. Ito ay tinatangkilik naman ng
karamihan kaya lumalaganap. Ito ay nakararating kahit pa nga sa mga
lugar na napaliligiran ng tubig, gaya ng Sapang Kawayan. Isa ito sa mga
nagiging sanhi ng maagang pag-aasawa ng mga kabataan at
nakakaapekto maging sa kanilang gawi at kaugalian. Dahil kadalasan,
kung alin ang basurang programa yung ang tinatangkilik, kung alin naman
ang pakikinabangan ay di binibigyang-pansin. Ang katuwiran pa nga ng
iba, gastos lang yan!
Tunay na ang midya at kultural na merkado ay may malaking implikasyon
at kontribusyon sa buhay ng isang tao. Alalahanin natin, ito ang ginamit na
instrumento ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal, upang
pukawin at gisingin ang damdamin ng lahing kayumanggi na may maalab
na pagmamahal sa sariling bayan. Sinulat niya Noli Me Tangere at El
Filibusterismo na siya namang nagkaroon ng malaking epekto sa mga
Pilipino. Dahil dito nagkaroon tayo ng adhikain na bawiin an gating
tinubuang lupa mula sa mga mapang-api at mapang-abusong prayle.
Ito ay ilan lamang sa mga epekto ng midya at kultural na merkado.
Maaaring magamit ito sa mabuti at maaari rin naman na sa masama.
Anuman ang piliin nating paraan ng paggamit nito sa ating buhay. Tiyakin
nating wasto ang paraan upang matamasa ang kaayusan at katumpakan
sa ating minamahal na inang bayan.
Konklusyon
Ang maagang pag-aasawa ng mga kabataan sa Sapang Kawayan ay nag-
ugat sa mapanganib na oryentasyon(kapag nabuntis, panagutan) na siya
nilang pinanghahawakan. Ito’y dinilig ng mga gawi at kaugaliang taliwas sa
pamantayan ng wastong asal at moralidad. Kinalinga ng maling paggamit
ng midya at kultural na merkado, sa isang komunidad na tigang sa tunay
na kahulugan ng edukasyon.
Rekomendasyon
Matapos mailahad ang mga salik at paliwanag tungkol sa oryentasyon na
humuhubog sa mga kabataan ng Sapang Kawayan. Hangad namin na
maipaabot sa kinauukulan ang aming rekomendasyon. Maaring hindi nito
matuldukan o mahanggahan ang maagang pag-aasawa (pagka’t ito’y sarili
nilang desisyon) sa Sapang Kawayan. Sa pamamagitan naman nito,
marahil ay mapapaliit o mapapababa ang dalawampu’t limang (25%)
porsiyento ng maagang pag-aasawa. Sa isang banda, kung hindi
mabibigyan ng kaukulang pansin ay maaari pang lumaki o tumaas.
Ang mga sumusunod ay ang rekomendasyon ng aming pangkat. Una, ang
pagsusulong ng kahusayan ng mga kabataan o youth empowerment.
Upang mailayo sila sa kanilang gawi at kaugalian, lalo na sa pagdyudyuti.
Kadalasan ito ang pinagsisimulan ng kanilang pag-aasawa ng wala pa sa
panahon. Ikalawa, ang seryoso ngunit maingat na pagpapatupad ng mga
batas at ordinansa na umiiral. Maipabatid at maipaunawa sa ito sa mga
kabataan na ito ay hindi paghihigpit sa kanila, kundi ito’y para na rin sa
kanilang seguridad at kaligtasan. Sapagakt isang araw ay lalabas sila sa
kanilang komunidad, sa malaking bahagi ng lipunang kanilang ginagalawan
at kinabibilangan. Ikatlo, pagdadala at paglikha ng mga programang
pangkabuhayan, lalo na sa mga kababaihan na naiiwanan sa kanilang
tahanan kasama na rin dito ang mga kabataan. Ika-apat at panghuli,ay ang
pagpapanatili at pagpapayaman ng magandang kultura at isulong ang
kahusayan ng mga mamamayan ng Sapang Kawayan.