Totoo Kaya Na Ang Napapaloob Sa Bakuran Ng Espiritismo Ay Dumaranas Ng Karalitaan Sa Kabuhayang Panlaman

Embed Size (px)

Citation preview

Totoo kaya na ang napapaloob sa bakuran ng Espiritismo ay dumaranas ng karalitaan sa kabuhayang panlaman

Totoo kaya na ang napapaloob sa bakuran ng Espiritismo ay dumaranas ng karalitaan sa kabuhayang panlaman?

Ang tanong na iyan ay hindi akademiko, gayunman ay tutugunin ko sa inyo ang bagay na iyan. Ang nasasakop sa bakuran ng Espiritismo ay ang mga taong umiibig at nagsisikap na mag-aral ng karunungang tuwirang bumabalangkas ng mga muog na batayan ng pagsulong ng sangkatauhan. Saklaw nito ang anumang uri hanggang sa kahuli-hulihang sangkap ng kultura ng mga tao sa lahat ng panahon at sa lahat ng dako. Kabilang dito ang mga karunungang positiba, ang mga pananampalataya, at ibat iba pang paaralang nag-aadhika ng mga bagay na ikauunlad at ikasusulong ng diwa, ng buhay, ng katalinuhan, at ng kaluluwa ng buong daigdig. Ang bakod ng Espiritismoy ang buong circumferencia na kinapapalooban ng sangnilalang at nasa ilalim ng kataas-kataasang pamamatnugot ng dakilang Manlilikha. Salig sa ganitong paliwanag sana sasakop ng bakuran ng Espiritismo- lahat ng tao ay nalalaman o namamalayan man nila o hindi.

Walang taong nalalayo sa Espiritismo, kung tinatanggap natin na ang taoy espirito na may katawang laman na kinakasangkapan samantalang nasa kapatagang lupa na katulad ng inyong tinatahan, maging itoy hiwalay sa isang kasangkapang maaaring gamitin, katulad halimbawa, ng inyong katawang laman. Anumang pagsisikap sa ikasusulong ng espiritong ito, sa pag-iisip, gawain o damdamin kaya, ay natutungod sa kanyang ikadarakila at ikaluluwalhati. Sa anumang antas ng buhay, buhat sa mahaba hanggang sa taluktok ng kadakilaan, iyan ay saklaw ng pag-aaral ng Espiritismo.

Pangalawang bahagi ng tanong na kung naghihirap ang pasakop sa Espiritismoy tinutugon ko ng ganito: OO, naghihirap ang sakop ng Espiritismo, kung papaanong naghihirap ang isang anak ng Diyos. Sapagkat sa sandaling isilang sa liwanag ang isang tao at sumibol ang kamalayan sa sarili at kusang pag-iisip, ito ay simula na ng pakikipamuhay, simula na ng pakikibaka, simula na ng pag-usad na patungo sa kaitasaan sa mga baitang ng hagdan ng pagkasulong. Sa mga unang yugto ng pakikipamuhay ng isang tao o ng isang espirito o ng isang batlaya, sa madaling salita, siya ay pinahihiyasan ng mga batas ng karma, ng mga kailanganing nauukol sa nakatakdang yugto ng pag-aaral na lalong ikagaganap ng maluwalhating katuparan ng kanyang paksang binabanghay sa yugtong iyan ng buhay. Halimbawa: minsan ay sa yugto ng kabuhayan sa kapatagang ito ng isang tao, sa pamamagitan ng mga batas ng karma, ay nakatakdang maunlad ang katalinuhan sa isang uri o hanay ng kabuhayang panlaman, kayamanan, halimbawa, buhay mariwasa, buhay-makapang-yarihan o buhay maharlika. Palibhasay ito ang leksyon, ito ang paksa ng yugtong ito ng pagparito sa lupa, palibhasay iyan ang gawa ng pag-iisip at alitigtig ng kaluluwa, ang mga paligid at pook na sisilangan ay magdudulot ng ganting galaw na katugon ng kanyang dalang simulain at adhika. Sa yugto ng kayamanang ito at sa yugto ng kabuhayan may kapangyarihang panglupang ito, sa tawag ninyong mga tao, ay naliligayahan siya at nakalutang sa kaaliwan.

Subalit kayo rin ang nakararanas na sa gitna ng kaaliwan at sapin-saping pagsubok ay sapin-sapin ding suliranin, patung-patong na paksa ng buhay ang naipapataw sa inyong balikat upang panagutan ninyo sa harap ng lipunan ng tao at sa harap ng batas ng dakilang Manggagwa. Hanggat hindi ninyo lubusang naisasakamalayan ng sagad sa diwa o budhi ang kabatiran sa kalagayang ito ng buhay, pagbabalik-balikan ninyo ang antas na iyan ng pananatili hanggang sa malampasan ang mga panghuling pagsusulit sa nasabing yugto ng kabuhayan.

Pikpik at siksik na tatakalin kayo, sabi ng kasulatan. Hindi kayo aalis duon ng hindi na lahat hanggang sa huling beles ng inyong pagkakautang. Sa susunod na yugto o sumusunod na yugto ng kabuhayan, isa-isa ninyong gagaygayin ang lahat ng maaaring idulot ng isang kaluluwa- materyal, moral at espiritwal. Habang kayo ay nagiging bihasa at samantalang napapali ang inyong diwa, ang ilaw ng inyong kaluluwa ay nagliliwanag dahil sa kabatiran sa kabila ng maraming pagsubok. Sabi ng kasulatan: magaan pang magdaan ang isang kamelyo sa butas ng karayom kaysa sa isang mayamang makarating sa kaharian ng langit. Ang isang katulad ninyo, mayamang-mayaman at saganang-sagana sa kabatiran ay mapalad na idaraan sa butas ng karayom. Pagdaan ninyo sa mga moog ng walang butas na daraanan, makakapal na palarindingan ang inyong paglalagusan, sapagkat sa ganyang yugto ng kabatlayaan, ang makakapal na moog ay hindi sagabal sa ilaw at lakas ng inyong pagkatao. Habang dumadakila ang kabatlayaan ng mga tao at yumayaman sa karanasang pangkabanalan ay lalong malalaking pagsubok at malalaking hirap ang daranasin. Magaan pa ang isang kamelyo na sumuot sa butas ng karayom kaysa sa inyo na makapasok sa kaharian ng mga langit.

Nasasaksihan baga ninyo ito? Nadarama baga ninyo ang aking diwa na idinadampi ko sa inyong isipan? Ang Diyos ay pag-ibig at katarungan. Hindi kayo idaraan sa ganitong pagsasakit at ganitong hirap kundi kayo inihanda sa mahabang kawing kawing na panahon at kayo ay tinigmak sa langis ng kabatiran. Ang tanong ninyo sa akin ay naghihirap baga ang napasasakop sa Espiritismo? Oo, naghihirap, at sinumang umibig sa kabanalan, karunungan at katarungan, tanggihan man ay walang salang magdaraan sa malaking paghihirap.

At kapag mayroon kayo ng pagsang-ayon sa pagpapakasakit, ihagis man kayo sa lagablab ng apoy ay hindi kayo masusunot, katulad ni Daniel. Isugba man sa nagngagalit na apoy ay aahon kayo ng may ngiti, may katuwaan at pagpupuri. Hindi baga nasusubok ninyo ito? Makailan kayong ihagis sa lagablab ng apoy, hindi baga nakangiti kayo at nanunumbalik sa dambana upang magpasalamat? Hindi baga mga kapatid? Bakit kayo nakalaan sa ganyang pagsubok, sa ganyang mga hirap, sa ganyang pagpapakababa sa ibabaw ng maraming karangyaan ng kadakilaang panlaman? Magagawa ninyo ito sapagkat kayo ay mga pikpik at siksik na inihasa ng mahabang panahon ng karanasan sa loob ng Espiritismo. At ang lumalandas na may pagkukusa sa daan ng Panginoon ay humihiwalay sa daanan ng mga taga Samaria, sapagkat ang maglilingkod sa dalawang Panginoon ay hindi makapagmamatapat sa kapwa, katulad baga ng isang namamangka sa dalawang ilog na hindi magagawa sa iisang panahon. Ang sadyang nagsasadiwa at nagsasapuso ng Espiritismo ay hindi pinahihiyasan ng karangyaan ng kayamanang panlupa sapagkat hindi niya ito kailangan. Sabi ng Mananakop sa panahon ng pangangaral: dumaraan ang Prinsipe ng sanglibutan ito at siya ay walang anuman sa akin. Samakatuwid, sa puspusang pag-aaral ng kahiwagaan ng buhay pambatlaya, ang mga pahiyas ng buhay panlaman ng tao ay katimbang ng buhay pambatlaya. Tinatanggap ko at sinasang-ayunan ang bagay na ito.

Sa yugto ng inyong kabihasnan ngayon ay kailangan ang mga sangkap-sangkap na kayamanang panlupa sa pagtupad ninyo ng hinihingi ng kawanggawa at kabutihang asal, ng kabaitan at ng pag-ibig sa kapwa tao sa loob ng lipunan. Kung ang pagtupad ninyo ng mga kabanalang iyan ay sinusunod ninyo ang dipinisyon at pagpapaliwanag ng karaniwang kabaitan ng tao at kawanggawa ng tao, iyan ay nagaganap bilang pag-alinsunod sa mga pangangailangang panlaman. Kung magawa ninyo iyan kalahati lamang ng daan sa kawanggawa ang inyong natupad. Ang dalisay na kawanggawa ng isang tao sa pamamagitan ng pagpapalagos ng kanyang matapat at tunay na bahagi ng katauhan at kaluluwa sa diwa at puso ng kanyang kapatid, sa mga kaparaang espirituwal.

Nagagawa ito sa isang masinop na pakikisang-diwa, sa isang matapat at wagas na damdamin ng pag-ibig sa isang tao. Ang kung ito ay madama ninyo at madanas sa kaibuturan ng inyong puso, wala man kayong maiabot na putol ng tinapay sa isang nalulugami, panalaigan ninyo, mga kapaatid ko, na iyan ay isang kawanggawang hindi mawawala sa aklat ng ginto ng kaluluwa ng pinag-ukulan ng inyong pag-ibig, nalalaman o hindi ng inyong pinag-ukulan. Ang gayong gawain o tibukin ng kaluluwa at puso na inyong papaimbulugin at papaglagusin sa kaluluwa ng inyong kapatid, ito ay naghahatid sa inyo ng katugong galaw at kaipalay bibihis sa marami ninyong kahirapang nasagap sa mga pinagdaanang kabuhayang espirituwal. Maraming karma ang mabibigyan ninyo ng kasiyahan sa buhay na moral sa bawat lagos ng isang dalisay at marangal na tibukin para sa isang kapatid, lalong-lalo na, sa isang mahina at nangangailangan ng inyong tulong.

Sa ganitong pangyayari, ang kawaggawang panlaman ay nagsisilbing pangalawang bagay na lamang. Mga espiritista kayo at magtititwala akong mga katagang ito itoy nadarama ninyo sa kaibuturan ng inyong puso. Kayangat sa bawat paghihirap ng isang pasakop sa bakuran ng Espiritismo ay may ganting-galaw ng katahimikan at kapayapaan ng kaluluwa na walang katapat na halaga sa ibabaw ng lupa. Nagsasalita ako sa karanasan ninyo na aking mga kaharap ngayon. Kung nag paghihirap ay ipinaliliwanag ng kapagalan at mga sakit na pinagdaraan at tinitiis ng isang tao dahil sa kanyang paglulunggating sumapit sa tugatog ng mga adhikain ng kabanalan at kabatlayaan, ang paghihirap na iyan ay isang kaluwalhatian ng kaluluwa. Sapagkat ang tao, sa kanyang tunay na kalagayan ay buhay, sapagkat gumagawa at nananatili, sapagkat nag-iisip, umiibig at nagdaranas. At sa sandaling mawala ang paggawang ito at ang pakikibakang ito upang dumakila- wala na ang buhay; kung magkakagayon, ang paghihirap ay isang kurso natural o isang likas at katutubong daang lalandasin ng bawat isilang sa alinmang kapatagang kabubuhayan ng tao, hindi isang suliraning paghihirap, manapay ito ay isang batas. At sapagkat batas, ang tao ay sadyang magdaranas ito.

------------------------

Source: Tinig ng Batlaya: Mga Hatid Kasagutan ni San Pedro sa mga Tanong na Iniharap ni Eriberto B. Arevalo. Sa pamamagitan ng talaytayang si Bb. Guadalupe B. Estrada. Unang Pagkalimbag Enero 1966.