Upload
dotruc
View
242
Download
8
Embed Size (px)
Citation preview
JOURNAL OF THE SECOND JOINT SESSION
OF THE 16TH CONGRESS
5TH STATE OF THE NATION ADDRESS OF
HIS EXCELLENCY BENIGNO S. AQUINO III
PRESIDENT OF THE PHILIPPINES
Monday, July 28, 2014
PROCESSIONAL
At 3:58 p.m., the processional took place with the entry of the President, His
Excellency Benigno S. Aquino III, in the Plenary Hall of the House of Representatives.
CALL TO ORDER
At 4:00 p.m., Senate President Franklin M. Drilon, on behalf of the Senate, and
Speaker Feliciano Belmonte Jr., on behalf of the House of Representatives, called the
joint session to order.
NATIONAL ANTHEM AND THE NATION’S PRAYER
Thereupon, Regina Coeli Choir-Philippines led the singing of the National Anthem
which was followed by the Nation’s Prayer led by various clergymen, to wit:
PANALANGIN NG SAMBAYANANG PILIPINO
Amang Makapangyarihan, puspos Ka ng biyaya at pagmamahal, pinupuri at
dinarangal Ka namin sa walang sawang paglingap sa amin.
Kami po’y nagpapasalamat sa Iyo, dahil tinipon Mo ang bayang Pilipinas sa
araw na ito upang dakilain ang mga biyayang pinagkaloob Mo po sa amin.
Sa mga nagdaang araw, sinubok kami ng panahon, dahil sa lubos naming
tiwala sa Iyo, at sa turo Mong pagdadamayan at pagkakaisa, nalagpasan lahat
namin ito.
Kaya sa pagtitipong ito, hinihiling po namin na bigkisin pa ng matibay na
pagkakaisa ang lahat ng Pilipino habang patuloy naming tinatahak ang landas
tungo sa isang higit na maunlad at mapayapang Pilipinas.
458 SONA 2014
Basbasan at gabayan Mo kami, lalo na ang aming Pangulo, Pangalawang
Pangulo, mga Miyembro ng Kongreso at lahat ng naglilingkod sa pamahalaan,
upang maisakatuparan ang adhikain tungo sa maayos na paninilbihan sa Inang
Bayan at sa gayo’y maikapuri sa Iyo.
Ang lahat po ng ito ay aming dalangin sa Iyo. Siya nawa.
STATE OF THE NATION ADDRESS OF PRESIDENT BENIGNO S. AQUINO III
Maraming salamat po. Salamat po. Maupo ho tayong lahat. Salamat pong
muli. Maupo ho tayo.
Bise Presidente Jejomar Binay; dating Pangulong Fidel Valdez Ramos; Senate
President Franklin M. Drilon at mga miyembro ng Senado; Speaker Feliciano
Belmonte Jr. at mga miyembro ng Kamara de Representante; Chief Justice Maria
Lourdes Sereno at ang ating mga mahistrado ng Korte Suprema; mga kagalang-
galang na kagawad ng kalipunang diplomatiko; mga miyembro ng Gabinete;
mga opisyal ng lokal na pamahalaan; mga kasapi ng militar, pulis, at iba pang
kawani mula sa ating unipormadong hanay; mga kapwa ko nagseserbisyo sa
taumbayan; at sa aking mga Boss, ang mga minamahal kong kababayan:
Magandang hapon po sa inyong lahat.
Ito po ang aking ikalimang SONA, isa na lamang ang natitira. May kasabihan
po tayo: Ang hindi lumingon sa pinanggalingan, hindi makararating sa
paroroonan. Kaya marapat lang po siguro tayong magbalik-tanaw:
Noon, sa sitwasyon natin: Para bang kahibangan ang mangarap. May
burukrasyang walang saysay, patong-patong ang tongpats, at bumubukol ang
korupsyon sa sistema. Naturingan tayong “Sick Man of Asia.” Ang ekonomiya
natin, matamlay; ang industriya, manipis. Walang kumpiyansang mamuhunan sa
atin pong bansa. Ang resulta: kakarampot ang trabahong nalilikha. Dinatnan
nating tigang sa pag-asa ang mamamayang Pilipino. Marami sa atin ang sumuko
at napilitang makipagsapalaran sa ibang bansa. Nakayuko na lamang nating
tinanggap: Talagang wala tayong maaasahan sa ating pamahalaan at lipunan.
Nalugmok nga po ang Pilipinas dahil sa labis na pamumulitika. Naglaho
ang pananalig natin sa isa’t isa, humina ang kumpiyansa sa atin ng mundo, at
ang pinakamasakit: Nawalan tayo ng tiwala sa ating mga sarili.
Sa puntong ito natin sinimulan ang pagtahak sa tuwid na daan.
Bilang ama ng bayan, nakaatang sa aking balikat, hindi lang ang mga
suliraning ating dinatnan at mga lumilitaw sa kasalukuyan—obligasyon ko ring
459JULY 28, 2014
paghandaan ang kinabukasan. Sa bawat sandali, kailangan kong isaalang-alang
ang interes at punto-de-bista ng lahat. Isipin na lang po ninyo: Para kang
nanonood ng 200 channel sa telebisyon nang sabay-sabay. Kailangan, alam mo,
hindi lang ang kasalukuyang nagaganap, kundi ang pinanggalingan at
paroroonan ng nilalaman ng bawat channel. Bawal malito, at kailangan, may
tugon ka sa anumang tanong, suhestiyon, at kritisismo—at dapat sagutin mo ito,
bago pa iharap sa iyo. Hindi po madali ang trabahong ito, at tao lang po ako, na
kung minsan, nagkakaroon din ng agam-agam.
Ngunit buo ang aking loob dahil malinaw ang aking pangunahing layunin:
Ang ibalik ang gobyerno sa dapat nitong tuon—ang paglingkuran ang taumbayan
sa lahat ng panahon.
Di po ba’t may kasabihan tayo: Bigyan mo ng isda ang tao, at mapapakain
mo siya ng isang araw. Turuan mo siyang mangisda, at habambuhay niyang
mapapakain ang sarili niya. Halimbawa nito ay ang TESDA. Sa Training-for-
Work Scholarship Program, nag-ambag ang DAP ng P1.6 billion. Nakapagpatapos
po ito ng 223,615 benepisyaryo. 66 percent po nito—o katumbas ng 146,731
graduates—ang nagtatrabaho na ngayon. Iyon naman pong 34 percent na natitira,
tinutulungan na rin ng TESDA na makahanap ng trabaho. Tingnan po ninyo:
Lahat po ng mga TESDA scholar, nakalista ang pangalan at iba pang datos, na
puwede ninyong kumpirmahin.
Kung hahatiin natin sa bilang ng graduates ang naipagkaloob na pondo,
pumapatak na P7,155 ang naipuhunan ng pamahalaan para sa training ng bawat
scholar. Sa BPO sector, mababa na ang kitang P18,000 kada buwan. Kada taon,
kikita siya ng P234,000 pesos. Ibigay man ang maximum tax deduction, ang
magiging income tax niya kada taon: P7,900. Ibig-sabihin, ang pinuhunan ng
estadong P7,155, sa unang taon pa lang, nabawi na, may sobra pa. Ito, at ang
lahat ng ibubuwis ng ating scholar hanggang magretiro siya, ay magbibigay
naman sa kanyang kababayan ng parehong pagkakataon. Ito po ang mabuting
pamamahala: May tama pong intensyon, pamamaraan, at resulta. Lahat panalo.
Pakinggan po natin ang kuwento ng dalawang TESDA graduates:
(Video presentation.)
Nasimulan na rin po natin ang Expanded Conditional Cash Transfer Program
nitong Hunyo 2014, na may pondong P12.3 billion. Ngayon, suportado na rin ng
estado hanggang umabot ng 18 taong gulang ang benepisyaryo. May
magtatanong, “Bakit?” Batay po kasi sa pag-aaral ng Philippine Institute for
Development Studies, 40 percent ang dagdag na sinasahod ng high school
graduate, kumpara sa grade school lang ang natapos.
460 SONA 2014
Namumuhunan po tayo sa pinakamahalagang yaman ng bansa: ang
taumbayan. Pinapatunayan ito ng datos ng NEDA. Ayon sa kanila, ang 27.9
percent na poverty incidence natin sa unang semester ng 2012, bumaba patungong
24.9 percent sa kaparehong panahon noong 2013. Ang three percentage points
pong ito ay katumbas ng halos 2.5 milyon na Pilipinong nakaalpas na sa poverty
line. Totoo namang dapat pagtuunan ng masusing pansin ang pinakamahihirap
sa lipunan. Pero hindi tayo titigil diyan: Ngayong nadagdagan ang kakayahan
natin, sinisikap nating hindi na manumbalik sa ilalim ng poverty line ang lahat
ng nakaalpas na.
Dumating po tayo sa lipunang parang isang sirang bahay na hindi natin
malisan. Ang malala pa dito, halos wala tayong kagamitan at materyales para
ayusin ang sira. Nitong mga nakaraang taon, sa pakikiambag ng bawat
mapagkapwang Pilipino, nabubuo na natin ang mga kagamitan at materyales na
ito—tulad po ng budget na tanging nakatuon sa pangangailangan ng
mamamayan, at apat na sunud-sunod na taon na nating naipapasa sa tamang
oras. Kasama nito ang mga batas na nagpapabilis ng pagdating ng pakinabang
sa atin pong mga Boss.
Dito po—sa isang patas na sistema—nagsimula ang panunumbalik ng sigla
ng ating ekonomiya. Nakatipid tayo dahil sa maayos na pangangasiwa ng pondo.
Napapalawak natin ang saklaw ng mga serbisyo nang hindi nagtataas ng buwis,
maliban sa Sin Tax Reform na layuning ibsan ang bisyo sa lipunan.
Nagtrabaho tayo para magkaroon ng kakayahang tustusan ang mga
proyektong ipinatupad, ipinatutupad, at ipatutupad pa natin. Pinaigting natin
ang pangongolekta ng buwis: mula sa koleksyong P1.094 trillion noong 2010,
naitaas na natin ito sa P1.536 trillion noong 2013. Inayos natin ang pamamahala
ng ating mga utang. Ang resulta: Bumaba ang ating debt to GDP ratio; ang
perang dating dapat ibabayad sa interes, napupunta na sa social services. Pati
ang mga obligasyong karamihan ay minana lang, natugunan din natin.
Halimbawa po nito: 1993 pa po o panahon pa ni Pangulong Ramos nang itinakda
ang obligasyong i-recapitalize ang Bangko Sentral ng Pilipinas sa halagang 50
bilyong piso para magawa niya ang kanyang tungkulin. Ang napondohan ni
Presidente Ramos, P10 bilyon, at hindi na nadagdagan pagkatapos noon. P40
bilyon ang kakulangang iniwan sa atin; nabayaran na po natin ito.
Pinaghirapan natin ang pondong mayroon tayo ngayon, kaya’t hindi po
natin maaatim na waldasin lang ito. Kung pipili nga ng tamang pinuno ang ating
mga Boss, malalagpasan pa ng susunod ang ating mga nagawa, dahil malaki na
ang naibawas natin sa problema, at mas matayog na ang kanilang pagmumulan.
461JULY 28, 2014
Bakit po mas matayog? Nitong 2013, sa unang pagkakataon, nagkamit tayo
ng investment grade status mula sa Moody’s, sa Fitch, at Standard and Poor’s—
ang tatlong pinakatanyag na credit ratings agency sa mundo. Sa pagsusuri nila
ng ating macroenomic fundamentals at governance, nabawasan ang riskong
itinatala, kaya tumingkad ang kumpiyansa ng mga namumuhunan. Hindi pa nga
po nakuntento ang Standard and Poor’s: Nitong Mayo lang, panibagong upgrade
na naman ang ibinigay nila sa atin. Ang hatid po nito: Dahil nga investment
grade na tayo, mas murang mahihiram ng gobyerno ang pondo para sa mga
programa at proyekto, mas maraming naaakit na mamumuhunan sa ating bansa,
at mas mabilis na natatamasa ng Pilipino ang benepisyo.
Kung susumahin naman po ang lahat ng puhunang pumasok sa Philippine
Economic Zone Authority simula nang itatag ito noong 1995, makikitang 42
porsyento ang pumasok sa apat na taon ng ating panunungkulan. Ang natitirang
58 percent, inabot ng 15 taon ang ibang mga administrasyon para bunuin.
Kumpiyansa po tayo: bago tayo bumaba sa puwesto, papantayan o hihigitan pa
natin ang halagang ito. Kay Director General Lilia de Lima: Salamat sa nagawa
mo na, at gagawin pa, sa pagkamit ng tagumpay na ito.
Talagang pa-take-off na ang ating ekonomiya at bansa, at inaabot na natin
ang mas matatayog pang mithiin. Minana natin ang tila grounded na aviation
industry: napatawan tayo ng significant safety concerns ng International Civil
Aviation Organization, o ICAO, nabigyan ng downgrade ng United States Federal
Aviation Administration, at nilagyan ng restriction ng European Union ang ating
mga local carriers.
Nitong 2013, inalis na nga po ng ICAO ang significant safety concerns sa
Pilipinas. Sa parehong taon, sinundan ito ng pagpayag ng European Union na
muling lumipad ang Philippine Airlines patungong Europa, kaya direkta nang
makakabiyahe ang Pilipino mula Maynila po hanggang London. Malamang nga
po, pasunod na ang Cebu Pacific dahil nabigyan na rin sila ng pahintulot ng EU
ngayong 2014. Ngayong taon din, in-upgrade ng United States Federal Aviation
Administration ang Pilipinas balik sa Category 1. Dahil dito, maaari nang
dumagdag ang mga ruta papunta sa Estados Unidos. Sa larangan ng turismo at
pangangalakal, malaki ang itinulong ng pagdami ng flights ng ating airlines
tungo sa mga bansa kasapi ng EU at Estados Unidos .
Dumarating sa atin ang mga ulat na sa dami ng gustong bumisitang negosyante
at turista sa ating bansa, dumarating ang mga panahong kulang na ang mga
biyahe papunta rito. Magandang balita nga po ang mga upgrade: Dadami ang
biyahe, kaya’t matutugunan ang suliraning ito. At sa patuloy na pagtutulungan
ng CAAP at ng ating mga local carrier, pihadong mas marami pa tayong maaakit
na turista at negosyante sa mga susunod na taon. Panalo ang mga umaasa sa
462 SONA 2014
sektor ng turismo, panalo ang sambayanang Pilipino. Mabuting pamamahala po
ang ugat ng mga tagumpay na ito. Nagpapasalamat nga tayo kina Director General
William Hotchkiss, sa CAAP, at sa ating mga local carriers para sa inyong
pagsusumikap.
Talagang nasa sentro ng pandaigdigang entablado ang Pilipinas. Nito lang
pong nakaraang Mayo, nagpakitang-gilas tayo sa tagumpay ng pagdaraos ng
World Economic Forum on East Asia sa ating bansa. Ihahayag natin sa gaganaping
APEC Summit dito sa susunod na taon ang kaunlarang nakakamit natin at ang
pagkakataong hatid para sa lahat. Wala pong duda: More open for business na
nga po ang Pilipinas.
Bukod po sa maaliwalas na pagnenegosyo, isinusulong din natin ang maayos
na relasyon ng ating mga manggagawa at mga kompanya.
Isipin po ninyo: Mula 2010, nananatiling mababa sa sampu ang bilang ng
mga strike kada taon ayon sa National Conciliation and Mediation Board. Isa po
itong positibong bunga ng itinataguyod nating Single Entry Approach, o SEnA,
ng DOLE, kung saan dumaraan sa 30-day conciliation-mediation ang mga
nakahaing labor cases. Ang maganda nga po: sa 115 notices of strike and lockout
noong 2013, isa lang ang natuloy na welga. Ito ang pinakamababa sa kasaysayan
ng DOLE. Maraming salamat po kay Secretary Linda Baldoz, sa pamilya ng DOLE
at siyempre po sa labor at management sectors. Minsan po ay nagkabiruan kami
ni Secretary Baldoz, noong 2012 ho yata’y may dalawang strike, noong 2013, isa
na lang, so nangangalahati nang nangangalahati. Sabi ko: Linda, sa 2014, hindi
tagumpay ‘yung may kalahating strike. Baka puwede, wala nang strike?
Napakalaki po talaga ng pagbabago: Lampas doble na ang budget para sa
imprastruktura, mula P200.3 billion noong 2011, naging P404.3 billion ngayong
2014. Paalala ko lang po: Hindi tayo nagdagdag ng buwis maliban sa Sin Tax
Reform na nakatugon sa kalusugan, habang napanatili din ang ating allowable
deficit, at patuloy na bumababa ang ating debt-to-GDP ratio. Malaki po ang
epekto nito, dahil hindi lang lumaki ang pondo: binawasan pa natin ang mga
tagas sa sistema, kaya natitiyak nating mas sulit ang bawat pisong ginagastos ng
estado.
Sa pamumuno ni Secretary Babes Singson ng DPWH: Bawal ang tongpats,
bawal ang bukol. Tinapalan na ang mga butas sa lumang sistema, at pinatag ang
proseso sa ahensya. Isang simpleng halimbawa po nito ang pagtatanggal ng
Letter of Intent sa bidding process. Noon po kasi, ginagamit ito bilang
kasangkapan sa kuntsabahan—kapag nalaman kung sinu-sino ang bidders ng
proyekto, binibigyan ng puwang ang sabwatan. Isa pa po: Ang mga dokumentong
hinihiling mula sa bidders: lima na lang, mula sa dating 20. Mas mabilis ang
463JULY 28, 2014
proseso, at mas kaunti ang pagkakataong manghingi ng pampadulas o suhol.
Ang resulta: Halos P28 bilyon ang naisalbang pondo, at napapaaga ang
pagpapatupad ng mga susunod na proyekto. Kaya naman kay Sec. Babes at sa
bumubuo ng DPWH: muli, maraming salamat po sa inyong lahat.
Hanep po talaga: Kasabay ng mga natipid ng DPWH, ang nailatag,
napapaayos, napalawak, o naipagawa nilang kalsada mula nang maupo tayo,
umabot na sa 12,184 kilometro. Nung nakita ko po itong numerong ‘to, napag-
isip rin ako: Paano ko ba maipapaliwanag ‘yung labindalawang libo? Sabi po
sa atin: katumbas ito ng apat na kalsadang nag-uugnay sa Laoag hanggang
Zamboanga City. National roads lang po ito; wala pa rito ang mga local farm-to-
market roads o tourism roads.
Sa Public-Private Partnership program naman po: Mula Disyembre 2011
hanggang nitong Hunyo, nakapag-award at nakalagda na ng pitong PPP projects
ang inyong pamahalaan; ang halaga nito: tinatayang P62.6 billion. Sa apat na
taon natin sa tuwid na daan, nalampasan na natin ang pinagsamang anim lamang
na aprubadong solicited PPP projects mula sa nakaraang tatlong administrasyon.
Ang laki na po talaga ng pinagkaiba ng noon sa ngayon. Sabi nga ni Secretary
Cesar Purisima: Dati, hindi makaakit ang Pilipinas ng mga mamumuhunan. Noon,
gobyerno pa mismo ang nag-aalay ng kaliwa’t kanang insentibo, tulad ng
pagbibigay ng commercial development rights, subsidy, at iba pang garantiya.
Ngayon, baliktad na ang sitwasyon. Matindi ang kompetisyon ng mga nag-
uunahang kompanya; handa silang magbayad para makuha ang pribilehiyong
itayo ang imprastrukturang kailangan natin. Halimbawa po: Sa Mactan-Cebu
International Airport Passenger Terminal Building, may premium ang gobyerno
na umaabot sa mahigit P14 bilyon; sa NAIA Expressway Project Phase 2, nakakuha
ang gobyerno ng prima na P11 bilyon. Muli: Mabuting pamamahala ang ugat ng
lahat ng ito.
Tingnan naman natin ang TPLEX. Dahil sa kalsadang ito, maginhawa na
ang biyaheng Tarlac hanggang Rosales sa Pangasinan. Ayon po sa kanila, ang
bahagi hanggang Urdaneta, makukumpleto na bago matapos ang 2014. Sa
susunod na taon, aabot na raw ang daang ito hanggang sa dulo sa Rosario, La
Union.
Ang mga imprastrukturang matagal nang ipinako sa pangako, atin na rin
pong isinasakongkreto. Ang Aluling Bridge, na 1978 pa po binuo ang konsepto,
bukas na sa publiko. Ang Metro Manila Skyway Stage 3, na bahagi ng Metro
Manila Expressway na proyekto pa noong dekada sitenta, inilunsad na natin
noong Enero. Sa mga dumadaan ng Osmeña Highway, nakikita naman po ninyo
kung gaano kabilis itayo ang mga haligi para dito. Ang Ternate-Nasugbu Road,
464 SONA 2014
na noon pang 1994 sinimulang ilatag ang plano—100 percent complete na rin
ngayon Ang Basilan Circumferential Road, na year 2000 pang under construction,
malapit na rin pong matapos. Hindi ko na ho sasabihin ‘yung eksaktong petsa
baka mausog pa. Pero ‘pag hindi ho natupad, ‘yung ipinangako sa atin ni
Governor Hataman, sasamahan ko siya araw-araw hanggang matapos ito.
Ilan lang po ito sa mga imprastrukturang wala tayong planong ipamana
bilang problema; sa halip, ngayon, nagsisimula na itong mapakinabangan ng
ating mga Boss.
Muli, dahil sa mabuting pamamahala, mas may kakayahan na tayong
tugunan, maging ang mga problemang paparating pa lang. Halimbawa: sa tubig.
Alam nating habang lumalago ang populasyon at umaangat ang ekonomiya, mas
maraming tubig ang kakailanganin sa mga susunod na taon. Ayon nga po sa pag-
aaral, maaaring magkaroon ng kakulangan ng tubig sa Metro Manila pagdating
ng 2021. Hindi na po natin hihintayin ang tagtuyot: Ang mga solusyong talagang
pinag-aralan ng mga dalubhasa, inaprubahan na po natin—ang Kaliwa Dam
Project sa Quezon, at ang pag-aayos ng mga linya ng Angat Dam. Magandang
solusyon po ito kaysa kumuha ng tubig mula sa mga aquifer sa ilalim ng lupa, na
mas madaling pasukin o magbibigay-daan para mas madaling pasukan ng tubig-
alat. Isa pa, kung sa mga aquifer lang tayo nakasalalay, mas mapapabilis ang
paglubog ng lupa—na siya namang nagiging dahilan ng pagbaha.
Kasabay po ng mga dam para sa Metro Manila at mga karatig-bayan ang
suporta natin sa mga tagalalawigan. Aprubado na rin ang Water District
Development Sector Project, sa ilalim ng LWUA o Local Water Utilities
Administration.
Siguro po, narinig na rin ninyo ang pinakamalaki nating PPP project—ang
Laguna Lakeshore Expressway Dike—bubuksan na rin ang bidding bago matapos
ang 2014. Napakaraming benepisyong maidudulot nito. Una, mababawasan ang
pagbaha. Ngayon po, ‘pag pumalo ng 12.5 meters ang taas ng tubig sa lawa,
tiyak, babahain na ang mga komunidad sa paligid nito. Ang solusyon: dikeng
may taas na higit sa 15 metro. Ikalawa pong pakinabang: Malilinis ang tubig sa
Laguna Lake. Ang ikatlo po: Bawas ang trapiko. Sa ibabaw ng dike, magkakaroon
ng expressway, na babagtas sa Los Baños hanggang Taguig. ‘Pag natapos ang C-
6 road na kokonekta sa Jose del Monte, may isa na naman tayong paraan upang
makatawid ng Kamaynilaan nang hindi na kakailanganing dumaan sa EDSA. Sa
pakikituwang ng pribadong sektor, ang obligasyon natin dito ay right of way
lang; porsyento ng lupang mare-reclaim ang ipapambayad sa mananalong bidder.
Dahil dito, makukuha natin ang ating mga pangangailangan, habang
mababawasan din ang ating gastusin.
465JULY 28, 2014
Ilang halimbawa lang po iyan ng mga proyektong nakapila na para magdala
ng benepisyo sa ating mga Boss. Marami pang iba: Aprubado na rin ng NEDA
Board ang Laoag City Bypass Link Road Project; ang Cebu Bus Rapid Transit
Project; at ang LRT Line 1 South Extension and Line 2 East Extension. Sa mga
taga-Palawan naman: Maliban sa mga proyekto sa Puerto Princesa Airport,
abangan na rin ninyo ang Busuanga Airport. Naka-go signal na rin po ang
pagpapatayo ng phase one ng modernong Clark Green City sa Capas, Tarlac,
pihado pong magsisilbing sentro ng komersyo at industriya, hindi lang sa Gitnang
Luzon, kundi sa kalakhang bansa. Sa dulo po, ang ambisyon natin sa Clark
Green City—maging di-hamak itong mas malawak na Bonifacio Global City. Ang
dating liblib, magiging hitik sa oportunidad.
Sa mabuting pamamahala, nanunumbalik ang tiwala ng merkado, ng mundo,
at ng taumbayan sa ating gobyerno. Nagbubunsod ito ng isang siklo: Dahil
nakikita ang resulta ng agenda ng reporma, nakikiambag ang bawat isa sa ating
mga Boss. Talagang hindi nag-iisa ang gobyerno sa pagsusulong ng malawakan
at makabuluhang reporma. Totoo nga po: Kayo ang aming lakas.
Kaya nga po, mga Boss: Salamat sa inyong tiwala at pakikiisa, na lalong
nagiging mahalaga sa mga panahong sinalubong tayo ng sunud-sunod na
trahedya.
Noong Setyembre 2013, sinugod ng masasamang elemento ang Zamboanga:
Ginawang human shield ang mga kababayan nating namumuhay nang mapayapa,
at sinunog pa ang kanilang mga tahanan. Nasubukan ang galing ng ating
unipormadong hanay. Pinakamasalimuot sa larangan ng bakbakan ang tinatawag
na urban combat—ngunit 195 ang nailigtas natin, sa 197 kataong naipit sa
putukan. Saludo tayo sa ating mga kapatid sa unipormadong hanay: Nagtagumpay
ang sambayanan dahil sa inyong sakripisyo.
Inatasan po natin si Secretary Singson na pangasiwaan ang rehabilitasyon
ng imprastrukturang nasira sa Zamboanga. Pangunahin sa mga
pangangailangan: mabigyan ng tahanan ang mga kababayan nating nasunugan.
Ito po mismo ang isinasagawa natin sa ilalim ng Zamboanga City Roadmap to
Recovery and Reconstruction. Pagpasok nga po ng Agosto, magsisimula nang
lumipat ang mga apektadong pamilya sa mga permanenteng bahay sa Martha
Drive Subdivision. Kabuuang 7,176 na kabahayan sa iba’t ibang lugar ang target
nating makumpleto sa Hunyo ng susunod na taon. Humihingi po kami ng pang-
unawa. Maraming problemang kinailangan munang lutasin ukol sa pagkuha ng
lupang lilipatan. Tinitiyak din nating ang mga tahanang ito ay sumasang-ayon
sa pangangailangan ng kanilang relihiyon at kultura, kaya’t hindi
pangkaraniwan ang mga ito. Sa 1,661 pamilya namang gustong sila mismo ang
magkumpuni ng sariling tahanan, P30,000 halaga ng Home Materials Assistance
ang ipinapamahagi na. P3.5 billion po ang nakahanda para sa pagpapaayos ng
466 SONA 2014
imprastruktura, pagbili ng mga lote, pagpapatayo ng mga permanenteng tahanan,
at iba pang suporta sa Zamboanga. P2.57 billion dito, nai-release na sa NHA at
DPWH.
Ilang linggo naman po matapos ang krisis sa Zamboanga, niyanig ng lindol
ang Central Visayas; pinakamalaki ang pinsala sa Bohol. Dito natin nakita ang
maaaring maabot ng sambayanang nagkakaisa sa pagresponde sa sakuna. Isang
linggo matapos ang lindol, may kuryente na sa Tagbilaran at sa lahat ng
munisipalidad ng Bohol.
Ngayon nga po, bawat isa sa 25 na kritikal na tulay at kalsadang nasira ng
lindol, nadadaanan na. May kabuuang P3.583 billion nang nai-release para sa
rehabilitasyon ng Bohol at Cebu. Kasama na rito ang P2.49 billion na
ipinagkaloob ng DILG sa lokal na gobyerno, para sa pagpapagawa ng mga
palengke, civic center, tulay, water systems, munisipyo at iba pang istrukturang
pampamahalaan.
Bago naman po matapos ang 2013, dumating naman si Yolanda— ang
pinakamalakas na bagyo sa kasaysayan. 1.47 milyong pamilya ang talagang
naapektuhan, at 44 sa ating 81 probinsya ang tinamaan. Sa Eastern Visayas,
kung saan pinakamalakas ang pinsalang nadulot, napakaraming kinailangan
na agarang lingap.
Sa sobrang lakas ng bagyo, naparalisa ang maraming LGUs dahil sila mismo
ang tinamaan. Natangay po pati ang ating prepositioned relief goods, kaya’t
talagang kinailangang manggaling sa ibang lugar ang tulong. Lalo pang naging
mabigat ang pagdadala ng ayuda, dahil bagsak ang imprastruktura: Walang
kuryente, hindi madaanan ang kalsada, at halos lahat ng truck at heavy equipment
na kailangan ng ating first responders ay nasira sa pinakaapektadong mga lugar.
Wala ring gasolina, at walang komunikasyon.
Kinailangan po talaga ng pambihirang pagkakaisa para ipaabot ang tulong
sa mga apektadong pamilya, kalingahin ang mga naulila’t sugatan, siguruhing
walang mangyayaring outbreak ng sakit, at marami pang ibang tungkulin.
Halimbawa lang po sa pagkain: Hindi lang bigas at de-lata ang kinailangang
intindihin: kailangan din ng mga repacking center, ng maraming truck, pati na
ng mga barkong magtatawid ng ayuda sa mga apektadong probinsya. Pagdating
doon ng relief goods, kailangang malinis na ang kalsadang dadaanan, at
mapagasolinahan ang mga truck nang makabalik sila sa pinanggalingan, upang
muling makapagkarga ng ating mga food pack.
Hindi nagpatumpik-tumpik sa pagresponde ang inyong gobyerno. Nagmadali
tayong linisin, unang-una, ang airport, kaya sa loob ng 24 oras pagkatapos ng
467JULY 28, 2014
bagyo, nakapasok na ang tatlo nating C130 na may dalang ayuda. Sa mismong
araw ding iyon, nakapagtayo tayo ng communications hub para maging mas
mabilis ang daloy ng impormasyon. Sa ikalawang araw, dumating na ang Rapid
Health Assessment teams ng DOH; ang dagdag na sundalo, pulis, at BFP personnel
mula sa ibang probinsya; pati na mga kawani ng DSWD na nanguna sa relief
operations— sa distribution centers man sa Eastern Visayas, o sa maraming
repacking centers na agad na nagbukas sa buong bansa.
Sa loob lang ng dalawang araw, napagana na ang Leyte water district; sa
ikatlong araw naman, bumukas ang unang gasolinahan. Agad na nilinis ang
pangunahing mga kalsada. Pagsapit ng ika-22 ng Nobyembre o dalawang linggo
matapos ang bagyo, naipamahagi na ang ikaisang milyong food pack sa mga
nasalanta; at na-clear na ang 35,162 cubic meters ng debris sa mga kalsadang
pagdadaanan nitong mga relief; at nalinis at nadaanan na ring muli ang 3,426
kilometers ng National Roads—kasalukuyan naman po nating kinukumpuni ang
108.8 kilometrong napinsalang daanan, tulay, approaches, at landslide-prone
areas. Pagsapit nga po ng Pasko noong lumipas ang 2013, may kuryente na sa
lahat ng munisipalidad na tinamaan ng sakuna.
Kumbaga nga po sa Emergency Room, ibinuhos ng estado ang lahat ng
kanyang kapangyarihan upang agad na mai-stabilize ang pasyente.
Nagpapasalamat tayo sa mga kasapi sa ating Gabinete, na talaga naman pong
nanguna sa pagresponde sa mga apektadong komunidad. Sina Sec. Cesar Purisima
at Sec. Joel Villanueva ng TESDA, na namuno sa logistics at nag-organisa sa mga
repacking center, nagmistula po silang dalawang warehouse operator. Si Sec.
Greg Domingo ng DTI, naging head purchasing agent ng bansa, habang si Sec.
Linda Baldoz naman ng DOLE ay minabuting maging call center operator para sa
lahat ng gusto o nag-aalok ng tulong. Salamat din kina Sec. Jun Abaya ng DOTC,
na naging dispatcher ng ating transportasyon; kay Sec. Dinky Soliman na
talagang pinatunayan ang pagiging punong relief worker ng bansa; at kina Sec.
Mar Roxas ng DILG at Sec. Volts Gazmin ng DND, na nagbigay ng marching
orders sa ating unipormadong hanay mula sa frontline ng sakuna. Muli po, salamat
sa ating Gabinete.
To our friends and neighbors around the world: Your outpouring of solidarity
will never be forgotten by a grateful Filipino people. Again, on their behalf, we
thank you.
Marahil nga po, sa kahandaan nating makiambag sa abot ng ating makakaya,
na siyang ipinapamalas ng ating OFWs, peacekeepers, at iba pang Pilipino sa
labas ng bansa, nang tayo naman ang nangailangan, nakita ng mundong karapat-
dapat din tayong tulungan. Salamat sa inyo, at sa lahat ng Pilipinong nag-alay
ng dalangin at suporta, dito man o sa ibang panig ng mundo.
468 SONA 2014
Hindi po natigil ang trabaho natin. Nagsagawa tayo ng livelihood
interventions, upang maging mas mabilis ang pagbangon ng mga nasalanta nating
kababayan. Ngayong Hulyo nga po, 221,897 trabaho na ang nalikha matapos
tayong magkaloob ng bangka, kagamitan sa pangingisda at pagtatanim, mga
binhi, at livestock. Kasama na rin po dito ang mga sinuwelduhan nating naging
kabahagi ng cash for work program.
Tanggap naman po siguro ng lahat na malaki ang problemang dala ni
Yolanda. Pero ayon nga po sa international standards, kapag nangyari ang
ganitong klaseng sakuna, isang taon ang inaabot bago matapos ang relief at
mag-umpisa ang rehabilitasyon ng isang bansa. Pero sa loob lang ng walong
buwan, idineklara na ng United Nations mismo na nasa yugto na tayo ng
rehabilitation. Si Ginoong Yuri Afanasiev ng United Nations Development
Programme na nga po ang nagsabi: “We have never seen a recovery happen so
quickly. And many of us have been in many different disasters.”
Mahabang panahon ang bubunuin para tuluyang makabangon sa mabibigat
na sakuna. Sa Haiti, dalawang taon ang nakalipas mula ng lindol, marami pa rin
ang nasa evacuation centers. Ang mga kapatid natin sa Indonesia, inabot ng
walong taon para maka-recover sa tsunami sa Aceh. Mismong sa Amerika nga po,
sinasabing walong taon ang inabot para makabalik sa dati matapos humagupit
si Hurricane Katrina.
Hindi pa po tapos ang ating trabaho. Marami pang bahay na kailangang
ipatayo; marami pang mga kababayan natin ang kailangang ibangong muli;
patuloy pa rin ang pag-build back better para sa mga hinagupit ni Yolanda.
Kaya nga po: Ngayong Hulyo, isinumite na sa atin, at nilagdaan na rin natin,
ang LGU Rehabilitation and Recovery Plan para sa Cebu, Iloilo, Samar, Eastern
Samar, Leyte, at Tacloban City. Pumasa po ito sa masusing pagsusuri ng mga
cluster ng Gabinete; laman nito ang mga pangangailangan ng ating mga
kababayan, ayon na rin sa isinasagawang malawakang post-disaster needs
assessment. Nabuo po ang planong ito sa maigting na pagsisikap ni Secretary
Ping Lacson, na inatasan nga nating tumutok sa mga hamong iniwan ni Yolanda.
Umaasa po ako sa pakikiisa ng Kongreso, dahil malaking halaga ang kailangan,
upang tuluyan nang maibangon ang ating mga kababayan.
Alalahanin po natin: Nasa Diyos ang awa; nasa tao ang gawa. Ito rin ang
parehong ideya sa likod ng ating mga hakbang para sa disaster preparedness.
Binigyang-lakas natin ang mga LGU na siyang mga frontliner tuwing bagyo at
iba pang sakuna, gamit ang moderno at malawakang forecasting system.
469JULY 28, 2014
Sa DREAM-LiDAR project sa ilalim ng Project NOAH, halimbawa, napapadali
ang pagtukoy kung saan ang mga lugar na pinakabahain. Nakamapa na po ang
19 sa target nating 20 river systems para matukoy kung ano ang mga lugar na
agad naaapektuhan tuwing bumubuhos ang ulan.
Dahil mas eksakto na ang pagtukoy natin kung kailan at saan tatama ang
epekto ng bagyo, ngayon po, napapaaga ang paghahanda at pagbibigay-babala
ng ating mga LGUs. Maaga na ring naililikas ang kanilang mamamayan. Kung
ang maayos na forecasting, tatambalan pa natin ng mahusay na LGU, talaga
naman pong maraming buhay ang maililigtas. Sa Albay na hinagupit kamakailan
lang ng bagyong Glenda, walang naitalang pumanaw dahil sa bagyo, salamat sa
mabuting pamamahala ni Governor Joey Salceda. At kung kaya itong gawin ng
isang probinsya na siya ngang parang natawag na nga pong highway ng mga
bagyo, bakit naman tayo magdududa na kakayanin ng iba pang hindi highway
ng bagyo?
Pag-usapan naman natin ang seguridad. Mulat po tayo sa mga hamon sa
bansa, at alam din nating mahal ang kailangan nating mga kagamitan. Ngayon
po, ikinalulugod kong iulat sa inyo: Tuloy-tuloy ang modernisasyon ng AFP.
Nakuha na natin ang brand new na 8 Sokol Combat Utility Helicopters, tatlong
AgustaWestland-109 helicopters, at ang kauna-unahang landing craft utility ship
na ginawa dito mismo sa ating bansa, ang BRP Tagbanua. Dumating na rin po
ang apat na refurbished UH-1 helicopters at 2 navy cutters. Nito namang
nakaraang Mayo, pinasinayaan na rin natin ang state-of-the-art Command Center
ng Naval Forces West sa Palawan.
Sa susunod na taon, lalapag na ang 2 sa 12 na FA-50 lead-in fighter trainer
jets na binili natin. Ang natitira naman po, inaasahan nating maide-deliver bago
matapos ang 2017. Target din nating makuha ang karagdagang brand new na 8
Bell combat utility helicopters, 2 anti-submarine helicopters, 10 pang
AgustaWestland-109 helicopters, 2 light-lift aircraft, 3 medium-lift aircraft, mga
radar system at iba pang kagamitang magpapaunlad sa kakayahan ng ating
Sandatahang Lakas. Samantala po, sa Setyembre ng taong ito, inaasahan ang
pagdating ng karagdagang 17 refurbished UH-1 helicopters.
Dumating na rin ang paunang mga M4 assault rifles na binili natin para sa
kasundaluhan. Sa mga susunod na buwan, ang kabuuang bilang ng baril na
mapapasakamay ng ating mga kawal: 50,629 units ng M4. Ang bonus pa: dahil sa
maayos na proseso ng procurement at tapat na pangangasiwa sa pondo, may
savings tayo na mahigit P1.2 billion; itong savings ay ipinambibili na natin ng
mas marami pang baril.
470 SONA 2014
Ididiin ko lang po: Brand new at dekalidad ang lahat ng ripleng ito na
nagmumula sa manufacturer na daang taon na pong gumagawa ng sandata. ‘Di
po ba noong araw: naubos na nga ang pondo, hindi pa alinsunod sa
ispesipikasyong kailangan natin, tulad po ng biniling Kevlar Helmets. Sabi po ng
ispesipikasyon, dapat sa U.S. Pero noong ibinili, sa ibang bansa. May na-convict
na po dahil dito. Pati ang isang hukom na diumano’y sangkot dito, natapos na
ang imbestigasyong inutos ng Korte Suprema, at hinihintay natin ang kanilang
pasya.
Tuloy ang pagtugis natin sa kalaban ng estado at masasamang elemento
para sa mga krimeng ginawa nila. Halimbawa nga po: Nahuli na ang Chairman
at Secretary General ng NPA nitong Marso. Nanunumbalik na rin po ang
normalidad at kaayusan sa 31 probinsyang dating ginambala ng NPA.
Nagbabago na rin nga po ang mukha ng ating kapulisan. Patunay po rito
ang 30 pulis, sa pangunguna ni Inspector Charity Galvez, na tumalo sa tinatayang
250 NPA na sumugod sa kanilang presinto noong 2011. Nitong Marso naman po,
4 na bagitong pulis ang buong-tapang na sumagupa laban sa Martilyo Gang sa
Mall of Asia. Mabuti nga po’t naabot na ang 1:1 police to pistol ratio, kaya’t
naisyuhan na rin ng bagong baril ang ating mga rookie policewomen. Dati,
nakakaligtaan ang kapulisan; ngayon, kinakalinga na sila ng estado, at talaga
namang tinutumbasan nila ito ng wagas at masigasig na serbisyo.
Pakinggan po natin ang tinig ng mga magigiting nating pulis:
(Video presentation)
Nito naman pong Hunyo, naging sunod-sunod ang high-profile na
pamamaslang. Arestado na ang ilang mga sangkot sa pagpatay kina Mayor
Ernesto Balolong, sa negosyanteng si Richard King, at may sinusundan na ring
magandang lead ang ating kapulisan sa pagpatay sa race car driver na si
Ferdinand Pastor. Huwag po kayong mag-alala: hahabulin natin ang hustisya sa
kabuuan, hindi ang bahagi lamang. Kaya bukod sa mga ginawa nating pag-
aresto, patuloy tayo sa paglikom ng ebidensya laban sa iba pang suspect.
Pananagutin natin ang lahat ng may-sala.
Pinapaigting pa natin ang pangangalaga sa seguridad ng taumbayan. Simula
ng ika-16 ng Hunyo ngayong taon, ipinapatupad natin sa National Capital Region
ang Operation Lambat. Matapos nating gawing triple ang dami ng checkpoints
at magsagawa ng iba’t ibang operasyon, ang resulta: 862 sasakyan at 29 mga
baril ang nakumpiska natin. Nakapag-serve tayo ng 587 warrants of arrest, na
nagresulta sa pagkakaaresto ng 410 suspect. Ibinalik din natin ang Oplan Katok
471JULY 28, 2014
para matiyak na ang may tangan ng lisensyadong baril ay ang karapat-dapat
lamang. 28,714 na bahay sa NCR ang kinatok ng mga pulis para sa operasyong
ito.
Bago natin ipatupad ang Oplan Lambat, mula Enero hanggang ikalawang
linggo ng Hunyo, ang murder at homicide sa National Capital Region, umaabot
sa 31 kaso kada linggo. Sa limang linggo pa lang ng operasyon, ang murder at
homicide rate: Bumaba sa 22 kaso na lamang kada linggo. 29 porsyentong pagbaba
ang naitala—katumbas ng 9 na pagpatay ang napigilan natin kada linggo. At sa
NCR pa lang po ito. Kung maisasabatas natin ang pension reform, at makakakalap
nga tayo ng sapat na pondo para sa dagdag na pulis at para matuloy ang planong
pagbili ng kagamitan, lalong mapapalawak ni Sec. Mar Roxas ang Operation
Lambat, upang gawing mas ligtas ang buong bansa. Nasa ilalim nga po sana ng
DAP ang pondong pangkagamitan, pero dahil hindi ito na-obligate bago bumaba
ang desisyon ng Korte Suprema, kailangan po nating maghanap ng pagkukunan
ng karagdagang pondo.
Tunay nga po: Tiwala ang pundasyon ng mabuting pamamahala. Tiwalang
maaasikaso ang lahat ng tinamaan o tatamaan ng bagyo; tiwalang sa bawat
araw ng trabaho, ligtas mong mauuwian ang pamilya mo. Tiwala na hindi kayo
lalamangan ng inyong mga pinuno; tiwalang nariyan ang inyong gobyerno,
kakampi ninyo, lalo na kung kayo ang nadedehado. Tiwala na mananagot ang
mga nang-abuso, at maitatama ang mga proseso at institusyong ginagamit para
nakawan kayo. Tiwala na kung sumunod ka sa tama, makukuha mo kung ano ang
dapat sa iyo. Ang pagbabalik ng tiwala ninyo: Iyan po ang ibig-sabihin ng reporma.
Halimbawa po: Sa Customs, na talaga naman pong sinubok ang ating
pasensya noong nakaraang mga taon. Naging malinaw sa atin: Reset button ang
solusyon. Bumuo po tayo ng mga bagong tanggapan para suriin at gawing
epektibo ang mga patakaran sa Customs. Nagtalaga tayo ng bagong
commissioner, anim na bagong deputy commissioner, kasabay na rin ang 40 iba
pang maaasahang indibidwal para ipatupad ang ating mga reporma sa Customs.
Ibinalik din natin sa tamang posisyon ang mga empleyado. Totohanang
ipinagbawal ang mga guwardiyang umaastang kahera, o warehouseman na
ginagawang examiner.
Marami nga po ang nagsasakripisyo para ayusin ang Customs. Kabilang
dito ang mga kawani mula sa ibang departamento at ahensya ng gobyerno, na
hiniling nating lumipat sa Customs dahil tiwala tayo sa kanilang integridad.
Sino nga ba naman ang naghahanap ng sakit ng ulo, lalo pa’t walang garantiya
ng tagumpay? May mga ipinagpaliban ang kanilang promotion. May mga
nagpahiwatig din ng agam-agam dahil sa takot na balikan sila ng mga sindikato.
Pero sa huli, tumugon sila sa ating panawagang maglingkod. Marapat lang na
472 SONA 2014
personal kong pasalamatan ang lahat ng kawaning ito, sa pangunguna na nga ni
Commissioner Sunny Sevilla.
Pinapatunayan po natin: Sa paninindigan at pagkakaisa, kayang linisin
kahit pa ang isang institusyong napakahabang panahon nang dinungisan ng
katiwalian. Patunay po rito ang good news na natanggap natin: Mula Enero
hanggang Abril 2014, umangat ng 22 porsyento ang cash collections ng Customs
kumpara sa parehong panahon noong nakalipas na taon. Ang kabuuan nilang
koleksiyon sa unang apat na buwan ng taon: P117 billion.
Ang masasabi ko naman sa mga patuloy na rumaraket: Alam kong hindi na
kayo tinatablan ng takot at kahihiyan. Nasa inyo kung makukunsensya kayo—o
maaawa kayo sa mga nalululong sa drogang pinapapasok o pinahihintulutan
ninyo, o sa mga magsasakang napagkakaitan ng tamang kita. Ang sa akin lang:
Kapag sumapat na ang nililikom na ebidensya laban sa inyo, sa Bilibid ang
susunod ninyong destino.
Kung pag-uusapan natin ang mga repormang nagsisimula nang magbunsod
ng malawakang kaunlaran, marapat din pong ibalita ko sa inyo ang mga
pangyayari ukol sa repormang agraryo.
Alam naman po natin, at malinaw sa batas: kailangan munang tukuyin ang
maaari at hindi maaaring ipamahaging lupain. Pero ang masaklap, ipinamana
sa atin ang bungi-bunging datos. Bakit ‘ka niyo? Taong 1913 pa sinimulan ang
Cadastral Survey ng ating bansa, na tutukoy ng hangganan ng mga lupaing
saklaw ng bawat lungsod, bayan, at lalawigan sa Pilipinas.
Isa pang problema: Inuna ng mga nakaraang administrasyon ang distribusyon
ng mga lupaing madaling ipamahagi tulad ng mga government-owned land, at
lupaing napagkasunduan na ng may-ari at magsasaka. Ang naiwan sa atin ay
mga lupaing maraming kumplikasyon, at ugat pa ng mahabang debate at
demandahan.
Dagdag din nga pong suliranin ang masalimuot na sitwasyon sa ARMM. Ang
lupa ng ARMM ay tinatayang 1.5 milyong ektarya. Pero ang lupang nakatala na
dinatnan natin, nasa 2.9 million hectares dahil sa patung-patong na pag-angkin
ng lupa. Nagtataka nga po si Governor Mujiv Hataman ng ARMM at tinanong
niya sa akin minsan, “Boss, paano nga po kaya nanganganak ang lupa?”
Wala po tayong balak na ipasa ang mga suliraning ito sa susunod sa atin,
para pag-ugatan lang ng panibagong mga problema at ng lalong pagkaudlot ng
repormang agraryo.
473JULY 28, 2014
Sa 2015, makalipas ng 102 taon, matatapos na rin ang Cadastral Survey.
Ngayong taon,ihahain din nating muli sa Kongreso ang panukalang batas para
i-extend ang paghahain ng Notice of Coverage, na hindi agad natapos nang
husto dahil nga sa mga problemang kinailangan muna nating solusyonan. Oras
na maihain ang panukalang batas, umaasa tayong maipapasa ito sa lalong
madaling panahon.
Kung tiwala nga po ang pag-uusapan, dapat ding isama ang Bangsamoro.
Matapos ang mahabang panahon ng hidwaan at napupurnadang negosasyon,
naibalik na natin ang tiwala. Pruweba ponito: Noong nakaraang Marso,
nilagdaan na ang Comprehensive Agreement on the Bangsamoro.
Pero simula pa lang ito ng ating pag-usad sa landas ng malawakang pag-
unlad sa Mindanao. Wala pong nakakatangging napag-iwanan ang ARMM. Gusto
po nating bigyan ng pantay na pagkakataon ang lahat ng Pilipino, kaya nga
dapat may boost up, para naman maka-catch up ang ating mga kababayang nasa
laylayan. Halimbawa, sa budget na imumungkahi natin para sa 2015, P5.17 billion
mula sa budget ng DPWH ay nakalaan para sa imprastraktura ng ARMM.
Kasalukuyan na po nating pinapanday ang panukalang Bangsamoro Basic
Law. Humihingi po tayo ng pang-unawa sa ating Kongreso ukol rito. Mahalaga
pong maging masusi ang paghimay natin ng bawat probisyong ilalatag. Sa abot
ng ating makakaya, isusulong natin ang isang panukalang batas na makatuwiran,
makatarungan, at katanggap-tanggap sa lahat.
Kung maisasabatas nga po ang Bangsamoro Basic Law bago matapos ang
taon at maisasagawa ang kinakailangang plebesito, mabibigyan ng isa’t
kalahating taon ang Bangsamoro Transition Authority para ipakita ang positibong
pagbabago. Kung maaantala naman ito, natural pong iikli rin ang panahon para
mapatunayan na tama nga ang landas ng kapayapaang tinatahak natin.
Napakarami na nga po nating nararating dahil sa tiwala—at wala tayong
balak basagin ang tiwalang ito. Ang gobyerno ninyo ngayon: mayroong isang
salita. Hindi ko na po iisa-isahin ang mga natupad nating panata sa tuwid na
daan; baka masabihan lang tayong nagbubuhat ng sariling bangko. Pero mahirap
din namang hindi tayo magbanggit, dahil malamang nag-aabang na ang mga
magsasabing wala tayong ginawa. Kaya samahan nyo na lang akong magbigay
ng ilang halimbawa: Trabaho’t pagkakataon para sa napakaraming Pilipino,
nalikha at patuloy pang nililikha. Sa katunayan, mula Abril 2013 hanggang
Abril 2014: nasa 1.65 million ang nadagdag sa bilang ng mga Pilipinong
nagtatrabaho. Minanang kakulangan sa aklat, upuan, at silid-aralan, napuno
474 SONA 2014
na; habang ang mga panibagong pangangailangan dahil sa K to 12, pinupunuan
na rin. 1:1 police-to-pistol ratio, meron na rin po. Modernisasyon ng Sandatahang
Lakas, nangyayari na. Pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao, sumusulong
na. Pag-angat ng ating ekonomiya, tuloy-tuloy pa rin.
Sabay-sabay nang natutupad ang ating mga pangarap: kalusugang
pangkalahatan, silid-aralan, trabaho, daungan, kalsada, paliparan, kaligtasan,
kapayapaan. Ang nabawi nating pambansang dangal, sinamahan pa ng pagkilala
ng mundo sa bagong anyo ng Pilipinas. Ang kaban ng bayang mula sa pawis ng
mamamayan, ginugugol para lamang sa kanilang kapakanan.
Pakinggan po nating muli ang isa pa sa ating mga Boss:
(Video presentation)
Ngayon nga po: Ang problemang dinatnan, nasolusyonan. Ang nandiyan,
tinutugunan. At ang problemang parating pa lang, pinaghahandaan na rin.
Naniniwala ako: Kung mananatili ang inyong tiwala, masosolusyonan natin ang
mga ito.
Tingnan po natin ang sitwasyon sa enerhiya. Ginagawa na po natin ang
lahat para siguruhing natutugunan ang lumalagong pangangailangan ng bansa.
Sa kabila nito, meron pong mga pangyayaring talagang hindi natin inaasahan,
na maaaring magbunsod ng problema sa susunod na taon. Halimbawa po:
Kailangan nating bunuin ang mga kakulangan dahil sa outages para sa
maintenance ng mga lumang planta, ng mga biglaang paghinto ng operasyon
dahil sa pagkasira, at ng delay sa implementation o sa pagsasatayo ng mga
bagong planta.
Huwag po nating kalimutan, may banta din ng El Niño na makakaapekto sa
kapasidad ng mga hydro powerplants, at magpapataas pa ng demand sa kuryente.
Kung sa ating mga kabahayan nga, lalakas ang gamit natin ng electric fan o
aircon dahil sa init ng panahon, lalo naman po sa mga industriya at negosyo.
Hindi ito kasing simple ng pagpunta sa tindahan at pagsabing, “Pabili nga po ng
600 megawatt generator, at paki-install na rin bukas.”
Ang habol natin: kumpletong paghahanda para hindi tayo maparalisa
sakaling mangyari ang worst-case scenario. Dapat, kahit sa susunod na taon pa
uusbong ang problema, meron na tayong pinaplanong solusyon para dito. Kaya
nga po inatasan ko si Secretary Icot Petilla ng DOE: Makipag-ugnayan ka na sa
Joint Congressional Power Commission, sa Energy Regulatory Commission, sa
475JULY 28, 2014
industriya, at ang pinakaimportante, sa mga consumer, upang madagdagan ang
kakayahan nating tugunan ang problema sa enerhiya.
Batid ko rin po na apektado ang mga Boss natin sa pabugso-bugsong pagtaas
ng presyo ng bigas. Mukhang totoo nga po ang mga ulat: May ilang mga halang
ang bitukang hoarder na itinatago lang ang bigas, para kapag tumaas ang presyo,
ibebenta nila ang stock para kumita nang di-makatwiran.
Hindi puwede ito. Kung sa tingin nila wais sila, mas mahusay ang ginagawang
diskarte ng inyong gobyerno. Ang agarang solusyon: mag-import pa ng bigas, i-
supply sa merkado, pababain ang presyo, at panatilihin ito sa risonableng antas,
para malugi ang mga nagsasamantala sa Pilipino.
Noong Nobyembre ng nakaraang taon, nagsimula na tayong mag-import ng
500,000 metriko tonelada para magsilbing ayuda sa supply na pinanipis ng
nagdaang mga bagyo. Dumating na lahat ito nitong Marso. Nito ding Pebrero,
inaprubahan ng NFA Council ang pag-angkat natin ng karagdagang 800,000
metriko tonelada bilang pagpuno sa ating buffer stock requirement, at 360,750
metric tons na nito ang dumating ngayong Hulyo; pagdating ng Setyembre,
makakarating na ang kabuuan. Naaprubahan na rin ngayong Hulyo ang agarang
importasyon ng 500,000 metriko tonelada ng bigas sa pamamagitan ng open
bidding. May standby authority rin ang NFA na mag-angkat ng karagdagan pang
500,000 metriko tonelada, bilang paghahanda sa magiging epekto ng kalamidad
sa ani at sa presyo ng bigas.
Kapag dumating ang karagdagan nating inaangkat, mapupuwersa na
ngayong magbenta ang mga hoarder ng bigas na nakatago sa kanilang mga
kamalig. Sa mga hoarder na ito: kung gusto ninyong makipagmatigasan, okay
lang, subukan ninyo ang estado. Tandaan lang ninyo: Anim na buwan lang ang
itatagal bago mabulok ang stock sa mga warehouse ninyo. Siguradong malulugi
kayo kapag nalunod na ang merkado sa dagdag na bigas. Kumikilos kayo kontra
sa mga Pilipino. Kami naman, isinusulong ang interest ng bawat Pilipino. Tingnan
natin kung sino ang mananalo.
Bukod po sa pagiimbistiga sa mga diumano’y nagtago ng NFA rice, sinisiyat
na rin natin ang lahat ng mga pwedeng nagkutsabahan sa mga ahensya.
Iniimbistigahan na ang mga empleyadong pinagdududahan upang makasuhan
at mapakulong ang mga may sala sa lalong madaling panahon.
Sabay ng pagtugis sa mga mapangabuso, patuloy rin ang mga proyekto natin
para alagaan ang mga nasa sektor ng agrikultura. Ginagawa nating kaakit-akit
na kabuhayan ang pagtatanim ng palay. Alam naman po natin na tumatanda na
476 SONA 2014
ang ating mga magsasaka, kaya malaki ang maitutulong sa food security kung
mahihikayat natin ang mga kabataan na pasukin ang ganitong hanapbuhay.
Nagkakaloob po tayo ng mga makabagong kagamitan sa pagsasaka para sa
episyenteng pagtatanim at pag-aani. Mula 2011 hanggang Mayo ng 2014,
naipamahagi na natin ang kabuuang 4,628 production machineries, 11,362 post-
production machineries, at 105 rice mills sa iba’t ibang farmers associations. Sa
tulong po nito, nabawasan ang nasasayang sa ani ng ating mga magsasaka.
Bukod rito, pinapaunlad natin ang mga patubig. Nagpapagawa tayo ng farm-to-
market roads, at nagsusulong ng training programs upang masagad ang kanilang
kita.
Pag-usapan naman po natin ang budget. Ang Ehekutibo, nagmumungkahi
ng mga proyekto’t programa; inaaprubahan naman ito ng Kongreso. Kailangan
nga lang po nating itigil ang ilan, para makasiguradong sumusunod tayo sa
naging desisyon ng Korte Suprema ukol sa Disbursement Acceleration Program o
DAP. Alam ko pong kaisa kayong mga nasa bulwagang ito sa paniniwalang hindi
dapat ipagkait ang benepisyo sa ating mamamayan, at dapat nga itong makarating
sa kanila sa lalong madaling panahon.
Kaya nga po: Ipinapanukala namin ang pagpasa ng supplemental budget
para sa 2014, upang hindi naman maantala ang ating mga programa at proyekto.
Kasabay po nito, nanawagan din tayo sa pakikiisa ng Kongreso, upang maipasa
ang isang Joint Resolution na maglilinaw sa mga depinisyon at kaisipang tila
pinagtatalunan pa at iba pang mga usaping kailangan sa lehislatura, bilang
mga nagsulat ng batas, ang makakapaglinaw.
Sa unang araw po ng trabaho matapos ang SONA, ihahain natin sa Kongreso
ang panukalang P2.606 trillion na 2015 National Budget. Gaya ng lagi, binuo
ito kasama ang mamamayan, gamit ang istratehiyang naglalaan ng pondo kung
saan lamang ito tunay na maghahatid ng benepisyo. Umaasa po tayo sa pakikiisa
ng ating mga mambabatas na pagtibayin ito bilang pangunahing instrumento sa
paglikha ng pagkakataon para sa sambayanang Pilipino.
Pakinggan naman natin ngayon ang isang benepisyaryo ng Alternative
Learning System Program po ng DepEd.
(Video presentation)
Mga kababayan, siya po, at ang marami pang benepisyaryong tulad niya,
ang natatabunan sa tuwing umiingay ang orkestra ng negatibismo sa balita.
Itong mga ingay na ito, sadyang isinasara ang isip at namumuhay sa sariling
477JULY 28, 2014
mundo at realidad. Habang nakikita ang pagbabago sa lipunan, nangyayari na
nga ang ating inaasahan: lalong dumadalas, lalong umiinit, at lalong tumitindi
ang pag-atake nila sa atin. Habang lumilinaw ang benepisyo ng reporma, pahirap
ng pahirap ang pag-asang magtagumpay ang panlilinlang nila, kaya’t nagtatanim
sila ng duda. Desperado na po sila.
Bakit nga po ba sila galit na galit? Tingnan po natin ang kanilang motibasyon.
Para sa mga ginawa nang negosyo ang kanilang posisyon: kung maaayos natin
ang mga sistema, nawawalan sila ng pagkakataong mansamantala. Natural lang
na kontrahin nila tayo. Ito namang mga walang ibang layunin kung hindi ibagsak
ang gobyerno: Puwede nilang madagdagan ang kanilang hanay kung maraming
nagdurusa, at nawalan ng tiwala sa sistema. Ngayong nakukumpuni na ang sistema
at natutugunan ang pagdurusa, nababawasan na ang puwede nilang i-recruit,
kaya pakaunti ng pakaunti ang kanilang bilang. Natural lang din na kontrahin
nila tayo. Ang pinakamaingay na kumokontra sa atin ay ang ayaw ng
transpormasyon, dahil nagsamantala at nakinabang sila sa lumang kalakaran.
Ganito ko nga po naiisip ang ating sitwasyon: Para tayong mga mamamayang
matagal na naipit sa isang isla kung saan may nag-iisang tindahan. Dahil walang
pagpipilian, nagpapataas sila ng kanilang presyo kung kailan nila gusto, at
talaga nga naman pong inaabuso tayo. Inatasan po ninyo akong itimon ang
bangka ng estado tungo sa kabilang isla, kung saan mas maraming tindahan,
mas maraming pagpipilian, mas maayos ang buhay, at mas malawak ang
pagkakataon. Siyempre po, ang nagpapatakbo ng tindahan sa ating islang nilisan,
ayaw tayong pumalaot, dahil mawawalan sila ng inaabuso. Lahat gagawin nila
para pigilan ang ating pagtawid sa kabilang pampang. Sasabihin nilang: Pareho
lang naman doon; wala naman talagang pagbabago doon. Itatali nila tayo sa
daungan, bubutasan ang ating bangka, makikipagkuntsabahan para iligaw ang
ating biyahe.
Ang totoo po, hindi naman ako ang kinokontra ng mga ito,kundi ang
taumbayang nakikinabang sa tuwid na daan. Kontra sila sa magsasaka sa Iloilo,
na mahigit 50 taong nangarap ng maayos na irigasyon, at ngayon ay nakikita
nang ginagawa ang Jalaur Multipurpose River Project. Kontra sila sa
napakaraming estudyanteng hindi na kailangang magsiksikan sa mga classroom.
Kontra sila sa nagkatrabaho dahil nasanay ng TESDA; kontra sa mga maagang
naililikas sa panahon ng bagyo dahil sa pinahusay na PAGASA; kontra sa mga
informal settler na nailayo sa panganib dahil sa programang pabahay; kontra sa
mga maralitang libre nang nakakapagpagamot sa pampublikong ospital; kontra
sa mga sundalong may modernong kagamitan kaya mas may kumpiyansa nang
ipagtanggol ang bayan; kontra sa mga Moro at katutubong abot-tanaw na ang
kapayapaan. Mga boss, kontra po sila sa inyo.
478 SONA 2014
Ang totoo po niyan, wala pa tayo sa puwesto, inaatake na tayo. Sanay na
tayong sinalubong ng negatibong komentarista sa almusal, pang-aalipusta sa
tanghalian, insulto sa hapunan, at may intriga pa bilang midnight snack. Ngayon
nga pong Pangulo ako, tuloy pa rin ang mga kontra sa pagbabago. Sa tingin ko,
maski sa pagbaba ko sa puwesto, hindi pa rin sila titigil.
Naalala ko po ang isang matandang babaeng nakausap ko dati sa kampanya.
Ang sabi niya sa akin, “Noy, mag-iingat ka. Marami kang makakabangga.” Totoo
ang kanyang babala. Pero buo ang loob kong kaharapin ang mga
nakakabanggang ito, dahil alam ko: iilan lamang sila at di-hamak na napakarami
natin. Mas malakas po tayong mga handang makisagwan tungo sa pagbabago.
Magtatagumpay tayo sa labang ito dahil tayo ang nasa tama. Nangarap tayo,
nagsimula tayo, nagsikap tayo, nakabuwelo tayo, at ngayon umaarangkada na
nga po ang Pilipino. Lalong magiging sulit ang pagod at sakripisyo natin kung
itong nasimulan natin ay itutuloy po ninyo.
Kayo ang haharap sa sangandaan, kayo ang magpapasya kung magtutuloy
ang pagbabago. Tandaan na lang po natin, ito ang aking ikalimang SONA; isa
na lamang ang natitira. Sa 2016, pipili kayo ng bagong pinuno ng ating bayan.
Ang sa akin lang po: Para ipagpatuloy at mas mapabilis pa ang pagbabagong
tinatamasa na ng ating lipunan, iisa lang ang batayan sa pagpili ng papalit sa
akin: Sino ang wala ni katiting na dudang magpapatuloy sa transpormasyong
ating isinasakatuparan?
Kayo po ang Boss, kayo ang lakas, kayo ang gumagawa ng pagbabago—
kaya kayo rin ang magpapatuloy nito. Nasa sa inyo kung paanong isusulat sa
kasaysayan ang mga panahong ito. Maaari itong maalala bilang tuktok ng ating
tagumpay, bilang magandang simulaing nasayang lang. Pero mas maganda pong
di-hamak kung maaalala ang mga nagawa natin bilang simula pa lang ng ating
mahabang paglalakbay tungo sa katuparan ng mas matatayog pang pangarap.
Noong iminungkahi po ng ilang mga grupo na ako ay tumakbo, ang sabi nila
sa akin noon, hindi namin inaasahan na lutasin mo lahat ang problema ng ating
bansa sa loob ng anim na taon. Pero simulan mo na sana. Nakita naman ninyo
kung saan tayo nanggaling, at nakita naman ninyong lampas-lampas pa sa ating
mga pinangarap noong simula ang tinatamasa natin ngayon.
Pinapanday na natin ang sistema kung saan talagang patas ang laban; kung
saan ang sumusunod sa patakaran ay nakararating sa nais niyang paroroonan;
kung saan may tunay na kumpetisyon nagbubukal ng pagkakataon at
malawakang kaunlaran; kung saan ang lahat ay may kakayahang panghawakan
ang sariling kapalaran.
479JULY 28, 2014
Abot-kamay na ang isang lipunang kayang sumalo, umaruga sa mga nasa
laylayan; kung saan ang bawat isa ay kumikilala sa kanyang tungkulin sa kapwa
at sa bayan; kung saan tuluy-tuloy at walang hanggan ang pakikiambag at sama-
samang pag-angat ng sambayanan.
Papalapit na po talaga tayo sa minimithi nating kinabukasan, kung saan
naghahari ang katarungan, at tunay pong walang maiiwan.
Ito ang resulta ng reporma, at ito ang ipinaglalaban natin, at patuloy pang
ipinaglalaban: Hindi ang pagpapanatili ng nakasanayan, kundi ang pagbabago
ng sistema para makinabang ang lahat.
Mga Boss: Binigyan ninyo ako ng pagkakataong pamunuan ang
transpormasyon. Kung hinindian ko ang hamon na iniharap ninyo sa akin, para
ko ring sinabi na tutulong akong pahabain ang inyong pagdurusa, at hindi
maaatim ng konsensya ko iyon. Kung tinalikuran ko ang pagkakataon, parang
tinalikuran ko na rin ang aking ama’t ina, at ang lahat ng inialay nila para sa
atin; hindi po mangyayari iyon. Sa paghakbang sa tuwid na daan, pinili ninyo
ang mabuti at ang tama; tumotoo kayo sa akin—at ako naman ay tumotoo sa
inyo.
Ang transpormasyong tinatamasa natin ngayon, ay magagawa nating
permanente sa gabay ng Panginoon. Hangga’t buo ang ating pananalig at tiwala,
at hangga’t nagsisilbi tayong lakas ng isa’t isa, patuloy nating mapapatunayan
na, “the Filipino is worth dying for,” “the Filipino is worth living for,” at idadagdag
ko naman po: “The Filipino is definitely worth fighting for.”
Alam po ni Vice President, na noong 1987 magkasama kami, may kudeta, na-
ambush po tayo doon, at tapos noon eh pangalawang buhay ko na po ito. Hindi
natin maiiwasan mag-isip sa mga binubunggo natin, may araw kayang ‘pag
sasampa ka sa entablado, may magtatagumpay bang maglagay ng bomba?
Magtatagumpay ba ‘yung mga may maiitim na balak ng atin pong mga
katunggaling gusto tayong ibalik sa maling kalakaran. At kung dumating nga
ang panahon pong iyon, at natapos na po ang ating pangalawang buhay,
masasabi ko ho bang, okay na rin? At sasabihin ko po sa inyo, mata sa mata, sa
lahat po ng inabot natin, masasabi kong kuntento na ako.
Kuntento na po ako dahil panatag ang kalooban ko, na kung ako po’y mawala
na dito, marami po ang magpapatuloy ng ating tinahak na. Baka iyon lang po
talaga ang papel ko–umpisahan ito.
Nandiyan po ang mga taong tulad ni Cardinal Chito Tagle, at Ka Eduardo
Manalo, at tulad ni Brother Eddie Villanueva, Father Catalino Arevalo, at Father
480 SONA 2014
Jett Villarin, at ni Bishop Jonel Milan, at si Sister Agnes Guillen, and Mae
Salvatierra. Sila pong sektor relihiyoso, tuloy, itutuloy nila ang atin pong
sinimulan.
Meron pong Aris Alip ng CARD na magtutuloy sa kanyang ambag sa
pamamagitan ng microfinance. Nandiyan po ang isang Alice Murphy at ang
kanyang mga kasamahan sa urban poor associates na talagang tutuluyan ang
pangangalaga sa atin pong informal settlers.
Nandiyan po ang ating mga sundalo at kapulisan–talagang araw-araw
naman pong pinipilit gawin ang tama, tulad ng ating bagong Chief of Staff, ating
mga Service Commanders, mga sundalo ng Light Reaction Battalion, at ng JSOG.
Nandiyan rin po, siyempre, hanay niyong pinanggalingan kong mga pulitiko.
May duda ba na dadalhin tayo ni Senate President Franklin Drilon at ni Speaker
Belmonte sa tamang landas?
Naging pribilehiyo ko rin ho makipagtrabaho at makipag-ugnayan sa isang
governor, Alfredo Marañon ng Negros Occidental. Hindi ko ho kapartido, pero
palagay ko naman po kasama rin niya ako sa fans club sa tama niyang
pamamalakad sa Negros.
Mayroon tayong mga umaangat na bago o mas bata sa aking pulitiko. Ayaw
ko naman ho kasing sabihin napakaluma ko nang pulitiko sa pagtukoy sa mga
mas bata.
Mga taong katulad ni Mayor Jed Mabilog at ni Mayor Len Alonte.
Dito naman sa sector, sabihin nating culture katulad ni Noel Cabangon at ni
Ogie Alcasid na hindi pansarili lang ang iniintindi.
Gabi-gabi po, bago ako matulog, thank you, nakalampas pa ako ng isang
araw. Kung sabi nga noong bata kami, “finish or not finish, pass your paper,” ay
dumating na sa akin, palagay ko naman, nararamdaman na ninyo kung anong
pagbabagong karapatan ng bawat Pilipinong mangyari, at bahala na kayong
ituloy ito.
Mga Boss, kayo ang gumawa ng transpormasyong ating tinatamasa. Kayo
ang susi ng pagpapatuloy ng lahat ng positibong pagbabagong naabot natin.
Buong-buo ang tiwala ko, nasa eksena man ako o wala, tutungo ang Pilipino sa
tama niyang kalalagyan.
481JULY 28, 2014
Kaya, hanggang dito na lang po ako. Magandang hapon po sa lahat.
Maraming salamat sa inyo.
ADJOURNMENT OF JOINT SESSION
Thereafter, Senate President Drilon, on the part of the Senate, and Speaker
Belmonte, on the part of the House, declared the joint session adjourned.
It was 5: 38 p.m.
I hereby certify to the correctness of the foregoing.
(Sgd.) ATTY. MARILYN B. BARUA-YAP
Secretary General