33
ALAMAT NG ANAY Si Ranay ay isang matakaw na batang nakatira sa mahirap na bayan ng Sto. Cristo sa may norte. Bagamat naghihirap ay alaga siya ng ama't ina sa masasarap na pagkain. Nag-iisa kasing anak si Ranay. Inakala nga noon ng mga magulang na hindi na magkakaanak dahil matanda na ang kanyang ina pero isinilang parin siya. Mahal na mahal ng ama't ina si Ranay. Halos gawin na siyang prinsesa ng mga ito. Ayaw siyang pagawain sa bahay at sustentado siyang mabuti sa pagkain. Nakasanayan ni Ranay ang umasa dahil sa pagpalayaw na tinatanggap. Lumaki si Ranay na ang trabaho ay kumain at ang libangan ay kumain parin. Payat na payat na ang ama't ina niya para matustusan ang kanyang pangangailangan. Si Ranay naman ay lalong nagkakagana sa pagkain. Kahit ano ay masarap sa panlasa niya. Kanin, tinapay, ulam, prutas, karne, minatamis at kung anu-ano pa. Minsan, maging ang kakainin na lang ng mga magulang ay si Ranay pa ang kakain. Dumating ang hindi inaasahan ni Ranay. Magkasabay na namatay sa isang aksidente ang ama at ina. Dahil ang alam lang ay kumain, hindi alam ni Ranay kung paano ma- buhay na siya ang kikilos at magta-trabaho. Hindi nagtagal ay namayat siya at namatay. Matagal ng patay si Ranay nang isang araw ay mapansin ng dating kapitbahay na pabagsak ang kanilang bahay. Nang suriin nila ito ay nakita ang isang insektong kumakain ng kahoy. Naalala nila si Ranay. Marahil anila ay ito si Ranay. Tinawag nilang ranay ang insekto na katagalan ay naging anay.

Mga Alamat

Embed Size (px)

DESCRIPTION

alat

Citation preview

Page 1: Mga Alamat

ALAMAT NG ANAY

Si Ranay ay isang matakaw na batang nakatira sa mahirap na bayan ng Sto. Cristo sa may norte. Bagamat naghihirap ay alaga siya ng ama't ina sa masasarap na pagkain. Nag-iisa kasing anak si Ranay. Inakala nga noon ng mga magulang na hindi na magkakaanak dahil matanda na ang kanyang ina pero isinilang parin siya.

Mahal na mahal ng ama't ina si Ranay. Halos gawin na siyang prinsesa ng mga ito. Ayaw siyang pagawain sa bahay at sustentado siyang mabuti sa pagkain. Nakasanayan ni Ranay ang umasa dahil sa pagpalayaw na tinatanggap.

Lumaki si Ranay na ang trabaho ay kumain at ang libangan ay kumain parin. Payat na payat na ang ama't ina niya para matustusan ang kanyang pangangailangan. Si Ranay naman ay lalong nagkakagana sa pagkain. Kahit ano ay masarap sa panlasa niya.

Kanin, tinapay, ulam, prutas, karne, minatamis at kung anu-ano pa. Minsan, maging ang kakainin na lang ng mga magulang ay si Ranay pa ang kakain.

Dumating ang hindi inaasahan ni Ranay. Magkasabay na namatay sa isang aksidente ang ama at ina.

Dahil ang alam lang ay kumain, hindi alam ni Ranay kung paano ma-buhay na siya ang kikilos at magta-trabaho. Hindi nagtagal ay namayat siya at namatay.

Matagal ng patay si Ranay nang isang araw ay mapansin ng dating kapitbahay na pabagsak ang kanilang bahay. Nang suriin nila ito ay nakita ang isang insektong kumakain ng kahoy.

Naalala nila si Ranay. Marahil anila ay ito si Ranay. Tinawag nilang ranay ang insekto na katagalan ay naging anay.

Page 2: Mga Alamat

ALAMAT NG ASO

Kinaiinggitan ang mabuting samahan ng magkaibigang Masong at Lito. Maliliit pang mga bata ay lagi na silang magkasama. Lagi nilang inaalala ang isa't isa. Lagi rin silang magkasama sa bawat lakaran.

Nanatili ang magandang samahan ng dalawa kahit nang magbi-natilyo na sila. Naging bahagi na ng buhay nila ang pag tutulungan. Mula sa paggawa sa bukid hanggang sa pangangahoy sa gubat ay lagi silang magkasama.

Hindi inasahan ninuman ang pagkakaroon ng malubhang sakit ni Masong. Humantong iyon sa kamatayan ng binatilyo. Labis na nagluksa si Lito. Hindi niya matanggap na wala na ang kaibigan. Araw-araw niyang dinadalaw ang puntod nito at nililinis. Madalas ay kinakausap rin niya ito na parang nasa tabi lang at nakikinig sa kanya.

Minsa ay sumama ang pakiramdam ni Lito. Kaunting lakad lang ay hilung-hilo na siya. Pinigilan siya ng ina sa pagdalaw sa libingan ni Masong. Ilang araw siyang ganoon.

Sa buong panahon ng pagkakasakit ay may isang maliit na hayop na umuwi kina Lito. Lagi iyong itinataboy ng ina ngunit balik nang balik sa tapat ng silid ng binatilyo na tila nagbabantay sa kanya.

Nang mabawi ang lakas ay ang puntod ni Masong ang unang pinuntahan ni Lito. Doon ay nakita niya ang hayop na araw-araw na itinataboy ng ina. Nakatayo iyon sa tapat ng puntod at kawag nang kawag ang buntot.

Hindi na humiwalay ang hayop hanggang sa pag-uwi niya. Natu-tulog ito sa paanan niya at pag-gising niya sa umaga ay sasalubungin siya ng kahol at kawag sa buntot nito. Dahil sa hayop ay nalimot ni Lito ang lungkot ng pagkamatay ni Masong.

Pinangalanan niyang Masong ang hayop pero nang lumaon ay naging aso ang tawag dito.

Page 3: Mga Alamat

ALAMAT NG BUTO NG KASOY

Nakakita na ba kayo ng kasoy? Ito ay hugis kampana, kulay dilaw at matamis pag hinog na. Kaiba sa ibang prutas, ang buto ng kasoy ay nasalabas. Kung bakit nasa labas ang buto ng kasoy ang siyang sasagutin ng alamat na ito.

Sa isang gubat ay may kasayahan. Lahat ng uri ng hayop ay naroroon. Silang lahat ay masasaya, nagkakantahan at nagsasayawan. Hindi kalayuan sa kasayahan ay may isang bagay ang nakikinig at naiinggit sa kapistahang nagaganap. Ito ay walang iba kungdi ang buto ng kasoy.

"Sanay makalaya ako dito sa aking madilim na kinalalagyan!" Dasal ng buto ng kasoy.

Nagpatuloy ang kasayahan sa labas at patuloy din ang dasal ng buto ng kasoy. Sa mga oras na iyon ay may isang engkantada na naakit sa ingay ng kasayahan. Naganyak siyang makisaya sa mga hayop. Sa gitna ng pagdiriwang ay may naulinigan ang engkantadata, isang tinig ng naghihirap at humihingi ng tulong.

Nagsalita ag engkanada. "Sino kaya iyon, kawawa naman siya."

Naririnig siya ng buto ng kasoy. "Oh, makapangyarihang engkantada! Para mo nang habag, ilabas mo ako dito!" Sagot ng buto.

Naawa ang engkantada. Sa isang kumas niya ay biglang lumabas ang buto ng kasoy. Tuwang-tuwa ang buto sa kagandahan ng paligid. "Butihing diwata, nais ko sanang manatili dito sa labas. Ayoko nang bumalik sa madlim na pinanggalingan ko," pakiusap ng buto ng kasoy sa engkantada.

Pinagbigyan ng engkantada ang kahilingan ng buto. Wala namang pagsidlang sa tuwa ang buto ng kasoy. Pagkaraan ng ilang oras ay tapos na ang pagdiriwang. Nagsiuwian na ang lahat at buong paligid ay nalukuban ng katahimikan. Hindi nagtagal, ang langit ay nagdilim. Lumakas ang ihip ng hangin at bumagsak ang isang malakas na ulan. Malakas ang kulog at matalim ang kidlat.

Sa pagsungit na ito ng panahon ay natakot ang buto ng kasoy. Muli siyang tumawag sa engkantada. Oh, maawaing diwata. Pakinggan mo ako. Ibalik po ninyo ako sa aking silid. Basang-basa na ako at giniginaw na. Nakkatakot pala dito sa labas! Pagmamakaawa ng buto ng kasoy.

Subalit anumang dasal ang gawin niya ay walang kasagutang nangyari dahil sa wala sa kapaligiran ang engkantada. Nang tumigil na ang unos ay muling nagpakita ang engkantada. Nakita niya ang buto na nakabaluktot at halos hindi na magawang magsalita.

Nagsalita ang engkantada. "Ito'y isang aral sa iyo. Ang lahat ng bagay ay may dapat na kalalagyan. Ito ay kailangan mong tanggapin dahil sa ito ang ipinagkaloob sa iyo ng Diyos! Pagkasabi nito ay naglaho na ang engkantada. Magmula noon ang buto ng kasoy ay nasa labas na ng prutas.

Page 4: Mga Alamat

ALAMAT NG DAGA

Noong araw ay magkakasama ang lahat ng mga tao. Nakaka-sundo sila at laging masaya, Maalwan ang kanilang buhay dahil ipinagkaloob sa kanila ng Diyosa ng Kasaganahan ang lahat ng maaari nilang hilingin.

Isa lamang ang kapalit ng lahat ng iyon. Ibig ng diyosa na huwag silang aalis sa kanilang paraiso.

Sa kabila ng mabuting kabuhayan ay hindi makuntento si Raga. Isa siyang binatilyong may malikot na imahinasyon. Ibig niyang malaman kung ano ang nasa kabila ng kanilang paraiso. Bawat araw ay may udyok siyang nadarama sa kanyang puso na nagsasabing tuklasin niya kung ano ang nasa kabila ng naka-mulatang paraiso.

Isang gabi ay lakas-loob na tumakas si Raga. Wala siyang kasingsaya dahil ang pakiramdam niya ay nakawala siya sa isang gintong kulungan.

Gayunman ay hindi niya inasahan na kabaligtaran ng buhay sa paraiso ang matutuklasan.

Subalit dahil bagong karanasan iyon para kay Raga kaya sabik parin siya. Lumakad siya at nagtatakbo sa putikan, natulog siya sa maruming paligid. Kumain din siya ng mga pagkaing noon lang nakita ng mga mata. Naging eksayted din siya sa pakikisalamuha sa iba't ibang klase ng mga taong na may malaking kaibahan sa mga nakatira sa paraiso.

Nalibang si Raga sa bago niyang daigdig. Inubos niya ang panahon sa pag-gala at pagdiskubre ng mga bagay-bagay. Halos hindi niya namalayan ang paglipas ng mga araw.

Isang gabi ay dumating kay Raga ang pangungulila. Naalala niya ang ina na marahil ay labis nang nag-aalala.

Naalala rin niya ang ama na tiyak niyang hinahanap siya.

Bigla rin niyang naalala ang mga kaibigan at mga kakilala.

Nagmumuni-muni siya nang may dumampot sa kanya.

"Teritoryo namin to!" sabi ng isa.

"Maghanap ka ng sarili mong lugar!" wika naman ng kasama nito.

Nalungkot si Raga. Sa paraiso ang lahat ay pantay-pantay. Walang inaapi at walang nang-aapi. Noon niya nakuro na mas maganda parin ang kanilang paraiso.

Marusing at mabaho, hindi naki-lala si Raga ng mga taga-paraiso. Pinalayas siya ng mga ito. Kahit anong paliwanag niya ay walang gustong makinig. Napaiyak si Raga na tinawag ang kanilang diyosa. Ngunit sa halip papasukin sa paraiso ay isinumpa siya nito sa pagsuway sa utos.

Si Raga ay naging isang malitt na hayop na nakadidiri ang itsura. Sa marurumi at mababahong lugar lang siya nakatitira tulad ng mga pusali at mga lungga. Si Raga, ang binatang dating taga-paraiso, ang pinagmulan ng lahi ng mga daga.

Page 5: Mga Alamat

ALAMAT NG DAIGDIG

AYON sa alamat, sina Kalangitan at Katubigan ay may dalawang anak. Sila ay sina Langit at Tubigan. Si Langit ang kinilalang diyosa ng kalawakan at si Tubigan ang diyos ng katubigan.

Sina Tubigan at Langit ay nagpakasal. Dalawa rin ang kanilang naging mga anak. Sila ay sina Dagat at Paros. Si Dagat ang naging diyosa ng karagatan at si Paros ang naging diyos ng hangin.

Lumaon ay nagpakasal din sina Paros at Dagat.

Apat ang naging mga supling nina Dagat at Paros. Tatlo sa mga ito ang lalaki at nag-iisa ang babae.

Ang panganay ay pinangalanan din nilang Dagat, isang makisig at malakas na lalaki. Sumunod sa kanya si Adlaw, isang masayahing lalaki na may katawang ginto. Kulay tanso ang katawan ng sumunod na si Bulan ngunit mahina ang kanyang katawan. Ang tanging babae, si Bitoon, ay kulay pilak at may ma-gandang tindig.

Nang mamatay sina Paros at Dagat ay inalagaan nina Langit at Tubigan ang kanilang mga apo.

Dahil patay na ang mga magulang ay naging ambisyoso si Dagat lalo pa at na punta sa kanya ang kapangyarihan sa hangin. Ibig niyang sakupin ang kaharian ng lolang si Langit. Napapapayag niya ang dalawang kapatid na sina Bulan at Adlaw na sumama sa kanya.

Pinakawalan ni Dagat ang hangin upang puwersahang mabuksan ang kaharian ni Langit. Sinira niya ito kasama sina Bulan at Adlaw.

Sa galit ni Langit ay nagpakawala siya ng tatlong kidlat laban sa suwail niyang mga apo.

Agad na natunaw sina Bulan at Adlaw. Si Dagat naman ay nahulog sa ibaba. Sa kasamaang palad ay tinamaan din ng kidlat si Bitoon kung kaya nagkapira-piraso.

Pinagbintangan ni Langit ang asawang si Tubigan. Aniya ay ito ang nag-utos upang salakayin siya ng kanilang mga apo. Itinanggi iyon ni Tubigan. Nagkasamaan sila ng loob ngunit napawi rin lalo at napa-tunayan ni Langit na walang kinala-man si Tubigan sa ginawa ng mga apo.

Nagpasya ang mag—asawa na pagkalooban nalang ng liwanag ang kanilang mga apo dahil hindi na rin nila mabubuo pa ang katawan ng mga ito na winasak ng mga kidlat.

Si Dagat ang ginawa nilang lupain. Si Bulan ay ginawa nilang buwan. si Adlaw ang naging araw at si Bitoon ang naging mga bituin.

Ayon sa alamat ay sa ganitong paraan nabuo ang daigdig.

Page 6: Mga Alamat

ALAMAT NG DURIAN

Sa isang bayan sa Mindanao ay may matandang babae na lalong kilala sa tawag na Tandang During. Nakatira siya sa paanan ng bundok. Ang maliit niyang kubo ay nakatayo sa gitna ng malawak niyang bakuran na naliligid ng mga puno.

Si Tandang During ay karaniwan nang ginagawang katatakutan ng mga ina sa kanilang malilikot na mga anak. Sabi nila ay lahi ito ng mangkukulam kung kaya dapat iwasan.

Si Tandang During ay nasanay nang mamuhay na nag-iisa. Mula nang mamatay ang asawa at mga anak ay hindi na siya umalis sa paanan ng bundok. Tahimik siyang tao at dahil matanda na ay mas ibig pa niyang asikasuhin na lang ang mga tanim na halaman.

Masungit si Tandang During kaya iniiwasan ng mga tao. Noong kamamatay palang ng mga mahal niya sa buhay ay marami ang nag-alok ng tulong ngunit tinanggihan niya. Sa gayon ay unti-unti na ring lumayo sa kanya ang mga tao hanggang maging panakot na lamang siya sa makukulit na mga bata.

Ilang taon ang nagdaan. Ang dati ay makukulit na mga bata ay malalaki na ngunit si Tandang During ay gayon parin. Nag-iisa sa kubo sa paanan ng bundok at hindi naki-salamuha sa mga tao.

Isang gabi ay itinaboy ng hanging amihan ang isang kakaibang amoy sa komunidad. Hindi nila alam kung ano ang amoy na iyon at kung saan galing. Nanatili ang amoy nang sumunod pang mga araw at patindi nang patindi. Nagpasya ang mga tao na hanapin ang pinanggalingan ng amoy.

Nagkaisa silang puntahan ang kubo ni Tandang During nang ma tiyak na doon nanggagaling ang amoy. Hinanap nila ang matanda ngunit hindi nila ito nakita. Sa halip ay nabaling ang pansin ila sa isang puno na ang mga bunga ay may matitigas na balat at matatalim na tinik. Dahil sobrang hinoy ay nagsisimula nang bumuka ang mga prutas. Isang lalaki ang umakyat ng puno para kumuha ng bunga. Nagtakip sila ng ilong nang buksan ang prutas pero pare-pareho ring nasarapan sa lasa ng prutas na iyon. Nagsipitas sila ng mga bunga at iniuwi sa kani-kanilang bahay.

Nang may makasalubong silang isang matanda na tagaibang lugar at itinanong kung ano ang dala nilang prutas ay iisa ang sagot nila. "Bunga ng tanim ni Tandang During 'yan", sabi nila.During yan ang pagkakaintindi sa kanila ng matanda. Kaya nang bigyan nila ito ng bunga at itanong ng mga kakilala kung ano iyon ay sinabi nitong ang pangalan ng prutas ay during yan. Kalaunan ay nagiging durian.

Page 7: Mga Alamat

ALAMAT NG GUMAMELA

Mahilig sa mga bulaklak si Mela. Sa katunayan, ang paligid ng bakuran nila ay punung-puno ng mga halamang namumulaklak. Siya ang nagtanim sa lahat ng iyon.Araw-araw, makiKita ang napakaraming mga,paruparo, bubuyog at tutubi sa halaman ni Mela. Katuwaan na ng mga bata at maging ng mga matatanda na panoorin ang mga iyon habang palipat-lipat sa pagdapo sa mga bulaklak.

Dahil nalilibang sa paghahala-man, hindi na pansin ni Mela na nagkakaedad na siya. Bagamat may mga manliligaw ay gusto pa niyang i buhos ang panahon sa pagpaparami ng mga tanim kaysa usapin ng kanyang puso.

Isang araw, may bakasyunistang na ligaw sa ha lamanan ni Mela. Natuwa rin ito at naaliw sa maramin mga tutubi, mga paruparo at mga bubuyog na masayang nagliliparan sa mga bulaklak.

Nakipagakilala si Rommel, ang binatang taga Maynila kay Mela.

Mula noon, araw-araw nang panauhin ni Mela si Rommel at ikinainggit ito ng ibang manligaw ni Mela. Isa na rito si Goyong, pinakamahigit niyang mangingibig. Minsan ay hinarang ni Goyong si Rommel at pinagbantaan.

Ipinagkibit-balikat lang ni Rommel ang banta. Nagpatuloy siya sa pagdalaw kay Mela. Ang totoo ay natutuhan na niyang mahalin si Mela.

Lalong nagalit si Goyong nang isang umaga ay makitang kasama ni Rommel si Mela galing sa pagsisimba. Walang sabi-sabing inundaya nito ng saksak ang binata ngunit hindi nito inasahan ang ginawa ni Mela. Biglang iniharang ng dalaga ang katawan kaya siya ang tumang-gap ng saksak na para kay Rommel.

Agaw-buhay agad si Mela subalit bago nalagutan ng hininga ay inamin kay Rommel na mahal niya ito.

Gayon na lang ang panggigipuspos ni Rommel. Matapos ilibing ang dalaga sa gitna ng halamanan nito ay hindi na bumalik ng Maynila ang lalaki. Siya ang pumalit kay Mela sa pag-aalaga ng mga halaman nito. Nais niyang ipadama sa pamamagitan noon na mahal na mahal niya ang dalaga.

Isang araw ay napansin ni Rommel ang pagtubo ng isang ka-kaibang uri ng halaman sa mismong puntod ni Mela. Nang lumaki iyon ay namulaklak ng kulay pula. Inisip ni Rommel na iyon ang paraan ng dalga upang ipaalam ang kanyang pag-ibig sa binata. Ang bulaklak ay tinawag niyang mela ngunit kalaunan ay naging gumamela.

Page 8: Mga Alamat

ALAMAT NG KABAYO

Noong araw, may mag-asawang masaya at tahimik na namumuhay kahit walang anak. Sina Ayong at Karing. Kuntento na sila sa isa't isa nang isang araw ay dumating sa kanila ang magandang sorpresa.

Buntis si Karing!

Nagpasalamat sa Diyos ang mag-asawa dahil biniyayaan sila na magkaroon ng anak.

"Ipinangangako kong gagawin ko ang lahat upang mapaligaya kayo ng magiging anak natin," pangako ni Ayong.

Ilang buwan makaraan ay isini-lang ni Karing ang isang malusog na batang lalaki. Nag-iisang anak palibhasa, sinikap nina Ayong at Karing na maipagkaloob sa anak ang lahat ng saya at masarap na buhay. Labis nila itong napalayaw kaya lumaking masama ang ugali. Palasagot ito at ayaw na nasasabihan. Kapag nakagalitan ang binatilyo ay agad naglalayas.

Minsan ay hindi natiis ni Ayong ang ginawang pagsagot ng anak kay Karing kaya pinangaralan niya ang binatilyo. Nang araw ding iyon ay naglayas ito at napadpad sa paanan ng isang bundok.

Isang matandang namumuhay sa paanan ng bundok ang nagmamagandang loob kaya nagkaroon ng matutuluyan ang binatilyo. Nang malaman ng matanda na naglayas siya ay pinayuhan siya nito.

"Umuwi ka at humingi ng tawad sa mga magulang mo. Hindi mainam na nagtatanim ng galit sa ama mo't ina," ang sabi ng matanda.

Minasama iyon ng binata. Nagalit siya sa matanda at pinagsisipa ang bangkong inuupuan.

"Wala kang pakialam sa buhay ko at lalong wala kang karapatang pagalitan ako!" paasik na sabi ng binatilyo.

Marami pang masasakit na salitang binitiwan ang binatilyo na walang tigil sa kasisipa sa lahat ng abutan ng paa.

Lingid sa kaalaman ng binata ay engkantado pala ang matanda. Sa nakitang masama niyang asal ay ginawa siya nitong hayop na may apat na paa na walang tigil kasisipa.

Nang mapagod sa kasisipa ay napaiyak ang binatilyo ngunit halinghing lang ang lumabas sa bibig niya.

Huli na ang kanyang pagsisisi dahil hindi na makabalik sa dating anyo. Napilitan siyang umuwi sa magulang.

Likas na mababait, kinupkop nina Ayong at Karing ang hayop na isang umaga ay ayaw nang umalis sa kanilang bakuran. Inalagaan nila ito na parang tao. Naging malaking tulong siya sa ama. Gumaan ang gawain nito at bumilis ang kanilang pag-unlad.

Binigyan siya ng pangalan ng mag-asawa. Mula sa Karing at Ayong ay tinawag siyang Kayong, ang pinagmulan sa salitang kabayo.

Page 9: Mga Alamat

ALAMAT NG KALABASA

Si Kuwala ay anak ni Aling Disyang, isang mahirap na maggugulay. Maliit pa siyang bata nang mamatay ang ama at tanging ang ina ang nagpalaki sa kanya.

Mabait si Kuwala. Maliit pa ay mahilig na siyang tumingin sa mga larawang nasa libro at nang matuto ay pagbabasa ang naging libangan.

Basa siya ng basa. Walang oras na hindi siya nagbabasa. Binansagan tuloy siyang Kuwalang basa nang basa.

Matalino ang anak kaya nagsikap si Aling Disyang para matustusan ang anak. Si Kuwala naman ay higit na pinagbuti ang pag-aaral.

Tag-ulan noon nang isang hapon ay umuwi si Kuwala na mataas na mataas ang lagnat. Inirireklamo niya ang mahirap na paglunok. Nagsuka rin siya nang nagsuka. Palibhasa ay walang pera, hindi agad nadala ni Aling Disyang sa doktor ang anak. Nang masuri ito ng doktor ay malala na ang kondisyon.

Paralytic poliomyelitis ang umatake sa mahinang resistensiya ni Kuwala. Naging mabilis ang pagpasok nito sa katawan niya at agad siyang naparalisa. Ilang linggo makaraan ay binawian ng buhay ang kawawang bata.

Hindi matanggap ni Aling Disyang ang sinapit ni Kuwala. Upang maibsan ang lungkot ay inubos niya ang panahon sa pag-aasikaso ng mga tanim na gulay.

May kakaibang halamang tumubo at nagbunga sa pataniman ni Aling Disyang. Bilog ang bunga noon na kulay dilaw ang loob. Natuklasan ng mga kumain ng gulay na may bitamina itong nagpapalinaw ng mata.

May isang nagtanong kung saan galing ang halamang iyon. Ang sabi ng tinanong ay kina Kuwalang basa nang basa. Nagpasalin-salin iyon sa maraming mga bibig hanggang kalaunan ay naging kalabasa.

Page 10: Mga Alamat

ALAMAT NG PAPAYA

Si Payang ay anak ng isang mayamang mag-asawa mula sa Laguna. Ipinagkasundo siya ng ama't ina sa anak na binata ng pinakamayamang angkan sa kanilang lalawigan.

Lingid sa mga magulang ay may nobyo na ang dalaga. Ito si Pepe, isang magsasaka.

Nagpasyang magtanan sina Pepe at Payang upang hindi mag-kahiwalay. Ngunit natuklasan iyon ng ama ni Payang at ipinahabol sa mga tauhan ang dalawa.

Nang abutan sila ay ipinabugbog ng ama ni Payang si Pepe sa dalawang tauhan nito at iniwang duguan. Si Payang naman ay sapilitang iniuwi sa kanilang bahay at ikinulong sa sariling silid.

Isang matanda ang nakatagpo kay Pepe. Sa pag-aaruga nito ay unti-unting bumalik ang lakas ng binata.

Ngunit huli na. Nalaman ni Pepe na namantay si Payang sa lungkot at sama ng loob.

Nagluksa ang binata at halos araw gabing umiyak. Nang tuluyang gumaling si Pepe ay agad tinungo ang libingan ni Payang.

Sa libingan ni Payang ay may nakita si Pepe na halamang tumubo malapit sa puntod. Tila nababantay ang halaman sa ulilang puntod ng dalaga.

Inalagaan ni Pepe ang halaman hanggang mamulaklak at mamunga. Nang mahinog ang prutas nito ay kanyang tinikman. Nasarapan siya sa lasa nito. Naalala ni Pepe ang nobyang si Payang dahil sa punong iyon.

Ang bunga ng puno ay tinawag niyang Payang. Nang lumaon ay naging papaya ang tawag dito ng mga tao.

Page 11: Mga Alamat

ALAMAT NG PINYA

Si Aling Rosa ay isang balo. Siya ay may sammpung taong gulang na anak na babae, si Pinang. Mahal na mahal ni Aling Rosa ang kanyang anak. Nais niyang lumaking bihasa sa gawaing bahay ang anak. Tinuturuan niya si Pinang sa mga gawaing-bahay.

Dahil sa nag-iisang anak, ayaw gumawa si Pinang lagi niyang ikinakatwiran na alam na niyang gawin ang anumang itinuturo ng kanyang ina. Pinabayaan lang siya ng kanyang ina.

Isang araw ay nagkasakit si Aling Rosa. Hindi siya makabangon at makagawa sa bahay. Napilitan si Pinang na gumawa ng gawaing-bahay. Inutusan siya ng ina niya na magluto siya ng lugaw. Kumuha si Pinang ng ilang dakot na bigas, inilagay sa palayok at hinaluan ng tubig. Isinalang niya ito sa ibabaw ng apoy. Iniwan niya ang niluluto at naglaro na. Dahil sa kapabayaan, ang ilalim ng bahagi ng lugaw ay namuo at dumikit sa palayok. Nagpasensiya na lang si Aling Rosa. Kahit papaano nga naman ay napagsilbihan siya ni Pinang.

Nanatili sa higaan ang matandang babae gn ilang araw pa. Si Pinang ang napilitang gumawa ng mga gawaing-bahay. Isang araw, sa paghahanda ng pagluluto, hindi makita ni Pinang ang sandok. Lumapit siya sa ina at nagtanong. Nasuya na ang ina sa katatanong ni Pinang. "Naku, Pinang sana'y magkaroon ka ng maraming mata upang lahat ng bagay ay makita mo at hindi ka tanong nang tanong!"

Dahil galit ang ina, hindi na umimik si Pinang. Umalis siya upang hanapin ang sandok. Kinagabihan, nabahala si Aling Rosa nang hindi pa bumalik ang anak. Nagpilit siyang bumangong upang kumain. Tinawag niya ang anak nguni't walang lumalapit sa kanya.

Isang umaga, nagwawalis ng bakurang si Aling Rosa nang may makita siyang isang uri ng halaman na tumubo sa silong ng kanilang bahay. Hindi niya alam kung anong uri ng halaman iyon. Binunot niya at itinanim sa kanyang halamanan. Lumaki ang naturang halaman at di nagtagal ay namunga ito. Nagulat si Aling Rosa sa anyo ng bunga. Ito ay hugis ulo ng tao na napapalibutan ng mata.

Biglang naalala ni Aling Rosa ang huling sinabi niya sa nawawalang anak na magkaroon sana siya ng maraming mata upang makita ang kanyang hinanap. Tahimik na nanangis si Aling Rosa. Noon niya napagtanto na tumalab kay Pinang ang kanyang sinabi. Gayunpaman, inalagaang mabuti ni Aling Rosa ang halaman at tinawag niya itong Pinang bilang pag-alaala sa kanyang anak. Nang maglaon ang bunga ito ay tinawag na "Pinya."

Page 12: Mga Alamat

ALAMAT NG ROSAS

Noong unang panah0n ay may isang magandang dalaga mula sa malayong bayan ng Tarlac na Rosa ang pangalan.

Bukod sa iwing ganda ay nakilala rin si Rosa na gagawin ang lahat para mapatunayan ang tunay na pag—ibig.

Ayon sa kwento nakatakda nang ikasal si Rosa kay Mario nang matuklsang may malubhang sakit ang lalaki. Sa kabila ng lahat ay pinili ng dalaga na pakasal sila para mapaglingkuran ang lalaki hanggang sa mga huling sandali ng buhay nito.

Gayunman ay hindi pumayag si Mario. Anang binata ay sapat na sa kanya na baunin ang pag-ibig ng dala sa kabilang buhay.

Pinaglingkuran ni Rosa si Mario. Hindi siya umalis sa tabi nito. Ang ngiti niya ang nasisilayan ni Mario sa pagmulat ng mata at ang kanya ring mga ngiti ang baon nito sa pagtulog.Ang mga ngiti rin ni Rosa ang huling bagay na nasilayan ni Mario bago panawan ng hininga.Ang mga gniti ni Rosa ay hindi napawi kahit nang ilibing si Mario at kahit nang dinadalaw ang puntod nito at pinagyayaman. Nang tanungin kung bakit hindi nawala ang ngiti sa mga labi ay ito ang sabi niya.

"Alam kong nasaan man si Mario ay ako lang ang babaing kanyang minahal. At alam ko rin na maghihintay siya sa akin para magkasama kami na hindi na maghihiwalay pa."Naging inspirasyon ng iba ang ipinakitang lalim ng katapatan at pagmamahal ni Rosa sa katipan.Bago namatay ay hiniling ni Rosa na sa tabi ng puntod ni Mario siya ilibing. Kakatwang may tumubong halaman sa kanyang puntod at kayganda ng naging mga bulaklak.

Tinawag nilang rosas ang mga iyon bilang alaala ng isang dalagang simbolo ng tunay ng pag-ibig.

Page 13: Mga Alamat

ALAMAT NG MGA DALIRI

Noong unang panahon ay magkakasama ang limang daliri ng tao. Kahit saan magpunta ay wala silang hiwalayan. Katunayan ay maraming naiinggit sa lima dahil sa mabuti nilang samahan. Lagi kasi silang masaya at nagkakasundo.

Kung paano nagkahiwa-hiwalay ang mag kakaibigan ay dahil narin sa isang malaking pagsubok na dumating sa kanilang buhay.

Nagkaroon ng malawak na taggutom sa nilang lugar. Naging napakahirap ng pagkain dahil kakaunti ang nabuhay na pananim kumpara sa maraming mga taong kakain. Ang mga hayop haman ay unti-unti naring nangaubos.

Lahat ng uri ng trabaho ay pinasukan ng lima. Nagtrabaho sila araw at gabi pero totoong mahirap ang buhay kaya madalas silang sumasala sa oras. Wala silang nagawa liban sa magtiis.

Isang araw ay nakita ng apat na daliri si Hinlalaki. Sarap na sarap ito sa pagkain ng karne kung kaya hindi na halos sila napansin.

Nang makita ni Hinlalaki ang apat na kaibigan ay bigla naman itong namutla.

"Saan mo kinuha ang karneng iya?" tanong ng apat kay Hinlalaki.

Bago pa makasagot si Hinlalaki ay isang galit na babae ang lumapit sa kanila. Pagkakita nito kay Hinlalaki ay agad sinampal. Gulat na gulat ang apat.

"Ipakukulong kita!" banta ng babae na namumula sa galit.

"Teka, huminahon kayo!" wika ni Hintuturo. "Pag-usapan natin ito."

"Opo nga nama," sabad ni Hinlalato. "Ano po ba ang problema?"

"Magnanakaw ang kaibigan ninyo! Ninakaw niya ang aming pag-kain!" ang sumbong ng babae.

Sabay na napatingin sa isa't isa sina Palasingsingan at Kalingkingan. Tulad nina Hintuturo at Hinlalato ay nagulat sila sa narinig. Alam nilang matakaw si Hinlalaki pero hindi nila inakalang magnanakaw ito para mairaos ang katakawan.

Napatungo naman si Hinlalaki bilang pag-amin sa kasalanan.

Mabuti at napakiusapan ng apat ang babae na huwag ipakulong si Hinlalaki subalit mula noon ay naiba na ang pagtingin ng apat sa kanya.

Iniwasan ng apat na magkaka-ibigan si Hinlalaki. Ibig nila itong bigyan ng aral dahil sa masamang ginawa. Sa sobrang hiya naman ay nakahiyaan na rin ni Hinlalaki ang lumapit sa apat kaya hindi na sila muling nagkasama-sama.

Page 14: Mga Alamat

BAKIT NAKAYUKO ANG KAWAYAN

Noong unang panahon, may isang pagmilya ang naninirahan sa isang pulo. Ang pamilyang ito ay kinikilala at iginagalang. Ang kanilang pagpapasunod sa tao ay ayon sa batas kaya sila ay napamahal naman sa kanila. Pawang naisin nila ay nasusunod, ngunit laan din silang magbigay ng tulong sa mga nangangailang.

Ang kapangyarihang ito ay nagpasalin-salin sa mga anak at apo ng angkang iyon. Lahat ng namuno ay naging makagtaraungan at malapit sa mamamayan. Subali't dumating ang isang tao sa pamilyang iyon na kakaiba ang ugali. Siya ay ubod ng sakim kaya halos lahat ng lupain pulong iyon ay kanyang kinamkam. Isa siyang mapangaapi ng kapwa kaya siya hindi kinalugdan ng mga tao.

Ang kanyang pangalan ay Kawayan. Isanggabing kasarapan ng tulog ni Kawayan, isang matandang pulubi ang kumatok at nanghihingi ng kaunting limo.

"Ano... baka nagkakamali ka ng malalapitan tanda? Hindi ako nagbibigay ng limos sa di ko kaanu-ano. Ang pagkaing nasa bahay ko ay aking pinagpaguran kaya lumayas ka na!" ang nakapamaywang na sabi ni Kawayan.

"Anak, huwag kang palalo. Parurusahan ka ni Bathala saiyong kasakiman," ang wikang matanda.

"Ako...parurusahan...ako na ngang pinakamakapangyarihan dito. Sinong magpaparusasa akin?"

"Si Bathala ang tunay makapangyarihan. Sa sinabi mong iyan ay parurusahan ka niya. Mula ngayo'y magiging magalang ka at yuyuko sa anumang bagay na mas malakas kaysa sa iyo."

Pagkawika nito ay naglaho na ang matanda. Si Kawayan naman ay unti-unting nanlambot, napahiga at tuluyang namatay.

Siya ay inilibing ng mga tao sa lugar na kanyang kinamatayan. Sa paglipas ng panahon, may isanghalaman ang umusbong sa libinganga iyon. Ang halaman ay tumaas nang tumaas ngunit kapansin-pansin ang pagyuko nito sa ihip ng hangin. Ito ay tanda ng pagpapakumbaba at paggalang. Tinawag na Kawayan ang punong ito sapagkat ipinalalagay ng mga tao na iyon si Kawayan. Tinamo niya ang parusa ni Bathala dahil sa kanyang masamang ugali.

Page 15: Mga Alamat

ANG LAWA NG SAMPALOK

Ang bayan ng San Pablo, isang maunlad at may angking ganda na nasa timog-silangan ay kilala bilang isang siyudad ng Pitong Lawa. Lahat ng lawang ito ay may kani-kaniyang kasaysayan at ang pinakapaborito ay ang pinakamaganda at pinakamalaking Lawa ng Sampalok.

Noong unang panahon sa bayan ding ito, ay may mag-asawang naninirahan. Maykaya ang mag-asawa. Malaki ang taniman nila ng sampalok. Sa katunayan ay dinarayo pa ang kanilang sampalok dahil sa angking katamisan nito. Bagama't masagana ang kanilang pamumuhay ay may kulang pa rin sa kanilang buhay. At ito ay ang anak. Ang mag-asawa ay di biniyayaan ng kahit isang anak man lang.

Sa takot na may magnakaw ng bunga ng kanilang sampalok, ang paligid ng kanilang bakuran ay pinalagyan nilang ng mataas na bakod at isang malaking aso.

Isang araw, isang engkantada ang nag-anyong matandang pulubi upang masubukan ang kabaitan at mapagkawanggawa ng mag-asawa. Lumapit siya sa mag-asawa at nagmamakaawang humingi ng kaunting bunga ng kanilang sampalok.

"Para na ninyong awa pahingi po ng ilang butil ng sampalok. Gutom na gutom na po ako." Pagmamakaawa ng matangdang babae.

"Layas! Hindi namin ipanamimigay ang bunga ng aming sampalok," bulyaw ng galit na mag-asawa na pulubi.

"Parang awa na ninyo, kahit na po isa o dalawa lamang ay makasasapat na sa akin. Alam ko pong napakatamis at napakasarap ng inyong sampalok," pakiusap ng pulubi.

Hindi na matiis ng matandang pulubi ang kagutuman kaya't pilit niyang inabot ang isang bnga na nasa mababang sanga ng puno. Nagalit ang mag-asawa kung kaya't pinakawalan nila ang malaking aso at ipinakagat ang matandang pulubi.

Namimilipit sa sakit ang kawawang matanda. Pinilit niyang makatayo, hinawakan ang puno ng sampalok at nagsabing, "Pagsisihan ninyo ang inyong kasakiman." At marahang lumisan ang matandang pulubi.

Hindi pa gaanong nakalalayo ang matandang pulubi nang biglang magdilim ang kalangitan at bumagsak ang bagyo na inabot ng magdamag. Kinaumagahan ay payapa na muli ang panahon at tulad ng kanilang nakaugalian, ang mag-asawa ay bababa ng bahay upang bisitahin ang kanilang taniman ng sampalok. Subali't sa kanilang pagkagulat hindi ang malalagong puno ng sampalok ang bumungad sa kanilang paningin. Ang buong paligid ay naging isang malaking lawa at ang kanilang ipinagmamalaking mga puno ng sampalok ay pawang naglaho. Patuloy na naglakad ang hindi makapaniwalang mag-asawa hanggang sa sapitin nila ang gilid ng lawa. Sa kanilang kinatatayuan ay kitang kita nila ang puno ng sampalok na nakatanim pa rin sa lupang nababalutan na ng mga tubig.

Magmula noon ay lawang iyon ay kinilala sa pangalang "Lawa ng Sampalok." Dinarayo pa rin ito sa kasalukuyang panahon, hindi dahil sa matamis na bunga nito kungdi dahil sa kagandahan at kaaya-ayang tanawin nit.

Page 16: Mga Alamat

ALAMAT NG SIBUYAS

Ayon sa alamat, si Buyas ay anak ng manggagamot ng isang tribo na nakatira sa paanan ng bundok ng Sierra Madre. Maliit pang bata ay kapansin-pansin na ang pagiging sensitibo ni Buyas. Lalo siyang naging maramdamin nang isilang ang bunsong kapatid. Maganda ang kapatid kung ihahambing kay Buyas kaya agad napapansin ang kaibahan nila.

Palibhasa ay marami ang nagpapagamot sa ama, kadalasan ay maraming tao sa kanilang kubo. Hindi maialis na mapansin ang mag-kapatid dahil maliit lang ang kubo at doon mismo nanggagamot ang kanilang ama.

"Kayganda ng inyong bunso," madalas ay sinasabi ng mga nagpupunta roon.

"Maganda rin si Buyas," madalas ay maririnig ng kanyang ina. Ayaw na ayaw ni Buyas na maririnig ang ganyong usapan. Agad na siyang pupunta sa likod ng kubo at doon uubusin ang oras hanggang maubos ang kanyang mga luha.

Nang magdadalaga si Buyas ay umibig siya sa isang makisig na binata. Ang problema, ang bunso niyang kapatid ang gusto ng lalaki.

Masakit na masakit sa loob ni Buyas tuwing aakyat ng ligaw ang binata sa kapatid. Ang gagawin niya ay magtatago sa kanilang likod-bahay at doon i-iiyak ang bigat ng damdamin.

Alam ng kanyang ina ang nararamdaman ni Buyas ngunit wala itong magawa! Hindi nito mapanghihimasukan ang puso ng binata. Isa pa ay paano naman ang damdamin ng bunsong anak?

Ilang buwan pa ay isinama na ng binata ang mga magulang upang hingin ang kamay ng kapatid ni Buyas. Nais raw pakasal ng dalawa sa ikalawang pagbilog ng buwan.

Labis na dinamdam ni Buyas ang kamatayan ng pag-ibig.

Kinabukasan ay hindi na nakita si Buyas. Naglaho siyang tila bula.

Sumapit at natapos ang araw ng kasal ng bunsong kapatid ay hindi na nakita si Buyas.

Isang umaga, habang nagwa-walis sa likod-bahay ang ina ay napansin nito ang isang halamang tumubo roon. Nang bunutin iyon ng babae para itanim sa mas maayos na lugar ay nakita ang bilog nitong mga bunga.

Natuklasan ng ina na maaaring ipanahog sa pagkain ang bunga. Pero higit sa lahat, natuklasan nitong nakapagpapaiyank ang bunga pag hinihiwa.

Naalala tuloy ng ina ang anak na si Buyas. Pinangalanan nitong buyas ang bungang iyon.

Ang buyas ay naging sibuyas makaraan ang maraming panahon

Page 17: Mga Alamat

ALAMAT NG SAMPAGUITA

Sa isang malayong bayan sa Norte ay may isang napakagandang dalaga na Liwayway ang pangalan.

Ang kagandahan ni Liwayway ay nakarating hanggang sa malalayong bayan. Hindi naging kataka-taka kung bakit napakarami ng kanyang naging mga manliligaw.Mula sa hilaga ay isang grupo ng mga mangangaso ang nagawi sa lugar nina Liwayway. Sa kasamaang palad, si Tanggol, isa sa mga ito ang inatake ng baboy-ramo. Ang binata ay dinala sa ama ni Liwayway para mabigyan ng pang-unang lunas. Iyon ang naging daan ng paglakalapit nila.

Umibig sina Liwayway at Tanggol sa isa'y isa sa maikling panahon ng pagkikilala.Nang gumaling si Tanggol ay nagpaalam kay Liwayway at sa mga magulang niya. Anang binata ay susundin ang ama't ina upang pormal na hingin ang kamay ng dalaga.

Puno ng pangarap si Liwayway nang ihatid ng tanaw si Tanggol.Subalit dagling naglaho ang pa-asa ni Liwayway na babalik si Tanggol tulad ng pangako. Ilang pagsikat na ng buwan mula nang umalis ito ngunit ni balita ay wala siyang natanggap.Isang dating manliligaw ang nakaisip siraan si Tanggol. Ikinalat nito ang balita na hindi na babalik si Tanggol dahil may asawa na ito.

Tinalo ng lungkot, pangungulila, sama ng loob at panibugho ang puso ni Liwayway. Nagkasakit siya. Palibhasa ay sarili lang ang makagagamot sa karamdaman kung kaya ilang linggo lang ay naglubha ang dalaga at namatay.

Bago namatay ay wala siyang nausal kungdi ang mga salitang, "Isinumpa kita!... sumpa kita!"

Ang mga salitang "Isinusumpa kita!... sumpa kita!" ang tanging naiwan ni Aniway kay Tanggol.

Ilang araw makaraang mailibing si Liwayway ay dumating si Tanggol kasama ang mga magulang. Anito ay hindi agad nakabalik dahil nagkasakit ang ina. Hindi matanggap ng binata na wala na ang babaing pinakamamahal.

Sa sobrang paghihinagpis, araw-araw ay halos madilig ng luha ni Tanggol ang puntod ni Liwayway. Hindi na rin siya bumalik sa sariling bayan upang mabantayan ang puntod ng kasintahan.

Isang araw ay may napansin si Tanggol sa ibabaw ng puntod ni Liwayway. May tumubong halaman doon, halaman na patuloy na dinilig ng kanyang mga luha. Nang mamulaklak ang halaman ay may samyo iyon na ubod ng bango. Tinawag iyong sumpa kita, ang mga huling salitang binigkas ni Liwayway bago namantay. Ang sumpa kita ay ang pinagmulan ng salitang sampaguita.

Page 18: Mga Alamat

BAKIT MAY KORONA ANG BAYABAS

May isang Sultan na napakapayat ngunit kinamumuhian ng marami sa kanyang kasakiman at kalupitan. Palagi niyang suot ang kanyang korona upang ipakita na siya ay makapangyarihan.

Isang araw habang kumakain si Sultan Barabas ng kanyang masaganang tanghalian, isang marungis na batang ulila ang lumapit ang humingi ng kaunting limos.

"Parang awa na po ninyo Sultan Barabas, ulila na po ako. Tatlong araw na po akong hindi kumakain at palabuy-laboy dahil sa wala po akong tirahan," ang pagsumamo ng bata.

Aaahh...at sino kang lalapit sa oras ng aking pagkain. Dapat ay sa mga katulong ka humingi ng limos, ang pasinghal na sabi ng sultan.

"Humingi na po ako sa kanila nguni't ayaw pon nila akong bigyan," ang lumuluhang sabi ng bata. Lumayas ka! Layas! Nakakawala ka ng gana," bulyaw ng Sultan sa bata

Sa halip na umalis ay lalong lumapit ang bata. Nagalit ang Sultan kaya bigla niyang ibinato sa bata ang tason ng mainit na sabaw ng manok. Laking gulat niya nang mawala ang batang umiiyak. Akma siyang tatayo upang humingi ng tulong ng bigla siyang nalugmok sa kanyang kinauupuan.

Lumapit ang mga katulong. Pinulsuhan ang Sultan nguni't natuklasan nilang patay na ito. Inilibing ang Sultan na walang nakikiramay.

Ang mga tao ay pumili ng panibagong Sultan at kinalimutan na si Sultan Barabas.

Isang araw, ang katulong ng bagong Sultan ay humahangos at ibinalitang may isang punongkahoy na tumubo sa kinalilibingan ni Sultan Barabas. Hitik na hitik sa bunga ang nasabing puno.

"Napakaraming bunga ng punong ito. At bawa't isa ay may maliit na korona," ang wika ng bagong Sultan.

Pumitas siya ng isang bunga at binuksan iyon. "Naku! Ang daming buto. Matitigas at maliliit na buto." Ang sigaw ng matandang babae."Kasintigas ng loob ni Sultan Barabas.

Isang matandang lalaki naman ang tumikim sa bunga. "Pagkaasim—asim! Sing—asim ng ugali at pagmumukha ni Sultan Barabas!" Ang pangiwi niyang sabi.

Nagdaan ang maraming araw walang pumansin sa bunga ng puno hanggang sa ang mga ito ay mahinog. Nakatuwaang kainin ng mga bata ang bunga. Tumamis at sumarap ang lasa ng bunga. Bukod pa sa rito ay nagbigay pa ito ng bitamina sa katawan ng tao.

Mula noon ang bunga ay tinawag na "Bayabas" hango sa pangalan ni Sultan Barabas.

Sa kasalukuyang panahon ang bayabas, bukod sa ito ay kinakain o pagkapitas sa puno, ito rin ay ipinansasahog sa ating mga lutuin. Ang mga dahon ng bayabas ay nagagamit din sa modisina.

Page 19: Mga Alamat

ANG ALAMAT NG BITUIN

Noong unang panahon, walang makikitang buwan o mga bituin sa kalangitan upang magbigay ng liwanag sa gabi. Si Haring Buwan ay naninirahan pa noon sa lupa. Kilala siya bilang isang mahigpit at di pala-ngiting hari.

Wala pang asawa ang hari sapagkat ito ay mapili. Marami nang mga hari ang ninais na ipakasal ang kanilang mga anak na dalaga kay Haring Buwan wala ni isa dito ang nagustuhan niya.

Sa di kalayuan sa kaharian ni Haring Buwan ay may isang mag-asawa na may magandang anak na dalaga na nagngangalang Aurora. Ang dalaga ay hindi lamang maganda, ito rin ay mabait at matulungin.

Napag-alaman ni Haring Buwan ang tungkol sa magandang dalaga kaya’t dali-dali itong pinuntahan ang bahay ng mag-anak. Nabighani ang hari sa dalaga at iniutos nito na mag-pakasal sila ng dalaga. Tumangi ang dalaga sapagkat meron na itong kasintahan. Ngunit walang silbi ang pagtanggi nito sapagkat iniutos ng hari na kapag hindi papakasal ang dalaga sa kanya ay ipapakulong niya ang mga magulang nito.

Walang nagawa ang dalaga kundi magpakasal sa hari. Binigyan ni Haring Buwan si Aurora ng isang magandang pulseras na gawa sa mga kumikinang na bato bilang regalo sa kanilang pag-iisang dibdib. Ang mga bato ay parang mga munting araw na kumikinang maski sa kalayuan.

Dinala na nga ni Haring Buwan si Aurora sa kanyang kaharian. Ngunit hindi naging masaya si Aurora sa kaharian kaya’t madalas itong lumalabas upang mamasyal. Napansin ito ni Haring Buwan at naisip nito na baka nakikipagtagpo ang kanyang asawa sa dati nitong kasintahan.

Pinagbawalan ni Haring Buwan si Aurora na lumabas ng palasyo. Nalungkot si Aurora. Ayaw nitong maglagi sa palasyo ng buong araw kasama ang bugnutin at palasigaw na asawa niya kung kaya’t tumatakas ito sa tuwing natutulog ang asawa ng hapon.

Ngunit isang hapon nagising ang hari bago makauwi si Aurora at nalaman nito ang ginawang paglabas ng asawa. Inantay nitong dumating si Aurora at pinagalitan. Napagbuhatan ni Haring Araw si Aurora nang sabihin nitong hindi niya mahal ang asawa kung hindi lamang niya ito tinakot na ipakukulong ang mga magulang ay hindi ito magpapakasal sa kanya.

Tumakbo palayo si Aurora. Iiwanan na daw niya ang masungit na asawa. Hinabol siya ni Haring Buwan na humihingi ng tawad sa kanya. Nahawakan ng hari ang kamay ng asawa ngunit nagpumiglas ito at patuloy na tumakbo. Dahil dito, naputol ang pulseras na ibinigay ng hari sa asawa.

Umiyak si Haring Buwan at napagtanto nito na mali ang kanyang nagawa sa asawa. Pinulot ni Haring Buwan ang mga makikinang na bato at itinago baka sakaling bumalik pa ang asawa ay muli niya itong ipapagawang pulseras para sa kanya.

Ngunit hindi na bumalik si Aurora sa kaharian. Nagpakalayo ito kasama ang mga magulang upang hindi na mahanap pa ng hari. Dahil sa lungkot, napagpasyahan ni Haring Buwan na sa langit na lamang maglagi. Kinuha nito ang mga makikinang na mga bato mula sa naputol na pulseras ng asawa at isinaboy ito sa kalawakan. Ang mga ito ay naging mga bituin. Sa gabi, si Haring Buwan ay lumalabas kasama ng mga makikinang na bato nagbabaka sakaling makita ni Aurora ang mga ito at mapag-isipang bumalik sa piling niya.

Page 20: Mga Alamat

ANG ALAMAT NG NIYOG

Noong unang panahon may mag-asawang taimtim na nagdarasal upang magkaroon ng anak. May dalawang taon nang nagsasama ang mag-asawang Juan at Maria ngunit wala pa rin silang mga supling.

Lahat na halos ng mga alam nilang paraan upang magka-anak ay kanila ng sinubukan. Nagawa na nilang magsayaw sa kalye kasama ng iba pang mga mag-asawang hindi rin magka-anak; nasubukan na rin nilang uminom ng iba’t ibang dahon-dahon na ayon sa matatanda ay makapagbibigay ng kanilang ninanais at kung ano-ano pang mga seremonyas. Ngunit wala pa ring supling ang nabuo sa sinapupunan ng babae.

Nawawalan na ng pag-asa ang mag-asawa nang sa wakas ay nabuntis din si Maria. Ngunit maselan siyang magbuntis. Halos buong maghapon ay nakahiga lamang ito sapagkat palagi siyang nahihilo at naduduwal. Hindi lamang iyon, marami din siyang hinihiling na kainin o di kaya’y pagmasdan.

Dahil sa matagal nilang inantay ang magkaroon ng anak, ibinibigay ni Juan ang lahat ng pinaglilihian ng kanyang asawa maski pa mahirapan ito sa paghahanap. Lahat ng mga kakaibang prutas, iba’t ibang luto ng pagkain at kung ano-ano pang hinihiling ni Maria ay pinipilit na hanapin ni Juan upang hindi magdamdam ang asawa at hindi mapasama ang bata sa kanyang sinapupunan.

Isang araw, may iba na namang pinaglilihian si Maria. Gusto raw niya ng prutas na bilugan ang hugis at sa loob nito ay may tubig at may puting laman na parehong ubod ng sarap at nakakabusog. Naghanap si Juan ng prutas na sinasabi ng kanyang asawa ngunit wala siyang makita na may ganoong paglalarawan. Maging ang mga kapitbahay na kanyang pinagtanungan ay walang alam na prutas na may ganoon bunga. Umuwi si Juan na bigo sa paghahanap ng nasabing prutas.

Dahil hindi nakakain ng pinaglilihian niyang prutas ay dinamdam ito ni Maria. Ayaw niyang kumain ng kahit ano maliban sa pagkaing kanyang inilalarawan. Siya ay unti-unting nanghina at nagkasakit. Nagmakaawa si Juan na kumain ang asawa dahil sa buntis pa man din ito ngunit ayaw talagang kumain ni Maria hangga’t matikman niya ang hinahanap na prutas.

Patuloy na nanghina si Maria at di kalaunan ay namatay. Dahil sa lungkot, inilibing ni Juan ang asawa sa kanilang bakuran. Ilang buwan ang nagdaan at may kakaibang halamang umusbong sa pinaglibingan kay Maria. Inalagaan ito ni Juan dahil naaalala niya ang yumaong asawa sa halamang ito.

Dumaan pa ang dalawang taon at nagkabunga ang halaman na ngayon ay isa ng matayog na puno. Kumuha ng bunga si Juan at nang biyakin niya ito ay may laman itong parang tubig at puting laman. Tinikman ni Juan ang prutas at ito ay ubod sarap. Muli niyang naalala ang prutas na pinaglilihian ni Maria noon na ganoong-ganoon nga ang paglalarawan. Sa pagkakataong iyon, alam niya na ang puno ay ang kanyang namayapang asawa na si Maria.