Upload
others
View
8
Download
2
Embed Size (px)
Citation preview
University of the Philippines Manila
College of Arts and Sciences
Department of Social Sciences
Pagsasakapangyarihan sa Ilaw ng Tahanan Isang Pananaliksik sa Paraan ng Paggawa ng Desisyon ng mga
Kababaihang Maagang Nag-asawa tungkol sa Pagpaplano ng Pamilya
Seminar Paper
In Partial Fulfillment of the Requirements in
Political Science 198
By
Christine Mae Borcena Factor
2009-14724
Factor | 2
Abstract
Ang pagsasakapangyarihan ng mga kababaihan kabilang na ang pagprotekta sa
kanyang reproductive health at kapangyarihan sa tahanan sa pamamagitan ng
pagpaplano ng pamilya ay isang mahalagang isyu na dapat bigyang pansin. Sa pag-
aaral na ito, sisiyasatin ang paraan ng pagdedesisyon ng mga babaeng maagang nag-
asawa sa bilang ng anak at paggamit ng kontrasepsyon upang makita kung paanong sa
kabila ng kanilang mga bulnerableng katangian ay maaari silang maging
makapangyarihan sa paggawa ng desisyon sa tahanan partikular na sa pagpaplano ng
pamilya. Layunin ng pag-aaral na ito na alamin ang mga pangunahing isinasaalang-
alang ng mga kababaihang maagang nag-asawa sa paggawa ng desisyo sa
pagpaplano ng pamilya at siyasating kung paano nakaapekto ang kanilang sosyo-
ekonomikong kalagayan sa paggawa ng kanilang desisyon. Nais ding tingnan ng pag-
aaral na ito ang lawak ng impluwensya ng ibang taong nakapaligid sa kanya tulad ng
asawa, mga magulang o biyenan at healthwrokers sa kanyang desisyon. Ang
mananaliksik ay nagsagawa ng walong in-deph interview sa mga babaeng maagang
nag-asawa na may mga partikular na katangian sa Brgy. Concepcion, General Tinio,
Nueva Ecija. Pinag-aralan ang karanasan ng babae na naging dahilan ng kanyang
maagang pag-aasawa gayundin ang kanyang mga karanasan sa pagpaplano ng
pamilya matapos mag-asawa habang binibigyang-pansin ang kanyang sosyo-
ekonomikong katangian. Sa pananaliksik, natagpuan na magkakaiba ang dahilan ng
pag-aasawa sa murang edad ng mga kababaihan at ito ay dulot ng kani-kanilang
natatanging karanasan. Napag-alaman din sa pag-aaral na ang proseso ng paggawa
ng desisyon ng mga kababaihan ay iba-iba at nababatay sa iba’t-ibang salik tulad ng
uri, antas ng edukasyong natamo, pagkakaroon o kawalan ng kita at relasyon sa ibang
tao. Napatunayan sa pananaliksik na ang katangian ng mga babaeng maagang nag-
asawa ay maaaring magdulot ng iba-ibang epekto sa kanilang paggawa ng desisyon sa
pagpaplano ng pamilya tulad ng pagiging sagabal o pagsulong. Ang pananaliksik ay
tinatanaw na isang ambag para sa karagdagang kaalaman sa pagsasakapangyarihan
ng mga kababaihan sa pamamagitan ng pagpaplano ng pamilya.
Factor | 3
Panimula
Ang pangingibabaw ng mga kalalakihan sa kababaihan sa halos lahat ng aspeto
ng buhay ang isa sa mga pangunahing katangian ng isang patriyarkal na lipunan. Dahil
dito, patuloy ang pagtataguyod para sa pagsasakapangyarihan ng mga kababaihan sa
pamamagitan ng mga legal at panlipunang mekanismo. Bukod sa pagtutol at pag-
aksyon sa karahasan laban sa mga kababaihan at pagtataguyod ng kanilang pantay na
karapatan sa edukasyon, lupa, kalusugan, trabaho at pagsasanay, ang pagsulong ng
kanilang reproductive healthcare ay sinasabi na isa sa mga pinakaepektibong paraan
ng pagsasakapangyarihan.
Ang kakayahang magdesisyon para mag-anak at panahon para gawin ito ay
isang mahalagang karapatang-pantao. Ang mga kababaihang may kalayaan at
kakayahang magpasiya tungkol sa pag-aanak ay mas malamang na magkakaroon
pagkakataong magtrabaho at bigyang-halaga ang pag-aaral ng mga anak sa gayon ay
mas mataas ang posibilidad na umasenso sila sa buhay. Ang kalayaan at kakayahang
magplano ng pamilya ay may kaugnayan hindi lamang sa pagiging pantay ng lalaki at
babae kundi pati na rin sa sosyo-ekonomikong kondisyon tulad ng pang-ekonomikong
katayuan sa buhay, edukasyon at pagkakaroon kita. Ayon sa mga pag-aaral, may
positibong relasyon ang mataas na antas ng edukasyon, pagkakaroon ng sariling kita at
maayos na pangekonomikong kalagayan sa pagpaplano ng pamilya. Bukod dito,
nakaiimpluwensya rin sa desisyon ng babae ang positibong pananaw ng mga taong
nakapaligid sa kanya tulad ng asawa, mga kamag-anak at mga kaibigan tungkol sa
pagpaplano ng pamilya.
Factor | 4
Sa ganitong kalagayan, ang pangunahing katanungan sa pananaliksik na ito ay
paano gumagawa ng desisyon tungkol sa dami ng anak at paggamit ng kontrasepsyon
ang mga babaeng maagang nag-asawa na karaniwang ang katangian ay mahirap,
mababa ang antas ng pinag-aralan at walang magandang trabaho at sariling kita? Nais
siyasatin ng pag-aaral na ito kung paano isinasaalang-alang ng mga babaeng maagang
nag-asawa ang mga nasabing salik sa kanilang paggawa ng desisyon sa pagpaplano
ng pamilya at kung malaya ba nila itong naisasagawa. Nais ding alamin sa pag-aaral na
ito ang impluwensya ng kanyang asawa, mga magulang at biyenan at maging mga
healthworkers sa kanyang desisyon at pagsasagawa nito.
Sa konteksto ng Pilipinas, ang maagang pag-aasawa noon ay ayon na rin sa
udyok ng mga magulang upang lubusin ang kakayahang magkaanak ng mga babae. Sa
panahon naman ngayon, karaniwang dahilan ng pag-aasawa ng mga menor de edad
ay ang pagbubuntis. Bilang isang Kristiyano at konserbatibong bansa, mayroong
nararanasang social stigma ang mga babaeng may anak ngunit walang asawa kaya
laganap ang pag-aasawa ng mga kabataang nabubuntis kahit hindi pa sila lubusang
handa.
Sa pagpaplano ng pamilya, karaniwang gusto ng mga babaeng maagang nag-
asawa mula sa pinakamahirap na parte ng populasyon ang kaunting anak ngunit hindi
nila ito naisasagawa at dumarami ang kanilang mga anak. Ngunit may mga pag-aaral
din na nagsasabing pinipili ng mga babaeng maagang nag-asawa na magkaroon ng
maraming anak upang makatuwang sila sa mga gawain. Pagdating naman sa paggamit
ng kontrasepsyon, may mataas na antas ng kaalaman at paggamit ng iba’t-ibang
pamamaraan ng kontrasepsyon ang mga Pilipina sa kabuuan. Sa mga ito, ang
Factor | 5
nangungunang pamamaraan na ginagamit ng mga kababaihang nasa mga unang taon
ng kanilang buhay may-asawa ay hormonal tulad ng ng pildoras at ineksyon bilang pag-
aagwat hanggang lumipat sila sa permanenteng pamamaraan gaya ng tubal ligation
upang maglimita ng anak.
Ang mananaliksik ay nakakuha ng sapat at komprehensibong datos mula sa mga
katugon na kinapanayam na siyang naging suporta at batayan ng konklusyon ng pag-
aaral na ito. Ang pananaliksik na ito ay makatutulong upang malaman kung paano
gumagawa ng desisyon ang mga babaeng maagang nag-asawa at ano ang mga salik
na nakaaapekto para maisakatuparan o mahadlangan ito. Sa pamamagitan din ng
maibibigay na larawan ng kalagayan ng mga kakabaihang nag-asawa nang maaga
kaugnay ng kanilang kalayaan o kakayahang magdesisyon sa pagpaplano ng pamilya,
ang pananaliksik na ito ay maaaring makatulong upang magkaroon ng mas malalim na
pag-aaral at makabuo ng karampatang aksyon para sa pagsasakapangyarihan ng mga
kababaihan.
Pamamaraan ng Pagkuha ng Datos at Balangkas ng Pag-aanalisa
Nagsagawa ang mananaliksik ng case study sa Brgy. Concepcion, General
Tinio, Nueva Ecija upang makakalap ng komprehensibong datos. In-depth interview ang
pangunahing ginamit upang makakalap ng kakailanganing datos. Gamit ang purposive
sampling ay pumili ang mananaliksik ng walong babaeng maagang nag-asawang ang
mga katangian ay tumutugma sa inuring sosyo-ekonomikong kalagayan. Sa bawat
sosyo-ekonomikong kalagayan ay may dalawang katugon na kinapanayam, isang
babaeng maagang nag-asawa mula sa henerasyon ngayon (18-43 taong gulang) at
Factor | 6
isang babaeng maagang nag-asawa mula sa mas matandang henerasyon (44-69 taong
gulang). Ang pagkakakilanlan ng mga nakapanayam ay itatago sa mga alyas ayon na
rin sa kahilingan ng mga katugon.
Upang maanalisa ang datos na nakuha mula sa mga kinapanayam, ginamit ang
structuration theory ni Anthony Giddens upang makita ang epekto ng mga istruktura
partikular na ang uri, edukasyon, trabaho at relasyon sa ibang tao sa paraan ng
pagdedesisyon sa pagpaplano ng pamilya ng mga kababaihang maagang nag-asawa.
Nilalayong ipaliwanag ng structuration theory kung ano ang nakakaimpluwensiya sa
mga aksyon o ginagawa ng isang tao habang binibigyang-halaga din ang pagkakaiba
ng kanilang lugar, kasarian at sosyo-ekonomikong katangian (Afriyie, 2006). Ayon kay
Giddens, ang bawat indibidwal ay nabubuhay sa lipunan kung saan hinuhubog siya ng
mga social structures na maaaring maglimita o magsakapangyarihan sa kanya (Asante-
Sarpong, 2007). Magiging gabay ang apat na pangunahing konspeto na nakapaloob sa
teoryang ito: agents at actions, structures, social rules at duality of structures.
Bukod sa structuration theory, ginamit din sa pananaliksik na ito ang Women,
Culture and Development (WCD) approach na isinusulong ng mga iskolar ng feminism
na nagpapakita ng gender relations sa pagitan ng lalaki at babae partikular na sa papel
na ginagampanan nila a produksyon at reproduksyon. Ang mga teoryang ito ay
magiging angkop sa pagtanaw kung paano gumagawa ng desisyon ang mga babaeng
maagang nag-asawa sa pagpaplano ng pamilya.
Factor | 7
Resulta at Diskusyon
Dahilan at Kalikasan ng Maagang Pag-aasawa
Upang malaman ang proseso ng pagdedesiyon ng mga kababaihan tungkol sa
pagpaplano ng pamilya, mahalaga ring malaman kung ano ba ang dahilan ng kanilang
maagang pag-aasawa at kung sarili ba nila itong desisyon o may ibang tao o bagay na
nakaimpluwensiya sa kanila. Sa pag-aaral na isinagawa ng mananaliksik, may iba’t-
ibang dahilan ang mga kababaihang nakapanayam sa pag-aasawa nila sa murang
edad ngunit ayon sa kanilang lahat ay sariling desisyon ang ginawang pag-aasawa
nang maaga.
Materyal na Kalagayan, Edukasyon at Kita
Dalawang katugon ang nagsabing ang nararanasang kahirapan sa buhay ang
pangunahing nagtulak sa kanila upang mag-asawa nang maaga. Parehong nagmula sa
mahirap na pamilya, sa murang edad pa lamang ay naranasan na nilang magbanat ng
buto bilang pagtulong sa gawain ng mga magulang sa bundok at bukid. Dahil rin sa
nararanasang kahirapan, hindi sila nakapagtapos ng pag-aaral: si Ura ay nakatapos
lamang hanggang elementarya habang si Josi naman ay umabot hanggang second
year highschool bago mag-asawa. Kaugnay ng kahirapan at kawalan ng edukasyon ay
sinabi ng mga katugon na wala rin silang mapagkaabalahan na magandang trabaho at
ang mga salik na ito ang nagtulak sa kanila para mag-asawa na lang.
“Siguro sa hirap ng buhay kaya siguro ako agad nakapag-asawa e. Akala ko naman pag ako’y nag-asawa nang maaga ako’y malalayo sa kahirapan ng buhay namin, nun pala lalo pang mahirap ang pinuntahan ko.” -Josi, 44, mahirap, 14 taong gulang nang mag-asawa
Factor | 8
Makikita na ang kagustuhang makaalis sa dinaranas ng kahirapan ng buhay ang
nagtulak sa mga katugon upang mag-asawa nang maaga sa pag-asang ang ginawang
pag-aasawa ay magbabago ng kanilang buhay.
Impluwensya ng Ibang Tao
Dalawa namang katugon ang nagsabing ang kanilang maagang pag-aasawa ay
dahil na rin sa impluwensya ng kanilang mga magulang at hindi ng anumang sosyo-
eknomikong katangian. Si Annie ay nag-asawa nang menor de edad bilang porma ng
pagrerebelde sa sobrang kahigpitan ng ama habang si Linda naman ay nag-asawa
nang maaga dahil gusto na ng kaniyang ama na magkaapo.
Maagang Pagbubuntis
Ang maagang pagbubuntis ang lumabas na nangungunang dahilan ng maagang
pag-aasawa sa mga kinapanayam na katugon. Apat sa mga katugon regardless ng
kanilang sosyo-ekonomikong kalagayan ang nagsabing ang dahilan ng kanilang
maagang pag-aasawa ay ang pagbubuntis. Mahalagang ipunto na lahat ng katugon na
ito ay mula sa kasalukuyang henerasyon.
Base sa mga sinabing dahilan ng maagang pag-aasawa ng mga katugon,
makikita na may pagkakaiba sa pagitan ng mga nag-asawa noon at ngayon. Laganap
sa panahon ngayon ang pag-aasawa dahil sa pagbubuntis habang noon naman ay
materyal na kalagayan at impluwensya ng ibang tao ang dahilan kaya nag-aasawa
kaagad ang mga kababaihan. Ang mga nasabing dahilan ay sumasalamin sa tunay na
kalikasan ng maagang pag-aasawa. Bagamat sinabi ng mga katugon na sarili nilang
desisyon ang ginawang pag-aasawa, kung aanalisahin ay makikitang sila ay napilitan
lamang dala na rin ng kanilang kinahaharap na sitwasyon. Sa kaso ng mga maagang
Factor | 9
nag-asawa dahil sa kahirapan at kawalan ng edukasyon at kita, sila ay nabiktima ng
sistema at istruktura ng lipunan kung saan nagpapatong-patong ang kanilang mga
pasanin dahil sa pagiging mahirap. Dahil mahirap ay hindi makapag-aral at hindi
magkaroon ng magandang trabaho kung kaya’t napilitan silang mag-asawa na lamang.
Para naman sa mga babaeng naimluwensyahan ng ibang tao, bagamat ayon sa
kanila ay sila mismo ang nagdesisyon na mag-asawa, hindi maikakaila na ang nagtulak
sa kanila para gawin ito ay ang kanilang relasyon sa mga magulang.
Sa kaso ng mga maagang nag-asawa dahil nabuntis, para rin sa kanila ay sarili
nilang desisyon ang pag-aasawa nang maaga dahil “maaga silang na-inlove”. Ngunit
kung sisiyasatin, makikitang napilitan lamang silang mag-asawa dahil sa kanilang
sitwasyon.
“Kaya lang din ako nag-asawa, nabuntis. Pero kung hindi, hindi pa ako mag-aasawa.” –Reybie, 28, middle class, 15 taong gulang nang mag-asawa
Lahat ng apat na katugon ay nagpahayag ng parehong sentimyento bagamat
sinabi nila na sarili nilang desisyon ang pag-aasawa nang maaga. Ang ganitong
kalagayan ay sumasalamin sa social stigma na nararanasan ng mga dalagang-ina o
mga kababaihang may anak ngunit walang asawa sa lipunang Pilipino. Maaring dito
nanggagaling ang presyur na mag-asawa na kahit sa totoo lang ay hindi pa sila
lubusang handa.
Pagpaplano ng Pamilya
Layunin ng pag-aaral na ito na sagutin kung paano nagdedesisyon ang mga
kababaihang maagang nag-asawa tungkol sa pagpaplano ng pamilya. Upang malaman
ang proseso ng kanilang paggawa ng desisyon, inalam ng mananaliksik ang mga bagay
Factor | 10
na isinasaalang-alang nila sa paggawa ng desisyon, kung may epekto ba ang mga
sosyo-ekonomikong salik partikular na ang pang-ekonomikong kondisyon ng
pinagmulang pamilya, antas ng edukasyong natamo at pagkakaroon o kawalan ng kita,
sa gusto nilang bilang ng anak at paggamit ng kontrasepsyon. Inalam din kung ano ang
epekto ng living arrangement (may sariling bahay o kasama ang mga
magulang/biyenan) at ano ang papel ng ibang tao tulad ng asawa, mga kamag-anak,
kaibigan at health workers sa kanilang pagpaplano ng pamilya. Matapos alamin ang
proseso ng kanilang pagdedesisyon sa pagpaplano ng pamilya, inalam din sa
pananaliksik na ito kung naisasagawa ba ng mga babaeng maagang nag-asawa ang
kanilang desisyon at kung hindi ay ano ang mga naging hadlang upang maisagawa nila
ito. Sa puntong ito ay tutukuyin ang mga natagpuan sa pag-aaral sa dalawang parte ng
pagpaplano ng pamilya: bilang ng anak at paggamit ng kontrasepsyon.
Epekto ng Materyal na Kalagayan
Sa paggawa ng desisyon sa gustong dami ng anak, natagpuan na may tatlong
epekto ang materyal o pang-ekonomikong kalagayan ng babae sa gusto niyang dami
ng anak. Una, ang kahirapan ng buhay ang pangunahing isinaalang-alang ng dalawang
katugon upang gustuhin ng kaunting anak. Bagamat magkaiba ang kalagayan ng
pinagmulang pamilya (ang isa ay mahirap habang ang isa ay middle class), para sa
kanila ay mahirap ang buhay kaya gusto nila ng tatlong anak lamang upang hindi
maging mahirap para sa kanila ang pagtataguyod sa pangangailangan ng mga ito lalo
na sa kanilang edukasyon.
“Mas mainam yung kakaunti. Pano makapag-aaral yan kung madami?” – Sheila, 30, middle class, 17 taong gulang nang mag-asawa
Factor | 11
Ito rin ang siyang naging dahilan upang gumamit ng kontrasepsyon partikular na
ang pildoras at ineksyon ang dalawang katugon. Gumamit sila ng mga naturang
pamamaraan ng pagpaplano ng pamilya upang mag-agwat at maglimita. Matagumpay
na naisagawa ni Sheila ang napagdesisyunang dami ng anak at ngayon nga ay ligate
na samantalang si Lotlot ay tumigil ngayon sa paggamit ng pills upang magkaroon na
ng ikatlo at huling anak. Isa pang katugon na kahirapan ang dahilan upang magplano
ng pamilya ay si Reybie na bagamat mula sa middle class na pamilya, nakatapos ng
highschool at kumikita sa pamamagitan ng pagtitinda sa kanyang sari-sari store ay
ramdam pa rin ang hirap ng buhay. Gusto sana ni Reybie ng maraming anak ngunit
cesarian section ang kanyang panganganak kaya’t nalimita nito nang hanggang tatlo
lamang ang maaari niyang ianak. Tinanggap na rin niya ito at naisip na sa hirap ng
buhay ngayon ay mas mainam nga kung kaunti lang ang kaniyang magiging anak.
Bagamat sigurado na na hanggang 3 lang ang kanyang magiging anak,
napagdesisyunan pa rin niyang gumamit ng pills at injection upang hindi magsunod-
sunod ang mga anak.
“Pag kasi maraming anak, sa panahon ngayon e mahirap. Magastos. Pero kung kakaunting anak lang at di sunod-sunod, medyo makakasurvive ka.” – Reybie, 28, middle class, 15 taong gulang nang mag-asawa
Samantala, kabaligtaran naman ang naging epekto ng kahirapan sa gustong
dami ng anak ni Liezel. Gusto niya ng pitong anak dahil sa hirap ng buhay, may
pagtingin siya na ang mga anak niya ang mag-aalis sa kanya sa ganitong sitwasyon.
“Gusto ko nga e madaming anak e, mga pito. Baka dun ako swertihin sa anak, diba?” – Liezel, 29, mahirap, 15 taong gulang nang mag-asawa
Factor | 12
Sa kasalukuyan ay mag-aapat na ang anak niya at wala naman siyang
nakikitang dahilan upang hindi niya maisagawa ang napagdesisyunang bilang ng anak.
Ngunit kahit madami ang gustong maging anak ng katugon, gumagamit pa rin siya ng
pills at injection upang magkaroon ng pagitan ang edad ng mga anak. Ayon sa kaniya
ay mahirap din kasi pag sunod-sunod ang anak.
Ang ikatlong epekto ng materyal na kondisyon sa paraan ng paggawa ng
desisyon tungkol sa pagpaplano ng pamilya ay ang kawalang kakayahang gumawa ng
desisyon. Dalawa sa mga katugon ang hindi gumawa ng desisyon sa gustong dami ng
anak at hindi gumamit ng kontrasepsyon dahil sa kahirapan. Bagamat si Josi lamang
ang direktang nagsabi nito, maaanalisa sa mga sinabi ng isa pang katugon sa panayam
na ang kahirapan at mga salik na kaugnay nito ang dahilan sa ganitong pangyayari.
Dahil mahirap ay di nakapag-aral at hanggang elementarya lamang ang tinapos ni Ura.
Wala siyang naging anumang kaalaman sa pagpaplano ng pamilya hanggang maging
anim nga ang anak niya tsaka siya nagpapugong. Katunayan ay hindi siya bumibisita sa
healthcenter kahit buntis at lahat ng panganganak niya ay sa bahay lamang iniraos.
Bukod sa kahirapan, isa pang salik na nagdulot nito ay ang pagpaparoo’t-parito nilang
mag-anak sa bundok dahil sa trabaho ng asawa. Tuwing aahon sa bundok ang asawa
upang magtrabaho ay kasama rin ang buong pamilya upang tumulong at dahil dito ay
bihira lamang silang manatili sa kapatagan at magpatingin sa healthcenter.
Si Josi naman ay direktang tinukoy ang kahirapan bilang dahilan ng hindi niya
pagpaplano ng dami ng anak at paggamit ng kontrasepsyon noong una. Mula sa
mahirap na pamilya, hindi rin nakapag-aral ang mga magulang kaya wala ding naituro
ang mga ito sa kanya sa pagpaplano ng pamilya. Siya rin mismo ay hanggang 2nd year
Factor | 13
highschool lamang ang tinapos at katambal ng pagiging bata at hindi lubusang
kahandaan para mag-asawa, wala siyang naging kaalaman sa pagpaplano ng pamilya.
““Komo ako’y bata, kaya naging ganyang karami anak ko, bata ako, hindi ko nalalaman yung kung papaano’y mga paraan para hindi magbuo, hindi mag-anak.” – Josi, 44, mahirap
Epekto ng Antas ng Edukasyong Natamo at Pagkakaroon ng Kita
Ang mga katugong nagsabi na ang kahirapan ang siyang pangunahing dahilan
kung bakit gusto nila ng kaunting anak at kung bakit sila gumamit ng kontrasepsyon ay
siya ring nagsaalang-alang sa antas ng kanilang edukasyong natamo upang magplano
ng pamilya. Si Lotlot ay nakapag-aral lamang hanggang 2nd year highschool habang si
Sheila naman ay nakatapos ng highschool bago nag-asawa. Kaugnay ng hindi
pagtatapos o pagtuntong man lang sa kolehiyo, wala silang naging trabaho. Tanging
ang kanya-kanyang asawa lamang nila ang nagtatrabaho at kumikita. Dahil sa ganitong
kalagayan at hirap ng buhay, plinano nga nilang 3 lang ang ianak at lagyan ng malaking
pagitan ang edad ng mga ito.
Ang mababang antas din ng edukasyon kaugnay ng kahirapan ang itinuturong
dahilan ng mga katugon na hindi nagplano ng pamilya. Ayon nga kay Josi, sa tingin
niya ay hindi sana dadami ng ganoon ang anak niya at natuto siya kaagad na gumamit
ng kontrasepsyon kung nakapag-aral lamang siya.
“Kasi pag nakapag-aral ka marami kang matututunan, marami kang makakasalamuhang tao pag tapos ka e. Matututunan mong lahat. Palagay ko naman kung ganun ang nangyari sa buhay ko, maaaring hindi ganoong karami’y anak ko. Malalaman na’y lahat ng iba’t-ibang klaseng pamamaraan [ng pagpaplano ng pamilya] o magiging abala ka sa trabaho hindi ka mag-aanak.” – Josi, 44, mahirap
Factor | 14
Bukod sa pormal na edukasyon, mahalaga ring ipunto ang mga impormal na
edukasyon na siyang nakatulong sa ilang katugon upang magplano ng pamilya.
Kabilang sa impormal na edukasyon ayon sa mga katugon ay ang mga impormasyong
naririnig mula sa ibang tao at ang pagtuturo ng mga healthworkers sa mga
healthcenters at family planning units tungkol sa pagpaplano ng pamilya. Si Josi na
walang anumang kaalaman sa pagpaplano ng pamilya ay natuto lamang gumamit ng
kontrasepsyon sa ikaapat na anak dahil sa mga nabanggit na impormal na edukasyon.
Pagtitinda at paglalako sa kalsada ang pinagkakakitaan niya noon at dahil dito, naririnig
niya ang usapan tungkol sa kontrasepsyon at natuto siyang gumamit nito.
“Siguro komo ako’y nagtitinda, naglalako ako may mga bida-bidahan. Ayon, nadidinig ko don. Hindi yung ika mo’y tinuturaan ako ng magulang ko sa paggamit ng pills, ganon?” – Josi, 44, mahirap
Bukod dito, natuto rin siyang bumisita sa healthcenter ng baranggay upang
magkaroon ng kaalaman sa pagpaplano ng pamilya. Maliban sa pagkakatuto sa iba’t-
ibang pamamaraan ng kontrasepsyon, nabigyan din siya ng mga libreng pills. Isa pang
katugon na natutong gumamit ng kontrasepsyon sa pamamagitan ng impormal na
edukasyon na ibinibigay ng mga healthworkers sa center ay si Linda.
“Kasi nung panahon na yon ang mga doktor, ano, may mga family clinic na iniaano sa family planning. Kaya nong panahon na yun, kami e laging nagpupunta sa family planning, family clinic kaya ganon. Naturuan nila kami non ng pagpa-family planning, sa pag-aanak.” – Linda, 64, middle class, 17 taong gulang nang mag-asawa
Nagsimulang gumamit ng testing pills si Linda, ayon na rin sa payo ng
healthcenter mataapos ipanganak ang kanyang pangatlo ngunit dahil sa
nararamdamang pagkahilo ay pinalitan niya ito ng condom para sa asawa. Condom ang
kanilang ginamit hanggang makaanim na anak bago magpaligate.
Factor | 15
Impluwensya ng Ibang Tao Asawa
Sa pananaliksik, natuklasan na ang pagpaplano ng pamilya partikular na ang
bilang ng anak ng mga maagang nag-asawa ay ayon sa desisyon ng babae. Walang
asawang lalaki ang nagkaroon ng aktibong partisipasyon sa pagpaplano ng bilang ng
anak kundi tanging pagsang-ayon lamang. Sa paggamit naman ng kontrasepsyon, ang
asawa lamang ng Linda ang aktibong nagkaroon ng partisipasyon sa pamamagitan ng
pagsama sa healthcenter upang magkaroon ng kaalaman sa pagpaplano ng pamilya at
paggamit nang condom nang hindi mahiyang ang asawa sa paggamit ng pills.
Mga Magulang/Biyenan
Lumalabas sa pag-aaral na ito na ang ibang taong may pinakamalaking
impluwensya sa mga babaeng maagang nag-asawa sa pagplano ng pamilya ay ang
mga magulang o biyenan na kasama o di kaya’y malapit sa kanilang bahay.
Ang kagustuhang bilang ng anak ni Linda na anim ay dahil na rin sa
impluwensya ng ama na gusto ng maraming apo. Nang mag-asawa ay nanatili sa
bahay ng mga magulang kasama ang asawa dahil ayaw silang pabukurin ng mga ito.
Dahil dito ay naging parte ng pagdedesisyon nilang mag-asawa ang mga magulang
partikular na sa pagpaplano ng pamilya hanggang sa mamatay na ang mga ito. Ganito
rin ang naging karanasan ni Reybie na matapos mag-asawa hanggang magkaroon ng
mga anak ay nanatili sa bahay ng mga magulang ang buong pamilya. Bagamat siya
ang pumili ng pamamaraan, ang mga magulang niya ang pangunahing nag-udyok sa
kanya na gumamit ng kontrasepsyon at nagsabi sa kanilang mag-asawa na wag
munang mag-anak. Kung di lamang cesarian at limitado ang pag-aanak ay gusto sana
nilang mag-asawa ng madaming anak ngunit ayon kay Reybie ay hindi rin nila ito
Factor | 16
maisasagawa dahil gusto ng kanyang mga magulang ay kaunti lang ang kanilang
maging anak. Sa pagtingin naman ni Reybie ay ayos lang ito dahil nasa poder sila ng
kanyang mga magulang. Kahit pa may trabaho ang asawa at maging siya ay may
kaunting kita sa pagtitinda sa sari-sari store, ang mga magulang pa rin niya ang
pangunahin nilang pinansyal na tagasuporta. Ayon nga sa kaniya:
“Okay [lang] naman. Dahil sila sagot sa amin e. Nakadepende pa rin kami.”
Samantala, tatlo pang katugon ang naimpluwensyahan naman ng kanilang
biyenan upang magplano ng pamilya dahil magkalapit lamang ang kanilang mga
tirahan. Sina Lotlot, Liezel at Sheila na sa iisang lupa lang nakatirik ang sariling bahay
at bahay ng mga biyenan ay naimpluwensyahan ng mga ito na gumamit ng
kontrasepsyon upang hindi magsunod-sunod o dumami ang anak. Bagamat sila mismo
ang kusang nagdesisyon na magplano ng pamilya, ayon sa mga katugon ay
nakadagdag din ang positibong pananaw at partisipasyon ng kanilang mga biyenan.
“Aba’y lagi ngang sinasabi ng biyenan ko sakin, aba’y wag muna kayong mag-aanak at napakahirap ng buhay, puro ganon. Pero gusto ko rin naman. Ako talaga may gusto, dumagdag lang rin biyenan ko.” -Sheila, 30, middle class
Healthworkers
Bukod sa mga taong malapit sa mga babaeng maagang nag-asawa, nagkaroon
din ng papel ang mga healthworkers sa kanilang pagpaplano ng pamilya. Sa seksyon
ng impormal na edukasyon ay natalakay na ang naging impluwensya na ito ng mga
doktor at iba pang healthworkers sa pagpaplano ng pamilya ng mga kababaihan. Sila
ang nagsilbing tagapagturo sa mga babaeng bumibisita sa healthcenter ng mga
pamamaraan sa pagpaplano ng pamilya at kahalagahan nito sa kalusugan at
Factor | 17
pangkabuuang buhay ng ina at anak. Bukod sa pagtuturo ay nagbibigay din sila ng
libreng pills upang magamit ng mga nagpapplano ng pamilya.
Iba pang Salik
Sa mga kinapanayam, tanging isang katugon lamang ang mayroong karanasan
na labas sa lahat ng mga nabanggit na salik na nakaaapekto sa pagpaplano ng
pamilya. Si Annie ay mula sa isang middle class na pamilya, hanggang highschool ang
tinapos at walang sariling kita ngunit ang mga katangiang ito ay walang naging epekto
sa kanyang ginawang pagdedesisyon sa pagpaplano ng pamilya. Nagdesisyon si Annie
na magkaroon ng maraming anak (apat o higit pa) ayon lamang sa sariling kagustuhan
at walang isinaalang-alang na anumang salik.
“Mas maganda sana e marami e. Gusto ko lang ng marami para masaya.” – Annie, 49, middle class, 17 taong gulang nang mag-asawa
Subalit ang desisyon niyang ito ay hindi rin niya naisagawa dahil naging cesarian
section ang kanyang panganganak na naglilimita sa hanggang tatlo lamang na anak.
Dahil sa pagiging cesarian, napagdesisyunan niyang huwag nang gumamit ng
anumang kontrasepsyon.
“Nung maano kong sa umpisa pa lang e CS sabi ko’y bat magkokontrol pa? E di mas mainam na yung hanggang tatlo lang.” Makikita na tanging paglilimita lamang sa bilang ng anak ang pagtingin ng
katugon sa gamit ng kontrasepsyon at hindi niya isinaalang-alang ang pagpapagitan ng
edad ng mga anak. Hindi siya gumamit ng anumang kontrasepsyon upang magpagitan
at nagsunod-sunod ang tatlo niyang anak at tsaka pa lamang siya gumamit ng
permanenteng pamamaraan ng kontrasepsyon na tubal ligation.
Factor | 18
Ang kahirapan at kawalan ng edukasyon ay maaaring magresulta sa maagang
pag-aasawa o kadalasan, ang pag-aasawa nang maaga ng mga kababaihan ay
nagdudulot ng kahirapan, kawalan ng edukasyon at kawalan ng magandang trabaho.
Dahil dito, nakikita na isa ang mga kababaihang maagang nag-asawa sa mga
pinakabulnerableng grupo ng tao sa lipunan dahil sa pinagsama-samang tambalan ng
kanilang kasarian, edad at uri na maaaring magpalawak ng kanilang kawalang-
kapangyarihan. Ang pagpaplano ng pamilya ay itinuturing na isang mabisang
instrumento para sa pagsasakapangyarihan ng mga kababaihan. Sa pag-aaral na ito,
tiningnan ang paraan ng paggawa nila ng desisyon tungkol sa bilang ng anak at
paggamit ng kontrasepsyon at kung paano naapektuhan ang kanilang mga desisyon at
ginagawa sa usapin ng pagpaplano ng pamilya ng mga partikular nilang sosyo-
ekonomikong katangian.
Ayon sa mga natagpuang resulta ng pananaliksik, mailalapat ang structuration
theory sa mga panlipunan at pisikal na istruktura bilang pagpapaliwanag sa paggawa
ng desisyon sa pagpaplano ng pamilya ng mga kababaihang maagang nag-asawa. Ang
mga agents sa pag-aaral na ito ay ang mga babaeng maagang nag-asawa na gumawa
at patuloy na gumagawa ng desisyon (actions) sa pagpaplano ng pamilya. Makikita sa
naging resulta ng pananaliksik kung paanong ang mga istruktura (pisikal man o
abstract) tulad ng uri (pagiging mahirap o middle class) edukasyon, trabaho o kita at
pagkakaroon ng healthcenter o family planning unit ay nagdulot sa mga kababaihan ng
pagsasakapangyarihan o limitasyon ayon sa kanilang mga ginawa dulot ng mga
nasabing istruktura at kung paano napagtibay ng kanilang mga aksyon ang mga
istrukturang ito o tinatawag ding duality of structure. Para sa ilang kababaihan na
Factor | 19
nakararanas ng kahirapan at kawalan ng magandang edukasyon at trabaho, naging
sandigan nila ang mga kalagayan at katangiang ito upang magplano ng pamilya at
magkaroon ng pagsasakapangyarihan sa tahanan. Subalit mayroon ding naging
malaking sagabal ang parehong mga istruktura upang magkaroon ng kaalaman sa
pagpaplano ng pamilya at gumamit ng kontrasepsyon.
Kabilang naman sa pisikal na istruktura na nagimpluwensya sa desisyon ng
babaeng magplano ng pamilya ang pagkakaroon o availability ng health centers o
family planning units. Dalawa sa mga katugon na noong una ay hindi gumagamit ng
kontrasepsyon ang natutong gumamit nito dahil sa kaalamang nakuha mula sa mga
health workers tungkol sa pagpaplano ng pamilya. Para sa ilang kababaihan ay malaki
din ang epekto ng social structure na siyang relasyon nila sa mga taong nakapaligid sa
kanila pati na rin sa kaayusan ng buhay o living arrangement sa paggawa ng desisyon
sa pagpaplano ng pamilya. Dahil sa pagtira kasama ng magulang, naimpluwensyahan
ang kanilang desisyon sa dami ng anak gayundin sa paggamit ng contraceptives. Ang
mga nakatira rin malapit sa biyenan ay naimpluwensyahan ng mga kagustuhan nila
ngunit mapapansin na minimal lamang ang impluwensyang ito dahil ang pinal na
desisyon pa rin ng mga katugon ang nasunod.
Gamit naman ang Women, Culture and Development approach ng feminism,
makikita ang hindi pantay na papel na ginagampanan ng lalaki at babae sa produksyon
at reproduksyon. Tanging mga babae lamang ang naging abala o responsible sa
pagpaplano ng pamilya ayon na rin sa kanilang pagtingin na ito ay dahil wala silang
partisipasyon sa produksyon o pagtatrabaho.
Factor | 20
Makikita rin sa pag-aaral ang mga pagkakatulad sa literatura ng kinalabasan ng
pananaliksik. Kagaya ng isinaad sa mga pag-aaral ng mga kaugnay na literatura,
makikita sa pananaliksik na mas gusto ng mga mas bata ang kaunting anak habang
nagnanais naman ng mas malaking pamilya ang mga mula sa matandang henerasyon.
Sa paggamit ng kontrasepsyon, natagpuan na mas pinapaboran ng mga katugon ang
hormonal na pamamaraan tulad ng pills at injection at sa pagtanda ay nagnanais
gumamit ng permanenteng kontrasepsyon tulad ng tubal ligation.
Ito ang mga natagpuan sa pananaliksik ngunit mahalagang tandaan na ito ay
angkop lamang sa lugar na pinagdausan ng pag-aaral.
Konklusyon
Minabuting gumawa ng mananaliksik ng isang malinaw at komprehensibong
konklusyon batay sa mga nakuhang datos ng pag-aaral.
Naging epektibong batayan sa pag-aanalisa ang feminist approach na Women,
culture and developmet (WCD) at structuralist theory ni Anthony Giddens sa naging
resulta ng pag-aaral. Muli, ang naging pangunahing katanungan sa pag-aaral na ito ay
Paano gumagawa ng desisyon ang mga kababaihang maagang nag-asawa
tungkol sa pagpaplano ng pamilya? Mula sa mga datos na nakalap, ang mga
sumusunod ang naging kasagutan:
1. Ang paggawa ng desisyon ng mga babaeng maagang nag-asawa tungkol sa gusto
nilang bilang ng anak ay nakabatay sa kani-kanilang sosyo-ekonomikong katangian na
bunga na rin ng karanasan sa maagang pag-aasawa: dahil sa kahirapan, hindi pag-
aaral at kawalan ng kita ay may mga ginusto ng kaunting anak upang hind maging
Factor | 21
mahirap ang pagsuporta sa mga ito ngunit mayroong ding ginusto ng maraming anak
sa pagtingin na ang mga anak ang mag-aahon sa kahirapan.
2. Ang hindi paggawa ng desisyon sa pagpaplano ng pamilya ay maiiugat din sa
materyal na kalagayan at naging karanasan sa maagang pag-aasawa: dahil sa
kahirapan at hindi pag-aaral ay hindi sila nagkaroon ng sapat at tamang kaalaman sa
pagpaplano ng pamilya.
3. Bukod sa mga sosyo-ekonomikong kalagayan ay isinasaalang-alang din ang mga
eksternal na structure gaya ng pagiging cesarian section ng panganganak at
pagkakaroon/availability ng health center at family planning units.
4. Naaapektuhan ang desisyon ng babae sa pagpaplano ng pamilya ayon sa living
arrangement (relasyon sa mga kamag-anak tulad ng biyenan at magulang) at
impluwensya ng mga healthworkers.
Base sa naging resulta ng pag-aaral, nais din magbigay ng mananaliksik ng mga
rekomendasyon sa polisiya bilang ambag sa laban ng pagsasakapangyarihan ng mga
kababaihan partikular na sa pagpaplano ng pamilya. Una, nararapat lamang na
magkaroon o paigtingin pa ang pagpapakalat ng impormasyon tungkol sa safe sex sa
mga paaralan at komunidad dahil sa panahon ngayon ay ang pagbubuntis ang
kalimitang dahilan ng maagang pag-aasawa ng mga kabataan. Ikalawa, marapat na
magkaroon ng mga healthcenters o family planning units sa bawat baranggay sa
Pilipinas upang maturuan ang mga babaeng maagang nag-asawa na karaniwang
walang alam sa pagpaplano ng pamilya at makapagbigay ng libre o murang
kontrasepsyon at iba pang serbisyong may kaugnayan sa pagpaplano ng pamilya.
Panghuli, dapat bigyang prayoridad ng gobyerno ang badyet sa mga batayang
Factor | 22
serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon at kalusugan dahil ang mga batayang
serbisyo kagaya ng mga ito ang magtitiyak ng pagsasakapangyarihan hindi lamang ng
kababaihan kundi ng buong lipunan.
Bibliograpiya
Afriyie, P. (2006, May). Women, poverty, HIV/AIDS in the Abura-Asebu Kwamankese
district. Department of Geography, Norwegian University of Science and
Technology.
Asante-Sarpong, H. (2007, June). From their own perspective: Perceptions of women
about modern and natural/traditional methods of contraception in Koforidua and
Asokere in the eastern region of Ghana. Department of Geography, Norwegian
University of Science and Technology.
Gultiano, S. (n.d.). Marrying Young: Transitions in the Filipino Adolescents’ Life Course.
Retrieved June 29, 2012 from http://paa2004.princeton.edu/download.asp?
submissionId=40356
Hesperian Health Guides. (2013). Pagpaplano ng pamilya. Retrieved January 20, 2013
from http://hesperian.org/wp-content/uploads/pdf/fil_wwhnd_2010/fil_wwhnd_
2010_13.pdf
Laguna, E., Po, A., & Perez, A. (2000, October). Contraceptive use dynamics in the
Philippines: Determinants of contraceptive method choice and discontinuation.
Population Institute University of the Philippines.
Mcdevitt, T. (1996). Trends in adolescent fertility and contraceptive use in the
developing world. Retrieved February 20, 2013 from http://www.google.com.ph/
books?hl=tl&lr=&id=nr_6GR7fBtUC&oi=