Upload
irin200
View
410
Download
1
Embed Size (px)
Citation preview
Wikang Filipino: Susi sa Tagumpay ng Matuwid na Daan
Noon, Ngayon, at Bukas
Agosto ng 1987, sa bandang bukana ng ilog Bumbungan o mas kilala bilang ilog
Pagsanjan, sa sitio Wawa, bayan ng Lumban, Laguna, habang masusing nagmamasid
si G. Ernesto Lacerna Legisma sa takbo ng conveyor ng makinang pangsalok ng
buhangin sa ilog, ay may napansin siyang isang nangingitim na bagay sa buhanging
nasalok ng conveyor mula sa ilog. Kagyat nyang kinuha ang namataang nakatuping
kanso (metal) sa pag-aalalang baka bumara ito sa makina.
Nang kanyang siyasatin ay napuna niyang may mga nakabatbat ditong mga
simbolong hindi niya mawawaan. Sa isip-isip niya, baka pakikinabangan dahil mukhang
antigo. Marami-rami na rin syang nakuhang mga antigong bagay na di-sinasadyang
nahuhukay ng kanyang makina tulad ng mga porselanang pinggan at banga, mga
sinaunang palamuti sa katawan, garing (ivory), ginto at mga samut-saring antigong
abubot na gamit ng mga taong namuhay sa lugar na iyon bago pa man dumating ang
mga Kastila.Iniuwi nya sa bahay ang nasalok na nakatuping kanso at ipinakita sa
kanyang maybahay na si Gng. Romana Legisma. Nang iunat ni Aling Romana ang
kansong may dalawang tupi, napuna din niya na may mga nakaukit ditong mga di-
mawawaang simbolo. Ibebenta na lang sana ni Mang Erning sa magbubulok (junk
shop) ang kanso ngunit sinansala siya ni Aling Romana dahil baka nga naman may
halaga ang kanso dahil sa mga nakabatbat na simbolo dito.
Lahat ng antigong bagay na natatagpuan ni Mang Erning ay ipinapasuri at
ipinapasa nya sa kanyang kakilalang si G. Alberto “Abet” Dealino, isang mangangalakal
Pahina 1 ng 19 na pahina
ng mga antigo na taga Siniloan, Laguna ngunit ngayo’y naninirahan na sa Kalakhang
Maynila. Bilang kabayaran ay nagpapa-inom si Mang Abet at nag-aabot din kahit paano
bilang kabayaran sa mga kinukuha nyang antigo kay Mang Erning. Nang napadaan si
Mang Abet ay agad nyang inialok ang kanyang bagong tuklas na may sukat na sinlaki
lamang ng isang maliit na bond paper (mga 20 x 20 cm).
Nang makita ni Mang Abet ang dahong tansong may mga nakaukit na script,
agad nyang napagtanto na mahalaga iyon. Kung gaano kahalaga ay hindi nya alam
dahil unang pagkakataoon pa lang nyang nakakita ng ganoong klaseng antigo. Matapos
abutan ng 350 piso bilang kabayaran ay agad na niyang dinala ang dahong tanso
upang lubos itong masuri sa kanyang bahay. Naging abala si Mang Abet sa pag-
tatangkang isalinwika ang mga nakaukit na script ngunit nabigo siya. Nahihiwagahan
siya dahil ang mga script ay hindi ang kilalang Baybayin na siyang ginagamit sa
pagsulat ng mga Tagalog nuon.
Ang Baybayin (hindi Alibata) ang tinatayang umiiral na sistema ng pagsulat
nuong ika-14 na siglo. Ang istilo ng pagsulat ay ayon sa sistemang abugida na
gumagamit ng pagpaparis ng katinig at patinig. Ang Alibata na nagmula sa Kavi script
ng Java (na nagmula naman sa Brahmin Sanskrit ng India) ay binubuo ng 3 simbulo
para sa katinig at 14 naman para sa patinig. May isang simbolo lamang para sa patinig
na D o R, na siya marahil dahilan kung bakit napagpapalit natin ang din sa rin, gayundin
ang daw sa raw ng walang pagbabago sa kahulugan ng kataga. Sa mga katinig ay iisa
ang simbulo sa E/I at O/U. Ang patunay na Baybayin nuon ang gamit ng mga Tagalog
ay ang unang librong nilimbag sa Filipinas nuong 1593, ang Doctrina Cristiana, ay
Pahina 2 ng 19 na pahina
nakasulat sa salitang Kastila gamit ang mga letrang Romano at Latin script, ngunit may
kaukulan ding salinwika sa Tagalog gamit ang Tagalog script na Baybayin.
Sinubukang ilako ni Mang Abet sa iba ang dahong tanso ngunit walang magka-
interes dito. Sa kanyang pagkabigo, minabuti nyang i-exhibit ito sa Philippine
Numismatic and Antiquarian Society (PNAS) na kinabibilangan nya. Pineresyuhan niya
ito ng halagang 5,000 piso. Muntik na nya itong maibenta kay G. Vicente Escobar, isa
ring kolektor, ng tumawad ito ng 3,000 piso dangan nga lang at may isa pang mamimili,
si G. William “Bill” Elwell, isang mangangalakal ng mga antigong barya sa daang A.
Mabini, Maynila at kasapi rin sa PNAS, ang bumili sa itinakdang presyo ni Dealino.
Sumunod ay ibinenta ni Mang Bill ang pinakamahalagang artifact ng ating kasaysayan
kay G. Venancio Magbuhos, isa ring mangangalakal ng antigo,sa dobleng halaga o
10,000 piso. Inilako ni G. Magbuhos ang dahong tanso ngunit sadyang walang magka-
interes dito kaya minabuti nyang ibenta na lang ito ng palugi nuong 1990 kay Dr.
Alfredo E. Villegas ng Pambansang Museo sa paluging halagang 2,000 piso.
May isang taon ding nakatabi lamang at hindi pinapansin ang dahong tanso
hanggang minsang madalaw sa kanyang mga kaibigan duon si G. Antoon Vreeze
Postma, isang Dutch na dalubwika o pantas-wika (linguist) lalo na sa mga sinaunang
Brahmin script. May nagpakita sa kanya ng dahong tanso at kagyat na naging intresado
si G. Postma. Unang tingin nya pa lang ay nakilala na nya kaagad na Sanskrit ang mga
simbolong nakabatbat sa dahong tanso. Humingi siya ng larawan at binakat pa ang
mga inskripston upang mapag-aralan nya itong maigi. Binisita nya rin si G. Legisma
nuong ika-11 ng Nobyembre, 1991 upang kapanayamin ito tungkol sa dahong tanso na
tinawag ni G. Postma na Inskripsyon sa Binatbat na Tanso ng Laguna (IBTL).
Pahina 3 ng 19 na pahina
Nang matapos niya ang pagsasaling wika sa tulong ni G. Johannes Gijsbertus de
Casparis, isa pang pantas-wikang Dutch, ay ini-ulat niya ang kanyang natuklasan sa
isang pulong, ang First European Studies Conference, na ginanap sa Amsterdam,
Netherlands nuong 1991.
Lubhang nagulat ang mga taga-Pambansang Museo dahil ang hindi nila
pinapansing dahong tanso ay isa palang Pambansang Kayamanan (National Treasure).
Ito ang natatanging kasulatang nagpapatunay na nuon pa mang bago dumating ang
mga Kastila, ang mga ninunong natin ay mayroon ng maunlad na kabihasnan at hindi
mga barbaro tulad ng pagkakakilala ng mga banyagang Kanluranin.
Kung si G. Postma ang nagsaling wika, si G. Hector Santos naman ang
kumuwenta ng petsang nakasaad sa IBTL batay sa kasalukuyan. Lunes, Agosto 12,
900 AD ang kinikilala ngayong simula ng nakasulat na kasaysayan ng ating lahi at hindi
na ang sinulat ni Antonio Pigafetta, tagatala ni Ferdinand Magellan sa kanyang
paglalayag nuong 1521. Samakatuwid, nadagdagan ng 620 taon ang ating kasaysayan
at maipagmamalaki natin ngayon na pumantay na ang Filipinas sa mga lumang
kahariang umiiral ng mga panahong iyon tulad ng Angkor (Cambodia), Mataram (Java),
Sriwijaya (Sumatra) at Dinastiya ng Cham (Vietnam).
Ang IBTL ay hindi isang “resibo”na pabirong sinasabi ng iilan bagkus ay isa itong
dokumentong legal na nagsasaad ng pagpapatawad sa pagkakautang ng isang taong
may katungkulan na nagngangalang Namwaran, sampu ng kanyang kapamilya, na
tapat na naglingkod sa hari ng Tundun (Tondo). Ang kasulatan ay nagpapakita ng
kagandahang-loob ng isang namumuno sa kanyang nasasakupan. Sa madaling sabi,
tuwid na landas ng pamumuno ang ipina-iiral nuon dahil marunong sumunod sa
Pahina 4 ng 19 na pahina
kasunduan at patakaran ang mga tao samantalang mapagpatawad naman ang
namumuno sa kanyang mga nasasakupan kung ito’y tapat sa kanya.
Ang natagpuang IBTL ay ang unang pahina lamang ng dokumento dahil putol
ang ika-sampu’t huling pangungusap na nagpapahiwatig lamang na may ikalawa pang
pahina. Sa pagpapakita sa larawan ng IBTL at sa pagtatanong ni G. Postma sa mga tao
sa Lumban, may mga nakapagsabi sa kanyang may nakita na sila duong ganuong
klaseng bagay. Nakahihinayang isipin ngunit malamang sa hindi ay naipagbili lang ito
sa magbubulok. Harinawang sa mga darating na panahon ay may matuklasan pang
mga ganitong uri ng dokumento upang higit pa nating makilala ang kabihasnan ng ating
mga ninuno.
Sino ang makapagsasabi na baka sa hinaharap ay may matuklasang tayong
tulad ng Yungib Aklatan (Library Cave) sa Dunhuang, Tsina na nagtataglay ng humigit-
kumulang sa 50,000 sulat-kamay na manuskritong isinulat sa balat ng hayop, kawayan,
tela, papel, at iba pang midyum na natagpuan ni Abbot Wang Yuanlu, tagapangalaga
ng mga yungib ng Mogao sa Dunhuang nuong ika-25 ng Hunyo, 1911. Ang yungib
(Cave # 17) na kinalalagyan ng mga dokumento ay pinaderan sa bukana upang ganap
itong maselyuhan nuong ika-11 siglo sa hindi pa malamang kadahilanan. Ang mga
dokumentong nadiskubre na tinatayang mula pa nuong ika-5 hanggang ika-11 siglo ay
mga banal na kasulatan tungkol sa relihiyong Taoismo, Budismo, Kristyanismo at iba
pang paksa .
Sa kabilang banda, marahil ay wala ng hihigit pa sa panlilinlang na ginawa ni G.
Jose E. Marco ng Pontevedra, Negros Occidental. Isang dating kawani ng Kawanihan
ng Koreo (Bureau of Posts), lumikha siya ng isang huwad na dokumentong binubuo ng
Pahina 5 ng 19 na pahina
limang pahina na aniya’y pinakamatandang kodigong legal na umiral sa isla ng Panay
nuon pang 1433. Tinawag nya itong Kodigo ni Kalantiaw. Natagpuan daw ang
dokumento sa dalawang tomo ng librong Las Antiguas Leyendas de la Isla de Negros,
na sinulat di-umano ng isang prayle, si Fr. Jose Maria Pavon. Sangayon kay G. Marco,
nakuha daw niya ang Kodigo mula sa isang matandang tagapagluto na minsa’y
nagtrabaho sa kumbento sa Himamaylan, Negros Occidental kung saan naglingkod si
Fr. Pavon mula 1842 hanggang 1848. Ang Kodigo ni Kalantiaw ay ibinigay bilang
donasyon ni G. Marco sa Pambansang Aklatan at Museo (Philippine Library & Museum)
nuong 1914.
Ang Kodigo ni Kalantiaw ay binubuo ng 18 batas na nagtatakda ng mga
kaparusahan sa mga lalabag sa patakaran ng namumunong si Datu Bendahara
Kalantiaw. Brutal ang mga binanggit na kaparusahan sa mga nagkakasala gaya ng
pagputol ng kamay, pagpapakain sa bwaya o pating, pagtatali sa langaman, paglunod,
ilalaga ng buhay, pagsasawsaw sa kumukulong tubig, paghahampas, gugutay-gutayin
ang katawan, puputulan ng mga daliri, susunugin ng buhay, babatuhin hanggang
mamatay, pipisakin at iba pang di-makataong pagpapahirap at pagpatay.Sa kabila nito,
buong-buong nilunok ito ng dating Kgg. na Pang. Ferdinand E. Marcos na humantong
pa nga sa pagbibigay ng karangalang Order of Kalantiaw. Iniutos din sa dating
Kagawaran ng Edukasyon at Isports (Department of Education and Sports o DECS) na
ituro ang Kodigo ni Kalantiaw sa lahat ng paaralan sa bansa, pampubliko man o
pribado. Isang barko din ng Hukbong Dagat ng Filipinas na naging flagship mula 1967
hanggang 1981 ang pinangalanang BRP Datu Kalatiaw (PS-76). Sa kasamaang palad
ay inihampas ng bagyong Clara ang barko sa mabatong bahagi ng isla ng Calayan, na
Pahina 6 ng 19 na pahina
nasa bandang itaas ng Cagayan, na humantong sa pagkasawi ng 79 sa 97 kataong
tripulante nito. Nuong 1957, ipinatayo ng Philippine Historical and Cultural Society ang
Dambana ni Kalantiaw (Kalantiaw Shrine) sa Batan, Aklan kung saan nakalagak
ngayon ang orihinal na manuskrito ng pekeng kodigo.
Isang Amerikanong misyonaryong namuhay sa Sagada, Cordillera, si William
Henry Scott ang nagbunyag ng pagiging huwad ng Kodigo ni Kalantiaw ng matagumpay
niyang naipagtanggol ang kanyang disertasyon, Prehispanic Source Materials for the
Study of Philippine History, nuong 1986 sa harap ng panel na binubuo ng mga
dalubhasa sa kasaysayang Filipino na sina Teodoro Agoncillo, Horacio de la Costa,
Marcelino Foronda, Nicolas Zafra, at Gregorio Zaide.
Bunga ng nasabing panlilinlang, mula nuon ay naging “rule of thumb” na
anumang dokumento na may petsang mas matanda pa sa petsa ng pagdating dito ng
mga Kastila nuong 1521 ay malamang huwad. Ito ang dahilan kung bakit hindi pinansin
ng mga taga-Pambansang Museo ang IBTL ng ito’y unang ialok sa kanila. Nagkalat
kasi nuon ang mga huwad na dokumento at maraming mapagtiwala ang nabibiktima ng
mga mapanlinlang. Sa ngayon ay may isa lang liban sa nasabing panuntunan at ito ay
ang Inskriptiyon sa Binatbat na Platong Tanso ng Laguna na walang dudang
napatunayang orihinal at tunay.
Sa dalawang paksang nabanggit, mapapansing isang banyaga pa ang naging
kasangkapan upang sa unang paksa’y makita natin ang tuwid na daan ng kasaysayan,
samantalang sa ikalawang paksa’y isang banyaga din ang nagpakita sa atin ng baluktot
na daan ng kasaysayan na inimbento ng isang buktot na Filipino. Sadya nga bang
Pahina 7 ng 19 na pahina
kailangan pa natin ang husay at talino ng mga banyaga upang makita natin ang tuwid o
baluktot na daan ng kasaysayan?
Nang maluklok ang Kgg. na Pang. Noynoy Aquino sa Malacañang ay isinulong
niya ang plataporma ng “Tuwid na Daan.” Nais nyang magsama-sama ang mga Filipino
sa pagtahak sa daang matuwid upang umunlad ang bayan. Ang daang matuwid na
tinutukoy niya ay daan patungo sa isang bansang may katarungan, kapayapaan,
lumalaban sa katiwalian, may pangangalaga sa kapaligiran, at higit sa lahat ay may
mabilisan, inklusibo at sustenidong kaunlaran na siyang magiging pangunahing sandata
laban sa kahirapan
Ang tutoo ay hindi na bago ang konseptong ito dahil ayon sa pagsasaliksik ni Dr.
Zeus Salazar, isang historyador at tagapagturo ng kasaysayan sa Unibersidad ng
Pilipinas (UP), ang ating mga ninuno ay naniniwala na ang kaluluwa ng tao ay may
pagkakahanay (alignment) sa langit. Kung ang tao ay mabuti, diretso o tuwid sa langit
ang punta ng kanyang kaluluwa. Ang sabi nga ni G. Michael Charleston “Xiao” Briones
Chua, komentarista sa telebisyon at isa ding tagapagturo ng kasaysayan sa
Unibersidad ng De La Salle (DLSU), “ . . . ang ating naging termino para sa nasa tama
at sa hustisya ay katuwiran.” Ito rin marahil ang dahilan kung bakit sinasabi nating
“halang ang kaluluwa” o “halang ang bituka” ng mga masasamang tao.
Nang itatag nila Gat Andres Bonifacio ang Katipunan, sumulat si Gat Emilio
Jacinto ng isang gabay sa mga nagnanais sumapi at ito ay ang Kartilya ng Katipunan.
Ang Kartilya ay may panimulang ganito:
“Ang kabagayang pinag-uusig ng katipunang ito ay lubos na dakila at mahalaga;
papagisahin ang loob at kaisipan ng lahat ng tagalog (*) …upang sa
Pahina 8 ng 19 na pahina
pagkakaisang ito’y magkalakas na iwasak ang masinsing tabing na nakabubulag
sa kaisipan at matuklasan ang tunay na landas ng Katuiran at Kaliwanagan.”
Dagdag pa ni Gat Jacinto sa Kartilya ang ganito:
“Ang kamahalan ng tao'y wala sa pagkahari, wala sa tangus ng ilong at puting
mukha, wala sa pagkaparing kahalili ng Dios, wala sa mataas na kalagayan sa
balat ng lupa: wagas at tunay na mahal na tao, kahit laking gubat at walang
nababatid kundi ang sariling wika, yaon may magandang asal, may isang
pangungusap, may dangal at puri; yaon di nagpapaapi't di nakikiapi; yaong
marunong magdamdam at marunong lumingap sa bayang tinubuan.”
Sa madaling sabi, hinihimok ang bawa’t kasapi sa Katipunan na magkaisa at
magsama-sama upang itatag ang daang matuwid at maliwanag tungo sa kalayaan.
Ang tunay na kalayaan ayon kay Jacinto ay ang paghahari sa bawat puso ng higit na
kabutihan ng lahat.
Noong panahon ng Himagsikan, wikang Kastila ang umiiral na salita ng mga elit
o naghaharing uri. Mapapansing ang mga akda ng mga bayaning naggalaw ng
Himagsikan ay sinulat sa salitang Tagalog. Ito ay dahil Tagalog ang salitang higit na
naiintindihan ng masang Anak ng Bayan na maggagalaw ng Himagsikan. Si Gat Pio
Valenzuela, naging bahagi ng camara secreto o ang tatlong pinakamataas na pinuno ng
Katipunan na kinabibilangan din ni Gat Emilio Jacinto, ang nagmungkahing magkaroon
ng diyaryo o pahayagan ang Katipunan. Ito’y sinang-ayunan ni Gat Bonifacio at isinilang
ang diyaryong Kalayaan na inilimbag sa wikang Tagalog. Si Dr. Valenzuela ang unang
naging patnugot ng Kalayaan. Dahil sa Kalayaan, malinaw na naipaliwanag at
naipatagos sa masang Filipino ang layunin ng kilusang lihim—Ang Katipunan. Dahil
Pahina 9 ng 19 na pahina
lubos na naunawaan ang mensahe at dahil sa wagas na pag-ibig sa bayan, iisang
taong nagsisapi ang mga anak pawis ng bayan sa Katipunan. Mula 300 kasapi, anupa’t
lumobo ang kasapian sa mahigit 30,000 dahil sa diyaryong Kalayaan.
Ngunit ano nga ba ang wikang Tagalog?
Ang wikang Tagalog ay nabibilang sa pamilya ng Austronesiang wika. Dalawang
sapantaha ang nagtutunggalian kung paano napadpad sa Filipinas ang wikang
Tagalog. Ang unang sapantaha ay nagsasabing galing ito ng Formosa o Taiwan at
tumawid pababa sa Luzon. Ang Ikalawang sapantaha naman ay nagsasabing ito ay
nagmula sa Borneo at umakyat patungong Mindanao, paakyat sa Visayas at Luzon.
Noong una ay namamayani ang unang sapantaha ngunit sa pagsasaliksik ng mga
dalubhasa gamit ang resulta ng pagsusuri sa deoxyribonucleic acid (DNA) ng mga tao
sa Filipinas, lumalabas na higit na nakararami nga ang mga Filipinong may DNA ng
katulad sa mga Malay at Indones. Ibig sabihin ay mas malapit sa katotohanan na sa
bandang timog nga nagmula ang mga Filipino, kasama ang winiwika nilang Malay kung
saan umusbong ang wikang Tagalog.
Sangayon kay G. Postma, isinulat daw sa lumang Malay (old Malay) ang IBTL.
Taliwas ito sa pag-aaral na ginawa ni G. Jaime Figueroa Tionson, kasapi sa Pila
Historical Society, na nagsabing sa lumang Tagalog (old Tagalog) nakasulat ang IBTL.
Humantong siya sa ganitong kongklusyon ng ihambing niya ang mga katagang ginamit
sa IBTL kontra sa mga entrada sa inilathalang komprehensibong Diksyunaryong
Kastila-Tagalog na “Vocabulario de la Lengua Tagala” na akda ng Pransiskanong
Prayle na si Fr. Pedro de San Buenaventura. Nilimbag ito ng unang Filipinong
tagapaglathala, ang Tsinoy na si Tomas Pinpin at si Domingo Laog sa La Noble Villa de
Pahina 10 ng 19 na pahina
Pila na nasa Pinagbayanan, Pila, Laguna nuong Mayo 27, 1613. Ipinapaliwanag ng
diksyunaryo ni San Buenaventura ang kahulugan, deskripsyon, pinagmulan at gamit ng
bawat kataga. Dagdag pa dito ay nagbibigay din siya ng mga halimbawang
pangungusap na magsingkahulugan sa Tagalog at Kastila upang mas maunawaan pa
ng mambabasa.
May isa pang akdang may kapareho ding pangalang “Vocabulario de la Lengua
Tagala” na akda naman ni Fr. Francisco Blancas de San Joseph na sinulat niya nuong
1835, dangan nga lamang at nasa manuskrito lamang ito at hindi nalimbag, marahil ay
dahil hindi ito kasing kakomprehensibo ng naunang diksyunaryo ni Fr. San
Buenaventura. Isa pang aklat din tungkol sa wika na isinulat naman nuong 1850 ay ang
“Arte de la lengua tagala y manual tagalog para la administración de los Santos
Sacramentos.”
Nitong nakaraang Abril 4, 2013 ay inilunsad sa Kumperensya ng Bagong
Kasaysayan sa Pila, Laguna ang aklat ni G. Tionson, Ang Saysay ng Inskripsyon sa
Binatbat na Tanso ng Laguna: Bagong Pagpapakahulugan na nagpapaliwanag sa
kanyang interpretasyon sa IBTL.
Samakatuwid ay Tagalog na nuon pa man ang wikang gamit ng ating mga
ninuno sa Luzon. Maging ng masakop na tayo ng mga Kastila ay Tagalog pa rin ang
umiiral na wika nuon at hindi wikang Kastila o Castillan. Upang mahimok ang mga
Filipino nuon na maging Kristyano, minabuti ng mga paring prayle na pag-aralan ang
Tagalog upang sa halip na wikang Kastila ay sa Tagalog nila ipahayag ang mabuting
balita ng Banal na Aklat. Dahil dito ay mas naintindihan ng ating mga ninuno kung ano
ang Kristyanismo kaya sila ay nakumbinsing magpabinyag. Sa kasamaang palad,
Pahina 11 ng 19 na pahina
naging mitsa din ito sa pagiging abusado ng mga prayle sa kapangyarihan. Palibhasa’y
sila lamang ang nakakaintindi ng wika ng mga Indio, at ang mga Indio naman ay hindi
tinuruan ng wikang Kastila, naging lubhang makapangyarihan at maimpluwensya ang
mga prayle na siya naman nilang sinamantala upang abusuhin ang mga sunud-
sunurang Filipino. Naging pala-asa at buong-buong nilulunok ng mga Filipino ang
anumang sasabihin o ipapahayag ng mga prayle dahil sa kamang-mangan ng mga
ninunong Filipino. Kahit nuong panahon na ng himagsikan ay Tagalog din ang hinirang
na opisyal na wika ng unang saligang batas ng Filipinas, ang Saligang Batas ng Biak-
na-Bato nuong 1897.
Nang dumating ang mga Amerikano at sinakop ang Filipinas, pinalaganap
naman ng mga bagong mananakop ang kanilang salitang Ingles. Daan-daang mga
gurong Amerikanong tinawag na Thomasites, sakay ng bapor na USS Thomas ang
dumating at kumalat sa buong Filipinas upang magturo sa mga paaralan gamit ang
salitang Ingles. Sa madaling sabi, ginamit nila ang kanilang wikang Ingles upang
palaganapin ang kulturang Kanluranin. Gayon pa man ay nagsikhay pa rin ang mga
patriyotikong Filipino at pilit pa ring itinaguyod ang Tagalog bilang pambansang wika.
Taong 1935 ng inatasan ang Surian ng Wikang Pambansa (SWP) sa pamumuno
ni G. Lope K. Santos upang pumili ng hihiranging pambansang wika mula sa iba’t ibang
wikang umiiral sa Filipinas. Tagalog ang hinirang na pambansang wika ng pitong
miyembro ng komite kung kayat nuong Disyembre 30, 1937 ay idineklara ng Kgg. na
Pang. Manuel L. Quezon ang Tagalog bilang Wikang Pambansa. Taong 1939 ng
nilimbag ang balarila ng Abakadang Tagalog. Ito ay binubuo ng 20 titik o letra. Lima sa
mga ito ang patinig samantalang labinlima naman ang katinig.
Pahina 12 ng 19 na pahina
Ang Abakadang Tagalog ang ipinalit sa Abecedario na gamit nuong panahon ng
mga Kastila. Ang Abecedario ay binubuo naman ng 32 titik o letra. Lima din sa mga ito
ang patinig samantalang 27 naman ang katinig. Naging kontrobersyal ang Balarila ng
Wikang Pilipino at ang Abakadang Tagalog ni G. Santos dahil nagpumilit siyang palitan
ang ispeling, ayon na rin sa mungkahi ni Gat. Jose P. Rizal nuong siya ay nabubuhay
pa, ng mga katagang may letrang “C” papuntang “K” o “S” (dahil walang letrang “C” sa
alpabetong Tagalog) at letrang “O” papuntang “W.”
Naging mainit ang mga pagtatalo at tunggalian ng salita dahil kinukwestyon ng
mga Bisaya, partikular ng mga Cebuano, kung bakit Tagalog ang hinirang na wikang
pambansa gayong mas marami ang nagsasalita ng Sugbuanon. Tutol din ang iba pang
Filipinong nagsasalita ng ibang wika tulad ng mga Ilokano, Kapampangan, Hiligaynon,
Waray, at iba pang pangunahing grupo sa Filipinas. Ang tutoo ay may kabuuang 174
na katutubong wika sa Filipinas (apat ang itinuturing na patay na dahil wala ng
nagsasalita ng Dicamay Agta, Katabaga, Tayabas Ayta, at Villaviciosa Agta), maliban
pa sa mga diyalektong maaaring umabot pa ng 500. Sa buong daigdig, pangsampu ang
Filipinas sa may pinakamaraming wika. Nangunguna ang bansang Papua New Guinea.
Nang sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, iminandato ng mga
mananakop na Hapones ang pagpapalaganap ng Tagalog sa halip na Ingles sa buong
kapuluan. Ang naging bunga nito ay ang pagyabong ng panitikang Filipino kung kaya’t
tinawag na Gintong Panahon ng Panitikang Filipino (Golden age of Filipino Literature)
ang panahon ng mga Hapon.
Nang mapalaya ang bansa sa mga Hapones, bumalik ulit ang kontrobersiya ng
salungatang Filipino vs. Lalawiganing wika at Ingles. Dahil dito ay inihayag nuong 1959
Pahina 13 ng 19 na pahina
na ang pambansang wika ay tatawagin ng Pilipino. Ang Pilipino ay nakabase pa rin sa
Tagalog, ngunit ang mga kataga sa iba pang batayang wikang umiiral sa bansa ay
sisimulan ng ilahok at ipaloob sa korpus nito.
Taong 1976 ng nirebisa ng SWP ang matandang Abakada. Ang nabuong
Alpabetong Pilipino ay mayroong 31 titik o letra. Ang pagbabago ay ipinalabas ng
Kagawaran ng Edukasyon at Kultura sa pamamagitan ng Memorandum
Pangkagawaran Blg. 194, s. 1976 (DEC Memo No. 194, s. 1976). Hindi ito naging
matagumpay sapagkat may lumitaw itong ilang kahinaan sangayon sa aklat na
Makabagong Balarilang Filipino na inakda nina G. Alfonso O. Santiago at Bb. Norma
G. Tiangco.
Una, hindi nilinaw kung paano ang paraan ng pagbabaybay – papantig ba (na
kasalukuyang itinuturo noon sa mga paaralan) o patitik?
Ikalawa, hindi sinabi kung paano tatawagin o ngangalanan ang mga letra ng
alpabeto – pa-Abakada ba? Pa-Kastila? O pa-Ingles?
Ikatlo, hindi rin nilinaw kung paano pagsusunud-sunurin ang mga letra ng
alpabeto.
Ikaapat, hindi naging praktikal sapagkat isinama pa ang mga diagrapong CH, LL,
at RR.
Dahil sa mga nabanggit na kadahilanan, muling nireporma ng Surian ng Wikang
Pambansa (naging Lupon ng Wikang Pambansa, ngayon ay Komisyon ng Wikang
Filipino) nuong 1987 ang alpabeto at mga tuntunin ng palabaybayang Filipino upang
mai-ayon ito sa itinatadhana ng Konstitusyon ng 1987. Ipina-iral sa Kautusang
Pangkagawaran Blg. 81, s. 1987 ng Kagawaran ng Edukasyon, Kultura at Isports
Pahina 14 ng 19 na pahina
(DECS Order No 81, s. 1987) ang nabuong Bagong Alpabetong Filipino na may 28
titik o letra at halos pareho sa alpabetong Ingles maliban sa Ñ (N na may kilay) at ang
orihinal nating titik NG.
Ganoon pa man ay nagkaroon na naman ng mainit na pagtatalo sa pagitan ng
mga Purista at Liberal. Ang mga Purista (o Tagalista sa pakutyang tawag) ay gustong
manatiling wagas at busilak ang wikang Tagalog na pinagbatayan ng Filipino
samantalang ang mga Liberal naman ay handang umampon ng mga katagang hiram sa
mga banyagang wika tulad ng Kastila, Ingles at iba pa. Kung minsa’y pabiro ding
tinatawag na “purebreed” at “mongrel” ang dalawang grupo dahil para silang mga
mababagsik na asong naglalapaan sa madugong balitaktakan ng ideya at opinyon.
Sangayon kina G. Santiago at Bb. Tiongco, binalak din ng Lupon na huwag na
ring isama ang dalawang titik (Ñ at NG) na naturan ngunit nagbago sila ng pasya
sapagkat malinaw na hindi pa handa ang kasalukuyang henerasyon sa ganitong uri ng
pagtitipid o konsepto. Partikular sa titk NG, hinarang ang Lupon ng maraming makawika
na handang ipaglaban hanggang sa “huling patak ng kanilang dugo” ang pagpapanatili
ng NG sa ating alpabeto.
Sa tulang Rebolusyon ang Magsulat sa Wika ni Sam Prudente ay winika nya
ito:
Hindi na tayo makikipagtawaransa mga salitang banyaga.Sila ang aakiting sumalo sa handaannating mandrigmang tagasulat.Di ba't Pinoy ang magkumbida ng lahatat anyayahang kumain sa pista?Pag lumipas na ang panahon ng gutom,tapos na rin ang giyera
Pahina 15 ng 19 na pahina
Bukas na usapin pa ang ebolusyon ng ating pambansang wika dahil patuloy ang
pananaliksik at pag-aaral kung paano pa ito mapapayabong na angkop sa
kasalukuyang panahon. Ang sabi nga ng mga pantas-wika ay “nagbabago ang Filipino
kahit sa paraan ng asimilasyon, sa gramatika at palaugnayan, sa pagpapakahulugan at
pagpapahiwatig, at humahalo kahit ang “Ingles na Tinagalog” na Ingles ang padron ng
pagkakabuo ng pangungusap ngunit ang ginagamit ay wikang Tagalog.”
Naging mahaba ang pagtalakay sa ebolusyon ng ating wikang pambansa pati na
rin sa katitikan ng ating alpabeto. Ngunit nananatili ang katanungan, “Ano ang halaga
nito sa atin bilang isang bansa at bilang Filipino?”
Sa mga panahong nagdaan, sa panahong kasalukuyan at darating pa, naging
matingkad ang papel na ginampanan ng wikang Filipino upang bigkisin ng pagkakaisa
ang diwang watak-watak sanhi ng matagal na panahong pinagharian ng mga dayuhan.
Patuloy ang ebolusyon nito dahil buhay ito at nagbabago tulad ng isang tao. Walang
permanente dito sa mundo kaya’t huwag tayong magugulat at magtataka kung ang
tama ngayon ay maaring maging mali na bukas. Ang tanging sigurado ay ang
pagbabago nito upang lalo pang umunlad. Kasabay ng pag-unlad ng ating wika ay ang
tinatayang pag-unlad din ng kamalayan na siyang magsusulong sa atin upang hanapin
at tahakin ang tuwid na daan tungo sa magandang bukas.
Simulan natin ang daang matuwid sa ating sarili. Hindi pa naman huli ang lahat
dahil tulad ng mensahe sa piniling sagisag ng Supremo – Maypagasa.
Pahina 16 ng 19 na pahina
MGA SANGGUNIAN:
Journals
Postma, Antoon (1992). The Laguna Copper-Plate Inscription: Text and Commentary.
Philippine Studies vol. 40, no. 2, 183-203
Prudente, Sam (2004). Rebolusyon ang Magsulat sa Wika. Philippine Studies vol. 53,
no. 2&3. 423
Santos, Hector (1996). The Date of the Laguna Copperplate Inscription. Philippine
Studies vol. 44, no. 4, 514-525
Books
Hermenegildo Cruz (1922). Kartilyang Makabayan. 152 pages.
Santiago, Alfonso O.; Tiangco, Norma G. (2003). Makabagong Balarilang Filipino.
Binagong Edisyon 2003. 287 pages.
Websites
Añonuevo, Roberto. (2008). Kritika sa Multilingguwalismo at sa Pahayag ni Ricardo
Nolasco ng Komisyon sa Wikang Filipino. Retrieved 16 May 2013, from
http://alimbukad.com/2008/10/25/kritika-sa-multilingguwalismo-at-sa-pahayag-ni-
ricardo-nolasco-ng-komisyon-sa-wikang-filipino/
Chua, Michael Charles B. (2012). Daang Matuwid, Ano nga ba ang tunay na kalayaan?.
Retrieved 16 May 2013, from http://xiaochua.net/?s=ano+ang+tuwid+na+daan
Pahina 17 ng 19 na pahina
__________(2013). Kahalagahan ng Laguna Copperplate at Ika-400 taon ng
Vocabulario ni San Buenaventura. Retrieved 16 May 2013, from
http://xiaochua.net/2013/05/28/xiao-time-27-may-2013-kahalagahan-ng-laguna-
copperplate-at-ika-400-taon-ng-vocabulario-ni-san-buenaventura/
Morrow, Paul (2003). Ang Kasulatang Tanso ng Laguna. Retrieved 16 May 2013, from
http://www.mts.net/~pmorrow/lci.htm
__________(2010). Baybayin, The Ancient Script of the Philippines. Retrieved 16 May
2013, from http://www.mts.net/~pmorrow/baybay1.htm
__________(2012). Kalantiaw, the Hoax. Retrieved 16 May 2013, from
http://www.mts.net/~pmorrow/kalant_e.htm
__________(2003). Pinagmulan ng mga Wika. Retrieved 16 May 2013, from
http://www.mts.net/~pmorrow/origin.htm
Uckung, Peter V.; Aquino, Edward C. (n.d.) Liham mula sa nakaraan: Ang hiwaga ng
Laguna copperplate. Retrieved 16 May 2013, from
http://www.laguna.gov.ph/content/liham-mula-sa-nakaraan-ang-hiwaga-ng-
laguna-copperplate
Wikipedia, (n.d.). Mogao Caves. Retrieved 16 May 2013, from
http://en.wikipedia.org/wiki/Mogao_Caves
Pahina 18 ng 19 na pahina
Newspaper Article
Ocampo, Ambeth R. (2011). Isulat mo sa tubig, itaga mo sa bato. Philippine Daily
Inquirer.
Speech
Nolasco, Ricardo Ma. Duran. (2007). Ang Filipino at Tagalog, Hindi Ganoong Kasimple.
Buwan ng WIkang Pambansa 2007, Bayview Park Hotel.
-- Tapos --
Pahina 19 ng 19 na pahina