18
MALAY 25.1 (2012): 1-18 Copyright © 2012 Pamantasang De La Salle, Filipinas Kolonisasyon at mga Inuming Nakalalasing ng mga Sinaunang Bisaya ng Samar at Leyte / Colonizaon and Alcoholic Beverages of Early Visayans from Samar and Leyte Feorillo Petronilo A. Demeterio III, Ph.D. Pamantasang De La Salle, Maynila, Filipinas [email protected] Noong mga unang bahagi ng pag-iral ng kolonyalismong Espanyol, ang mga Bisaya sa Samar at Leyte ay mayroong limang uri ng nakalalasing na inumin: ang tuba, alak, kabarawan, pangasi at intus. Ngunit sa kasalukuyan, tanging tuba na lamang ang natitirang katutubong nakalalasing na inumin sa mga pulong ito. Susuriin ng papel na ito kung may kaugnayan ba ang kolonyalismong Espanyol sa paglaho ng alak, kabarawan, pangasi at intus at sa pananatili ng tuba sa naturang mga pulo. Mga susing salita: tuba, alak, kabarawan, pangasi, intus, kolonisasyon, niyog, tubo, pulot, bigas, destilasyon, permentasyon In the early part the Spanish colonization, the Visayans of Samar and Leyte had five different kinds of alcoholic beverages: tuba (coconut wine), alak (distilled liquor), kabarawan (mead), pangasi (rice beer) and intus (sugar cane wine). However, at present only tuba has remained the native alcoholic beverage in these islands. This paper will analyze the connections between Spanish colonization and the disappearance of alak, kabarawan, pangasi and intus as well as the continued existence of tuba in these islands. Keywords: tuba (coconut wine), alak (destilled liquor), kabarawan (mead), pangasi (rice beer), intus (sugar cane wine), colonization, coconut, sugar cane, honey, rice, destillation, fermentation

Kolonisasyon at mga Inuming Nakalalasing ng mga Sinaunang Bisaya ng Samar at Leyte

  • Upload
    dlsu

  • View
    1

  • Download
    0

Embed Size (px)

Citation preview

MALAY 25.1 (2012): 1-18

Copyright © 2012 Pamantasang De La Salle, Filipinas

Kolonisasyon at mga Inuming Nakalalasing ng mga Sinaunang Bisaya ng Samar at Leyte / Colonization and Alcoholic Beverages of Early Visayans from Samar and LeyteFeorillo Petronilo A. Demeterio III, Ph.D.Pamantasang De La Salle, Maynila, [email protected]

Noong mga unang bahagi ng pag-iral ng kolonyalismong Espanyol, ang mga Bisaya sa Samar at Leyte ay mayroong limang uri ng nakalalasing na inumin: ang tuba, alak, kabarawan, pangasi at intus. Ngunit sa kasalukuyan, tanging tuba na lamang ang natitirang katutubong nakalalasing na inumin sa mga pulong ito. Susuriin ng papel na ito kung may kaugnayan ba ang kolonyalismong Espanyol sa paglaho ng alak, kabarawan, pangasi at intus at sa pananatili ng tuba sa naturang mga pulo.

Mga susing salita: tuba, alak, kabarawan, pangasi, intus, kolonisasyon, niyog, tubo, pulot, bigas, destilasyon, permentasyon

In the early part the Spanish colonization, the Visayans of Samar and Leyte had five different kinds of alcoholic beverages: tuba (coconut wine), alak (distilled liquor), kabarawan (mead), pangasi (rice beer) and intus (sugar cane wine). However, at present only tuba has remained the native alcoholic beverage in these islands. This paper will analyze the connections between Spanish colonization and the disappearance of alak, kabarawan, pangasi and intus as well as the continued existence of tuba in these islands.

Keywords: tuba (coconut wine), alak (destilled liquor), kabarawan (mead), pangasi (rice beer), intus (sugar cane wine), colonization, coconut, sugar cane, honey, rice, destillation, fermentation

2 MALAY TOMO XXV BLG. 1

PANIMULA

Binanggit ni Francisco Alcina, sa kaniyang librong History of the Bisayan People in the Philippine Islands na inilathala noong 1668, na ang mga sinaunang Bisaya sa mga pulo ng Samar at Leyte ay may limang uri ng nakalalasing na inumin: 1) ang alak, o alaksiw na dumaan sa proseso ng destilasyon; 2) ang tuba na nagmula sa puno ng nipa o niyog; 3) ang kawarawan o kabarawan na nanggagaling sa pulot; 4) ang pangasi, na inakala rin niyang nanggagaling sa pulot at hinaluan ng tubig at iba pang sangkap; at 5) ang intus na gawa sa katas ng tubo (Volume 3, 437). Sa kasalukuyan, kapag papasyalan natin ang mga bayan sa dalawang pulong ito, matutunghayan natin na tanging ang tuba na lamang ang tila lumalaban sa mga inuming dinala ng mga mananakop na Espanyol at Amerikano sa ating bansa. Para sa mga Bisayang nagmula sa mga pulong ito, pati na sa mga pulo ng Cebu, Bohol, Negros, at pati na sa hilagang bahagi ng Mindanao, ang tuba ang itinuturing nilang tunay na Bisayang inumin. Ito ang katumbas nila sa basi ng mga Ilokano at sa tapuy, o bayah, ng mga taga Cordillera.

Ayon kay Edilberto Alegre, sa kaniyang librong Inumang Pinoy na inilathala noong 1992, ang dahilan ng paglaho ng alak, kabarawan, pangasi at intus ay ang pagbabago sa ekolohiya ng Kabisayaan (24). Posibleng tama ang obserbasyon ni Alegre, ngunit ang kaniyang itinuturong dahilan na pagbabago ng ekolohiya ay naglilikha ng palaisipan dahil mahirap tanggapin na kusang nagbago ang ekolohiya ng Kabisayaan sa loob lamang ng ilang daang taon.

Ayon kay Henry Bruman, sa kaniyang sanaysay na “Early Coconut Culture in Western Mexico” na inilathala noong 1945, may tuba rin sa Mexico at tuba rin talaga ang tawag nito doon. Ang kaalaman sa paggawa ng tuba sa Mexico ay dala ng mga Pilipinong tripulante na tumakas mula sa mga galyon. Labis ang pagkahumaling ng mga Mexicano sa kanlurang teritoryo ng Colima sa inuming ito, sa puntong ikinagalit ng viceroy ng Mexico na si Luis de Valasco ang epekto

nito sa pagbaba ng importasyon ng vino mula sa Espanya (215). Marahas ang naging reaksiyon ng viceroy at mahigpit nitong ipinagbabawal ang paggawa ng tuba sa buong Mexico noong 1610. Pagsamsam (confiscation) ng inumin, mabigat na multa, pagka-eksilo, paglatigo sa harap ng publiko, at pagwasak ng mga banga ang kaparusahan sa sinumang lumabag sa ordinansang ito (215). Kung pinakialaman ng mga Espanyol ang produksiyon ng tuba sa Mexico, hindi rin kaya pinakialaman ng mga ito ang produksiyon ng mga nakalalasing na inumin sa Kabisayaan, kagaya ng pakikialam nila sa basi ng Ilokandia?

Ayon kay Roland Barthes, sa kaniyang sanaysay na “Wine and Milk” na inilathala sa kaniyang 1957 na librong Mythologies, pinapahalagahan at ipinagmamalaki ng mga Pranses ang kanilang vino. “Wine is felt by the French nation to be a possession which is its very own, just like the three hundred and sixty types of cheese and its culture” (58). Positibo ang imahen ng vino sa pananaw ng mga Pranses dahil nagbibigay ito ng lakas para sa mga manggagawa, ugnayan patungo sa buhay ng pangkaraniwang mamamayan para sa mga intelektuwal, ginhawa para sa lahat, init kapag taglamig at lamig naman kapag tag-init. Subalit inanyayahan ni Barthes ang mambabasa na sulyapan din ang masalimuot na mundong nasa likod ng magandang imahen na ito.

For it is true that wine is a good and fine substance, but it is no less true that its production is deeply involved in French capitalism, whether it is that of the private distillers or that big settlers in Algeria who impose on the Muslims, on the very land of which they have been disposed, a crop of which they have no need, while they lack even bread (61).

Kung nagawa ni Barthes na suriin ang mga marahas na prosesong nakakubli sa likod ng kaaya-ayang imahen ng vino, maaari din nating suriin kung anong mga bakas ng kolonyalismo ang nasa likod ng imahen ng tuba, ang tinaguriang inumin ng mga Bisaya at kung anong mga prosesong kolonyal ang nagdulot sa paglaho ng alak, kabarawan, pangasi at intus.

3KOLONISASYON AT MGA INUMING NAKALALASING F.A. DEMETERIO

Kaya, susuriin ng papel na ito kung ano ang kinalaman ng kolonyalismong Espanyol sa paglaho ng alak, kabarawan, pangasi at intus at sa pag-usbong ng tuba bilang nag-iisang katutubong inumin ng mga Bisaya sa Samar at Leyte. Hangad din ng papel na ito na magsilbing isang instrumento para mapag-usapan at maalaala muli ang ilang aspekto ng mga katutubong kultura ng mga Bisaya sa mga naturang pulo at makapag-ambag ng karagdagang kaalaman sa Philippine studies, Visayan studies, at Samar-Leyte studies.

ANG MGA INUMING NAKALALASING NG MGA SINAUNANG BISAYA SA SAMAR AT LEYTE

Dahil mas nakasanayan na ng mga kasalukuyang Pilipino ang mga kategorya ng nakalalasing na inumin na dinala ng mga Espanyol at Amerikano, mahalagang linawin muna ng papel na ito ang mga kanluraning depinisyon at klasipikasyon bago pa man umpisahang intindihin nang mas malaliman ang limang inumin ng mga sinaunang Bisaya ng Samar at Leyte. Ang kasunod na dayagram ay nagpapahayag ng isang konseptuwal na klasipikasyon sa mga inuming karaniwang nabibili sa mga grocery at sari-sari store sa kasalukuyang panahon: ang vino, serbesa, brandy, rum, tequila, whisky, ginebra at vodka.

Batay sa klasipikasyong ito, maaaring tukuyin ang mga taxonimizer o ang prinsipyo ng pagkakauri ng mga naturang inumin. Ang unang mahalagang taxonimizer ay kung ang inumin ay gawa ba sa asukal o sa starch. Ang mga inuming gawa sa asukal ay ang vino, rum, brandy at tequila, habang ang mga inuming gawa sa starch naman ay ang serbesa, whisky, ginebra at vodka.

Ang pangalawang taxonomizer para sa mga inuming gawa sa asukal ay kung ang inumin ay destilado ba o hindi. Ang destilasyon ay isang komplikadong proseso kung saan hinahalaw ang alkohol mula sa isang permentadong likido o materyal batay sa prinsipyong mas mabilis ang vaporisasyon ng alkohol kaysa ibang likido. Kaya, mas matapang ang mga destiladong inumin kaysa mga hindi destiladong inumin. Ang vino ay hindi destilado, habang ang brandy, rum at tequila ay destilado. Ito rin ang pangalawang taxonimizer para sa mga inuming gawa sa starch. Ang serbesa ay hindi destilado, habang ang whisky, ginebra at vodka ay destilado.

Ang pangatlong taxonomizer para sa mga inuming destilado na gawa sa asukal ay kung nagmula ba ito sa katas ng prutas o sa katas ng ibang parte ng halaman. Ang brandy ay nagmula sa katas ng prutas, habang ang rum at tequila ay nagmula sa katas ng ibang parte ng halaman. Iba ang pangatlong taxonomizer para sa mga

Inuming Nakalalasing

Mula sa Asukal Mula sa Starch

Destilado Hindi Destilado Destilado Hindi Destilado

Vino SerbesaMula sa Katas ng Prutas

Mula sa Katas ng Ibang Parte ng

Halaman

Brandy Rum / Tequila

Sangkap: Bunga ng Juniper Sangkap: WalaSangkap: Kahoy

na Oak

Whisky Ginebra Vodka

Dayagram 1: Klasipikasyon ng mga Modernong Nakalalasing na Inumin sa Pilipinas

4 MALAY TOMO XXV BLG. 1

inuming destilado na gawa sa starch, dahil ang pagkakauri sa mga ito ay nakabatay sa kung ano ang ginamit na sangkap upang magkakaroon sila ng karagdagang lasa at amoy. Ang whisky ay gumagamit ng dram na gawa sa kahoy na oak, ang ginebra ay gumagamit ng bunga ng juniper at ang vodka ay halos walang ginagamit na karagdagang pampalasa at pampaamoy.

Gamit ang konseptuwal na pagkakaintindi sa mga pagkakaiba at pagkakapareho sa pagitan ng vino, serbesa, brandy, rum, tequila, whisky, ginebra at vodka, susuriin ng papel na ito ang limang inuming nakalalasing ng mga sinaunang Bisaya sa Samar at Leyte.

Alak

Kung bubuklatin ang UP Diksiyonaryong Filipino, mababasa na ang salitang “alak,” ay isang generic na termino na medyo may kalabuan. Ito ay binigyang depinisyon bilang “anumang inuming matapang at nakalalasing gaya ng basi, vino, serbesa, at whiskey” (20). Samantalang kapag hahanapin naman ang kahulugan ng salitang “vino,” binigyang depinisyon ito bilang “alak” (939). Ang “alak” ng mga sinaunang Bisaya ay mas espesipiko at mas malinaw kaysa “alak” ng mga kasalukuyang Tagalog. Ayon kay William Henry Scott, sa kaniyang librong Barangay: Sixteenth-Century Philippine Culture and Society, ang “alak,” o “alaksiw,” o “alaksoy,” ay tuba, intus, o pangasi, na pinadaan sa proseso ng destilasyon (52).

Dahil “alak,” o “arak,” o “arrack” din ang tawag sa ganitong inumin sa maraming lokasyon sa Timog-Silangang Asya, malaki ang posibilidad na nakuha ng mga sinaunang Bisaya ang komplikadong teknolohiya sa paggawa nito mula sa kanilang paglalakbay at pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang lipunan sa malawak na rehiyong ito. “Alakan” ang tawag nila sa kanilang destilador na binubuo ng pinagpatong-patong na kawali, “toong” (hollow tree trunk), at isa pang kawali (Scott 52). Ang kawaling nasa ibaba ay siyang nakasalang sa apoy, habang ang kawaling nasa itaas naman ay siyang nilalagyan ng pampalamig

na tubig, para ang vapor na pumapasok sa toong ay magiging likido muli na sasahurin naman ng isang platong nakarugtong sa maliit na kawayan kung saan dadaloy ang alak. Magkakahawig ang mga katutubong destilador sa Timog-Silangang Asya at tinatawag itong “Asiatic still.” Ito ay biswal na ipinapakita sa kasunod na dayagram:

Dayagram 2: Representasyon ng Alakan ng mga Sinaunang Bisaya

Sa kasalukuyan, ginagawa pa rin ang alak sa ilang liblib na lugar ng Samar at Mindanao, ngunit hindi na ito matatagpuan sa pulo ng Leyte maliban na lamang sa lambanog na nagmumula sa Timog Katagalugan. Dahil ang alak ay maaaring magmula sa tuba, intus at pangasi, malalaman ang katumbas nito sa modernong kategorya matapos lamang maintindihan ang mga katumbas na modernong kategorya ng tuba, intus at pangasi. Kaya babalikan ng sanaysay na ito ang usapin tungkol sa alak matapos matalakay ang ibang inumin ng mga sinaunang Bisaya sa Samar at Leyte.

Tuba

Ang tuba ay isang inuming nakalalasing mula sa katas ng bulaklak ng niyog o nipa. Sa Kabisayaan, “manananggot,” o “mananggete,” ang tawag sa mga taong nangongolekta ng ganitong katas. Pinuputol nila ang bulaklak ng niyog o nipa at mula sa sanga ng bulaklak na ito dumadaloy ang katas na siya sanang magbibigay ng sustansya sa mga mabubuong bunga. Nasa isa hanggang dalawang litrong katas ang masasahod mula sa isang sanga ng bulaklak ng niyog kada araw.

5KOLONISASYON AT MGA INUMING NAKALALASING F.A. DEMETERIO

Ang katas nito ay kusang magiging tuba dahil natural na may mga mikrobyo ang puno ng niyog at nipa na silang gaganap sa proseso ng permentasyon. Ito ang dahilan kung bakit sa Kabisayaan, tuba rin ang ginagamit bilang pampaalsa sa kanilang bibingka. Katulad ng brandy, rum at whisky na kumukuha ng karagdagang lasa at amoy mula sa kahoy na oak, ang tuba ay kumukuha rin ng karagdagang lasa at amoy mula sa balat, o bark, ng isang uri ng bakawan (mangrove) na tinawag na “tungog,” o “tagal,” o “barok,” o “balok,” na may siyentipikong pangalan na Ceriops Tagal. Ito ang dahilan kung bakit pula ang kulay ng tuba ng mga Bisaya sa Samar at Leyte at may pagkamapakla ang lasa nito. Ang dinurog na balat ng punong tungog ay ginagamit din bilang pangkulay sa mga lambat at tela, at ang kahoy nito ay ginagawang uling, materyal para sa mga baklad at poste ng bahay (Primavera 44).

May iba’t ibang pangalan ang tuba batay sa edad nito. Ang bagong tuba ay kilala bilang “dawat”. Ito rin ang tawag sa sariwang katas ng bulaklak ng niyog na hindi pa nahaluan ng tungog. Ang tuba na ilang linggo o ilang buwan nang nakatago ay kilala bilang “bahal.” Habang ang tuba na ilang taon nang nakatago ay kilala bilang “bahalina.” Kadalasan, ang bahalina ay itinatabi sa pamamagitan ng pagbaon sa lalagyanan nito sa ilalim ng lupa. Sa kasalukuyan, bihira na lamang matatagpuan ang kalalakihang umiinom ng purong tuba dahil nakasanayan na sa Kabisayaan ang paghalo sa tuba at softdrink na Coca Cola o Pepsi Cola.

Dahil ang tuba ay isang inuming gawa sa asukal na mula sa katas ng bulaklak ng niyog o nipa, at dahil ito ay isang inumin na hindi destilado, malinaw na ang tuba ay isang vino at tugmang-tugma ang karaniwang tawag nito sa wikang Ingles na “coconut wine.”

Kabarawan

Ang kawarawan o kabarawan ay ipinangalan sa puno ng kabawaran kung saan nagmumula ang balat, o bark, na ginagamit ng mga sinaunang Bisaya sa Samar at Leyte para magkaroon ng

karagdagang lasa at amoy ang inuming ito. Isa ang kabarawan sa mga inuming hindi na matatagpuan ngayon sa mga pulo ng Samar at Leyte. Sa librong A Dictionary of Philippine Plant Names ni Domingo Madulid, mayroong tatlong uri ng puno na tinatawag na “kabarawan” sa Pilipinas: ang pseuduvaria macgregori ng pamilya annonaceae ng Kabisayaan, ang neolitsea villosa ng pamilya lauraceae ng Samar at Leyte at ang Glochidion rubrum ng pamilya euphorbiaceae ng mga Tausug (317). Dahil sa mga pulo ng Samar at Leyte namamalagi si Alcina, malaki ang posibilidad na ang kabarawan na tinutukoy niya ay ang neolitsea villosa, na kilala sa Davao at Cebu bilang bohian at sa Katagalugan bilang batikuling. Ang pamilyang lauraceae ay kinabibilangan ng mga aromatikong punong tulad ng cinnamon at laurel.

Pinapakuluan sa tubig ang balat ng kabarawan at pagkatapos ay hinahaluan ng pulot, pinapalamig at hinahayaang sumailalim sa natural na proseso ng permentasyon (Scott 51). Katulad sa permentasyon ng tuba, natural din ang permentasyon ng kabarawan dahil ang mikrobyong responsable sa prosesong ito ay naroon na mismo sa pulot. Sa katunayan, alam na alam ng mga sinaunang Bisaya na ang pulot na nakukuha nila sa kagubatan ay dapat lutuin kaagad para hindi mabulok. Ang mainit na tubig ng pinakuluang kabarawan ay nagsisilbing pampagising sa mga mikrobyong naroon na sa pulot. “Mead,” o “medu,” o “meduz,” o “med,” o “mid” ang tawag sa ganitong inumin doon sa Europa.

Dahil ang kabarawan ay gawa sa asukal na mula sa pulot at dahil ito ay isang inumin na hindi destilado, malinaw na ang kabarawan ay isang vino. Ang pulot, kahit gawa ito ng mga bubuyog, ay nagmumula pa rin sa asukal na nagmumula naman sa katas ng mga bulaklak ng halaman. Doon sa kanluran, ang mead ay madalas ding tinatawag na “honey wine.”

Pangasi

Nang isinalaysay ni Alcina ang mga inumin ng sinaunang Bisaya sa Samar at Leyte, hindi naging malinaw sa kaniya ang pagkakaiba ng kabarawan

6 MALAY TOMO XXV BLG. 1

at pangasi. Inakala niyang nagmumula rin sa pulot ang pangasi. Ngunit ayon sa mas nauna pang dokumento na isinulat ni Francisco Colin, na may pamagat na “Ethnological Descriptions of the Filipino Native Races and their Customs,” malinaw na ang pangasi ay isang uri ng serbesa na gawa sa bigas, o anumang kahalintulad na grain (66). “Pitarilla” ang tawag ng mga Espanyol nito at kahalintulad ito sa tapuy, o bayah ng Cordillera. Malaki ang posibilidad na may konseptuwal na kaugnayan ang pangasi at ang tapuy dahil “tapay” ang tawag ng mga sinaunang Bisaya sa yeast culture na ginagamit nila sa paggawa ng pangasi at ang “tapay” na ito ay siya ring salitang ugat ng “tinapay” na ginamitan naman ng kahalintulad na yeast culture bilang pampaalsa.

Kaya, hindi katulad sa tuba at sa kabarawan na nakabatay sa natural na proseso ng permentasyon, nakabatay ang permentasyon ng pangasi sa inihahalong tapay. Sapat nang banggitin dito na komplikado ang teknolohiya sa paggawa ng tapay at hindi lahat ng tao sa isang sinaunang lipunan sa Kabisayaan ang may kakayahang gumawa nito.

Ayon kay Scott, ginagamit ang pangasi sa mga ritwal ng mga babaylan (50). Sa kasalukuyan, ginagawa pa rin ang katutubong inuming ito sa ilang mga lokasyon sa Mindanao at Palawan, ngunit hindi na ito matatagpuan sa mga pulo ng Samar at Leyte.

Dahil ang pangasi ay isang inuming nagmumula sa starch ng bigas, o ng anumang kahalintulad na butil, at dahil ito ay isang inumin na hindi destilado, malinaw na ang pangasi ay isang serbesa. Kaya mas naaangkop na tawagin sa wikang Ingles ang pangasi bilang “rice beer” kaysa mas laganap na pagtawag nito bilang “rice wine.”

Intus

Isa ang intus sa mga inuming hindi na matatagpuan ngayon sa mga pulo ng Samar at Leyte. Ayon kay Scott, ang intus, na gawa sa katas ng tubo, ay kilala rin bilang “kilang,” at hinahaluan din ng balat ng puno ng kabarawan (51). Ang katas ng tubo ay pinapakulo hanggang sa mababawasan ang orihinal nitong dami.

“Reduction” ang terminong pangkulinarya para sa prosesong ito, at “itus” naman ang katumbas nito sa wikang Bisaya, kaya tinatawag na “intus” ang inuming ito (tingnan ang anotasyon nina Kobak at Gutierrez sa Alcina, Volume 1, 638). Kapag ang initus na katas ay nangangalahati na sa orihinal nitong dami, “sinubaw” ang tawag sa uri ng intus na magmumula nito. Ang primera klaseng intus ay mas malapot dito at nagmumula sa initus na katas na katumbas na lamang sa ikapat na orihinal nitong dami.

Kapag lumamig na ang initus na katas ng tubo, hinahaluan ito ng balat ng kabarawan para magkakaroon ng karagdagang lasa at amoy at para magkakaroon ito ng mga mikrobyong mahalaga para sa proseso ng permentasyon. Magkahalintulad ang intus ng mga Bisaya at basi ng mga Ilokano. Napatunayan ni Priscilla Chinte-Sanchez, sa kaniyang librong “Philippine Fermented Foods,” na ang mga mikrobyong gumaganap sa proseso ng permenasyon ng basi ay nagmumula sa dahon at bunga ng halamang samak, na inaakala noon na pampalasa at pampaamoy lamang (128). Dahil ang intus at basi ay parehong nagmula sa matagal na pinapakulong katas ng tubo, walang ibang mapagmumulan ang mikrobyong kailangan sa proseso ng permentasyon kung hindi sa balat ng kahoy ng kabarawan at sa dahon at bunga ng halamang samak.

Mahalagang pansinin ang malaking pagkakaiba sa papel ng balat ng kabarawan sa paggawa ng inuming kabarawan at inuming intus. Para sa inuming kabarawan, ang balat ng puno ay pinapakuluan nang husto. Kung pinatay nito ang lahat ng mikrobyo mula sa puno ng kabarawan, hindi ito mahalaga dahil pampalasa at pampaamoy lang naman ang sangkap na ito, dahil ang mikrobyong kailangan para sa permentasyon ay magmumula sa pulot. Para sa inuming intus, idinaragdag ang balat ng kabarawan sa initus na katas ng tubo kapag medyo lumalamig na ang likido.

Dahil ang intus ay isang inuming nagmumula sa asukal na nagmumula sa katas ng tubo at dahil ito ay isang inuming hindi destilado, malinaw na

7KOLONISASYON AT MGA INUMING NAKALALASING F.A. DEMETERIO

ang intus ay isang vino. Naaangkop na tatawagin ito sa wikang Ingles bilang “sugar cane wine.”

Bago tuldukan ng sanaysay na ito ang diskusyon tungkol sa mga katutubong inumin ng mga sinaunang Bisaya, mainam na balikan muna ang usapin tungkol sa iba’t ibang uri ng alak at ihanay ang mga sinaunang inuming ito sa klasipikasyon ng dayagram 1.

Ang alak na nagmumula sa tuba, na mas kilala ngayon bilang lambanog ng Timog Katagalugan, ay angkop na tawaging rum dahil isa itong inuming nagmumula sa asukal na nagmumula naman sa bulaklak ng niyog o nipa at dahil ito rin ay isang inuming destilado. Mas tugma itong tawagin sa wikang Ingles bilang “coconut rum” o “nipa rum” kaysa mas laganap na pagtawag nito bilang “coconut brandy” o “nipa brandy.” Subalit, mahalagang linawin na ang alak ng mga sinaunang Bisaya ay walang kulay, hindi katulad sa modernong lambanog na kadalasan ay hinahaluan ng pasas, o ng ano pa man, para magkakulay at magkaroon ng karagdagang lasa at

amoy. Kaya may pagkakaiba rin ang alak na mula sa tuba sa modernong rum dahil ang modernong rum ay kumukuha ng kulay, lasa at amoy mula sa kahoy na oak.

Ang alak na nagmumula sa intus ay angkop na tawaging rum dahil kahit ang modernong rum ay talaga namang gawa sa tubo at destilado. Kapag ilalagay ang alak na nagmumula sa intus sa isang dram na gawa sa kahoy na oak, wala na itong ipinagkakaiba sa modernong rum.

Ang alak na nagmumula sa pangasi ay pinakamalapit sa vodka ng mga Russo dahil ito ay gawa sa starch, destilado at walang karagdagang pampalasa at pampaamoy.

Ang kasunod na dayagram ay nagpapakita na ang tuba, kabarawan, at intus ay mga uri ng vino, habang ang pangasi ay isang uri ng serbesa. Ipinapakita rin ng hugis na ito na ang alak na nagmumula sa tuba at alak na nagmumula sa intus ay kahalintulad sa modernong rum, habang ang alak na nagmumula sa pangasi ay kahalintulad sa vodka.

Inuming Nakalalasing

Mula sa Asukal Mula sa Starch

Destilado Hindi Destilado

Tuba / Kabarawan /

Intus

Destilado Hindi Destilado

Pangasi

Vino SerbesaMula sa Katas ng Prutas

Mula sa Katas ng Ibang Parte ng

Halaman

Sangkap: Bunga ng Juniper Sangkap: WalaSangkap: Kahoy

na Oak

Alak Tuba / Alak Intus

Brandy Rum / Tequila

Alak Pangasi

Whisky Ginebra Vodka

Dayagram 3: Paghahanay sa mga Katutubong Inumin ng mga Bisaya sa Samar at Leyte sa Iskema na Nag-uuri sa

mga Modernong Nakalalasing na Inumin sa Pilipinas

8 MALAY TOMO XXV BLG. 1

KOLONISASYON AT ANG PAGLAHO NG ALAK, KABARAWAN, PANGASI AT INTUS

Iba’t iba ang kinasapitan ng mga katutubong inuming Bisaya sa Samar at Leyte sa panahon ng mga Espanyol, kaya iba’t iba rin ang kuwento ng kanilang pagkakabura at pananatili sa mga pulong ito.

Ang Paglaho ng Alak

Ang kinasapitan ng alak ay nakaugnay sa ipinairal na monopolyo sa paggawa ng nakalalasing na inumin mula 1712 hanggang sa 1863. Ayon kay Carl Plehn, sa kaniyang sanaysay na “Taxation in the Philippines,” saklaw ng monopolyong ito ang mga “spirituous liquor,” o mga inuming matatapang at dumaan sa proseso ng destilasyon, katulad ng alak, rum, whisky, brandy, at ginebra (141). Sa limang katutubong inumin ng mga Bisaya sa Samar at Leyte, tanging alak lamang ang kasama sa kategoryang “spirituous liquor,” at tanging alak din ang naging apektado sa nasabing monopolyo.

Orihinal na intensiyon ng monopolyo na gabayan ang mga katutubong Pilipino laban sa pagkalulong sa alkohol. Samantala, magkahalong negatibo at positibo ang pananaw ng mga Espanyol sa alak ng mga Bisaya sa Samar at Leyte. Sa isang banda, tinawag ito ni Alcina bilang “the finest and the best wine of any had here,” at gustong-gusto raw ito ng mga Espanyol (Volume 1, 329). Binanggit din ni Colin ang medisinal na bisa ng inumin kapag hindi ito kinukonsumo nang labis (66). Ngunit sa kabilang banda, si Alcina rin mismo ang nagsabi na “if this can burn through cloth and a hand dipped in it, how much more the human entrails” (Volume 1, 347). Ngunit, ang orihinal na moral na pundasyon ng monopolyo ay nagbago nang mapansin ng pamahalaang kolonyal ang laki ng kaniyang kinikita. Kaya sa halip na pigilan ang mga katutubong Pilipino sa pagbili ng alak, pinabayaan na lamang ng pamahalaang kolonyal na lumaklak sila para lalo pang lumobo ang kaniyang kita (Plehn, “Taxation” 142).

Binanggit ni Carl Plehn, sa kaniyang sanaysay na “Taxation in the Philippines II,” na mula sa taunang kita na sampung libong piso noong unang itinatag ang monopolyo, sumipa ito sa mahigit isang milyong piso noong 1860 (142).

Noong mga taong 1859 at 1860, nang umiiral pa ang nasabing monopolyo, ang Alemang etnolohista at orientalistang si Fedor Jagor ay nag-ikot sa kapuluan ng Pilipinas, nagpunta sa isang liblib na pook sa Abuyog, Leyte, at doon ay nabigla nang makakita ng isang nakakubli pang alakan. Makahulugan ang reaksiyon ni Jagor dahil posibleng sa kaniyang mga paglakbay sa iba’t ibang rehiyon sa Pilipinas, hindi na siya nakakita ng pribadong alakan dahil nakumpiska o nawasak na ang mga ito ng pamahalaang kolonyal. Komplikado ang paggawa ng alak dahil komplikado ang teknolohiya ng destilasyon. Kapag napagbawalan ang isa, dalawa o tatlong henerasyon sa pagsasagawa nito, malaki ang tsansang hindi na makapagsasagawa pa nito ang sumusunod na henerasyon, lalo na kung ang mga ito ay nangyayari sa isang lipunang walang tekstuwal na talaan ng kaniyang nakalipas. Ibig sabihin, malaki ang tsansang binura ng monopolyo ang teknolohiya ng paggawa at kultura ng pagkonsumo ng alak ng mga sinaunang Bisaya.

Malaki rin ang tsansa na ang parehong monopolyo na unang lumaganap sa pulo ng Luzon ay siyang nagpalabo sa kahulugan ng salitang “alak” sa Katagalugan. Kapag binuklat ang Diccionario Espanol en Tagalo ni Miguel Ruiz, isang Dominikanong prayle na nabuhay noong huling bahagi ng ika-16 at unang bahagi ng ika-17 na siglo, makikita pa na ang “alak” ng mga sinaunang Tagalog ay walang ipinagkakaiba sa “alak” ng mga sinaunang Bisaya (Fernandez

86). Subalit, nang mabawi ng mga Pilipino sa Timog Katagalugan ang teknolohiya ng paggawa at kultura ng pagkonsumo ng alak mula sa mga mananakop na Espanyol, naiba na ang katawagan sa inuming ito: “lambanog.” Kapag binuklat naman ang Vocabulario de la Lengua Tagala nina Juan de Noceda at Pedro de Sanlucar, na inilimbag noong 1860, matatagpuan nga ang salitang “lambanog,” ngunit ibang-iba pa ang kahulugan nito sa

9KOLONISASYON AT MGA INUMING NAKALALASING F.A. DEMETERIO

kasalukuyan nitong kahulugan bilang destiladong inuming mula sa Timog Katagalugan (169). Ang ibig sabihin ng sinaunang “lambanog” ay “sling shot.”

Ibig sabihin, ang moral na puwersa ng kolonyalismong Espanyol, na siyang orihinal na pinag-uugatan ng monopolyo para sa matatapang na inumin, at ang pang-ekonomiyang puwersa ng parehong kolonyalismo, na siya namang nagpalawig at nagpalawak sa nasabing monopolyo, ang bumura sa teknolohiya ng paggawa at kultura ng pagkonsumo ng alak sa Samar at Leyte.

Ang Paglaho ng Kabarawan

Ang kinasapitan ng kabarawan, bilang inuming gawa sa pulot, ay nakabatay sa kinasapitan ng mga bubuyog ng Kabisayaan nang unti-unting naging komoditi ang kanilang pulot at talo (beeswax) sa ilalim ng kolonyalismong Espanyol. Ayon kay Alcina, may lima hanggang anim na uri ng bubuyog ang matatagpuan sa Kabisayaan at lahat ng mga ito ay may kakayahang gumawa ng pulot at talo: ang lig-wan, bulig, kabulay, kiwot at dalawang klase ng putyutan (Volume 2, 543-549). Ang bulig, kabulay, at kiwot ay hindi gaanong napakinabangan ng mga sinaunang Bisaya sa Samar at Leyte dahil sa mababang kalidad ng kanilang talo o pulot, sa kanilang mababang kakayahang sa paggawa ng pulot, at sa labis na tapang ng kanilang kamandag (Volume 2, 543-547). Kaya ang pangunguha ng pulot at talo ng mga sinaunang Bisaya sa naturang mga pulo ay nakadepende sa lig-wan at sa dalawang klase ng putyukan lamang.

Ayon sa diksiyonaryong online na Binisaya.Com, ang ligwan, o laywan sa Tagalog, ay may siyentipikong pangalan na Apis cerana; at ang putyukan naman, o pukyutan sa Tagalog, ay may siyentipikong pangalan na Apis dorsata (Binisaya.Com). May mga katangian ang dalawang uri ng bubuyog na ito na humantong sa kanilang pagiging bulnerable sa ilang mga pagbabago na kaakibat ng kolonyalismong Espanyol.

Ang mga ligwan, o Apis cerana, ay likas na may mababang kakayahan sa paggawa ng pulot

at talo, may likas na tapang, at may likas na kaugaliang basta na lamang lumisan sa kanilang pugad (Baconawa). Kahit pinagtiyagaan itong domestikahin at kultibahin ng ibang mga Asyano, hindi nakarating ang ganitong teknolohiya sa Pilipinas noong panahon ng mga Espanyol. Dahil dito, kaunti lamang ang nakukuhang pulot at talo ng mga sinaunang Bisaya mula sa ligwan kaya mas umasa sila sa dalawang uri ng putyukan, o Apis dorsata, na likas na may mataas na kakayahan sa paggawa ng pulot at talo. Ayon kay Antonio Baconawa, sa kaniyang sanaysay na “Strategic Framework for Beekeeping Development In The Philippines,” magkasing-produktibo ang putyukan at ang bubuyog ng mga Europeo at Amerikano na Apis millefera. Ngunit ang putyukan ay sadyang hindi maaaring domestikahin at kultibahin

Dahil sa mga nasabing katangian ng ligwan at putyukan, nananatiling hindi domestikado at kultibado ang mga bubuyog sa Kabisayaan, kahit pa dala ng mga Espanyol ang teknolohiya para sa domestikasyon at kultibasyon ng kanilang kanluraning Apis millefera. Bilang implikasyon nito, ang pulot at talo ng mga sinaunang Bisaya ay nakukuha lamang sa pamamagitan ng paghagilap ng mga pugad ng ligwan at putyukang ihalas (wild).

Sa mga panahong mababa pa lamang ang demand para sa pulot, halos wala pang demand para sa talo, at malawak pa ang mga kagubatan, sagana sa pulot ang mga sinaunang Bisaya sa Samar at Leyte para sa kanilang pagkain at sa kinagigiliwang kabarawan. Ngunit nang dumating ang mga Espanyol na may mataas na demand para sa talo, nag-umpisang naging bulnerable ang mga ligwan at putyukan ng Kabisayaan. Sinabi ni Alcina na bago dumating ang mga Espanyol, walang pakialam ang mga sinaunang Bisaya sa talo at itinatapon lamang nila ito matapos mapiga ang nilalamang pulot (Volume 2, 557). Ngunit sa pag-iral ng kolonisasyon, naging isang mahalagang komoditi ang talo na maaari nang ibenta, ipagpalit ng ibang produkto at kolektahin bilang tributo. Mataas ang demand ng mga Espanyol para sa talo dahil ginagawa nila itong kandila, dinadala sa Mexico at bagay na pangkalakal sa mga Tsino

10 MALAY TOMO XXV BLG. 1

at Hapones (Legarda 33-6). Mabilis natutuhan ng mga sinaunang Bisaya sa Samar at Leyte ang pagpapahalaga sa talo sa puntong itinuturing na nila itong bahandi, o kayamanan, at madalas ay ibinabaon pa sa lupa bilang ipon na yaman (Alcina, Volume 2, 557).

Sinabi ni Scott na dahil sa pagsipa sa produksiyon ng talo, sumipa rin ang produksiyon sa pulot na posible namang nagpataas sa produksiyon ng kabarawan (51). Subalit malinaw na ang ganitong sistema ng pangunguha ng pulot at talo ay hindi isang sustenableng proseso. Kung hindi man nito agarang ipinababa ang populasyon ng mga bubuyog, tiyak na itinaboy nito ang mga insekto papasok sa kagubatan. Kapag ipapasok na ang usapin ng unti-unting pagkakalbo ng mga gubat para mabigyang puwang ang mga cash crop na abaka, palay, copra, at tubo, at para makakuha ng mga kahoy na pampatayo ng mga simbahan, bahay, gusali at barko, nagiging mas tiyak ang pinsalang kinasapitan ng mga ligwan at putyukan.

Habang bumagsak ang suplay ng pulot, tumaas naman ang demand nito mula sa dumaraming mga taga-pueblo kung kaya’t tumataas din ang halaga ng pulot, hanggang sa dumating ang puntong hindi na naging praktikal pa para sa mga sinaunang Bisaya sa Samar at Leyte na gumawa at uminom ng kabarawan.

Ibig sabihin, ang pang-ekonomiyang puwersa ng kolonyalismong Espanyol na lumikha ng mga negatibong epekto sa ekolohiya ng mga bubuyog sa Kabisayaan at nagtulak sa presyo ng pulot na pataas nang pataas ang nagdulot ng pagkakabura sa teknolohiya ng paggawa at kultura ng pagkonsumo ng kabarawan.

Ang Paglaho ng Pangasi

Katulad ng kabarawan, ang kinasapitan ng pangasi, bilang inuming gawa sa bigas, ay nakabatay rin sa kuwento ng bigas sa panahon ng kolonyalismong Espanyol. Kung pinabagsak ng kolonisasyon ang suplay ng pulot, kabaligtaran ang naging epekto nito sa suplay ng bigas, dahil ilang beses nitong pinataas ang ani ng palay sa Kabisayaan. Nakapagtatakang isipin kung bakit

sa gitna ng kasaganahan ng bigas ay nabura pa rin ang teknolohiya ng paggawa at kultura ng pagkonsumo ng pangasi sa naturang lokasyon. Sadyang mas komplikado ang kinasapitan ng pangasi kaysa kinasapitan ng kabarawan.

Bago dumating ang mga Espanyol, hindi sapat sa isang taong konsumpsiyon ang naaaning palay sa Kabisayaan. Kaya bukod sa bigas, ang pangunahing pagkain ng mga sinaunang Bisaya ay dawa (millet), mga lagutmon (root crops), saging at sago (Scott 35). Kung ang mga Tagalog ay nagtatanim na noon ng palay pangkaingin (dryland) at palay pangtubigan (wetland), palay pangkaingin lamang itinatanim ng mga sinaunang Bisaya. Dahil ang palay pangkaingin ay maaari lamang itanim sa panahon ng tag-ulan, natural din na mas kaunti ang naaaning palay ng mga sinaunang Bisaya sa loob ng isang taon (Scott 35). Ang pagkain ng dawa, lagutmon, saging at sago bilang alternatibo sa kaning bigas ay tanggap ng mga sinaunang Bisaya sa Samar at Leyte bilang parte ng kanilang nakaugaliang pamumuhay at hindi nila ito itinuring na palatandaan ng kahirapan katulad sa nangyayari sa kasalukuyan (Scott 35).

Subalit, sa mata ng mga Espanyol, mas mahalaga ang bigas kaysa dawa, o sa mga lagutmon o sa saging at sago. Katulad sa talo, tinatanggap din bilang tributo ang bigas. Kaya pinilit ng mga Espanyol ang mga sinaunang Bisaya na pataasin ang kanilang produksiyon sa palay sa pamamagitan ng paggamit ng palay pangtubigan at sa pagpapaunlad sa kanilang teknolohiyang agrikultural, kasama na ang paggamit ng kalabaw sa pagbungkal ng lupa (Pearson 175). Mas produktibo ang palay pangtubigan kaysa palay pangkaingin dahil ang una ay maaaring itanim nang mahigit isang beses sa loob ng isang taon.

Ang paglipat ng mga sinaunang Bisaya mula sa kanilang nakaugalian nang kultibasyon ng palay pangkaingin patungong palay pangtubigan ay maaari nang nagkaroon ng masamang epekto sa produksiyon ng pangasi. Ito ay dahil malaki ang tsansa na ang partikular na uri ng bigas na naaangkop sa paggawa ng inuming

11KOLONISASYON AT MGA INUMING NAKALALASING F.A. DEMETERIO

ito ay naisantabi na dahil sa pagpasok ng mas produktibong palay-pangtubigan. Para sa mga pangkat-etniko sa Cordillera, halimbawa, malinaw na ang kanilang katumbas na tapuy at bayah ay nagmumula lamang sa partikular na uri ng bigas.

Sa pagpilit ng mga Espanyol na pataasin ang produksiyon ng palay, nahubog naman sa kaisipan ng mga sinaunang Bisaya na dapat kaning bigas pala ang kanilang kakainin sa buong taon at ang mga kababayan nilang kumakain ng dawa, mga lagutmon, saging at sago ay mga kawawang pulubi. Makikita dito na ang pang-ekonomiyang interes ng mga Espanyol na makakalap ng mas maraming suplay ng palay at bigas ay humantong sa isang kultural na pagbabago sa diyeta ng mga sinaunang Bisaya sa Samar at Leyte. Tumaas nga ang produksiyon ng bigas, ngunit tumaas din ang konsumpsyon nito.

Malaki ang implikasyon sa pagbabago ng diyeta ng mga sinaunang Bisaya sa kultura ng paggawa at pagkonsumo ng pangasi. Noong bago dumating ang mga Espanyol, malaya silang gumawa ng inuming ito dahil hindi nila iniisip na ang kanilang suplay ng sasainging bigas ay dapat aabot sa ganito o ganyang kahabang panahon. Wala itong pinagkaiba sa kaugalian ng mga kasalukuyang Tagbanwa sa pulo ng Palawan na patuloy pa ring gumagawa at kumukonsumo ng pangasi na tila walang pakialam kung sapat ba ang kanilang sasainging palay sa buong taon dahil wala rin silang pakialam kung kinabukasan ay kakain na sila ng mga alternatibong pagkain (Fox 10). Nang dumating ang mga Espanyol, nagbago ang katayuan ng palay at bigas dahil hindi lamang ito itinuturing na pangunahing pagkain ng mga Pilipino, kundi itinuturing din itong simbolo ng pang-ekonomiyang kaginhawaan ng sinumang may kakayahang kumain nito sa buong taon. Samakatuwid, iniukit ng mga Espanyol sa kamalayan ng mga sinaunang Bisaya sa Samar at Leyte ang kaisipang dapat aabot ng isang taon ang kanilang suplay ng bigas para hindi sila magmumukhang kawawa at mahirap kapag dumating ang puntong kumakain na sila ng dawa, mga lagutmon, saging at sago. Kaya, sa sandaling magbabalak ang mga sinaunang Bisaya

na gumawa ng pangasi, tiyak na magdadalawang isip sila kung gagawin ba nilang inumin ang kanilang naitabing palay o bigas o paabutin nila ito hanggang sa susunod na ani.

Dagdag pa dito, ayon kay M. N. Pearson, sa kaniyang sanaysay na “The Spanish ‘Impact’ on the Philippines, 1565-1770,” sa pagitan pa lamang ng 1570 at 1580, sumipa na ng anim na beses ang presyo ng bigas dahil sa demand mula sa mga Tsino, mga Espanyol at mga Pilipinong naninilbihan sa pamamahay ng mga Espanyol (176). Ibig sabihin, sa biglaang pagiging komoditi ng bigas, tumaas ang presyo nito sa puntong hindi na naging praktikal pa na gawin itong pangasi at sa halip ay mas mainam na ihain na lamang sa hapag. Ang pangasi ng mga Subanon at mga taga-Bukidnon ng pulo ng Mindanao ay gawa sa ordinaryong uri ng bigas, habang ang tapuy at bayah ng mga taga Cordillera ay gawa sa malagkit na uri ng bigas. Hindi na malalaman ngayon kung ang pangasi sa Kabisayaan ay gawa ba sa ordinaryo o sa malagkit na uri ng bigas. Kung nagkataong gawa ito sa malagkit na uri, na may mas mataas pa na presyo, mas lalong hindi na naging praktikal para sa mga sinaunang Bisaya sa Samar at Leyte na ipagpatuloy pa ang ang kanilang teknolohiya sa paggawa at kultura sa pagkonsumo ng pangasi.

Bukod sa pang-ekonomiyang puwersa ng kolonisasyong Espanyol na bumura sa teknolohiya ng paggawa at kultura ng pagkonsumo ng pangasi, malaki ang tsansang may kinalaman ang relihiyosong puwersa ng parehong kolonisasyon sa paglaho ng inuming ito. May kaugnayan kasi ang pangasi sa mga relihiyosong ritwal ng mga sinaunang Bisaya sa Samar at Leyte. Noong 1582, iniulat ni Miguel de Loarca, sa “Relacion de las Yslas Filipinas,” na isa sa mga alay ng mga Bisayang babaylan sa kanilang mga diwata at anito ay ang pangasi (133). Kahit sa kasalukuyang panahon, ginagamit pa rin ng mga Subanon at taga Bukidnon ang pangasi bilang alay sa mga kaluluwa at anito, pati na sa marami nilang relihiyosong ritwal, kasama na ang ritwal sa kasalan (Chinte-Sanchez 105). Para sa mga Tagbanwa, kahit sa isang hindi relihiyosong inuman, kapag

12 MALAY TOMO XXV BLG. 1

sumisipsip na ang mga nakatatandang lalaki at babae mula sa maliit na kawayang nakalagay sa banga ng pangasi, kusa silang nag-aalay ng dasal para sa mga kaluluwa at anito (Fox 13). Sa pulo ng Panay naman, pangasi pa rin ang tawag sa isa sa kanilang mahalagang agrikultural na ritwal, kahit pa man tuba na ang kanilang iniaalay na inumin. Sa Waray-English Dictionary ni George Dewey Tramp, ang pangasi ay may kahulugan na “post wake, pre-burial feast” (501). Ang tapuy at bayah ng Cordillera, kahit pa man iniinom ito sa lahat ng antas ng lipunan, ang malaking parte ng kanilang taunang produksiyon ay nakalaan para sa mga mumbaki at sa mga relihiyosong ritwal (Gibbs at Agcaoili 105). Kaya, malaki ang tsansa na sa pagbura ng mga prayle sa relihiyon ng mga babaylan, napasama ang pagbura sa kultura ng pagkonsumo ng pangasi, pati ang teknolohiya sa paggawa nito.

Dagdag pa dito, kahit hindi destilado ang pangasi, komplikado ang proseso sa paggawa nito dahil komplikado rin ang proseso sa paggawa ng tapay (yeast culture) nito. Ang tapay ng mga sinaunang Bisaya sa Samar at Leyte ay hinahaluan ng lumang tapay. Kaya lumalabas na mas maselan ang teknolohiya sa paggawa ng pangasi kaysa teknolohiya sa paggawa ng alak dahil ang mga mikrobyong nasa tapay ay dapat maisalin mula sa lumang tapay patungo sa bagong tapay. Ibig sabihin, kapag natigil ng ilang taon lamang ang paggawa ng pangasi at walang naitabing lumang tapay ang mga taong gumagawa nito, malaki ang tsansang hindi na sila makagagawa pa muli ng pangasi. Kung madaling mabubura ang teknolohiya ng paggawa ng alak, mas madaling mabubura ang teknolohiya ng paggawa ng pangasi sa konteksto ng sinaunang Kabisayaan.

Ibig sabihin, ang pang-ekonomiyang puwersa ng kolonyalismong Espanyol, na humubog sa palay at bigas bilang isang pangunahing komoditi at nagtulak sa presyo nito pataas nang pataas at ang relihiyosong puwersa ng parehong kolonyalismo, na nagsantabi sa mga relihiyon ng mga babaylan at sa maraming gawaing may kaugnayan dito, ang bumura sa maselang teknolohiya ng paggawa ng pangasi, pati na sa kultura ng mala-relihiyosong pagkonsumo nito.

Ang Paglaho ng Intus

Magkahalintulad ang kinasapitan ng pangasi at intus sa panahon ng pananakop ng mga Espanyol dahil ang palay at ang tubo ay mga produktong parehong may mababang produksiyon at konsumpsiyon noong bago dumating ang mga mananakop at parehong nagkaroon ng mataas na produksiyon at konsumpsiyon sa pag-iral ng kolonisasyon.

Ngunit hindi katulad ng nangyari sa palay na bigla na lamang sumipa ang demand, mas mabagal ang naging transpormasyon ng industriya ng tubo. Ito siguro ang dahilan kung bakit malabo ang naging pagbanggit ni Alcina tungkol sa pangasi, samantalang napakalinaw naman ang kaniyang salaysay tungkol sa intus. Malaki ang tsansa na noong panahong nasa Kabisayaan si Alcina, bihira na lamang ginagawa at kinukonsumo ang pangasi, samantalang patuloy pa rin ang produksiyon at konsumpsyon ng intus. Hindi rin katulad sa bigas na naging isang import na komoditi noong binuksan ang Suez Canal, naging export cash crop at komoditi ang tubo.

Kapag babasahin ang kuwento ni Alcina tungkol sa tubo, makikita na batay sa dami ng pangalan na mayroon ng mga sinaunang Bisaya sa Samar at Leyte para sa mga uri ng tubo, tiyak na mahalaga ang pananim na ito para sa kanila. Ayon kay Alcina, may hindi bababa sa labintatlong uri ng tubo ang matatagpuan sa Kabisayaan: ang pinatong, pinarasan, maburuk, minay, putiyan, dinay, sagao, bulilao, saligi, linuya, ata, tambong, at bukon sin amo (Alcina, Volume 1, 619-623). Ang pinakagusto raw ng mga sinaunang Bisaya ay ang putiyan at dinay, dahil kahit ang mga ito ay hindi ang pinakamakatas at pinakamatamis na uri, sila naman ang pinakamalambot at pinakamabilis tumubo na uri (621 ). Ang mga katangiang ito ay naaangkop sa silbi ng tubo para sa mga sinaunang Bisaya, na walang iba kung hindi bilang pagkaing pinapapak, bilang alternatibong gatas para sa mga sanggol, at bilang pangunahing sangkap ng inuming intus. Hindi gumagawa ng asukal ang mga sinaunang Bisaya dahil umasa sila sa pulot ng mga bubuyog. Wala rin silang gilingan noon at mano-mano lamang nilang dinudurog at pinipiga

13KOLONISASYON AT MGA INUMING NAKALALASING F.A. DEMETERIO

ang tubo gamit ang simpleng kasangkapan na gawa sa kawayan at dalawang bloke ng kahoy na ipinapakita sa kasunod na dayagram:

Dayagram 4: Simpleng Kasangkapan ng mga Sinaunang Bisaya para sa Pagdurog ng Tubo

Dahil walang asukal ang mga sinaunang Bisaya, pati na ang ibang sinaunang Pilipino, ang mga naunang dumating na Espanyol ay kumuha muna ng asukal mula sa Mexico at Tsina (Larkin 21). Kalaunan, sa tulong ng mga Tsino, ipinalaganap ng mga Espanyol ang teknolohiya sa paggawa ng asukal sa pamamagitan ng pagparami ng halamang tubo at paggamit ng gilingan ng mga Tsino na ipinapakita sa kasunod na hugis:

Dayagram 5: Gilingan ng mga Tsino para sa Tubo

Hindi katulad ng simpleng kasangkapan ng mga sinaunang Bisaya, ang gilingan ng mga Tsino ay dumudurog at pumipiga sa tubo gamit ang lakas ng kalabaw o kabayo. Itinuro rin ng mga Espanyol at Tsino kung paano lutuin ang katas ng tubo para maging asukal. Sa halip na putiyan at dinay, na mas gusto ng mga sinaunang Bisaya, mas pinili ng mga dayuhan ang sagao dahil sa

tamis at dami ng katas nito (Alcina, Volume 1, 621). Ang sagao ay ang pinakamatigas sa lahat ng uri ng tubo. Mahirap itong durugin gamit ang simpleng kasangkapan ng mga sinaunang Bisaya, ngunit kayang-kaya itong pigain nang husto ng gilingan ng mga Tsino.

Kahalintulad sa paglipat ng mga sinaunang Bisaya mula sa kultibasyon ng palay-pangkaingin patungong palay-pangtubigan na maaaring nagpahamak sa produksiyon ng pangasi, ang pag-ungos ng sagao sa putiyan at dinay bilang pinakamahalagang uri ng tubo ay maaari ring nagpahamak sa produksiyon ng intus. Ito ay dahil sa ang lumaganap na sagao ay hindi kayang iproseso nang husto ng simpleng kasangkapan ng mga sinaunang Bisaya. Samakatuwid, kung dati-rati ay kaya ng sinumang Bisaya ang bumuo ng simpleng makinarya para sa paggawa ng intus, nang itinatag ng mga Espanyol at Tsino ang industriya ng tubo, tanging ang mga taong may kakayahang magpagawa ng mas makabagong gilingan at bumili ng kalabaw o kabayo na lamang ang maaaring gumawa ng intus.

Habang tumataas ang produksiyon ng asukal, natigil ang pag-angkat nito ng mga Espanyol mula sa Mexico at Tsina. Ngunit tumataas naman ang lokal na konsumpsiyon nito. Ayon kay John Larkin, sa kaniyang aklat na Sugar ang the Origins of Modern Philippine Society, ang pagtaas na ito ay mapapansin sa hanay ng mga indio, lalo na sa mga naghaharing uri at bago sumapit ang kalagitnaan ng ika-17 siglo, sagana na sa asukal ang kapuluan at ginagawa pa raw itong palatandaan kung gaano kayaman ang mga katutubong Pilipino (21). Naging isang mahalagang produkto ang asukal sa mga Tsinong namamalagi na sa bansa dahil ibinibenta nila ito ng bulto-bulto o tingi-tingi at ginagawang kendi at inuming kilala bilang azucar rosado. Ayon kay Larkin, “A census of Manila Chinese establishments in 1745 noted that the sugar dealers’ guild consisted of sixty stores, and the sweetmakers’ guild contained twelve” (22). Ang lokal na konsumpsiyong ito ay nadagdagan pa nang pumasok ang mga Amerikano at Ingles na mamimili noong huling bahagi ng ika-18 na siglo (24).

14 MALAY TOMO XXV BLG. 1

Ang produksiyon at komodipikasyon ng asukal ay may malaking implikasyon sa kultura ng paggawa at pag-inom ng intus. Kung noong bago dumating ang mga Espanyol, malayang gumawa ng intus ang mga sinaunang Bisaya dahil ito naman talaga ay isa sa mga pangunahing silbi ng tubo. Subalit nang dumating ang mga Espanyol, unti-unting pumasok ang ibang mas mahalagang silbi ng tubo. Dahil dito, malaki ang tsansang nagdadalawang isip na ang mga sinaunang Bisaya kung gagawa ba sila ng intus o ng asukal na tiyak na magdudulot sa kanila ng pera.

Mahalagang banggitin dito ang pagkakaiba ng intus ng Bisaya at basi ng mga Ilokano. Ang sinubaw na mahinang klase ng intus ay nakabatay sa pormula ng pag-iitus (reduction) na 2:1, na ibig sabihin, ang dalawang galong katas ng tubo ay dapat kukulo hanggang sa isang galon na lamang ang matitira nito. Ang primera klaseng intus ay nakabatay sa mas malapot na pormula ng pag-iitus na 4:1, na ibig sabihin, ang apat na galong katas ng tubo ay dapat kukulo hanggang sa isang galon na lamang ang matitira nito (Alcina 652). Samantala, ang basi ay nakabatay lamang sa malabnaw na pormula na 4:3, na ibig sabihin, ang apat na galong katas ng tubo ay dapat kukulo hanggang sa tatlong galon pa ang matitira. Samakatuwid, mas malapot kaysa basi kahit ang segunda klaseng sinubaw at lalong mas malapot pa ang primera klaseng intus. Triple ang dami ng tubo ang kinakailangan para sa intus kung ihahambing sa basi. Kaya natural lamang na mas apektado ng komodipikasyon ng tubo at asukal ang kultura ng paggawa at pag-inom ng intus kaysa kultura ng paggawa at pag-inom ng basi. Hindi dapat ipagtaka kung bakit naglaho ang intus ng Kabisayaan habang patuloy pang ginagawa at iniinom ang basi ng Ilokandia.

Ibig sabihin, ang pang-ekonomiyang puwersa ng kolonyalismong Espanyol, na humubog sa tubo bilang isang mahalagang komoditi at nagtulak sa presyo nito pataas, ang bumura sa teknolohiya ng paggawa at kultura ng pag-inom ng intus sa Kabisayaan.

KOLONISASYON AT ANG PAG-USBONG NG TUBA BILANG INUMING BISAYA

Sa naunang seksiyon ng papel na ito, naipakita ang mga negatibong epekto ng kolonisasyon sa teknolohiya ng paggawa at kultura ng pagkonsumo ng inuming alak, kabarawan, pangasi at intus sa mga pulo ng Samar at Leyte. Natukoy na ang kolonisasyong ipinairal ng mga Espanyol ay may mga puwersang moral, pang-ekonomiya at relihiyoso na nagdulot ng paglaho sa mga inuming ito. Sa seksiyong ito, susuriin kung ano naman kaya ang kinalaman ng parehong kolonisasyon sa pagkakabuo ng imahen ng tuba bilang nag-iisa ngayong inuming nakalalasing ng mga Bisaya sa Samar at Leyte.

Ang pinakabentahe ng tuba sa ibang katutubong inuming nakalalasing sa Kabisayaan ay ang kasaganahan ng pinagmumulan nitong puno ng niyog at pagiging simple ng pagkolekta at paggawa nito. Hindi katulad sa alak na kailangan pang ipadaan sa komplikadong proseso ng destilasyon o sa intus na kailangan ng mahabang pagpapakulo at pag-iitus, ang tuba ay halos sinasahod na lamang mula sa puno ng niyog. Hindi katulad sa kabarawan na nangangailangan ng mahirap at mabusising pangangalap ng pulot mula sa kagubatan o sa pangasi na nangangailangan ng mahirap at matagal na pagtatanim at pag-aani ng palay, ang tuba ay halos dumadaloy na lamang mula sa mga punong niyog sa buong taon. Ito ang mga dahilan kung bakit napansin ni Alcina na kahit noon pa man ay talagang mas laganap na ang teknolohiya at kultura ng paggawa at pagkonsumo ng tuba kung ihahambing sa ibang katutubong inumin sa Kabisayaan (Volume 3, 437).

Mahalagang linawin sa puntong ito na kahit likas na mayroong maraming puno ng niyog sa Kabisayaan, may kinalaman ang kolonisasyong Espanyol kung bakit lalo pa itong dumami. Kahit pa man noong panahon pa nina Magellan at Pigafetta, manghang-mangha na ang mga mananakop sa dami ng silbi ng punong ito. Kaya hindi nakapagtataka kung bakit noong 1642, iniutos ng Gobernador Heneral Sebastian Hurtado de Corcuera na ang lahat ng katutubong Pilipino

15KOLONISASYON AT MGA INUMING NAKALALASING F.A. DEMETERIO

ay dapat magtanim ng dalawang daang puno ng niyog (Labadan 19). Ito na ang positibong puwersa mula sa kolonisasyong Espanyol na tumulong sa paghubog sa imahen ng tuba bilang nag-iisa ngayong katutubong inuming nakalalasing ng mga Bisaya sa Samar at Leyte.

Bukod sa natural na bentaheng binanggit ni Alcina at sa karagdagang bentahing ipinunla ni Hurtado de Corcuera, nagkaroon pa ng karagdagang bentahe ang tuba sa ilalim ng umiiral na kolonisasyong Espanyol. Hindi katulad ng matapang na alak na pinagsuspetsahan ng mga mananakop na maaaring pagmumulan ng mga hindi kanais-nais na kilos ng mga Pilipino at ng kanilang pagkakalulong sa inuming ito, positibo ang naging imahen ng tuba sa mata ng mga naturang mananakop. Sa halip, mas napapansin nila ang medisinal na bisa ng inuming ito. Isinulat, halimbawa, ni Alcina:

(It) is a very good medicine which renews the blood, heals the inflammation of the liver, removes congestion of the lungs, settles the stomach and prevents constipation. It may be said that ‘it heals everything.’ For those who were unable to find a remedy for their prolonged infirmities, they found it easy drinking the said tuba (Volume 1, 327-329).

Pinatunayan ni Bruman na kahit sa Mexico, kinilala rin ang medisinal na bisang ito.

It was found in the early days that a stricken Filipino who was suffering from malnutrition would undergo a miraculous improvement on reaching Mexico, mainly because of the availability of fresh food, which, as we now know, abounds in vitamins. And of the best sources of the B complex was the yeast which he got incidentally when he went to drown his sorrow in his native beverage. (217).

Ibig sabihin, hindi naging apektado ang teknolohiya at kultura ng paggawa at pagkonsumo ng tuba sa moral na puwersa ng kolonisasyong Espanyol.

Hindi katulad sa pangasi na nauugnay sa mga ritwal ng babaylan, nanatiling positibo ang imahen

ng tuba sa mata ng mga prayleng Espanyol. Tila kampanteng-kampante pa nga sila sa naturang inumin at minsan ay ginagamit pa nila itong suhol para sa kabataan at ibang Pilipino para mapalapit sa kanila. Binanggit ni Nicholas Cushner, sa kaniyang sanaysay na “Early Jesuit Missionary Methods in the Philippines,” ang ulat ng isang Padre Tomas Montoya na noon ay nakatalaga sa Alang-alang, Leyte: “The boys of the schools must be treated with great kindness and must be allowed good periods of time for play. To them, and to the other natives, some camotes and tuba should be given from time to time to attract them to us and to the instruction” (378).

Ibig sabihin, hindi rin naging apektado ang teknolohiya at kultura ng paggawa at pagkonsumo ng tuba sa relihiyosong puwersa ng kolonisasyong Espanyol.

Higit sa lahat, hindi katulad sa kabarawan, pangasi at intus na lahat ay naisantabi nang rumagasa ang mga pang-ekonomiyang pagbabago na dala-dala ng kolonisasyong Espanyol, nanatiling hindi apektado ang tuba sa mga biglaang pagbabagong ito. Dumaan muna ang ilang siglo bago naging isang ganap na komoditi ang niyog. Noong panahon ni Alcina, ang ibang gamit ng niyog ay limitado lamang sa pagiging pagkain nito para sa mga alagang hayop, pinagkukunan ng gata na sangkap para sa maraming katutubong lutuin, mantika na sangkap din sa kusina, langis para sa mga lampara at pinagkukunan ng materyal para sa kandila at alkitran na ipinapahid sa mga barko para hindi ito pasukin at sirain ng tubig (Alcina, Volume 1, 323-325). Ayon kay Renato Labadan, sa kaniyang librong Coconut: The Philippines’ Money Tree, unang napansin ng kanluran ang niyog bilang industriyal na sangkap noon lamang mga taon sa pagitan ng 1854 at 1880 at unang nag-export ang Pilipinas ng kopra noong 1895, o mga tatlong taon bago magtapos ang kolonisasyong Espanyol (19). Ibig sabihin, hindi rin naging apektado ang teknolohiya at kultura ng paggawa at pagkonsumo ng tuba sa pang-ekonomiyang puwersa ng kolonisasyong Espanyol.

Noong naging ganap nang komoditi ang niyog, bilang kopra, sa panahon ng pananakop

16 MALAY TOMO XXV BLG. 1

ng mga Amerikano, tuluyan nang naglaho ang ibang katutubong inumin ng mga Bisaya at wala na silang alternatibong inumin maliban sa mas mahal na kanluraning inumin katulad ng brandy, tequila, vino, whisky, ginebra, vodka at serbesa. Gayunpaman, kahit naging isang mahalagang komiditi na ang kopra, hindi ito naging isang hadlang para sa mga Bisaya sa Samar at Leyte na ipagpatuloy ang nakaugalian nang teknolohiya at kultura at pagkonsumo ng tuba dahil ang halaga ng tuba ay mas mataas pa rin sa halaga ng kopra. Kaya hindi masamang magkaroon ng iilang puno para sa tuba sa isang plantasyon na para sana sa produksiyon ng kopra.

Ibig sabihin, may mahalagang ambag ang kolonisasyong Espanyol sa paglaganap ng niyog na pinagmumulan ng tuba at hindi naging apektado ang teknolohiya ng paggawa at kultura ng pag-inom ng tuba sa mga moral, pang-ekonomiya at relihiyosong puwersa ng parehong kolonyalismo. Nang unti-unting nabura ang ibang inuming nakalalasing sa Kabisayaan, umusbong naman ang tuba bilang nag-iisa ngayong inuming nakalalasing sa naturang lokasyon.

KONGKLUSYON

Naipakita sa papel na ito na may kinalaman nga ang kolonisasyong Espanyol sa paglaho ng alak, kabarawan, pangasi at intus, pati na sa pag-usbong ng tuba bilang nag-iisa ngayong Bisayang inuming nakalalasing.

Ang komplikadong teknolohiya sa paggawa ng alak ay ipinatigil ng mga Espanyol batay sa ipinairal nilang monopolyo para sa matatapang na inumin. Kahit pa man naitatag itong muli ng mga Pilipino sa Timog Katagalugan bilang teknolohiya sa paggawa ng lambanog, tuluyan na itong nakalimutan ng mga Bisaya. Ang teknolohiya sa paggawa ng kabarawan ay unti-unting isinantabi at tuluyan ring nakalimutan ng mga sinaunang Bisaya noong naging komoditi at tumaas nang tumaas ang presyo ng pulot. Ito ay

may kaugnayan sa labis na pangunguha ng talo na bigla ring naging isang komoditi noong dumating ang mga Espanyol. Ang maselang teknolohiya sa paggawa ng pangasi ay maaaring unti-unti ring isinantabi ng mga sinaunang Bisaya sa Samar at Leyte noong naging isang pangunahing komoditi at tumaas nang tumaas ang presyo ng palay at bigas. Maaari din itong sapilitang ipinagbabawal ng mga mananakop na Espanyol dahil sa matingkad nitong ugnayan sa maraming ritwal ng mga tinutugis na babaylan. Ano man ang tunay na kinasapitan ng teknolohiya sa paggawa ng pangasi, tuluyan na itong nakalimutan ng mga sinaunang Bisaya sa mga pulong ito. Maselan ang teknolohiya nito dahil masyadong komplikado ang proseso sa paggawa ng tapay na siyang ginagamit na pinagmumulan ng mga mikrobyong gumaganap sa permentasyon ng pangasi. Ang teknolohiya sa paggawa ng intus ay unti-unti ring isinantabi at tuluyan ring nakalimutan ng mga sinaunang Bisaya noong naging komoditi ang tubo at asukal.

Sa kabilang banda, nagkaroon ng suporta ang tuba mula sa parehong kolonisasyon at matagumpay itong nakailag sa mga negatibong moral, pang-ekonomiya at relihiyosong puwersa ng naturang kolonisasyon hanggang narating nito ang panahon kung kailan wala na itong kakompetensyang katutubong inumin.

Tama si Alegre nang sinabi niya na ang paglaho ng alak, kabarawan, pangasi at intus ay dulot ng mga pagbabago sa ekolohiya ng Kabisayaan. Ngunit hindi niya nakikita na ang mga mabilisan at malawakang pagbabago sa ekolohiya ng Kabisayaan ay nakaugat din sa mga pagbabagong dala-dala ng mga mananakop na Espanyol. Kung nagawa ni Barthes na suriin ang mga marahas na prosesong nakakubli sa likod ng kaaya-ayang imahen ng vino, matagumpay ring nasuri ng papel na ito ang mga bakas ng kolonyalismong nasa likod ng imahen ng tuba, pati na sa mga halos mabubura nang alaala ng alak, kabarawan, pangasi at intus.

17KOLONISASYON AT MGA INUMING NAKALALASING F.A. DEMETERIO

SANGGUNIAN

Alcina, Francisco. History of the Bisayan People in the Philipine Islands. Volume III. Kobak, Cantius & Gutierrez, Lucio, Trans. Manila: UST Publishing House, 2005. Limbag.

--------. History of the Bisayan People in the Philippine Islands. Volume II. Kobak, Cantius & Gutierrez, Lucio, Trans. Manila: UST Publishing House, 2002. Limbag.

--------. History of the Bisayan People in the Philippine Islands. Volume I. Kobak, Cantius & Gutierrez, Lucio, Trans. Manila: UST Publishing House, 2002. Limbag.

Alegre, Edilberto. Inuming Pinoy. Pasig City: Anvil, 1992. Limbag.

Almario, Virgilio, Ed. UP Diksiyonaryong Filipino. Pasig City: Anvil Publishing, 2001. Limbag.

Baconawa, Antonio. “A Guide to Beekeeping in the Philippines.” In Virtual Beekeeping Gallery. At http://www.imkerei.com/articles/us/beekeeping_philippines.htm. Date Published: Undated. Date Accessed: 30 June 2010. Web.

--------. “Strategic Framework For Beekeeping Development In The Philippines.” In Beekeeping.Com. At http://www.beekeeping.com/articles/us/strategic_framework.htm. Date Published: Undated. Date Accessed: 30 June 2010. Web.

Barthes, Roland. Mythologies. Annette Lavers, Trans. New York: Hill and Wang, 1972. Limbag

Bruman, Henry. “Early Coconut Culture in Western Mexico.” In The Hispanic American Historical Review. Volume 25, Number 2 (May 1945), Pp. 212-223. Limbag.

Chinte-Sanchez, Priscilla. Philippine Fermented Foods: Principles and Technology. Quezon City: University of the Philippines Press, 2008. Limbag. Limbag.

Colin, Francisco. “Ethnological Description of the Filipino Native Races and their Customs, 1663.” In Blair, E. H. & Robertson, A. J., Eds. The Philippine Islands, 1493–1898. Volume 40, Pp. 37-99. In Project Gutenberg. At: http://www.gutenberg.org/files/30253/30253-

h/30253-h.htm#app2. Date Published: 14 October 2009. Date Accessed: 15 June 2010. Web.

Cushner, Nicholas. “Early Jesuit Missionary Methods in the Philippines.” In The America. Volume 15, Number 4 (April 1959), Pp. 361-379. Limbag.

Cutshall, Alden. “Trends of Philippine Sugar Production.” In Economic Geography. Volume 14, Number 2 (April 1938), Pp. 154-158. Limbag.

De Noceda, Juan & De Sanlucar, Pedro. Vocabulario de la Lengua Tagala. Manila: Imprenta de Ramirez y Giraudier, 1860. Limbag.

Fox, Robert. The Rice Wine Complex among the Tagbanuwas of Palawan. Baguio City: University of the Philippines, 1972. Limbag.

Gibbs, H.D. & Agcaoili, F. “The Alcohol Industry of the Philippine Islands, Part III: Fermented Beverages which are not Distilled.” In The Philippine Journal of Science. Volume 7, Number 1 (1912), Pp. 97-120. Limbag.

Gibbs, H.D. “The Alcohol Industry of the Philippine Islands, Part I: Concluded.” In The Philippine Journal of Science. Volume 6, Number 3 (1911), Pp. 147-206. Limbag.

Jagor, Fedor. “Jagor’s Travels in the Philippines.” In Jagor, Fedor, Ed. The Former Philippines Thru Foreign Eyes. Kessinger Publishings, 2004. Limbag.

Labadan, Renato. Coconut: The Philippines’ Money Tree. Manila: RM Labadan and Associates, and University Research and Resource Development, 2006. Limbag.

Larkin, John. Sugar and the Origins of Modern Philippine Society. Berkeley: University of California Press, 1993. Limbag.

Madulid, Domingo. A Dictionary of Philippine Plant Names. Makati City: Bookmark, 2001. Volume I. Limbag.

Pearson, M. N. “The Spanish ‘Impact’ on the Philippines, 1565-1770.” In Journal of the Economic and Social History of the Orient. Volume 12, Number 2 (April 1969), Pp. 165-186. Limbag.

18 MALAY TOMO XXV BLG. 1

Pigafetta, Antonio. First Voyage Around the World. Manila: Filipina Book Guild, 1969. Limbag.

Plehn, Carl. “Taxation in the Philippines II.” In Political Science Quarterly. Volume 17, Number 1 (March 1902). Pp. 125-148. Limbag.

--------. “Commerce and Tariffs in the Philippines.” In The Journal of Political Economy. Volume 10, Number 4 (September 1902). Pp. 501-513. Limbag.

Primavera, Jurgenne, et al. Handbook of Mangroves in the Philippines-Panay. Tigbauan, Iloilo: Southeast Asian Fisheries Development Center, 2004. Limbag.

Scott, William Henry. Barangay: Sixteenth-Century Philippine Culture and Society. Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1994. Limbag.

Tramp, George Dewey. Waray-English Dictionary of the Eastern Visayan Language of Leyte and Samar. Jackson, Michigan:Dunwoody Press, 1999. Limbag.

Wendorf, Horst. “Beekeeping development with Apis mellifera in the Philippines.” In Bees for Development. At http://www.b e e s f o r d e v e l o p m e n t . o rg / i n f o / i n f o /development/beekeeping-development-wi.shtml. Date Published: Undated. Date Accessed: 30 June 2010. Web.