Transcript
Page 1: 02-Noli Me Tangere Deciphered-preliminaryo

PAG-UNAWA SA SIMBOLISMO NG PABALAT NG NOLI ME TANGERE

Ang panulat ang kinikilalang forte ni Rizal sa pagpapahayag ng kaniyang mga kaisipan para sa kaniyang mga kapwa Pilipino. Sa kabila nang kahusayan sa pagsulat ay naroon din ang pagsisikap niya na magkaroon kahusayan sa larangan ng paguhit at iskultura. Sa dalawang sining na ito ay higit kong hinangaan si Rizal bilang iskultor lalo na kung titingnan ang lilok niya na pinamagatang Prometheus Bound. Isang akto ng pagpaparusa ng mga diyos sa titan na si Prometheus dahilan sa pagnanakaw niya ng apoy/liwanag sa mga ito upang upang ipamahagi sa sangkatauhan. Simbolikal ang paglikha ni Rizal sa nasabing iskultura, dahil waring nais niyang ipakita ang kaniyang sarili bilang isang Prometheus na Pilipino na nagtangka na nakawin ang liwanag ng isipan mula sa pagkontrol ng mga dayuhang kaparian ng kolonyal na simbahan at ibalik ito upang magamit ng malaya ng kaniyang mga kababayan.

Nilikha rin niya ang Triump of Death Over Life (TODOL). Isang malagim na obra maestra na naglalarawan ng karupukan ng buhay sa harap ng huling destinasyon ng tao. Ang kamatayan ay malagim na pangitain at nakakatakot na isipin. Sa paglikha ni Rizal sa lilok na ito ay nagawa niyang pagsamahin ang malagim na reyalidad at ang mataas na antas ng kagandahan ng sining.1 Isang sining na nagpapakita ng kakayahan ng may likha na bihagin ang kaniyang takot sa kamatayan at ilarawan ito sa pinakamataas na anyo kagandahan.

Ang sumunod na mahalagang lilok ni Rizal ay ang Triump of Science Over Death (TSOD) kung saan ang isang babae na may hawak ng sulo ng liwanag na nakatuntong sa isang bungo. Nagpapakita ito ng optimitikong bisyon ni Rizal na sa darating na panahon, kung ganap na malaya at adbanse na ang liwanag ng karunungan na sinisimbolo ng sulo na itinataas ng babae, ang kamatayan ay gagapihin na ng siyensiya. Ang lilok na ito ni Rizal ang opisyal na estatwa ng Kolehiyo ng Medisina ng Unibersidad ng Pilipinas.

1 Ang nagsasaliksik ay nagkaroon ng pagkakataon na matingnan ang replica ng TODOL sa Rizal Shrine sa Calamba at napansin ang detalye ng mga kalansay ni Kamatayan at makikita rito ang kahusayan ni Rizal bilang isang iskultor na may ganap na kaalaman sa anatomiya ng tao.

Page 2: 02-Noli Me Tangere Deciphered-preliminaryo

Ang paghanga ng nagsasaliksik sa kahusayan ni Rizal sa larangan ng iskultura ang pansamantalang nagtakip ng kaniyang isipan upang maliitin ang mga likhang guhit ni Rizal. Ito ay dahilan sa hindi niya abot ang kwalida ng kaniyang mga kasabayang sina Luna at Hidalgo at ang kaniyang sining sa pag-guhit ay higit na sketches lamang. Nagbago lamang ang paniniwalang ito ng muling tingnan ng nagsasaliksik ang pabalat ng Noli Me Tangere at pag-aralan ang mga mensahe na nais na ipakita ni Rizal sa kaniyang nilikhang larawan.

Pagpapakilala sa Pabalat

Ang pabalat ng Noli Me Tangere ay idinisenyo mismo ni Rizal para sa kaniyang nobela. Pinili ni Rizal ang mga elemento na kaniyang ipapaloob rito, hindi lamang ang aspekto ng astetiko ang kaniyang naging konsiderasyon, kundi higit sa lahat ay ang aspekto ng simbolismo na nakapaloob dito. Ang pabalat ng Noli Me Tangere ang maituturing na siyang obra maestra ni Rizal sa larangan ng sining ng paguhit. Sa larawan pa lamang ng pabalat ng nobela ay tila ninanais na ni Rizal na magkaroon agad ang kaniyang mga mambabasa ng paunang kabatiran ukol sa nilalaman nito. Ang lalarawan sa pabalat ay isang precis ng mga tatalakayin sa loob ng nobela.

Ang pamagat ng nobela ay umuukopa sa gitna ng mismong pabalat. Tandaan sana na ang kahulugan sa Filipino ng pamagat ay Huwag Mo Akong Hipuin. Nagbibigay kaya si Rizal ng babala sa kaniyang mga mambabasa sa maaring maging eksplosibong epektong panlipunan ng nobela sa kanilang kapanahunan. Maari rin na sa paggamit ni ni Rizal ng pamagat na ito ay ginamit niya ang isa sa kakatwang ugali ng mga Pilipino na hamunin ang mga babala upang patunayan ang katotohanan nito.

2

Page 3: 02-Noli Me Tangere Deciphered-preliminaryo

Ang Paghahati ng Disenyo ng Pabalat

Kung titingnan ang paghahati mula sa ibaba patungo sa itaas ay mapapansin na ang pamagat ay gumagawa nang magkahiway na hugis ng tatsulok sa magkabilang panig. Ang tatsulok sa kaliwa na na makitid ang paanan at lumalapad sa ulunan. Ang tatsulok naman sa kanan na malapad ang paanan at kumikitid naman sa ulunan. Ang kanang bahagi ay kumakatawan sa kapanahunan ni Rizal at ang kaliwa na kumakatawan sa hinaharap na panahon ng bayan.

Mga Kahulugan ng Simbolismo sa Kanang Tatsulok

Mga Kahulugan ng Simbolismo sa Kanang Tatsulok Mula sa ibaba – pataas.

3

Page 4: 02-Noli Me Tangere Deciphered-preliminaryo

Paa ng Prayle – Inilagay ni Rizal sa pinaka-ibabang bahagi ng tatsulok at sumasakop sa halos mahigit sa kalahati ng paanan ng tatsulok. Ang simbolismo ay ginamit upang ipabatid ni Rizal kung sino ang nagpapalakad ng bayan sa kaniyang kapanahunan.

Sapatos sa Paa ng Prayle – Ang paglalagay ni Rizal ng sapatos sa paa ng prayle ay pagbubunyag ng pagiging maluho ng pamumuhay ng mga prayle sa Pilipinas sa kaniyang kapanahunan. Isa sa sinaunang mga kautusan sa mga Pransiskano ay ang hindi pagsusuot ng sapin sa paa.

Nakalabas na Binti sa Ibaba ng Abito – Pagpapahiwatig ni Rizal sa kalaswaan ng pamumuhay ng mga prayle sa Pilipinas na hayagang tinalakay niya sa loob ng nobela. Maari rin na ang nakalabas na balahibo sa binti ng prayle ay isang lihim na paglalarawan ni Rizal sa nakalabas na balahibo ng lobo/ wolf na nakabihis ng damit ng kordero .2

Helmet ng Guardia Sibil – Simbolo ng kapangyarihan ng kolonyal na hukbong sandatahan na nang-aabuso sa mga karapatang pantao ng mga Pilipino sa kaniyang kapanahunan. Pansinin na inilagay ni Rizal ang helmet na parang nakayuko sa tapat ng paanan ng prayle.

Latigo ng Alperes – Simbolo ng kalupitan ng opisyal ng kolonyal na hukbong sandatahan. Maging si Rizal ay naging biktima ng latigo ng alperes sa Calamba, Laguna. Ang paglalagay nito sa pabalat ng nobela ay nagpaparamdam sa atin na hindi niya nalilimutan ang ginawang pagpalo sa kaniya ng latigo. Ang lupit ng latigo ay ilalarawan sa iba’t ibang kabanta ng nobela.

Kadena – Simbolo ng kawalan ng kalayaan ng mga Pilipino sa ilalim ng kolonyal na pamahalaan.

Pamalo sa Penitensiya – tinatawag sa ibang lugar na suplina ay ginagamit ng mga mapanata sa kolonyal na simbahan upang saktan ang kanilang mga sarili (tinatawag na penitensiya) dahilan sa kanilang paniniwala na ito ay isang uri ng paglilinis sa kanilang mga nagawang kasalanan. Para kay Rizal, wari bang hindi pa sapat sa mga Pilipino ang pananakit ng mga guardia sibil at kailangan pang sila pa mismo ang magparusa sa kanilang mga sarili.

Lagda ni Rizal – Mapansin sana na inilagay ni Rizal ang kaniyang lagda sa kanang triyangulo upang ipakita sa mga mambabasa kung saan siyang panahon kabilang.

2 Ang pangungusap na nakaguhit sa itaas ay lihim na ipinahiwatig ni Rizal sa Kabanata 14 noong murahin ni Don Filipo si San Agustin ng “putris”. Maari rin na magamit sa pagpapakahulugan ang paggamit ni Rizal ng akda ni Heine na tatalakayin ng nagsasaliksik sa anotasyon ng Kabanata 1.

4

Page 5: 02-Noli Me Tangere Deciphered-preliminaryo

Halamang Kawayan – Isang mataas ngunit malambot na halaman (sinasabi ng iba na puno at ang iba naman ay damo). Inilagay ni Rizal ang punong kawayan upang ipakita ang pamamaraan ng mga Pilipino sa pakikibagay ng mga Pilipino sa isang mapang-aping lipunan at ito ay ang pagsunod sa ihip ng hangin. Makikita ang katunayan nito sa Kabanata 25

Bahagi ng Manuskrito ng Paghahandog ng Noli Me Tangere – Makikita na bago ang bahagi ng paghahandog ni Rizal sa kaniyang nobela ay ang taong 1887 at paitaas sa nasabing taon ay ang malaking bahagi ng manuskrito ng nobela. Pansinin na pagkatapos ng paghahandog ay unti-unting lumiliit ang panig ng tatsulok. Isa kaya itong paraan ng pagpapahiwatig ni Rizal na nakikini-kinita na niya ang paglaho ng kolonyalismo bilang resulta ng kaniyang nobela?

Mga Kahulugan ng Simbolismo sa Kaliwang Tatsulok

Bulaklak ng Sunflower – ang sunflower ay isang natatanging bulaklak dahilan sa kakayahan nito na sumunod sa oryentasyon ng sikat ng araw. Inilagay ni Rizal ang bulaklak na ito sa layunin na maging halimbawa ng kaniyang mga mababasa na maging ugali na sumunod sa pinagmumulan ng liwanag.

Simetrikal na Sulo – ang sulo ay ginamit ni Rizal na bilang sagisag ng Noli Me Tangere. Kung papansining mabuti ang disenyo ng katawan ng sulo, mapupuna na hindi ginamit ni Rizal ang kawayan na siyang karaniwang sisidlan ng panggatong na nagpapaliwanag ng ilaw at siyang karaniwang disenyo sa paglalarawan ng sulo. Ang paguhit ni Rizal ng sulo ay mula sa disenyong simetrikal na ginagamit sa mga pabalat ng libro sa kaniyang kapanahunan.

5

Page 6: 02-Noli Me Tangere Deciphered-preliminaryo

Ipinapakita rito ni Rizal na ang panggatong na pagmumulan ng apoy o liwanag ay ang mula sa loob ng isang aklat.

Pansining mabuti ang kaayusan ng sulo at oryentasyon ng tatlong bulaklak ng sunflower mapapansin na ang pinakamataas na pinakamaliit ay nakatalikod sa sulo; ang panggitna na katamtamang laki ay nakaharap, at ang nasa ibaba na higit na malaki ay nagsisimulang humarap sa sulo. Ipinakikita ni Rizal ang magiging saloobin sa kaniyang aklat ng mga tao sa ayon sa kinalalagyan nila sa tatsulok ng istrata ng mga uri sa lipunan.

Mapapansin ang salitang “Berlin: - ang lugar kung saan ipinalimbag ni Riza ang Noli Me Tangere. Ang paglalagay ni Rizal sa pangalan ng lungsod ay upang ipaalam ang siyentipikong diwa na namamayani sa lugar na iyon. Isang bagay na kabaligtaran sa lungsod ng Maynila na sentro noon ng panatisismo.3

Ang Bahagi ng Manuskrito ng paghahandog ni Rizal – Pansining mabuti na ang liwanag ng sulo ay nag-ooverlap sa manuskrito ng paghahandog sa kaliwang panig ng pabalat. Ito ay dahilan sa layunin ni Rizal na ipakita na ang kaniyang nobela ang magsisilbing liwanag na pangkaisipan ng bayan upang makita natin ang ating mga kahinaan na siyang dahilan ng ating pagiging kulelat sa karera ng kaunlaran. Maari rin na isang pagpapakita na ang mga taong mayroong sapat na liwanag ng kaisipan lamang ang maaring makatuklas ng tunay na kahulugan ng mga nakatagong mga salita o mga hanay ng salita na nakapaloob sa kaniyang nobela. Ang mga nasa kadiliman naman ang siyang nagnanais na maitago ang liwanag ng Noli Me Tangere upang hindi ito maunawaan ng bayan.

Ulo ng Babae – Maaring maitanong kung sino ang babaeng ito? Ipinakilala ni Rizal ang babae sa pamamagitan ng paglalagay niya harapan ng babae ng pinag-uukulan niya ng kaniyang nobela – A Mi Patria. Kung isasalin ito sa higit na angkop para sa ating wika ay higit nating ginagamit ang Inang Bayan.

Krus – Ang simbolo ng relihiyosidad ng malaking bilang ng mga mamamayang Pilipino. Mapapansin na inilagay ni Rizal ang krus sa halos pinakamataas na lugar ng pabalat. Ipinakikita nito ang mataas nitong katayuan ang kakayahan na makapaghari sa isipan ng Inang Bayan.

3 Ang ukol sa pagpapahuwatig ni Rizal sa Maynila bilang sentro ng panatisismo ay mabibiyan ng paliwanag sa Kabanata

6

Page 7: 02-Noli Me Tangere Deciphered-preliminaryo

Maaring itanong, bakit inilagay ni Rizal ang krus sa pinakamataas na lugar sa pabalat ng nobela. Gayong anti-kolonyal na simbahan ang nilalaman nito?Siguro optical illusion kaya maaring sabihing ang Krus ang pinakamataas na elemento sa pabalat. Ang tunay na pinakamataas na elemento sa pabalat ay ang dulo ng triangulo at ito ay hindi pa nagtatapos at patuloy na lumalapad ayon sa takbo ng panahon. Kung papansinin na mabuti ay hindi na nito abot ang dulo ng triangulo at mayroong nagbabanta pang elemento na nakapaloob sa disenyo na maaring makaagapay sa paglapad ng triangulo sa pagsapit ng panahon.

Pansining Mabuti

Na bago ang krus ay makikita ang supang ng suha na isinama ni Rizal bilang elemento sa disenyo ng pabalat ng kaniyang nobela. Isa sa laganap na paniniwala noon na ang supang ng suha ay mayroong mga sangkap na nakapaglilinis at nakapagpapabango.4 Ang masakit na katotohanan nito, ang pagkakalagay ni Rizal ng supang ng suha sa tabi ng krus ay isa sa kaniyang pinaka-artistikong insulto sa Katolisismo ng kaniyang kapanahunan. Walang pinag-iwan sa isang taong sa mahabang panahon ay hindi naliligo at umaalingasaw na ang mabaho nitong amoy sa kapaligiran at ang ginawa ng isang hindi makatiis ay lagyan sa tabi nito ng isang sabong pampaligo na kasinglaki ng isang bloke ng batong adobe.

Mga Dahon ng Laurel – ang dahon ng laurel ay napakahalaga sa matandang kabihasnang kanluranin. Ito ang ginagawang korona para sa kanilang mga mapagwagi, matatapang matatalino, at mapanlikhaing mamamayan. Mapapansin na ang mga dahon ng laurel ay hindi pa napipitas sa halaman. Isang paglalarawan ng pag-asa ni Rizal na sa pagdating ng panahon ang mga dahon ng laurel na ito pipitasin at ilalagay sa ulo ng mga natatanging mga anak ng bayan. Ang supang ng suha at mga dahon ng laurel ang magpapasibol ng isang pambansang konsensiya ng bayan na nais ni Rizal na sumibol sa kaisipan ng mga Pilipino na noon ay hinahadlangan ng kolonyal na simbahan.

Higit pang dapat na mapansin na ang katabi ng suha at laurel ay ang krus. Ang krus ay gawa sa bato, subalit ang ang halamang suha at laurel ay mga buhay na elemento na maaring lumago sa pagsapit ng panahon. Maminili lamang ang krus, kung siya ay magpapakalinis at

4 Makikita ang katugma nito sa Kabanata 24a

7

Page 8: 02-Noli Me Tangere Deciphered-preliminaryo

makiki-agapay sa pagtalino ng bayan o sa pagdating ng panahon ay matatabunan na lamang siya ng katalinuhan ng bayan na hindi na bulag sa panatisismo.

8